Seminary
2 Timoteo 3


2 Timoteo 3

Ang Mga Banal na Kasulatan

Larawan
Book of Mormon in Spanish.

Nahihirapan o kinakabahan ka ba tungkol sa espirituwal na kalagayan ng mundo ngayon? Sa isang sulat kay Timoteo, ipinropesiya ni Pablo na kasama sa mga huling araw ang “mga panahon ng kapighatian” (2 Timoteo 3:1), ngunit itinuro din niya na binigyan ka ng Panginoon ng kaloob na mga banal na kasulatan upang tulungan ka sa mga panahon ng kapighatian (tingnan sa 2 Timoteo 3:14–17). Layunin ng lesson na ito na tulungan kang madama ang hangaring pag-aralan ang mga banal na kasulatan, na makatutulong sa iyo na maprotektahan ka laban sa mga kasamaan sa ating panahon.

Pagpapatotoo tungkol sa mga pagpapala ng araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Patotohanan nang madalas ang mga pagpapalang nagmumula sa araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at anyayahan ang mga estudyante na patotohanan ang mga pagpapalang natatanggap nila mula sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Paghahanda ng estudyante: Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018): “Ang paggugol ng oras sa bawat araw sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay hindi mapag-aalinlangang nagpapatibay ng mga saligan ng pananampalataya at ng patotoo natin sa katotohanan” (“Saligang Kaytibay,” Liahona, Nob. 2006, 68). Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang pahayag na ito at mag-isip ng mga personal na karanasan na nagpapakitang totoo ito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang mga huling araw

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na tumayo. Sabihin sa kanila na ipagpalagay na kumakatawan ang isang pader sa silid sa pasasalamat na mabuhay sa panahong ito sa kasaysayan ng mundo, at kumakatawan ang katapat ng pader sa pangamba tungkol dito. Sabihin sa kanila na lumipat sa isa sa mga pader o tumayo sa gitna ng dalawang pader na pinakamahusay na kumakatawan sa kanilang nadarama. Anyayahan ang ilang estudyante na ipaliwanag kung bakit ganoon ang nadarama nila.

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, at isipin kung bakit nagpapadama sa iyo ng pasasalamat, pangamba, o pareho ang pamumuhay sa panahong ito.

Larawan
Official portrait of Elder Neil L. Andersen of the Quorum of the Twelve Apostles, 2010, August.

Nabubuhay tayo sa mapaghamon, ngunit kamangha-manghang panahon. …

Alam natin na habang papalapit tayo sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas na ang ating mundo ay mapupuno ng kaguluhan at kalituhan. Marami sa lipunan ang babalewalain ang mga kautusan ng Diyos. Madalas kong banggitin ang pahayag na ito ni Pangulong Thomas S. Monson: “Noon halos lahat ng pamantayan ng Simbahan at ng lipunan ay magkatugma, ngayo’y may malawak na puwang sa ating pagitan, at lumalawak pa ito.”

(Neil L. Andersen, “A Compensatory Spiritual Power for the Righteous” [Brigham Young University Education Week devotional, Ago. 18, 2015], speeches.byu.edu)

  • Sa anong mga paraan kamangha-mangha ang panahon kung kailan tayo nabubuhay?

  • Ano ang maaaring magbigay ng pangamba sa iyo tungkol sa pamumuhay sa mundong inilarawan ni Elder Andersen?

Sa pag-aaral mo ng lesson na ito, maghanap ng mga paraan na mapagmahal na nagbigay ang Diyos ng tulong para sa pagkalito, mga espirituwal na panganib, o pagkabalisa na maaari mong madama mula sa mga kalagayan ng mundo.

Basahin ang 2 Timoteo 3:1–7, 12–13 ; 4:3–4 , at alamin ang mga paglalarawan ni Pablo sa mga panganib sa mga huling araw.

  • Anong mga halimbawa ng mga kalagayang inilarawan ni Pablo ang nakita mo sa mundo ngayon?

Isang kaloob mula sa Diyos

Hindi tayo pinababayaan ng Ama sa Langit na harapin ang mga panganib sa mga huling araw nang mag-isa. Sa Kanyang awa at pagmamahal, binigyan Niya tayo ng maraming kamangha-manghang kaloob.

Sinabi pa ni Elder Andersen:

Larawan
Official portrait of Elder Neil L. Andersen of the Quorum of the Twelve Apostles, 2010, August.

Habang tinatahak natin ang mundong hindi gaanong nakatuon sa mga utos ng Diyos, tiyak na magiging madasalin tayo, ngunit hindi natin kailangang labis na mag-alala. Pagpapalain ng Panginoon ang Kanyang mga Banal ng karagdagang espirituwal na lakas na kailangan upang maharap ang mga hamon sa ating panahon.

