1 Timoteo 4:12–16
“Ikaw ay Maging Halimbawa ng mga Mananampalataya”
Hindi naging madaling ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo sa isang masamang lugar na tulad ng Efeso. Tiyak na ang mga katulad ni Timoteo, na piniling mamuhay nang matwid, ay namukod-tangi sa kanilang mga kaedad. Ngunit hinikayat ni Pablo si Timoteo na huwag padaig sa pambabatikos ng iba tungkol sa kanyang kabataan o sa kanyang pananampalataya at “maging … halimbawa ng mga mananampalataya” (1 Timoteo 4:12). Layunin ng lesson na ito na tulungan kang magsikap na maging halimbawa ng isang disipulo ni Jesucristo sa iyong kabataan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ano ang sinasabi nito tungkol sa iyo?
-
Kung may magmamasid sa iyo sa loob ng isang linggo, anong katibayan ang makikita niya na sinisikap mong sundin si Jesucristo?
-
Ano ang maaari niyang makita sa iyong buhay na maaaring pagbutihin habang sinisikap mong sundin si Cristo?
-
Bakit mahalagang isaalang-alang kung anong halimbawa ang ipinapakita natin sa iba?
Isipin kung gaano ka kakomportable sa pagiging halimbawa ng isang tagasunod ni Jesucristo sa mga nakapaligid sa iyo at bakit.
Sa pag-aaral mo ng lesson na ito, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang matukoy kung paano ka nagpapakita ng halimbawa na tumutulong sa iba at umaakay sa kanila patungo sa Tagapagligtas. Kung hindi ka komportableng maging halimbawa sa iba, alamin ang mga katotohanang makatutulong sa iyo at maghihikayat sa iyo.
Ang paghihikayat ni Pablo kay Timoteo
Kabilang sa Bagong Tipan ang dalawang sulat ni Pablo sa isa sa mga pinakapinagkakatiwalaan niyang kaibigan, si Timoteo (tingnan sa 1 Corinto 4:17). Habang binabasa mo ang sumusunod na impormasyon tungkol kay Timoteo, isipin kung bakit makagagawa ng kaibahan ang kanyang halimbawa sa iba. Nakakaugnay ka ba sa kanya sa anumang paraan?
-
Ang ina at lola ni Timoteo ay mabubuting halimbawa, ngunit ang kanyang ama ay isang Griyegong Gentil na malamang na hindi mananampalataya (tingnan sa Mga Gawa 16:1 ; 2 Timoteo 1:5 ; 3:14–15).
-
Si Timoteo ay naglilingkod bilang pinuno ng Simbahan sa Efeso (tingnan sa 1 Timoteo 1:3), na isang malaking lungsod kung saan laganap ang pagsamba sa mga diyus-diyusan at imoralidad (tingnan sa Mga Gawa 19:35).
-
Ipinahiwatig ni Pablo na nag-alinlangan ang ilang miyembro sa kakayahan ni Timoteo sa pamumuno dahil bata pa ito (tingnan sa 1 Timoteo 4:12).
Basahin ang 1 Timoteo 4:12–16 , at alamin ang ipinayo ni Pablo na gawin ni Timoteo.
-
Ano ang nalaman mo na naging makabuluhan sa iyo?
-
Paano mo ibubuod ang paanyaya ni Pablo mula sa talata 12 at pangako sa talata 16 sa iisang pahayag ng katotohanan?
Itinuro ni Pablo sa 1 Timoteo 4:12, 16 na kung tayo ay mga halimbawa ng mga mananampalataya kay Jesucristo, makatutulong tayong mailigtas ang ating sarili at ang iba.
Ang pagtukoy sa mga listahan sa mga banal na kasulatan ay makatutulong sa atin na makita ang maraming paraan upang ipamuhay ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Sa talata 12 , itinala ni Pablo ang mga aspeto kung saan maaari tayong maging mas katulad ni Cristo upang maging mabubuting halimbawa sa mga nasa paligid natin.
Basahing muli ang talata 12 at markahan ang mga salitang naglalarawan sa bawat aspeto na inanyayahan tayo ni Pablo na pagtuunan ng pansin. Maaari mong kopyahin ang listahang ito sa iyong study journal.
-
Paano mo ipaliliwanag kung ano ang ibig sabihin ng bawat isa sa mga salitang ito? (Kung kinakailangan, gamitin ang mga tool sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan o isang diksyunaryo upang matulungan kang matukoy ang mga ito.)
Makatutulong na malaman na ang salitang pananalita sa talatang ito ay tumutukoy sa ating gawi o pag-uugali.
