Mga Gawa 22–23, 26–28
Kasama ni Pablo ang Panginoon
Habang nakagapos at napaliligiran ng mga Judio na gusto siyang patayin, si Pablo ay tumayo sa mga baytang ng Muog ng Antonia sa Jerusalem at matapang na nagpatotoo tungkol sa kanyang pagbabalik-loob kay Jesucristo. Pagkatapos mabilanggo si Pablo, dinalaw siya ng Tagapagligtas at nangako na mapapatotohanan Siya ni Pablo sa Roma. Kalaunan ay nakaranas si Pablo ng maraming pagsubok na naging dahilan kung bakit tila hindi matutupad ang pangakong ito. Ang lesson na ito ay nagbibigay ng buod para sa Mga Gawa 22–23, 26–28 at naglalayong palakasin ang iyong tiwala na tutuparin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang Kanilang mga pangako habang nagsisikap kang paglingkuran Sila.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Sino ang pinagkakatiwalaan mo?
Sino ang pagkakatiwalaan mong gawin ang mga sumusunod at bakit?
-
Piliin ang isusuot mo
-
Piliin kung saan ka titira
-
Palaging tinutupad ang kanilang mga pangako
-
Hindi ka iiwan kapag may mga problema
Sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Alin sa mga bagay na ito ang pinakamahalaga sa iyo? Bakit?
-
Paano nakatutulong sa iyo ang pagkakaroon ng mga tao sa iyong buhay na mapagkakatiwalaan mo?
Pag-isipan sandali kung gaano ka nagtitiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Naniniwala ka bang tutuparin Nila ang Kanilang mga pangako sa iyo? Naniniwala ka bang hindi ka Nila iiwan kapag may mga problema? Pagkakatiwalaan mo ba Sila nang husto upang hayaan Silang gabayan ka araw-araw? Bakit oo o bakit hindi?Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, maghanap ng mga salaysay na makatutulong sa iyong mapatibay ang iyong tiwala na tutuparin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang Kanilang mga pangako habang nagsisikap kang paglingkuran Sila.
Bumalik si Pablo sa Jerusalem
Pagkatapos ng kanyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, bumalik si Pablo sa Jerusalem upang magpatotoo tungkol kay Cristo. Kinaladkad siya mula sa templo ng isang grupo ng mga Judio na gusto siyang patayin ngunit sinagip siya ng mga kawal na Romano. Dinala siya sa mga baytang ng Muog ng Antonia at pinahintulutang magsalita (tingnan sa Mga Gawa 21). Nagpatotoo si Pablo tungkol sa kanyang pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa tagubilin ng Tagapagligtas na mangaral sa mga Gentil. Muling nagalit ang mga Judio, at pinabalik si Pablo sa muog para sa kanyang kaligtasan (tingnan sa Mga Gawa 22 ; 23:1–10).
Basahin ang Mga Gawa 23:11, at alamin ang sinabi at ginawa ng Tagapagligtas para kay Pablo.
-
Ano ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa sinabi at ginawa Niya sa talatang ito?
-
Paano ipinakita ng Tagapagligtas ang isa sa mga katotohanang ito sa iyong buhay o sa buhay ng isang taong kilala mo?
Ang mga pangako ng Tagapagligtas
Ang karanasan ni Pablo ay isang halimbawa ng pagtupad ng Tagapagligtas sa Kanyang pangako na makakasama Siya ng mga Apostol habang ipinangangaral nila ang ebanghelyo (tingnan sa Mateo 28:19–20).
Sa iyong study journal, gumawa ng chart na katulad ng nasa ibaba. Sa buong lesson na ito, ilista ang mga pangako ng Panginoon sa kaliwang bahagi ng chart at ang katuparan ng mga pangakong iyon sa kanan.
