Seminary
2 Timoteo 4


2 Timoteo 4

“Iningatan Ko ang Pananampalataya”

Ang pamumuhay sa ebanghelyo ni Jesucristo ay nagpapala sa atin sa maraming paraan. Bagama’t daranas tayo ng mga pagsubok at pag-uusig, sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, maaari tayong manatiling matatag hanggang wakas. Matapos ang ilang dekada ng pagsisikap na sundin ang Tagapagligtas, alam ni Pablo na malapit na siyang patayin. Sa kanyang huling liham kay Timoteo, ipinahayag niya kung bakit ang pananatiling tapat ay mahalaga sa kanya at sa lahat ng tao na pinipili ang magtiis nang may pananampalataya. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang maging tapat o manatiling tapat na disipulo ni Jesucristo sa habang buhay.

Pagtulong sa mga estudyante na tumukoy ng mga paanyayang “maghanap”. Sa pagsisimula ng lesson, kadalasan ay may paanyaya sa mga estudyante na hanapin ang doktrina, mga katotohanan, o alituntunin na lalabas sa nilalaman ng banal na kasulatan. Maaaring makatulong na ipakita ang gusto mong hanapin ng mga estudyante. Ang paggawa nito ay makatutulong sa mga estudyante na mapanatili sa kanilang isipan ang paanyayang maghanap habang pinag-aaralan nila ang scripture block.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng scripture passage na maaari nilang ibahagi sa isang tao na pinanghihinaan ng loob na magsikap na sundin si Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Matapat na pagtitiis

Sa sumusunod na aktibidad, maging sensitibo sa mga estudyante na maaaring may malubhang sakit o may kaibigan o kapamilya na pumanaw kamakailan.

Isipin kung ano kaya ang pakiramdam kapag alam mong malapit ka nang pumanaw.

Maaari mong ipasulat sa mga estudyante ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal. Pagkatapos ay ipabahagi sa ilang estudyante sa klase ang kanilang mga sagot sa huling tanong.

  • Ano ang inaasahan mong masasabi mo tungkol sa iyong buhay kapag dumating ang araw na iyon?

  • Ano ang magiging mahalaga sa iyo sa panahong iyon? Ano ang hindi magiging mahalaga?

  • Sa iyong palagay, paano makakaapekto sa iyo sa panahong iyon ang mga pagsisikap mong sundin ang Tagapagligtas sa buong buhay mo?

Pagkalipas ng ilang dekada ng magiting na paglilingkod bilang disipulo ni Jesucristo, sumulat si Pablo kay Timoteo mula sa isang bilangguan sa Roma nang nalalamang malapit na siyang patayin. Malamang na ito ang huling sulat ni Pablo na kasama sa Bagong Tipan. Mapalad tayong mabasa ang ilan sa mga huling saloobin ng dakilang taong ito habang pinagninilayan niya ang kanyang buhay at ang kanyang papalapit na kamatayan.

Inihambing ni Pablo ang kanyang mga pagsisikap na manatiling tapat sa dalawang magkaibang bagay na kanyang ginawa. Basahin ang 2 Timoteo 4:6–7 , at alamin ang mga paghahambing ni Pablo.

Two men in a park boxing in a boxing ring with a man acting as Referee.
Two young men are outside. They are running on a track. This is in Lisbon, Portugal.

Maaari mong ipakita ang dalawang larawang ito habang tinatalakay ng mga estudyante ang sumusunod na tanong.

  • Bakit maaaring maging epektibong paghahambing ang pakikipaglaban sa mabuting pakikipaglaban at pagtatapos ng takbuhin sa pag-iingat ng ating pananampalataya kay Jesucristo sa buong buhay natin?

Pagnilayan sandali ang kalagayan mo sa bahaging ito ng iyong buhay sa iyong takbuhin o sa iyong pakikipaglaban upang manatiling tapat kay Cristo. Ikaw ba ay napagod, natalo, o nasugatan? Natukso ka na bang sumuko? Paano ka tinulungan ng Tagapagligtas sa mga sitwasyong ito? Habang nag-aaral ka ngayon, isipin kung bakit magiging mahalaga para sa iyo na magpatuloy sa takbuhin o ipaglaban ang laban ng pagkadisipulo.

Ang ibinibigay ng Tagapagligtas sa matatapat

Basahin ang 2 Timoteo 4:8 , at alamin ang mga pagpapalang inihanda ng Tagapagligtas para kay Pablo at sa lahat ng tapat na nagtitiis.

Ang putong na ito ay simbolo ng buhay na walang hanggan sa piling ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, na kilala rin bilang kadakilaan.

  • Sa iyong palagay, bakit inilarawan ni Pablo ang pagpapalang ito na ibinibigay sa atin ni Jesucristo bilang “putong ng katuwiran”?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa scripture passage na ito ay ito: Dahil kay Jesucristo, lahat ng tapat na nagtitiis hanggang wakas ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.

