Mga Gawa 3
Ang Pagpapagaling sa Lalaking Lumpo
Isang lalaking hindi nakakapaglakad mula pa sa pagkapanganak ang dinadala sa templo sa Jerusalem araw-araw upang manghingi ng limos. Nakita niya roon sina Pedro at Juan, na nagbigay sa kanya ng mas magandang kaloob kaysa sa limos na hinihingi niya. Gamit ang awtoridad ng priesthood at sa pangalan ni Jesucristo, pinagaling ni Pedro ang lalaki. Ang karanasang iyon ay nagbigay kay Pedro at sa iba pang Apostol ng maraming pagkakataon na magpatotoo tungkol kay Jesucristo. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang mapalakas ang iyong pananampalataya na matutulungan ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na madaig ang mga hamong kinakaharap mo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagtanggap ng nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Diyos
Isulat ang mga salitang Mga Hamon at Paghihirap sa pisara. Maaari mo ring isulat ang mga sagot ng mga estudyante sa susunod na tanong.
-
Ano ang ilang pisikal, espirituwal, o emosyonal na hamon o paghihirap na nararanasan ng mga tao sa buhay?
Pagnilayan ang isang hamon o paghihirap na personal mong kinakaharap kung saan nanaisin mong humingi ng kapanatagan o lakas sa Ama sa Langit at kay Jesucristo upang madaig ito. Isulat ito sa iyong study journal, at isama rin ang mga sagot mo sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang mga ginawa mo upang makatanggap ng tulong para sa hamon o paghihirap na ito?
-
Ano ang alam mo na tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na nagbibigay sa iyo ng tiwala na tutulungan ka Nila?
-
Ano ang mga tanong o alalahanin mo tungkol sa pagdaig sa hamon o paghihirap na ito?
Pinagaling nina Pedro at Juan ang isang lalaking lumpo
Sa lesson na ito, magkakaroon ka ng pagkakataong matutuhan ang ilang katotohanan ng ebanghelyo mula sa salaysay sa Mga Gawa 3 tungkol sa pagpapagaling nina Pedro at Juan sa lalaking lumpo. Sa iyong pag-aaral, bigyang-pansin ang mga espirituwal na pahiwatig na natatanggap mo. Hangaring palakasin ang iyong pananampalataya na matutulungan ka ni Jesucristo sa mga hamong kinakaharap mo sa mortalidad.
Basahin ang Mga Gawa 3:1–3 , at alamin ang ilang detalye tungkol sa lalaking ito, na mahigit 40 taong gulang na (tingnan sa Mga Gawa 4:22). Maaaring makatulong na malaman na ang “limos” na binanggit sa mga talata 2–3 ay mga bagay na ibinibigay ng mga tao sa mahihirap.
-
Ano ang ilang salita na maaari mong gamitin upang ilarawan ang lalaking ito at ang kanyang sitwasyon? Bakit?
-
Ano kaya ang ilang karaniwang reaksyon ng mga tao sa isang tao na nasa sitwasyon ng lalaking ito?
Basahin ang Mga Gawa 3:4–8 , at alamin ang mga katotohanang matututuhan mo tungkol sa pagdaig sa ating mga hamon o paghihirap mula sa salaysay na ito.
-
Ano ang pinakanapansin mo sa kuwentong ito?
-
Ano ang itinuro o ipinadama sa iyo ng karanasang ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Itinuro ni Pedro sa mga nakasaksi sa himala na ginawa ito sa pamamagitan ng pananampalataya sa pangalan ni Jesucristo (tingnan sa Mga Gawa 3:16). Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa salaysay na ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, mapapagaling tayo.
-
Ano ang maaari mong ibahagi mula sa mga talatang ito na makatutulong sa isang tao na kasalukuyang nakararanas ng isa sa mga pisikal, espirituwal, o emosyonal na hamon o paghihirap na natukoy mo kanina sa lesson?
-
Ano ang magagawa natin upang matanggap ang kapangyarihan ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas na tutulong sa atin sa mga hamong ito?
-
Ano ang pinakanapansin mo sa mga turo ni Elder Andersen?
-
Anong mga karanasan ang mayroon ka o alam mo kung saan nakapagbigay ang Tagapagligtas ng lakas o pagpapagaling?
-
Ano ang natutuhan o nadama mo tungkol kay Jesucristo ngayon na gusto mong maalala?
-
Ano ang nadama mo na kailangan mong gawin dahil sa napag-aralan mo ngayon?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Bakit may mga pagkakataon na hindi natin natatanggap ang pagpapagaling ng Tagapagligtas sa panahon at paraang gusto natin?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Alam ko na paminsan-minsan, parang hindi sinasagot ang ilan sa pinakataimtim nating mga dalangin. Nagtataka tayo, “Bakit?” Naramdaman ko iyan! Naramdaman ko ang takot at lungkot sa gayong mga sandali. Pero alam ko rin na hinding-hindi binabalewala ang ating mga dalangin. Laging pinahahalagahan ang ating pananampalataya. Alam ko na ang pag-unawa ng isang napakarunong na Ama sa Langit ay mas malawak kaysa atin. Alam man natin ang ating mga problema at sakit sa buhay, alam naman Niya ang imortal nating pag-unlad at potensyal. Kung ipagdarasal nating malaman ang Kanyang kalooban at magpapasakop dito [na] taglay ang tiyaga at tapang, magaganap ang pagpapagaling ng langit sa sarili Niyang paraan at panahon.
(Russell M. Nelson, “Jesucristo—ang Dalubhasang Manggagamot,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 86)
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang kabutihan at pananampalataya ay tunay na kasangkapan sa pagpapagaling ng maysakit, bingi, at lumpo—kung ang gayong paggaling ay magsasakatuparan ng mga layunin ng Diyos at naaayon sa Kanyang kalooban. Sa gayon, kahit malakas ang ating pananampalataya, maraming balakid ang hindi maaalis. At hindi lahat ng maysakit at may karamdaman ay gagaling. Kung lahat ng oposisyon ay lilimitahan, kung lahat ng hirap ay aalisin, ang pangunahing mga layunin ng plano ng Ama ay mabibigo.
(David A. Bednar, Pagtanggap sa Kalooban at Takdang Panahon ng Panginoon Ensign o Liahona, Ago. 2016, 34)
Paano ko matatamo ang nagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas kapag nakararanas ako ng mga espirituwal na paghihirap?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Dumarating ang mga pasakit mula sa espirituwal at pisikal na mga dahilan. Naalala ng Nakababatang Alma na napakasakit ng kanyang kasalanan kaya ninais niyang siya’y “mawasak kapwa kaluluwa at katawan, upang hindi [siya] madalang tumayo sa harapan ng … Diyos, upang hatulan sa [kanyang] mga gawa” [ Alma 36:15 ]. Sa gayong mga pagkakataon, paano Niya tayo mapapagaling?
Mas ganap tayong makapagsisisi! Mas ganap tayong makapagbabalik-loob! Sa gayo’y mas lubos tayong mababasbasan ng nagpapagaling na kamay ng “Anak ng Kabutihan.”
… Ang pananampalataya, pagsisisi, binyag, patotoo, at pananatili sa pagbabalik-loob ay humahantong sa kapangyarihang magpagaling ng Panginoon.
(Russell M. Nelson, “Jesucristo—ang Dalubhasang Manggagamot,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 86)