Mga Pangako |
Katuparan ng mga pangako |
Si Jesus ay makakasama ng mga Apostol habang ipinangangaral nila ang ebanghelyo (tingnan sa Mateo 28:19–20). Magpapatotoo si Pablo sa Roma (tingnan sa Mga Gawa 23:11). |
Lumapit si Jesus kay Pablo sa muog pagkatapos mangaral ni Pablo (tingnan sa Mga Gawa 23:11). |
Gumawa ang Tagapagligtas ng mga karagdagang pangako sa Kanyang mga Apostol.
Basahin ang Mateo 10:18–20 at Marcos 16:17–18 .Tukuyin ang mga pangako ng Tagapagligtas, at isulat ang mga ito sa kaliwang column ng iyong chart.
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng mga pangakong ito tungkol kay Jesucristo?
Patuloy na pinatotohanan ni Pablo si Cristo
Basahin ang mga sumusunod na buod, at pag-isipan kung ano ang madarama mo kung ikaw ang nasa katayuan ni Pablo. Pagkatapos ay basahin ang mga talatang nakalista pagkatapos ng bawat sitwasyon upang makita kung paano kumilos si Pablo at kung paano natupad ang mga pangako ng Panginoon. Idagdag ang mga natupad na pangakong makikita mo sa kanang bahagi ng chart sa iyong study journal.
-
Si Pablo ay nilitis sa harap ng mga gobernador at hari ng Roma; Mga Gawa 26:1–2, 22–23 .
-
Si Pablo ay ipinadala sa isang barkong patungong Roma ngunit natangay ang barko ng matinding bagyong nagtangkang palubugin sila; Mga Gawa 27:22, 25, 41, 44 .
-
Si Pablo ay napadpad sa isang isla kung saan natuklaw siya ng ulupong; Mga Gawa 28:4–6 .
-
Sa wakas ay nakarating si Pablo sa Roma; Mga Gawa 28:16, 30–31 .
Marami ka pang matututuhan tungkol sa mga salaysay na ito sa mga susunod na lesson.
-
Ano ang mga pangakong nakita mong natupad?
-
Bakit mahalaga sa iyo na tinutupad ni Jesucristo ang Kanyang mga pangako?
-
Paano nakakaimpluwensya ang kaalamang tinutupad ng Tagapagligtas ang Kanyang mga pangako sa iyong nadarama sa Kanya at sa hangarin mong makinig at sumunod sa Kanya?
Bagama’t inaanyayahan tayo ng Diyos na magsikap na maglingkod sa Kanya, hindi Niya inaasahan na magiging perpekto tayo bago Niya tuparin ang Kanyang mga pangako sa atin. Kahit dumanas si Pablo ng maraming pagsubok (tingnan sa 2 Corinto 11:23–27) at hindi siya perpekto (tingnan sa 1 Timoteo 1:15), tinupad pa rin ng Diyos ang Kanyang mga pangako kay Pablo.
Mga pangakong natupad sa iyong buhay
Pag-isipan ang mga ipinangako sa iyo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Lahat ng napakadakila at mahahalagang pangakong ibinibigay ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak ay hindi mabibilang o mailalarawan nang lubusan. Gayunman, kahit [ang] iilan lamang na mga ipinangakong [pagpapala] … ay sapat nang dahilan para tayo ay “mamangha,” at “magpatirapa at sambahin ang Ama” sa pangalan ni Jesucristo.
(David A. Bednar, “Napakadakila at Mahahalagang Pangako,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 91)
Ang mga sumusunod na resource ay naglalaman ng mga ipinangako sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
-
Para sa Lakas ng mga Kabataan(buklet, 2011)
-
Ang iyong patriarchal blessing (kung natanggap mo ito)
Pumili ng ilan sa mga resource na ito upang pag-aralan. Habang tumutukoy ka ng mga pangako, idagdag ang mga ito sa kaliwang bahagi ng chart sa iyong study journal.
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng mga pangakong ito tungkol sa mga ninanais ng Tagapagligtas para sa iyo?
