Seminary
1 Corinto 12


1 Corinto 12

Mga Espirituwal na Kaloob

A group of young men and young women enjoy each others’ company as they visit together in Paris France.

Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Corinto upang tulungan silang matukoy na kailangan nilang makiisa kay Cristo. Itinuro niya na kung matutukoy at magagamit ng lahat ng miyembro ang mga espirituwal na kaloob na natanggap nila mula sa Panginoon, maaari silang maging katulad ng iba’t ibang bahagi ng katawan na nagkakaisang gumagawa. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang matukoy ang mga espirituwal na kaloob na ibinigay sa iyo ng Panginoon upang mapagpala ang iba at mapalakas ang Kanyang Simbahan.

Mga espirituwal na kaloob. Pinagpapala ng Panginoon ang lahat ng miyembro ng Simbahan gamit ang mga espirituwal na kaloob at kakayahan. Sikaping tuklasin, linangin, at palawakin ang mga espirituwal na kaloob na ito upang mapaglingkuran ang bawat estudyante sa seminary, at hikayatin ang mga estudyante na gawin din ito.

Paghahanda ng estudyante: Ipatukoy sa mga estudyante ang isa o dalawang espirituwal na kaloob na naibigay sa kanila. Maaari silang magpatulong sa mga kapamilya o iba pang pinagkakatiwalaang mahal sa buhay para magawa ito. Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang kanilang mga kaloob at kung paano nila ginagamit ang mga ito upang pagpalain ang iba.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagtanggap ng mga kaloob

Maaari kang magdala ng nakabalot na regalo sa klase at ipakita ito sa talakayang ito.

  • Ano ang isang makabuluhang regalo na natanggap mo?

  • Ano ang naging epekto ng regalong ito sa buhay mo? Ano ang nagawa mo dahil dito?

  • Ano ang nadama mo tungkol sa taong nagbigay sa iyo ng regalo?

Habang pinag-aaralan mo ang 1 Corinto 12 , matututuhan mo ang tungkol sa mga espirituwal na kaloob na ibinibigay ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak. Alamin kung bakit Niya ibinibigay ang mga kaloob na ito, at humingi ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo upang matulungan kang tukuyin ang isang kaloob na ibinigay sa iyo.

Binibigyan tayo ng Panginoon ng mga espirituwal na kaloob

“Ang mga espirituwal na kaloob ay mga pagpapala o kakayahan na ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Mga Espirituwal na Kaloob,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/manual/gospel-topics/spiritual-gifts?lang=tgl).

Maaaring makatulong sa mga estudyante na pag-aralan nang grupo-grupo ang mga sumusunod na scripture passage. Magagawa ng bawat miyembro ng grupo na magbasa ng iba’t ibang talata at iulat sa iba nilang kagrupo ang natutuhan nila.

Matuto tungkol sa mga espirituwal na kaloob sa pamamagitan ng pagbabasa ng 1 Corinto 12:3–11 .

  • Ano ang ilang espirituwal na kaloob na nakasulat sa mga talatang ito?

Maraming iba’t ibang espirituwal na kaloob. Upang malaman ang tungkol sa iba pang espirituwal na kaloob, basahin ang Moroni 10:8–18 ; Doktrina at mga Tipan 46:11–26 ; at ang sumusunod na pahayag ni Elder Marvin J. Ashton (1915–94) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Portrait of Marvin J. Ashton.

Hayaan ninyong magbanggit ako ng ilang kaloob na hindi palaging nakikita o kapansin-pansin ngunit napakahalaga … : ang kaloob na paghingi; ang kaloob na pakikinig at paggamit ng marahan at banayad na tinig; ang kaloob na kakayahang tumangis; ang kaloob na pag-iwas sa pagtatalo; … ang kaloob na paghahangad ng matwid; ang kaloob na hindi paghusga; ang kaloob na pagbaling sa Diyos para sa patnubay; … ang kaloob na pangangalaga para sa iba; ang kaloob na kakayahang magnilay; ang kaloob na pag-aalay ng panalangin; ang kaloob na malakas na pagpapatotoo.

(Marvin J. Ashton, “There Are Many Gifts,” Ensign, Nob. 1987, 20)

Matapos magkaroon ang mga estudyante ng oras na mag-aral, anyayahan silang magbahagi ng mga katotohanang natutuhan nila tungkol sa Panginoon at sa mga kaloob na nais Niyang ibigay sa atin.

  • Sino ang binibigyan ng Panginoon ng mga espirituwal na kaloob na ito?

  • Ano ang ipinapaunawa nito sa iyo tungkol sa Panginoon?