  • Ano ang ibig sabihin sa iyo ng pariralang “magtiis hanggang wakas”? Sa anong mga paraan mo kailangang magtiis ngayon? Bakit nagiging mahirap ang pagtitiis hanggang wakas?

  • Sa anong mga paraan nagiging perpektong halimbawa ang Tagapagligtas ng pagtitiis hanggang wakas? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:16–19).

  • Paano nakaapekto sa atin ang pagtitiis ng Tagapagligtas hanggang wakas?

Maglaan ng oras upang pag-isipan kung sino ang maaaring maapektuhan ng iyong pagpili na magtiis hanggang wakas.

Maaari mong bigyan ang bawat estudyante ng maliit na piraso ng papel. Sabihin sa bawat estudyante na magsulat nang hindi nagpapakilala at magpasa ng maikling sitwasyon kung saan maaaring matukso ang isang tao na tumigil na magsikap na sundin si Jesucristo. (Maaaring isa rin itong tunay na dahilan kung bakit nagpasiya ang isang mahal sa buhay na tumigil sa pagsunod kay Jesucristo.) Ang mga papel na ito ay maaaring muling ipamahagi kalaunan sa lesson o basahin at gamitin sa iba pang paraan upang matulungan ang mga estudyante na maiugnay ang lesson sa kanilang buhay.

Ang ating pag-asa ay na kay Jesucristo

Ipinaliwanag ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol na dahil napakahirap magtiis hanggang wakas, hindi tayo magtatagumpay nang mag-isa. Itinuro niya:

Final official portrait of Elder L. Tom Perry of the Quorum of the Twelve Apostles, 2004. Passed away 30 May 2015.

Ang magtiis hanggang wakas ay isang bagay na talagang hindi ninyo magagawa nang mag-isa. … Kailangan nito ang mapantubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas.

(L. Tom Perry, “Ang Ebanghelyo ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2008, 46)

Tulad ni Pablo, marami pang iba ang nagtiis hanggang wakas sa tulong ng Tagapagligtas. Basahin ang dalawa sa mga sumusunod na scripture passage sa Aklat ni Mormon. Alamin kung paano nakaimpluwensya ang pakikipag-ugnayan sa Tagapagligtas sa bawat isa sa mga propetang ito nang tapat silang nagtiis at humarap sa kanilang nalalapit na kamatayan.

Maaari ding anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa mula sa sarili nilang pamilya ng tungkol sa kapayapaan na madarama kapag malapit nang mamatay ang isang tao matapos ang buong buhay na pagsisikap na sundin si Jesucristo.

Lehi: 2 Nephi 1:14–15

Enos: Enos 1:27

Moroni: Moroni 10:32–34

  • Paano inilarawan ng mga disipulong ito ang kanilang pakikipag-ugnayan kay Jesucristo?

  • Paano nakaapekto ang pakikipag-ugnayang iyon sa nadarama nila tungkol sa kanilang kamatayan?

Anong payo ang ibibigay mo?

Maaari mong ipamahagi muli sa iba’t ibang estudyante ang mga papel na pinasa ng mga estudyante na may mga sitwasyon na maaaring tumukso sa isang tao na itigil ang pagsisikap na sundin si Jesucristo.

Ipakita ang mga sumusunod na tanong, at bigyan ang mga estudyante ng oras na isipin ang mga ito kasama ng sitwasyong natanggap nila. Pagkatapos ay ipabahagi sa mga boluntaryo kung ano ang maaari nilang sabihin sa isang tao sa ganoong sitwasyon, kahit na hindi nito direktang sinasagot ang mga tanong. Ipabahagi rin sa mga estudyanteng nakakumpleto ng paghahanda ng estudyante ang banal na kasulatan na nahanap nila.

  • Ano ang maipapayo mo sa isang tapat na taong nag-aalala na hindi sapat ang lakas niyang makapagtiis?

  • Ano ang sasabihin mo sa isang taong tumigil na sa pagsunod sa Tagapagligtas at nadarama ngayon na huli na ang lahat upang magsimulang muli? Paano mo magagamit ang halimbawa ng buhay ni Pablo upang tulungan siyang makita na matutulungan tayo ng Tagapagligtas na magbago at magsimulang muli?

  • Anong mga hakbang ang maaari niyang gawin upang humingi ng tulong sa Tagapagligtas?

Ano ang mensahe para sa iyo?

Bumalik sa 2 Timoteo 4 at basahin ang mga talata 6–8, 18. Ipagpalagay na ikaw ay nasa panahong hinaharap, at masasabi mo ang sinabi ni Pablo habang papalapit ka na sa pagwawakas ng iyong buhay. Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano sa palagay mo ang mensahe ng Ama sa Langit sa iyo?

