Seminary
Mga Gawa 27–28


Mga Gawa 27–28

Sundin ang Propeta

dark ocean storm with lighting and waves at night

Pagkatapos mausig, mapagmalupitan, at di-makatarungang mabilanggo sa Jerusalem at Cesarea, hiniling ni Apostol Pablo na iapela ang kanyang kaso sa harap ni Cesar sa Roma. Sa kanyang paglalakbay patungong Roma, nakaranas si Pablo at ang mga kasama niya ng matitinding unos, pagkawasak ng barko, at iba pang paghihirap. Sa mga sitwasyong ito, nagbigay si Pablo ng inspiradong mga payo at babala upang mapanatiling ligtas ang lahat. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang madama ang kahalagahan ng pagsunod sa payo ng propeta.

Pag-unawa sa konteksto ng mga banal na kasulatan. Ang pag-unawa sa konteksto ng mga banal na kasulatan ay naghahanda sa mga estudyante na matukoy ang mga mensahe ng mga inspiradong may-akda. Kapag nauunawaan ng mga estudyante ang inspiradong layunin ng may-akda, mas handa silang tukuyin ang mga tunay na alituntunin at doktrinang akma mismo sa kanilang mga indibiduwal na pangangailangan.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang ilan sa mga kasalukuyang turo ng mga makabagong propeta. Halimbawa, maaari silang magbasa at manood ng mensahe sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya, magbasa ng isang artikulo ng isang propeta o apostol sa magasing Para sa Lakas ng mga Kabataan, o magbasa ng ilang paksa sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang nadarama nila tungkol sa pagsunod sa payo ng mga propeta.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagsunod sa propeta

Basahin ang mga sumusunod na payo o babala ng propeta na mula sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan (2011).

Maaari kang magpakita ng mga payo o babala na tulad ng mga sumusunod mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2011) o magdala ng mga kopya ng buklet na ito. Makukuha rin ito sa Gospel Library app sa ilalim ng “Mga Kabataan.”

“Magpakita ng pagmamahal sa mga miyembro ng inyong pamilya bawat araw” (pahina 14).

“Ang edukasyon ay mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit na tutulong sa inyong maging higit na katulad Niya. …. … Ang edukasyong matatamo ninyo ay magiging mahalaga sa inyo sa buhay na ito at sa kabilang buhay” (pahina 9).

“Huwag dumalo, tumingin, o makilahok sa anumang bastos, mahalay, marahas, o nagpapakita ng pornograpiya sa anumang paraan” (pahina 11).

“Kung inuudyukan kayo ng inyong mga kaibigan na gumawa ng masama, panindigan ang tama, kahit mag-isa lang kayong naninindigan” (pahina 16).

  • Anong iba’t ibang pag-uugali ang nakita mong ipinapakita ng mga tao tungkol sa pagsunod sa payo ng mga propeta?

  • Bakit pinipili ng ilang kabataan na hindi sundin ang payo ng mga propeta?

  • Ano ang ilang posibleng kahihinatnan ng hindi pagsunod sa payo ng mga propeta?

Pag-isipang mabuti kung paano ka personal na tumutugon sa payo at patnubay ng propeta. Habang pinag-aaralan mo ang Mga Gawa 27 , humingi ng inspirasyon mula sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang makatanggap ng mga impresyon na tutulong sa iyong mapalakas ang iyong pangako na susundin ang payo ng propeta ng Panginoon.

Ang payo ni Pablo bilang propeta

Sa kanyang paglalakbay patungong Roma upang iapela ang kanyang kaso sa harap ni Cesar, nagbigay si Pablo ng mga payo at babala para manatiling ligtas ang mga manlalakbay sa kanilang paglalakbay.

Kumpletuhin ang sumusunod na aktibidad sa pamamagitan ng pagbabasa muna ng impormasyon sa itaas ng bawat parisukat. Pagkatapos ay basahin ang mga kasamang talata sa Mga Gawa27 . Ibuod ang salaysay sa gitna ng bawat kahon sa pamamagitan ng pagdrowing ng isang simpleng larawan o pagsusulat ng buod ng mga salita at ginawa ni Pablo. Tiyaking isama rin ang reaksyon ng mga tao sa payo ni Pablo.

Color Handouts Icon

Ibigay ang sumusunod na handout sa mga estudyante. Maaari mong pagpartner-partnerin o pagsama-samahin sa maliliit na grupo ang mga estudyante at bigyan sila ng magkakaibang scripture block. Bilang alternatibo, maaaring pagsama-samahin sa isang grupo ang apat na estudyante, kung saan bibigyan ang bawat isa sa kanila ng magkakaibang scripture block na babasahin at ilalarawan o ibubuod. Kapag tapos na sila, sabihin sa mga estudyante na ilahad at ibahagi ang kanilang ginawa at talakayin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang mga grupo o bilang isang klase.