Ang isang katotohanang maaari mong matukoy ay binibigyan ng Panginoon ang bawat miyembro ng Kanyang Simbahan ng kahit isang espirituwal na kaloob upang pagpalain ang iba.

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang kanilang mga espirituwal na kaloob. Kung inanyayahan silang gawin ang paghahanda ng estudyante para sa klase, sabihin sa kanila na isipin ang napag-usapan nila ng isang kapamilya o iba pang taong nakausap nila tungkol sa kanilang mga espirituwal na kaloob.

  • Ano ang nadarama mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, nang malaman mong binigyan ka Nila ng espirituwal na kaloob?

  • Paano nakakaimpluwensya ang kaalamang binigyan ka ng espirituwal na kaloob sa paraan ng pagtingin mo sa iyong banal na pagkatao?

  • Sa palagay mo, bakit nagbibigay ang Diyos ng mga espirituwal na kaloob sa bawat miyembro ng Simbahan at hindi lang sa ilang miyembro?

Nais ng Panginoon na pagpalain natin ang isa’t isa

Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang iba’t ibang bahagi ng katawan at kung paano kinakailangan ang bawat isa, maaari kang magpagawa sa mga estudyante ng isang gawain na kakailanganin ang tulong ng maraming miyembro ng klase, tulad ng paglipat ng malaking bagay sa silid-aralan. Ang isa pang opsiyon ay sabihin sa mga estudyante na gumamit lang ng isang kamay habang nagtutulungan silang bumuo ng isang maliit na istruktura, magpunit ng mga piraso ng papel, o magsagawa ng isa pang gawain.

Basahin ang 1 Corinto 12:14–20 para hanapin ang paghahambing na ginamit ni Pablo upang tulungan tayong kilalanin ang kahalagahan ng ating mga indibiduwal na kontribusyon.

  • Saan inihahambing ni Pablo ang Simbahan sa scripture passage na ito? Ano ang itinuturo sa iyo ng paghahambing na ito tungkol sa mga espirituwal na kaloob?

  • Paano ka napagpapala ng mga espirituwal na kaloob ng iba?

2:3

Maaari kang mag-anyaya ng ilang boluntaryo na ibahagi ang mga espirituwal na kaloob na nakikita nila sa kanilang sarili, mga kaklase, o sa iba pa nilang kaedad, at hikayatin silang ipaliwanag kung paano mapagpapala ng mga kaloob na ito ang ibang tao. Bilang titser, isipin kung makikinabang ang sinumang estudyante kapag sinabi sa kanila sa klase o nang pribado, ang mga espirituwal na kaloob na nakikita sa kanila.

Pagnilayan kung paano ka napagpala ng mga espirituwal na kaloob na ibinigay sa iyo at kung paano mo magagamit ang mga ito upang pagpalain ang iyong pamilya, ward, branch, o ang iba pang tao. Maaari mong isulat sa iyong study journal ang anumang impresyon mula sa Espiritu Santo tungkol sa mga kaloob mo.

Talakayin ang ilan o ang lahat ng sumusunod na tanong, o sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga ito sa kanilang study journal.

  • Ano sa palagay mo ang nais ng Panginoon na maunawaan mo tungkol sa sarili mo at sa iyong mga espirituwal na kaloob?

  • Anong paghihikayat ang ibibigay mo sa isang tao na nakadarama na wala siyang espirituwal na kaloob?

  • Ano ang isang espirituwal na kaloob na ninanais mo? Ano ang magagawa mo upang matamo ang kaloob na iyon? (Inaanyayahan tayo ng Panginoon na pagsikapang mithiin ang mga espirituwal na kaloob; tingnan sa 1 Corinto 12:31 ; 14:1 ; Doktrina at Mga Tipan 46:7–9 .)

  • Ano ang ilang paraan na magagamit mo ang iyong mga espirituwal na kaloob upang pagpalain ang iba? Paano ito makatutulong sa iyo na maging higit na katulad ng Tagapagligtas?

Ipabahagi sa mga estudyante ang isang bagay na kanilang isinulat. Maaari kang magbahagi ng personal na karanasan o patotoo tungkol sa mga espirituwal na kaloob.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Paano ko magagamit ang aking mga espirituwal na kaloob upang tulungan ang iba?

Ibinahagi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan, kung paano natin matutularan ang halimbawa ni Jesucristo:

2:3
Official portrait of Elder Dieter F. Uchtdorf of the Quorum of the Twelve Apostles, 2006. Called as Second Counselor in the First Presidency, 3 February 2008. Made official portrait in 2008 replacing portrait taken in 2004.

