Seminary
1 Corinto 11


1 Corinto 11

Ang mga Natatangi at Banal na Tungkulin ng mga Lalaki at mga Babae

A group of young men and young women hold each other’s hands in a circle and smile at each other to encourage one another.

Habang ipinagpapatuloy ang kanyang pagtuturo at paghihikayat sa mga Banal sa Corinto, itinuro ni Pablo na ang mga lalaki at mga babae ay dapat magtulungan at suportahan ang isa’t isa habang sinusunod nila ang Diyos. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang mas maunawaan kung bakit kailangan ng mga lalaki at mga babae ang isa’t isa upang matamo ang mga pinakadakilang pagpapala sa plano ng Ama sa Langit.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na alalahanin kung kailan sila nakakita ng mga lalaki at mga babae na nagtutulungan at sumusuporta sa isa’t isa. Hikayatin silang pag-isipan kung paano nagdudulot ng magandang impluwensya ang magkakaibang pananaw, kakayahan, at lakas ng mga lalaki at mga babae sa kasal, pamilya, komunidad, at mga ugnayan sa Simbahan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang mga tungkulin ng mga babae at mga lalaki

Bilang isang alternatibo para makapagsimula, maaari kang magpakita ng bahagi ng mensahe ni Pangulong Jean B. Bingham na “Nagkakaisa sa Pagsasakatuparan ng Gawain ng Diyos” mula sa time code na 9:45–10:54.

A couple rides their tandem bike for morning exercise.

Isipin ang mga sumusunod na tanong habang tinitingnan mo ang larawang ito ng magka-team na nakasakay sa isang tandem bike.

  • Anong mga kasanayan o kakayahan ang kinakailangan para matulungang magtagumpay ang team na ito?

  • Paanong ang pagkakaiba ng mga indibiduwal ay nagpapatibay sa kanilang samahan at tumutulong sa kanila na mas magkaisa?

Habang pinag-aaralan mo ang 1 Corinto 11 , pagnilayan kung paano matwid na magtutulungan ang mga lalaki at mga babae bilang magkasama na may pantay na pananagutan upang magampanan ang kanilang mga tungkulin na itinalaga ng Diyos at maging karapat-dapat para sa buhay na walang hanggan.

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na nauugnay ang ilan sa mga turo ni Pablo sa mga partikular na pamantayan sa kultura ng panahong iyon at maaaring mahirap maunawaan ang mga ito. Ipaalala sa mga estudyante na mag-ingat na huwag husgahan ang mga isinulat ni Pablo at ang mga tao noong panahong iyon ayon sa mga pamantayang inihayag ng Panginoon ngayon.

Sa 1 Corinto 11:1–16 , tinalakay ni Pablo ang mga kaugaliang panlipunan ng mga taga Corinto noong panahon niya na hindi naaayon sa pananaw ng Panginoon tungkol sa mga banal na tungkulin ng mga lalaki at mga babae. Mahalagang hindi mapagkamalan ang mga kaugaliang ito bilang mga katotohanan na itinuturo ni Pablo.

Sa pamamagitan ni Apostol Pablo, naghayag ang Panginoon ng mga walang hanggang katotohanan tungkol sa mga banal na tungkulin ng mga lalaki at mga babae sa 1 Corinto 11:11–12 .

Basahin ang 1 Corinto 11:11–12 , at maghanap ng mga katotohanang matututuhan mo tungkol sa Diyos, sa mga lalaki, at mga babae.

Mga babae at mga lalaki na ganap na nakikipagtulungan sa Panginoon

Sa 1 Corinto 11:11 natutuhan natin na sa plano ng Ama sa Langit, kailangan ang mga lalaki at mga babae.

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na pahayag at sabihin sa mga estudyante na basahin at talakayin nang magkakapartner o sa maliliit na grupo ang mga kasunod na tanong. Maaari silang magbahagi sa klase ng mga halimbawa ng mga lalaki at mga babae na nagtutulungan.

Basahin ang mga sumusunod na pahayag mula sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak at mula sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, at alamin ang mga paraan na kinakailangan ang mga lalaki at mga babae sa plano ng Ama sa Langit.

Mula sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak, mababasa natin:

Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo. Ang mga matagumpay na buhay mag-asawa at mag-anak ay itinatatag at pinananatili sa mga alituntunin ng pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, awa, gawa, at kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan. Sa plano ng Diyos, ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at ang may tungkuling maglaan para sa mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan ng kanilang mga mag-anak. Ang mga ina ang may pangunahing tungkulin na mag-aruga sa kanilang mga anak. Sa mga banal na tungkuling ito, ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan.

(“ Ang Mag-Anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo ,” SimbahanniJesucristo.org)

Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Official portrait of President M. Russell Ballard of the Quorum of the Twelve Apostles, 2004.