Paul’s Voyage to Rome

Ang paglalayag ni Pablo patungo sa Roma

Pinasakay ng mga kawal na Romano si Pablo at ang iba pang bilanggo sa isang barkong may halos 300 katao. Ang kanilang paglalayag sa dagat ay mabagal, mahirap, at mapanganib dahil nasa huling bahagi ito ng taglagas, kung kailan madalas mangyari ang malalakas na bagyo.

Basahin ang Mga Gawa 27:9–13

Nang humagupit ang malakas na bagyo, sinubukan nilang ayusin ang barko at nagtapon ng ilang kargamento.

Basahin ang Mga Gawa 27:20–26

Pagkalipas ng 14 na araw ng malakas na bagyo, sinubukan nilang dumaong kahit mapanganib. Ibinaba ng mga manlalayag ang angkla at gusto nilang iwanan ang barko dahil inakala nilang sasalpok ito sa batuhan.

Basahin ang Mga Gawa 27:30–36

Pagkatapos nilang magtapon pa ng mga kargamento para mapagaan pa ang barko, sinubukan nilang padaungin ang barko.

Basahin ang Mga Gawa 27:41–44

  • Sa iyong palagay, ano kaya ang magiging reaksyon mo sa mga turo ni Pablo kung naroon ka sa barko? Bakit?

  • Anong mga katotohanan ang natutuhan mo sa pinag-aralan mo?

Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga katotohanang natutuhan nila sa mga turo ni Pablo. Maaaring ang ilan sa mga alituntuning ito ay kung babalewalain natin ang mga babala at payo ng mga tagapaglingkod ng Panginoon, ilalagay natin ang ating mga sarili sa panganib at kung susundin natin ang mga payo at babala ng mga tagapaglingkod ng Panginoon, tutuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako sa atin.

  • Ano ang nalalaman mo tungkol sa mga propeta na nagbibigay sa iyo ng tiwala sa kanilang mga payo at turo?

Itinuro ng Panginoon na sa pamamagitan ng propeta ay maririnig natin ang Kanyang tinig (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:37–38) at ang Kanyang mga babala ay kadalasang darating sa pamamagitan ng Kanyang mga piniling propeta (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:1–4). Sa kasalukuyang panahon, sinasang-ayunan natin ang lahat ng miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Pag-isipan sandali kung bakit tayo tinutulungan ng Panginoon sa pamamagitan ng mga propeta at kung ano ang ipinapakita nito tungkol sa Kanyang nadarama sa atin.

  • Ano ang natututuhan mo tungkol sa Panginoon mula sa mga payo at babala na ibinibigay Niya sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta?

  • Ano ang mga naranasan mo o ng ibang kakilala mo tungkol sa pagpili kung susundin o babalewalain ang payo ng propeta?

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga saloobin.

Para sa sumusunod na aktibidad, maaaring rebyuhin at gamitin ng mga estudyante ang kanilang paghahanda para sa lesson na ito. Isipin kung paano maa-access ng mga estudyante ang payo ng mga propeta. Alamin kung kailangang magdala ng mga papel na kopya ng mga resource sa klase o kung maa-access ng mga estudyante ang mga ito sa internet.

Maglaan ng ilang minuto na hanapin at pag-aralan ang mga payo o babala na ibinigay kamakailan sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Maaaring kabilang sa ilang resource na sasaliksikin ay ang mga mensahe sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya, ang magasin na Para sa Lakas ng mga Kabataan, o ang buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Maaari mong isama ang mga pahayag ng mga propeta na ibinigay sa simula ng lesson.

  • Paano naging katibayan ng pangangalaga, pagmamalasakit, at awa ng Panginoon sa iyo ang mga payong ito mula sa propeta ng Panginoon?

  • Kung sinunod mo ang mga payong ito sa iyong buhay, paano ka napagpala ng Ama sa Langit dahil sa iyong pagsunod?

  • Kung binalewala o sinuway mo ang payong ito sa anumang paraan, bakit ka pa rin aanyayahan ng mapagmahal na Tagapagligtas na simulang sundin ang payong ito? Paano nito mapapabuti ang iyong buhay?

Maaari mong ipabahagi sa mga estudyante ang payo na pinag-aralan nila at ang kanilang mga saloobin at nadarama tungkol dito.

Pagsunod sa payo ng propeta sa iyong buhay

  • Ano ang ilan sa mga dahilan kung bakit nagpapasalamat ka sa mga payo at babala ng propeta sa iyong buhay?