(Neil L. Andersen, “A Compensatory Spiritual Power for the Righteous” [Brigham Young University Education Week devotional, Ago. 18, 2015], speeches.byu.edu)

Basahin ang 2 Timoteo 3:14–17 , at alamin ang isa sa mga kaloob na ibinigay ng Diyos upang tulungan tayo sa mga panganib sa ating panahon.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nahanap nila.

  • Ano ang ilan sa mga pagpapalang matatanggap natin mula sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na napansin mo sa mga talatang ito?

Maaaring makatulong na ilista sa pisara ang mga pagpapalang tutukuyin ng mga estudyante. Kung nahihirapan ang mga estudyante na tumukoy ng mga pagpapala, maaaring idagdag sa listahan ang ilan sa mga sumusunod.

Ang pag-aaral ng banal na kasulatan ay makatutulong sa iyo na:

  1. Palalimin ang iyong pananampalataya kay Jesucristo.

  2. Tumanggap ng karunungan at tagubilin sa mga sitwasyong kinakaharap mo.

  3. Unawain ang doktrina o mga katotohanan ng ebanghelyo.

  4. Iwasto ang mga maling ideya o hindi magagandang gawi.

  5. Maging higit na katulad ni Jesucristo.

  • Paano mo ibubuod ang itinuro ni Pablo tungkol sa pag-aaral ng banal na kasulatan?

Ang isang paraan na maibubuod ng mga estudyante ang mga turo ni Pablo ay ito: kapag pinag-aralan natin ang mga banal na kasulatan, magkakaroon tayo ng karunungan na aakay sa atin tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo. Maaari mong isulat sa pisara ang ilan sa mga buod ng mga estudyante.

Sa iyong study journal, sumulat ng isang pagkakataon kung kailan nakatulong sa iyo ang mga banal na kasulatan sa isa sa mga paraang inilarawan ni Pablo. Kung wala kang maisip na karanasan, isulat kung bakit sa palagay mo ay makatutulong sa iyo ang mga banal na kasulatan sa isa sa mga paraang inilarawan ni Pablo.

Maaari mong ipabahagi o ipabuod sa ilang boluntaryo ang isinulat nila.

  • Ano ang ibang mga paraan na mapagpapala ka ng Panginoon habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan?

  • Ibinigay sa iyo ng Panginoon ang kaloob na mga banal na kasulatan upang tulungan ka sa mga huling araw. Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Kanya?

Paggamit ng mga banal na kasulatan

Maaari mong hayaan ang mga estudyante na gumawa sa maliliit na grupo upang gawin ang sumusunod na aktibidad.

Upang magsanay na gamitin ang mga banal na kasulatan para mapalakas ang iyong pananampalataya kay Jesucristo, pumili ng dalawa sa mga hamon sa mga huling araw na ipinropesiya ni Pablo sa 2 Timoteo 3:1–7, 12–13 ; 4:3–4 , o pumili ng iba’t ibang hamong nauugnay sa iyong buhay. Maghanap ng mga scripture passage na makatutulong sa isang tao na nahaharap sa mga hamong ito. Maaaring makatulong na saliksikin ang mahahalagang salita sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org. O maaari kang pumili ng ilan sa mga paborito mong banal na kasulatan at pagkatapos ay magpasya kung alin sa mga hamon sa mga huling araw ang matutulungan ng mga ito.

  • Anong mga scripture passage ang nahanap mo na makatutulong sa isang tao na nahaharap sa mga partikular na hamon? Ipaliwanag kung paano makatutulong ang mga ito.

Ang iyong mithiin sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong pagnilayan ang kanilang mga mithiin sa araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaaring nahihirapan ang ilang estudyante na tuparin ang mithiing itinakda nila. Ang karanasan sa pag-aaral sa lesson na “Doctrinal Mastery: 2 Timoteo 3:15–17” ay magbibigay sa mga estudyante ng pagkakataong pag-isipan kung paano madaraig ang mga balakid sa araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan na maaari nilang makaharap.

Ipinaalala ni Pablo kay Timoteo na mapalad si Timoteo na nalaman nito ang mga banal na kasulatan noong bata pa ito (tingnan sa 2 Timoteo 3:15). Gayundin, pagpapalain ka ng Ama sa Langit sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa iyong kabataan. Maglaan ng ilang minuto upang mapanalanging magtakda ng mithiin o pag-isipan ang iyong kasalukuyang mithiin para sa personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw. Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

  • Kumusta ang ginagawa mo para makamit mo ang iyong mithiin?

  • Paano nakatutulong sa iyo ang iyong mithiin na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo at madaig ang mga hamon sa ating panahon?