Sa plano ng ating Ama sa Langit na nagkaloob ng priesthood sa kalalakihan, ang mga lalaki ay may kakaibang responsibilidad na pangasiwaan ang priesthood, ngunit hindi sila ang priesthood. Ang kalalakihan at kababaihan ay may mga tungkulin na magkaiba ngunit parehong mahalaga. Hindi man kayang magdalantao ng babae kung walang lalaki, hindi naman lubos na magagamit ng lalaki ang kapangyarihan ng priesthood para magbuo ng walang-hanggang pamilya kung walang babae. … Sa walang-hanggang pananaw, ang mag-asawa ay parehong may ginagampanan sa kapangyarihang lumikha ng buhay at sa kapangyarihan ng priesthood.

(M. Russell Ballard, “Ito ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian,” Liahona, Mayo 2013, 19)

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Official portrait of President M. Russell Ballard of the Quorum of the Twelve Apostles, 2004.

Ang natatanging kombinasyon ng espirituwal, pisikal, mental, at emosyonal na mga kakayahan kapwa ng mga lalaki at babae ay kinailangan para ipatupad ang plano ng kaligayahan. “Ang babae ay di maaaring walang lalake at ang lalake ay di maaaring walang babae, sa Panginoon” ( 1 Corinto 11:11). Ang lalaki at babae ay nilayong matuto sa isa’t isa, palakasin, pagpalain, at kumpletuhin ang isa’t isa.

(David A. Bednar, “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 41–42)

Bigyan ang mga estudyante ng sapat na oras na talakayin ang nalaman nila at ang anumang tanong nila. Makinig nang mabuti habang sumasagot sila, at maaari kang magtanong ng mga follow-up na katanungan upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pag-unawa, tulad nito: Sa palagay ninyo, bakit mahalagang maunawaan ang turong ito? Ano ang matututuhan natin tungkol sa pananaw ng Ama sa Langit tungkol sa mga babae at mga lalaki? Paano naiiba ang pananaw na ito sa kung paano pinag-uusapan ng mundo ang mga lalaki at mga babae? Paano makaiimpluwensya sa inyong mga pag-uugali at asal ang katotohanang iyon?

  • Sa iyong palagay, bakit sa plano ng Ama sa Langit makakamtan nang magkasama ng mga anak na lalaki at mga anak na babae ang buhay na walang hanggan?

  • Paano ito nagpapakita ng pagmamahal at paggalang ng Ama sa Langit sa mga babae at mga lalaki?

  • Paano makatutulong sa iyo ang pag-unawa sa mga katotohanang ito kapag nahaharap ka sa magkakaibang pananaw tungkol sa mga tungkulin at responsibilidad ng mga lalaki at mga babae?

  • Paano mo maipapamuhay ang mga katotohanang ito tungkol sa mga babae at mga lalaki (halimbawa, sa tahanan, sa simbahan kasama ng iba pang binata o dalaga, habang naghahanda ka para iyong sariling pamilya sa hinaharap)?

Depende sa oras ng klase, maaaring makinabang ang mga estudyante sa patuloy na pag-aaral ng 1 Corinto 11 at pagtalakay ng tungkol sa sacrament. Tingnan ang bahaging “Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral” para sa isang paraan na maaaring pag-aralan ng mga estudyante ang tungkol sa sacrament.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Paano kung hindi magpapakasal o hindi magkakaroon ng anak ang mga taong mahal ko?

Maaaring mag-alala o mag-isip ang ilan tungkol sa kung paano maisasakatuparan sa mga yaong hindi magpapakasal o magkakaroon ng anak ang plano ng Ama sa Langit para sa mga babae at mga lalaki. Dama ang matinding pagkahabag, ipinahayag ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang nakapapanatag na mga salitang ito:

14:43
Final official portrait of Elder Boyd K. Packer, President of the Quorum of the Twelve Apostles, 2000. Passed away 3 July 2015.

Ang mga taong walang asawa o hindi nagkaanak ay kabilang sa walang hanggang pagpapalang hangad nila ngunit, sa ngayon, ay hindi pa nila ito natatamo. …

Ang inyong mga lihim na inaasam at labis na isinasamo ay aantig sa puso ng Ama at ng Anak. Bibigyang-katiyakan Nila kayo na ang buhay ninyo ay mananagana at ang mga pagpapalang kailangan ninyo ay mapapasainyo.

Bilang lingkod ng Panginoon, na gumaganap sa katungkulan kung saan ako inordena, ipinapangako ko sa mga taong nasa gayong kalagayan na walang bagay na mahalaga sa inyong kaligtasan at kadakilaan na ipagkakait sa inyo sa tamang panahon.