Humingi ng inspirasyon mula sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang matulungan kang tumukoy ng mga paraan kung paano ipinapakita ng Panginoon na nalulugod Siya sa iyong pagsunod sa Kanyang mga propeta, gayundin ang mga paraan kung paano ka Niya hinihikayat na magpakabuti pa. Isulat ang mga ideya at impresyong maiisip mo, at mangakong sundin ang mga ito. Maaaring makatulong na ibahagi ang iyong mga impresyon sa isang malapit na kapamilya o pinagkakatiwalaang lider ng Simbahan at hilingin sa kanila na tulungan kang gawin ang mga impresyong iyon.

Maaari mong tapusin ang klase na nagpapatotoo tungkol sa pagpapala at kahalagahan ng pagsunod sa mga payo at babala ng mga propeta ng Panginoon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Paano nakakaapekto sa akin ang pagsunod sa payo ng mga propeta?

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang sumusunod:

Official Portrait of President Henry B. Eyring taken March 2018.

Ang pagpiling huwag pakinggan ang payo ng propeta ay nagpapabago sa mismong lugar kung saan tayo nakatayo. Ito ay nagiging mas mapanganib. Ang kabiguang sundin ang payo ng propeta ay nagpapahina sa kakayahan nating sundin ang inspiradong payo sa hinaharap. Ang pinakatamang panahon para magpasiyang tulungan si Noe na gawin ang arka ay noong una niya itong hiniling. Sa bawat paghiling niya pagkatapos noon, at sa bawat hindi pagtugon dito ay maaaring magpahina sa kakayahang mahiwatigan ang panghihikayat ng Espiritu. Kaya nga bawat hiling niya ay maaaring tila nagiging mas malaking kahangalan, hanggang sa dumating ang ulan. At huli na ang lahat.

Sa tuwing pinipili ko sa buhay ko na ipagpaliban ang pagsunod sa inspiradong payo o ipinasiya na hindi ako kasali roon, napag-alaman ko na nailagay ko ang sarili ko sa panganib. Tuwing pinakikinggan ko ang payo ng [mga] propeta, nadamang napagtibay ito sa panalangin, at pagkatapos ay sinusunod ito, nadarama kong kumikilos ako patungo sa kaligtasan.

(Henry B. Eyring, “Finding Safety in Counsel,” Ensign, Mayo 1997, 25)

Official Portrait of President Henry B. Eyring taken March 2018.

Dahil mabait ang Panginoon, tumatawag Siya ng mga tagapaglingkod para balaan ang mga tao sa panganib. Ang panawagang iyon na magbabala ay lalo pang pinag-igting at binigyang-halaga ng katotohanan na ang pinakamahahalagang babala ay tungkol sa mga panganib na hindi pa iniisip ng mga tao na totoo.

(Eyring, “A Voice of Warning,” Ensign, Nob. 1998, 32)

Mga Gawa 27:9 . Ano ang ibig sabihin ng “ang pag-aayuno ay nakalampas na”?

Ang “pag-aayuno” ay maaaring tumutukoy sa banal na araw ng mga Judio na tinatawag na Araw ng Pagbabayad-sala, na tanda ng pagsisimula ng panahon kung kailan karaniwang itinuturing na delikado ang maglakbay sa Dagat Mediteraneo dahil sa malalakas na bagyo. Kadalasan na ipinagdiriwang ang Araw ng Pagbabayad-sala sa huling linggo ng Setyembre o unang linggo ng Oktubre.

Mga Gawa 27:28 . Gaano kalayo ang isang “dipa”?

Ang dipa ay ang layo mula sa pinakamahabang daliri ng isang kamay hanggang sa pinakamahabang daliri ng kabilang kamay kapag nakadipa ang mga braso. Katumbas ng halos apat na cubit ang isang dipa.

Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Mga Gawa 28 . Magagawa ng Diyos na maging mga pagpapala ang mga pagsubok

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang iba’t ibang karanasan ni Pablo na nakatala sa Mga Gawa 28:1–6 ; 28:7–14 ; 28:16–24 ; at 28:30–31 upang matulungan sila na maunawaan ang katotohanan na kung tayo ay tapat, matutulungan tayo ng Diyos na gawing pagpapala ang mga pagsubok para sa ating sarili at sa iba, tulad ng matatagpuan sa Mga Gawa 28 . Maaaring hanapin ng mga estudyante ang ilan sa iba’t ibang hamong kinaharap ni Pablo at kung paano siya nanatiling tapat. Ano ang ilan sa mga hamon na sumusubok sa pananampalataya ng mga kabataan ngayon? Anong katibayan ang nagpapakita na patuloy na ginagawang pagpapala ng Diyos ang mga pagsubok?