  • Paano nakatulong sa iyo ang natutuhan at nadama mo ngayon na mas maunawaan na kailangan mo si Jesucristo?

  • Ano ang nahihikayat kang gawin?

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Paano tayo magtitiis hanggang wakas?

Ipinaliwanag ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Final official portrait of Elder L. Tom Perry of the Quorum of the Twelve Apostles, 2004. Passed away 30 May 2015.

Ang pagtitiis hanggang wakas ay nangangailangan ng katapatan hanggang sa kahuli-hulihang sandali, tulad ng nangyari kay Pablo, na nagsabi kay Timoteo, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya” ( II Kay Timoteo 4:7). Malinaw na hindi ito madaling gawain. Nilayon ito na maging mahirap, mapanghamon, at, sa huli, pinagbubuti nito ang paghahanda nating makabalik sa piling ng ating Ama sa Langit at matanggap ang mga walang hanggang pagpapala.

(L. Tom Perry, “Ang Ebanghelyo ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2008, 46)

2:6

//media.ldscdn.org/webvtt/scripture-and-lesson-support/doctrine-and-covenants-visual-resource/2010-07-019-endure-to-the-end-en.vtt

Paano kung mahirap kung minsan na makita ang mga pagpapala ng pananatiling tapat?

Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Official Portrait of Elder Jeffrey R. Holland. Photographed January 2018.

Huwag kang bibitiw. Magpatuloy ka sa paglakad. Subukan mo nang subukan. May tulong at kaligayahan sa banda riyan. … Magiging maayos ang lahat sa huli. Manalig ka sa Diyos at maniwala sa mabubuting bagay na darating.

… May mga pagpapalang dumarating kaagad, ang ilan ay matagal pa, at ang ilan ay hindi dumarating hangga’t wala pa tayo sa kabilang buhay; ngunit para sa mga tumatangap sa ebanghelyo ni Jesucristo, dumarating ang mga ito.

(Jeffrey R. Holland, “An High Priest of Good Things to Come,” Ensign, Nob. 1999, 38)

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Matuturuan tayo ng aklat na Filemon tungkol sa Tagapagligtas

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na impormasyon tungkol sa sitwasyon na binanggit ni Pablo sa kanyang sulat:

Si Filemon ay may isang tagapaglingkod, o alipin, na nagngangalang Onesimo na tumakas at maaaring may ninakaw kay Filemon (tingnan sa Filemon 1:18). Ang pang-aalipin ay hindi itinuturing na masama sa kulturang Judio-Kristiyano sa panahon ni Pablo at sinusuportahan ito ng batas ng mga Romano. Kabilang sa kaparusahang ipinapataw sa mga tumakas na alipin ay pagpalo nang matindi, paglalagay ng tanda sa noo, o pagpatay sa kanila. Matapos niyang tumakas, nakilala ni Onesimo si Apostol Pablo at nagbalik-loob siya sa ebanghelyo ni Jesucristo. Hinikayat ni Pablo si Onesimo na bumalik kay Filemon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Filemon 1:8–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbabasa, at alamin kung ano ang ipinakiusap o hiniling ni Pablo na gawin ni Filemon.

Pagkatapos ay ipabasa sa mga estudyante ang Filemon 1:15–19 at ihambing ang sinabi ni Pablo at ang inialok niyang gawin para kay Onesimo sa mga ginagawa ng Tagapagligtas para sa bawat isa sa atin.

2 Timoteo 4:8. Binibigyan tayo ni Jesucristo ng pag-asa para sa ating kinabukasan sa kabila ng ating mga nagawang pagkakamali noon

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang katiyakan ni Pablo sa walang-hanggang gantimpala (tingnan sa 2 Timoteo 4:8) ay hindi dumating dahil hindi siya kailanman nakagawa ng mga pagkakamali. Sa katunayan, noong mas bata pa siya, nang kilala siya bilang si Saulo, nilabanan niya ang Simbahan ng Tagapagligtas (tingnan sa Mga Gawa 8:3 ; 9:1–2). Sa paggunita sa kanyang buhay, inilarawan ni Pablo ang kanyang nakababatang sarili bilang “pangunahin” sa mga makasalanan (tingnan sa 1 Timoteo 1:15). Maaari sanang natukso si Pablo na sumuko dahil sa mga dati niyang kasalanan at kahinaan.

Ipabasa sa mga estudyante ang 1 Timoteo 1:12–17 at markahan ang isang bagay sa bawat talata na nagpapakita ng tiwala ni Pablo na maililigtas siya ni Jesucristo, kaysa ng kanyang sariling lakas.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung alin sa mga talatang ito ang pinakamakabuluhan sa kanila at bakit.

Sabihin sa kanila na ibuod ang mensahe ni Pablo sa isang taong tila gusto nang sumuko dahil sa mga nagawa nitong pagkakamali noon o mga kahinaan sa kasalukuyan.