(Boyd K. Packer, “Ang Saksi,” Liahona, Mayo 2014, 95)

Bakit gusto ni Satanas na magkawatak-watak ang mga lalaki at mga babae?

Itinuro ni Pangulong Jean B. Bingham, dating General President ng Relief Society:

2:3
Official Portrait of Sister Jean B. Bingham. Photographed in 2017.

Ang kaaway ay bahagyang naging matagumpay sa kanyang mithiin na pag-awayin ang kalalakihan at kababaihan sa kanyang mga pagtatangkang supilin ang ating mga kaluluwa. Alam ni Lucifer na kung masisira niya ang pagkakaisa na nararamdaman ng mga kalalakihan at kababaihan, kung malilito niya tayo tungkol sa ating banal na kahalagahan at mga pinagtipanang tungkulin, magtatagumpay siya sa pagsira ng mga pamilya, na siyang pinakamahalagang bahagi ng kawalang-hanggan.

Nag-uudyok si Satanas ng pagkukumpara na paraan niya para makalikha ng pakiramdam na pagiging mas nakatataas o mas nakabababa, at maitago ang walang-hanggang katotohanan na ang mga likas na pagkakaiba ng mga kalalakihan at kababaihan ay ibinigay ng Diyos at parehong pinahahalagahan. Tinatangka niyang pawalang-halaga ang mga kontribusyon ng mga kababaihan kapwa sa pamilya at sa lipunan, at sa gayong paraan, nababawasan ang kanilang nakapagbibigay-inspirasyong impluwensya para sa kabutihan. Ang kanyang mithiin ay maudyukan sila na magkumpitensya kung sino ang mas maimpluwensya sa halip na ikatuwa ang mga natatanging kontribusyon ng mga kalalakihan at kababaihan na bubuo sa isa’t isa at makaaambag sa pagkakaisa.

(Jean B. Bingham, “Nagkakaisa sa Pagsasakatuparan ng Gawain ng Diyos,” Liahona, Mayo 2020, 60–61)

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

2:3

Paano pinakitunguhan ng Tagapagligtas ang mga babae at mga lalaki

Upang matulungan ang mga estudyante na pag-isipan kung paano nakisalamuha si Jesucristo at paano Niya pinahalagahan ang mga lalaki at mga babae, maaari kang magpakita ng iba’t ibang larawan mula sa Kanyang buhay. Maaaring kabilang dito ang pagpapabangon kay Lazaro, ang babae sa balon, ang babaeng nahuli sa pangangalunya, ang mayamang batang pinuno, si Jairus at ang kanyang anak na babae, ang babaeng dinudugo, at iba pa. Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan kung paano ipinapakita ng halimbawa ng Tagapagligtas kung paano nila dapat pahalagahan at igalang ang mga babae at mga lalaki sa kanilang buhay.

Dapat nating suriin ang ating buhay habang tumatanggap tayo ng sakramento

Maaaring makinabang ang mga estudyante sa pag-aaral ng 1 Corinto 11:23–32 at pagtukoy ng katotohanang nakalista sa itaas (tingnan sa talata 28). Maaaring makatulong na ipaliwanag na ipinaalala ni Pablo sa mga taga Corinto ang tungkol sa Huling Hapunan kung kailan pinasimulan ni Jesucristo ang sacrament bilang pag-alaala sa Kanyang sakripisyo (tingnan sa mga talata 23–27). Pagkatapos tukuyin ng mga estudyante ang katotohanan mula sa talata 28 , maaari mong ibahagi ang pahayag na ito ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95):

Howard W. Hunter

Itinanong ko ito sa aking sarili: “Inuuna ko ba ang Diyos sa lahat ng iba pang bagay at sinusunod ang lahat ng Kanyang utos?” Pagkatapos ay nagmuni-muni ako at nagpasiya. Ang makipagtipan sa Panginoon na laging susundin ang kanyang mga kautusan ay mabigat na obligasyon, at mabigat din ang pagpapanibago ng tipang iyon sa pakikibahagi ng sakramento. Ang mga taimtim na sandali ng pagninilay habang ipinapasa ang sakramento ay may malaking kahalagahan. Ito ang mga sandali ng pagsusuri sa sarili, pagsisiyasat sa sarili, pagkilala sa sarili—isang panahon ng pagninilay at pagpapasiya.

(Howard W. Hunter, “Thoughts on the Sacrament,” Ensign, Mayo 1977, 25)

Pagkatapos ay maaaring pag-isipan ng mga estudyante kung anong mga tanong ang pagninilayan nila sa susunod na linggo sa oras ng sacrament upang suriin ang kanilang buhay. Maaaring ilista ang mga tanong na ito sa pisara.