  • Sa iyong palagay, anong mga pagbabago, kung mayroon man, ang dapat mong gawin sa iyong mithiin?

Maaari mong ipabahagi sa mga estudyante ang kanilang sagot sa pangalawang tanong sa itaas.

Sabihin sa mga estudyante na ipasa ang kanilang mithiin kung sa palagay nila ay makatutulong ito sa kanila para makamit nila ito.

Maaari mong sabihin sa iyong titser, magulang, o iba pang pinagkakatiwalaan mo ang tungkol sa iyong mithiin sa pag-aaral ng banal na kasulatan at anyayahan silang mag-follow up sa iyo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Paano ko mauunawaan ang mga panganib na nakalista sa 2 Timoteo 3:1–7 ?

Maaaring makatulong ang sumusunod na kahulugan:

  • “[Ang] walang katutubong pag-ibig” ( 2 Timoteo 3:3) ay maaaring kabilangan ng mga pag-uugaling nauugnay sa kawalan ng damdamin o pagmamalasakit, pagkapoot at pagkamuhi, o mga pagnanasang humahantong sa seksuwal na imoralidad

  • “Palalo” ( 2 Timothy 3:4), ibig sabihin ay mayabang, mapagmataas

Paano ko mas mauunawaan ang 2 Timoteo 3:16–17 ?

Maaari mong basahin ang artikulong “Line upon Line: 2 Timothy 3:16–17” (New Era, Abr. 2012, 19), na naglalaman ng mga tulong sa salita, komentaryo ng propeta, at paliwanag na maaaring makatulong sa iyo na mas maunawaan ang mga talatang ito.

Paano ako matutulungan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

Sinabi ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Final official portrait of Elder Richard G. Scott of the Quorum of the Twelve Apostles, 2004. Passed away 22 September 2015.

Nakakausap natin ang Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Kadalasan ay nakikipag-ugnayan Siya sa atin sa pamamagitan ng Kanyang nakasulat na salita. Para malaman kung ano ang tunog at pakiramdam ng marinig ang tinig ng Diyos, basahin ang Kanyang mga salita, pag-aralan ang mga banal na kasulatan, at pagnilayan ang mga ito. Gawing mahalagang bahagi ito ng buhay araw-araw. …

Sa araw-araw at patuloy na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, makasusumpong kayo ng kapayapaan sa kaligaligang nakapaligid sa inyo at ng lakas na labanan ang mga tukso. Magkakaroon kayo ng malakas na pananampalataya sa biyaya ng Diyos at malalaman ninyo na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay maitatama ang lahat ayon sa takdang panahon ng Diyos.

(Richard G. Scott, “Unahin Ninyong Manampalataya,” Liahona, Nob. 2014, 93–94)

Ano ang magandang pananaw ko tungkol sa hinaharap kung tila salungat ang direksyon ng lipunan sa mga kautusan ng Diyos?

Ano ang ilang paraan na epektibo kong mapag-aaralan ang mga banal na kasulatan?

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Ang halimbawa ng Tagapagligtas

Rebyuhin ang Mateo 4:1–11 kasama ang mga estudyante upang makita kung paano ginamit ng Tagapagligtas ang mga banal na kasulatan upang madaig ang mga panganib at tuksong naranasan Niya.

Iba’t ibang paraan upang matuto mula sa mga banal na kasulatan

Bago anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang kanilang personal na mithiin sa pag-aaral ng banal na kasulatan, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang bawat salita na naglalarawan ng mga paraan na magagamit natin ang ating mga banal na kasulatan.

“Dapat tayong umasa at lumapit kay Cristo, na siyang ‘bukal ng mga buhay na tubig’ ( 1 Nephi 11:25 ; ihambing sa Eter 8:26 ; 12:28), sa pamamagitan ng pagbabasa (tingnan sa Mosias 1:5), pag-aaral (tingnan sa [ Doktrina at mga Tipan 26:1 ]), pagsasaliksik (tingnan sa Juan 5:39 ; Alma 17:2), at pagpapakabusog (tingnan sa 2 Nephi 32:3) sa mga salita ni Cristo na nakapaloob sa mga banal na kasulatan. Sa paggawa nito, makatatanggap tayo ng espirituwal na patnubay at proteksyon sa ating mortal na paglalakbay” (David A. Bednar, “A Reservoir of Living Water” [Church Educational System fireside para sa mga young adult, Peb. 4, 2007], 2, broadcasts.ChurchofJesusChrist.org).

Sabihin sa mga estudyante na ilarawan kung paano nila maipamumuhay sa kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ang bawat isa sa mga salitang matutukoy nila.

Print