1 Corinto 10
Pag-iwas sa Tukso
Nais mo bang makaiwas ka sa mga tuksong kinakaharap mo? Nagturo si Apostol Pablo ng mahalagang alituntunin na makatutulong sa atin kapag nahaharap tayo sa tukso. Layunin ng lesson na ito na matulungan kang umasa kay Jesucristo upang mapaglabanan mo ang tukso.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Tukso
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol o panoorin ang video na “Saliksikin si Cristo sa Bawat Pag-iisip” mula sa time code na 2:44 hanggang 3:23, na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org.
Sa matalinghagang pananalita, ang pagpapatangay sa tukso ay tulad ng paglalapit ng isang metal na bagay sa isang magnet. Ang di-nakikitang puwersa ng magnet ang nakakaakit sa metal na bagay at humihila rito nang malakas. Mawawala lang ang kapangyarihan ng magnet sa metal na bagay kapag inilayo iyon sa magnet. Samakatuwid, tulad ng magnet na walang kapangyarihan sa isang metal na bagay na malayo rito, kapag pinaglalabanan natin ang tukso, ito ay naglalaho at nawawalan ng kapangyarihan sa ating puso’t isipan at, dahil dito, maging sa mga ginagawa natin.
(Ulisses Soares, “Saliksikin si Cristo sa Bawat Pag-iisip,” Liahona, Nob. 2020, 83)
Habang pinag-aaralan mo ang 1 Corinto 10 , makinig sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo na makatutulong para malaman mo ang magagawa mo upang mapaglabanan ang mga tuksong kinakaharap mo.
Isa sa mga layunin ng mga banal na kasulatan ang matulungan tayong matuto mula sa mga buhay at paghihirap ng mga nauna sa atin (tingnan sa 1 Corinto 10:6, 11 ; Mormon 9:31). Tulad ng nakatala sa 1 Corinto 10 , ginamit ni Pablo ang halimbawa ng pagtawid ng mga Israelita sa Dagat na Pula at ang paglalakbay nila sa ilang habang ipinapaalala niya sa mga taga Corinto ang mga paraan na kasama ng mga Israelita ang Diyos sa kanilang paglalakbay (tingnan sa 1 Corinto 10:1–4).
Pansinin kung ano ang ginawa ng Panginoon para sa mga Israelita at ang titulong ginamit upang ilarawan Siya sa talata 4 .
-
Ano ang matututuhan mo tungkol sa Tagapagligtas mula sa titulong ginamit ni Pablo sa talata 4 ?
Sa kabila ng mga mahimalang paraan ng pagsuporta ng Panginoon sa mga Israelita, may mga pagkakataon na nagpadaig sila sa tukso. Basahin ang 1 Corinto 10:5–11 , at alamin ang mga tuksong sanhi ng pagtalikod ng mga Israelita sa kanilang “Batong espirituwal,” na si Jesucristo.
-
Sa palagay mo, sa anong mga paraan natutulad ang ating mga sitwasyon sa mga sitwasyon ng mga Israelita?
-
Ano ang mga karaniwang tuksong kinakaharap ng mga kabataan na maaaring maging sanhi ng pagtalikod nila sa Tagapagligtas?
Pag-isipan ang mga tuksong kinakaharap mo sa kasalukuyan at kung paanong posible na mailayo ka nito sa “Bato,” na si Jesucristo. Pagnilayan kung paano makakaapekto sa iyong buhay kung mapaglalabanan mo ang mga tuksong ito.
Tutulungan tayo ng Tagapagligtas na mapaglabanan ang tukso
Tandaan na hindi kasalanan ang matukso, ngunit kasalanan ang magpadaig sa tukso. Basahin ang 1 Corinto 10:12–14 , at alamin ang mga alituntuning makatutulong sa iyo para mapaglabanan ang tukso.
-
Ano ang ipinangako ng Diyos na gagawin Niya upang matulungan kang mapaglabanan ang tukso?
-
Anong mga salita o parirala sa mga talatang ito ang naglalarawan sa kung ano ang inaasahan ng Diyos na gawin natin kapag nahaharap tayo sa tukso?
-
Anong mga alituntunin ang natuklasan mo?
Maaaring may natukoy kang alituntuning tulad ng Magbibigay ang Diyos ng paraan upang makaiwas tayo sa tukso, ngunit dapat nating piliing ilayo ang mga sarili natin sa tukso.
Sa buong banal na kasulatan at sa pamamagitan ng Kanyang mga makabagong propeta, tinuruan tayo ng Tagapagligtas kung paano mapaglalabanan ang tukso. Basahin ang mga sumusunod na banal na kasulatan at pahayag ng mga propeta, at alamin ang magagawa mo upang bumaling sa Tagapagligtas at maiwasan ang tukso. Maaari mong iugnay ang mga ito sa 1 Corinto 10:12–14 .
-
Mga Hebreo 4:15–16 (Tandaan: ang high priest na tinutukoy sa mga talatang ito ay si Jesucristo)
-
Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
Inihahatid tayo ng ating pananampalataya kay Jesucristo sa pagsisisi at pagsunod sa Kanyang mga utos. Sumusunod tayo at lumalaban sa tukso sa pagsunod sa panghihikayat ng Espiritu Santo. Pagdating ng panahon magbabago ang likas nating pagkatao. Magiging tulad tayo ng isang maliit na bata, masunurin sa Diyos at mas mapagmahal. Ang pagbabagong iyon, kung gagawin natin ang lahat para mapanatili ito, ay gagawin tayong marapat para matamasa ang mga kaloob na dumarating sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sa gayon ligtas na tayo sa nag-iisang tiyak na saligan.