-
Sino ang kilala mo na mabuting halimbawa sa mga aspetong ito? Paano nakatulong sa iyo at sa iba ang kanilang mga halimbawa?
-
Paano naging perpektong halimbawa si Jesucristo sa mga aspetong ito? Paano ka napagpala at paano napagpala ang iba ng Kanyang halimbawa?
-
Sa iyong palagay, bakit nais ng Panginoon na maging mabuting halimbawa ka sa iba sa mga aspetong ito?
Paano ka magiging mabuting halimbawa?
Maglista ng ilang paraan na maaari kang maging mabuting halimbawa sa mga aspetong pinili mo. Halimbawa, upang maging mabuting halimbawa “sa pananalita,” maaari mong ilista ang ilan sa mga sumusunod na ideya:
-
magpasalamat nang mas madalas
-
bigyan ang mga tao ng mga taos-pusong papuri
-
sabihin ang totoo
-
iwasang magmura
-
ipahayag nang mas madalas ang iyong pagmamahal
-
kausapin ang mga tao nang magalang
-
iwasan ang pagtsitsismis
-
manalangin nang mas taos-puso
Pag-isipan sandali kung paano ka mapagpapala ng Panginoon at ng iba kung magsisikap kang maging halimbawa sa mga paraang ito.
-
Ano ang natutuhan o nadama mo ngayon na tutulong sa iyo na maging mas mabuting halimbawa ng isang disipulo ni Jesucristo?
-
Ano ang gagawin mo upang maging mabuting halimbawang iyon sa iba?
-
Ano ang inaasahan mong ituturo ng iyong halimbawa sa iba tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan? Bakit?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Paano ako magiging mas mabuting halimbawa?
Maaari mong panoorin ang video na ito, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, na nagpapakita ng iba’t ibang paraan na naging mabuting halimbawa ang mga kabataan sa mga tao sa paligid nila. Habang nanonood ka, mag-isip ng mga paraan na maaari kang maging mabuting halimbawa sa iba.
“Pagbabahagi ng Inyong Liwanag” (2:56)
Talaga bang mahalaga ang mabuting halimbawa ko bilang tinedyer?
Itinuro ni Sister Bonnie H. Cordon, Young Women General President, ang kahalagahan ng iyong mabuting halimbawa:
Aking mga minamahal na kaibigan, bakit napakahalaga na magliwanag ang ating ilaw? Sinabi sa atin ng Panginoon na “marami pa sa mundo … na napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan ” [ Doktrina at mga Tipan 123:12]. Maaari tayong tumulong. Maaari na sadya nating gawing mas maliwanag ang ating ilaw upang makita ng iba. Maaari tayong magpaabot ng paanyaya. Maaari nating sabayan sa paglakad ang mga taong gumagawa ng munting hakbang palapit sa Tagapagligtas, gaano man ito kaalanganin. …
Pinatototohanan ko na pagyayamanin ng Panginoon ang bawat mumunting pagsisikap. Magbibigay ng pahiwatig ang Espiritu Santo upang malaman natin kung ano ang sasabihin at gagawin. Sa gayong mga pagsisikap ay maaaring kailanganin nating gumawa ng isang bagay na mahirap para sa atin, ngunit makatitiyak tayo na tutulungan tayo ng Panginoon na magliwanag ang ating ilaw.
(Bonnie H. Cordon, “Upang Makita Nila,” Liahona, Mayo 2020, 80)
Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) ang tungkol sa pagiging mabuting halimbawa:
Maging mabuting halimbawa …. Nasa harapan natin ngayon ang mga oportunidad. Ngunit hindi nagtatagal ang mga ito. Malamang na matagpuan ang mga ito sa sarili nating tahanan at sa araw-araw na ginagawa natin sa buhay. Ipinakita ng ating Panginoon at Guro ang paraan: “[Siya] ay naglilibot na gumagawa ng mabuti.” ( Mga Gawa 10:38 .) Tunay ngang Siya ang huwarang dapat tularan—maging uliran ng mga nagsisisampalataya.
Gayon ba tayo?
(Thomas S. Monson, “An Example of the Believers,” Ensign, Nob. 1992, 98)
1 Timoteo 4:16. Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niyang, “Maililigtas mo ang iyong sarili”?
Bagama’t ginamit ni Pablo ang mga salitang “maililigtas mo ang iyong sarili at ang mga nakikinig sa iyo” ( 1 Timoteo 4:16), nagpatotoo rin siya na tayo ay maliligtas lamang sa pamamagitan ni Jesucristo (tingnan sa 1 Timoteo 1:15–16 ; 2:5–6). Maaari tayong manampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng ating mga pagsisikap at tulutan Siyang iligtas tayo.