Kailangan ang mga Lalaki at mga Babae sa Plano ng Ama sa Langit
Sa iyong pag-aaral ng 1 Corinto 11, natutuhan mo kung paano tinitingnan ng Diyos ang mga natatangi at banal na tungkulin ng mga babae at mga lalaki. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang madagdagan ang iyong kaalaman sa mga turong ito habang isinasaulo mo ang reperensya at mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa 1 Corinto 11:11, maipaliwanag ang doktrina, at maipamuhay ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa sitwasyon sa tunay na buhay.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ipaliwanag at isaulo
Tingnan ang iyong mga kamay. Obserbahan kung paano magkatulad at magkaiba ang mga ito.
Sa iyong palagay, kung kaya ng bawat kamay na gumana nang mag-isa, bakit ginawa ng Ama sa Langit na may dalawang kamay ang Kanyang mga anak?
Paano nakatutulong sa iyo ang mga pagkakaiba sa iyong mga kamay para maisakatuparan ang mga gawain o gamitin ang iyong mga talento?
Paano nauugnay sa 1 Corinto 11:11 ang mga obserbasyong ito tungkol sa iyong mga kamay?
Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa iyo na isaulo ang doctrinal mastery reference na 1 Corinto 11:11 at ang mahalagang parirala nito na, “Sa Panginoon, kailangan ng babae ang lalaki at ang lalaki ay kailangan ng babae.”
Isulat ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan at ang reperensyang banal na kasulatan. Basahin o bigkasin ang parirala at reperensya nang maraming beses, at magbura o mag-delete ng mga salita sa bawat pagkakataon. Magpatuloy hanggang sa maging komportable kang ulitin ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan at reperensya nang hindi tumitingin sa mga salita.
Pagsasanay para sa pagsasabuhay
Sa iyong study journal, isulat ang mga sumusunod na alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman:
Kumilos nang may pananampalataya
Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw
Hangarin na mas makaunawa sa pamamagitan ng mga itinalagang sources na ibinigay ng Diyos
Ilarawan ang bawat alituntunin sa dalawa o tatlong pangungusap. Maaari kang sumangguni sa mga talata 5–12 sa Doctrinal Mastery Core Document (2022) upang masuri ang iyong kaalaman at magdagdag ng anumang mahalagang impormasyon na maaaring nakaligtaan mo.
Sa 1 Corinto 11:11 , natutuhan mo na sa plano ng Ama sa Langit, kailangan ang mga babae at mga lalaki.
Paano nabibigyan ng maling pagpapakahulugan o nababalewala ang katotohanang ito sa lipunan?
Ano ang ilang sitwasyon sa iyong buhay kung saan maaaring nagkaroon ka ng pagkakataong ituro o ipagtanggol ang katotohanang ito?
Pumili ng isa sa mga sumusunod na sitwasyon, at pag-isipan kung paano makatutulong sa isang tao ang pagpapamuhay ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman para maunawaan ang katotohanan mula sa 1 Corinto 11:11 tungkol sa mga tungkulin ng mga lalaki at mga babae sa plano ng Ama sa Langit.
Narinig ng nakababatang kapatid ni Kalee na si Elle na sinabi ng ilang batang lalaki sa paaralan na mas mahalaga ang mga lalaki kaysa mga babae. Tinanong ni Elle si Kalee, “Hindi ba’t mahalaga rin ako tulad ng mga batang lalaki?”
Nag-alala si Reid dahil narinig niya ang ilan sa kanyang mga kapwa miyembro ng korum na nag-uusap tungkol sa mga kababaihan nang walang paggalang.
Pagkatapos manood ng isang sikat na pelikula, pinagtawanan ng isang grupo ng magkakaibigan ang mga nakatatawang ginawa ng gumaganap na ama. Sumang-ayon ang ilan na hindi kailangan ang ama, at sinabi ng isang kaibigan, “Ito ang dahilan kung bakit hindi kailangan ang lalaki sa pagpapalaki ng masayang pamilya.”
Naghahanda sina Esteban at Clara na magpakasal sa templo. Iminungkahi ng kanilang mga magulang na pag-usapan nila kung paano tutuparin ng bawat isa ang iba’t ibang tungkulin at responsibilidad sa kanilang magiging pamilya.
Kumilos nang may pananampalataya
Ano ang mga paraan na magagawa mo o ng indibiduwal sa sitwasyon na kumilos nang may pananampalataya bilang pagtugon sa isyung nabanggit?
Paano makatutulong sa pagsunod mo kay Jesucristo ang pagpapahalaga sa mga natatangi at mahahalagang tungkulin ng mga babae at mga lalaki?
Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw
Ano ang nalalaman mo tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano na makatutulong kung mahaharap ka sa sitwasyong katulad nito?
Ano ang ilan sa mga tungkulin ng mga lalaki at mga babae sa plano ng Ama sa Langit?
Maghanap pa ng impormasyon sa sources na itinalaga ng Diyos
Paano makatutulong sa iyo ang iyong pagkaunawa at patotoo tungkol sa mga katotohanang itinuro sa 1 Corinto 11:11 sa pagtugon sa sitwasyong ito?
Ano pang mga turo na nagbibigay-inspirasyon mula sa mga banal na kasulatan o lider ng Simbahan ang makatutulong sa iyong tumugon nang tapat?