(Henry B. Eyring, “Tulad sa Isang Bata,” Liahona, Mayo 2006, 16)
-
Ano ang natutuhan mo mula sa mga banal na kasulatang ito at sa pahayag na ito na naghihikayat sa iyong bumaling sa Tagapagligtas upang makaiwas sa tukso?
-
Ano ang ilang paraan na magbibigay ang Diyos ng paraan ng pag-iwas sa tukso?
-
Ano ang magagawa natin upang matukoy at magamit ang mga paraan ng pag-iwas na ibinibigay ng Diyos?
Sagutin ang dalawa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong:
-
Muling isulat ang 1 Corinto 10:14 , at ilagay ang iyong pangalan pagkatapos ng “minamahal ko,” at palitan ang “pagsamba sa diyus-diyosan” ng isang tuksong kinakaharap mo.
-
Itala ang isang karanasan kung saan tinulungan ka ng Tagapagligtas na makaiwas sa tukso. Paano ka matutulungan ng karanasang ito na makaiwas sa mga tukso sa iyo sa kasalukuyan?
-
Magsulat ng mga partikular na hakbang na gagawin mo upang umasa kay Jesucristo at mapaglabanan ang isang tuksong kinakaharap mo.
-
Ano ang natutuhan o nadama mo tungkol sa Tagapagligtas habang pinag-aralan mo ang 1 Corinto 10 ?
-
Paano ito makatutulong para maiwasan mo ang mga tuksong kinakaharap mo?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Paano ako matutulungan ni Jesucristo at ng Espiritu Santo na mapaglabanan ang tukso?
Itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang paglaban sa tukso ay nangangailangan ng habambuhay na pagsisikap at pananampalataya. Ngunit nais kong malaman ninyo na handa tayong tulungan ng Panginoon sa ating mga personal na pagsisikap at nangangako Siya ng mga pambihirang pagpapala kung magtitiis tayo hanggang wakas. …
Mahal kong mga kapatid, pinatototohanan ko na kapag umasa tayo sa bato ng kaligtasan, ang Tagapagligtas ng ating mga kaluluwa, … talagang mag-iibayo ang kakayahan nating kontrolin ang mga iniisip natin. Matitiyak ko sa inyo na lalago ang ating espirituwalidad nang napakabilis, na binabago ang ating puso at ginagawa tayong higit na katulad ni Jesucristo. Bukod pa riyan, ang impluwensya ng Espiritu Santo sa ating buhay ay magiging mas matindi at walang patid. Kaya, ang mga tukso ng kaaway ay unti-unting mawawalan ng kapangyarihan sa atin, na hahantong sa mas masaya at mas dalisay at nakalaan na buhay.
Sa mga yaong sa anumang dahilan ay nahulog sa tukso at patuloy na nag-iisip o gumagawa ng mali, tinitiyak ko sa inyo na may paraan upang makapagsisi at makabalik, na may pag-asa kay Cristo.
(Ulisses Soares, “Saliksikin si Cristo sa Bawat Pag-iisip,” Liahona, Nob. 2020, 83-84)
Itinuro ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang isang alituntunin ng walang-hanggang pag-unlad ay na ang pagpipigil sa sarili at pamumuhay nang matwid ay nagpapalakas sa kakayahan nating labanan ang tukso. Totoo ito sa mga bagay na espirituwal at temporal. …
Bilang bahagi ng plano ng Diyos, ibinigay sa atin ang kaloob na Espiritu Santo. … Isa rin Siyang tinig na nagbabala laban sa kasamaan at isang tinig na nagpoprotekta laban sa panganib. Sa paglalayag natin sa karagatan ng buhay, mahalagang sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Tutulungan tayo ng Espiritu na umiwas sa mga tukso at panganib, at papanatagin at tutulungan tayo sa mga oras ng pagsubok.
(Quentin L. Cook, “Maayos at Organisadong Tulad sa Bristol: Maging Karapat-dapat sa Templo—Madali Man o Mahirap ang Panaho,” Liahona, Nob. 2015, 41–42)
Paano ako makapaghahanda nang mas maaga upang maiwasan ang tukso?
Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985):
Pinakamadaling gumawa ng mga tamang desisyon kapag maaga natin itong ginagawa, na may mithiin sa isipan; hindi tayo lubhang nag-aalala [sa oras ng pagpapasiya], kung kailan pagod na tayo at labis na natutukso. …
Magkaroon ng disiplina sa sarili upang, habang tumatagal, hindi mo na kailangang magpabagu-bago ng pasiya kung ano ang gagawin kapag nahaharap ka sa tukso maya’t maya. Minsan ka lang magpapasiya sa ilang bagay! …
Ang oras ng pagtigil sa paggawa ng kasamaan ay bago pa ito simulan. Ang lihim ng magandang buhay ay nasa pangangalaga at pag-iwas. Ang mga nagpapatangay sa kasamaan ay karaniwang yaong mga isinusubo ang sarili nila sa panganib.
(Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 131–33)
Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral
Ang iyong playbook upang makaiwas sa tukso
Ipatalakay sa mga estudyante ang tungkulin ng isang playbook para sa isang sports team. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga tuksong kinakaharap nila habang pinapanood nila ang “Ang Inyong Priesthood Playbook” mula sa time code na 3:50 hanggang 5:59, na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org. Sa video na ito, tinatalakay ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga paraan na mapaglalabanan natin ang tukso.
Pagkatapos ng video, maaaring bigyan ng oras ang mga estudyante na gumawa ng sarili nilang playbook at plano upang mapaglabanan ang tukso.