Kapag iniisip ko ang Tagapagligtas, madalas ko Siyang ilarawan sa aking isipan na nakalahad ang mga kamay, nakaunat para umaliw, magpagaling, magbasbas, at magmahal. At lagi Niyang kinakausap, hindi hinahamak, ang mga tao. Mahal Niya ang mga mapagkumbaba at maaamo at Siya ay nakihalubilo, nagministeryo, at nagbigay ng pag-asa at kaligtasan sa kanila. 

Iyan ang ginawa Niya noong Siya ay nabubuhay; ito ang gagawin Niya kung kapiling natin Siya ngayon; at ito dapat ang ginagawa natin bilang Kanyang mga disipulo at miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. … 

Kapag tinularan natin ang Kanyang perpektong halimbawa, ang ating mga kamay ay maaaring maging Kanyang mga kamay; ang ating mga mata ay Kanyang mga mata; ang ating puso ay Kanyang puso. 

(Dieter F. Uchtdorf, “Kayo ang Aking mga Kamay,” Liahona, Mayo 2010, 68)

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Official portrait of Elder Dieter F. Uchtdorf of the Quorum of the Twelve Apostles, 2006. Called as Second Counselor in the First Presidency, 3 February 2008. Made official portrait in 2008 replacing portrait taken in 2004.

Tumatanggap tayo ng mga espirituwal na kaloob upang pagpalain ang ibang tao. Kung ang hangarin natin ay tumanggap ng kaloob dahil gusto natin ito, malamang na hindi natin ito matatanggap. Kapag hinahangad nating maglingkod sa iba alinsunod sa mga turo ni Jesucristo, bibigyan tayo ng mga espirituwal na kaloob at mas malaking kakayahan na makapaglingkod.

(David A. Bednar, in “Understanding Heavenly Father’s Plan,” ChurchofJesusChrist.org/prophets-and-apostles/unto-all-the-world/understanding-heavenly-fathers-plan)

Ano ang magagawa ko kung hindi ko nadaramang mayroon akong mahalagang espirituwal na kaloob?

2:3

Nagbahagi si Elder John C. Pingree Jr. ng Pitumpu ng halimbawa tungkol sa isang miyembrong babae na nalaman na mayroon siyang espirituwal na kaloob na hindi niya napansin:

Official Portrait of Elder John C. Pingree, Jr. Photographed in March 2017.

Isang araw, isang malungkot na babae ang nagsumamo, “Panginoon, ano po ang ipagagawa ninyo sa akin?” Sumagot Siya, “Pansinin mo ang iba.” Iyan ay espirituwal na kaloob! Mula noon, nakadama siya ng kagalakan sa pagpansin sa iba na madalas makaligtaan, at sa pamamagitan niya ay napagpala ng Diyos ang maraming tao. Bagama’t ang ilan sa mga espirituwal na kaloob ay hindi mahalaga ayon sa mga pamantayan ng mundo, ang mga ito ay mahalaga sa Diyos at sa Kanyang gawain.

(John C. Pingree Jr., “Ako ay May Gawain Para sa Iyo,” Liahona, Nob. 2017, 33–34)

Ano ang dapat kong gawin kapag nakadarama ako ng kakulangan para sa mga tungkulin ko sa Simbahan?

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan:

Official portrait of Elder Dieter F. Uchtdorf of the Quorum of the Twelve Apostles, 2006. Called as Second Counselor in the First Presidency, 3 February 2008. Made official portrait in 2008 replacing portrait taken in 2004.

Maaaring madama ninyo na may ibang higit na may kakayahan o karanasan na makagaganap ng inyong katungkulan at tungkulin kaysa sa inyo, ngunit ibinigay sa inyo ng Panginoon ang responsibilidad na ito nang may dahilan. Maaaring may mga tao at pusong kayo lamang ang makaaantig. Marahil walang makagagawa nito nang katulad nang magagawa ninyo.

(Dieter F. Uchtdorf, “Magbuhat Kung Saan Kayo Nakatayo,” Liahona, Nob. 2008, 56)

Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Mahalaga ang lahat ng tao

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na bagama’t magkakaiba ang lahat, inaanyayahan ang lahat na lumapit kay Cristo at maglingkod sa kanyang Simbahan. Maaaring ilarawan ang lesson na ito gamit ang isang puzzle. Maaari mong isulat ang mga salita sa 1 Corinto 12:12 sa isang papel at pagkatapos ay gupitin ang papel sa iba’t ibang piraso, tulad ng isang puzzle, na bubuuin ng mga estudyante. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang talata at talakayin kung ano ang itinuturo nito tungkol sa Simbahan ni Jesucristo.

2:3