Tingnan ang listahan ng mga pangakong natukoy mo. Hingin ang impluwensya ng Espiritu Santo habang pinagninilayan mo kung paano maaaring natupad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang mga pangakong iyon sa iyong buhay. Sa kanang column ng chart sa iyong study journal, magdagdag ng maikling paglalarawan kung paano Nila tinupad ang isa o mahigit pa sa mga pangakong iyon o ang anumang karagdagang pangakong maiisip mo. Halimbawa, ang pagdama sa impluwensya ng Espiritu Santo ay maaaring maging katuparan ng mga pangakong ginawa sa mga panalangin sa sakramento (tingnan sa Moroni 4:3 ; 5:2). Maaari mo ring isulat kung paano tinupad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang Kanilang mga pangako sa isang taong kilala mo.
Pag-isipan kung paano mapapatibay ng mga halimbawang ito ang iyong tiwala na tutuparin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang Kanilang mga pangako sa hinaharap.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Bakit dapat tayong magtiwala sa Panginoon?
Ipinaliwanag ni Elder Stanley G. Ellis ng Pitumpu:
Mga kapatid, maaari tayong manampalataya para magtiwala sa Kanya! Hangad Niya ang pinakamabuti para sa atin (tingnan sa Moises 1:39). Diringgin Niya ang ating mga dalangin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 112:10). Tutuparin Niya ang Kanyang mga pangako (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:38). May kapangyarihan Siyang tuparin ang mga pangakong iyon (tingnan sa Alma 37:16). Alam Niya ang lahat ng bagay! At ang pinakamahalaga, alam Niya ang pinakamabuti (tingnan sa Isaias 55:8–9).
(Stanley G. Ellis, “Nagtitiwala ba Tayo sa Kanya? Ang Mahirap ay Mabuti,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 114)
Bakit gugustuhin kong magsikap na paglingkuran ang Diyos?
Ipinaliwanag ni Sister Elaine L. Jack, dating Relief Society General President:
Noong bata pa akong ina, naaalala kong sinabi ko sa bunsong anak kong si Gordon, nang natumba siya mula sa kanyang bisikleta at hindi lamang nasugatan ang kanyang mga tuhod ngunit nawalan din siya ng kumpiyansa, “Narito lang ako.” Sasabihin ko habang niyayakap ko siya upang panatagin siya, “Narito lang ako.” Hindi ba iyon nagpapaalala sa atin sa Panginoon, na kasama natin sa tuwina? (tingnan sa Mateo 28:20) Hindi lang siya nasa simbahan, nasa templo, o kapag nakaluhod at nagdarasal tayo sa tabi ng ating kama. Siya ay “narito mismo” kapag ipinamumuhay natin ang kanyang mga turo.
(Elaine L. Jack, “Ponder the Path of Thy Feet,” Ensign o Liahona, Nob. 1993, 100)
Mga Gawa 23:11 . Alam ng Panginoon ang mga sakripisyo at pagsubok ni Pablo, at kasama Siya ni Pablo. Ganoon din ba ang gagawin Niya para sa akin?
Itinuro ni Sister Sharon Eubank, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency:
Pinatototohanan ko na minamahal kayo. Alam ng Panginoon kung gaano kayo nagsisikap. Kayo ay umuunlad. Magpatuloy lang kayo. Nakikita Niya ang lahat ng inyong mga lihim na sakripisyo at gagantimpalaan kayo para sa ikabubuti ninyo at ng mga mahal ninyo sa buhay. Ang gawain ninyo ay may kabuluhan. Hindi kayo nag-iisa. Ang mismong pangalan Niya na Emmanuel ay nangangahulugang “sumasa atin ang Dios.” Tiyak na Siya ay sasainyo.
(Sharon Eubank, “Si Cristo: Ang Ilaw na Lumiliwanag sa Kadiliman,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 75–76)