Seminary
Mga Gawa 2


Mga Gawa 2

“Napuspos ng Espiritu Santo”

A large crowd of people being baptized in a river at the day of Pentecost.

Bago ang Kanyang kamatayan, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga Apostol na sa paglisan Niya ay isusugo ng Ama “ang Mang-aaliw, ang Espiritu Santo” (Juan 14:26). Tulad ng ipinangako, dumating ang Espiritu Santo sa Labindalawang Apostol sa mahimalang paraan sa araw ng Pentecostes. Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan kang mapalalim ang iyong pag-unawa sa mga paraan kung paano ka mapagpapala at matutulungan ng Espiritu Santo na matutuhan kung paano aanyayahan ang mga pagpapalang iyon sa iyong buhay.

Mahiwatigan ang Espiritu Santo. Maghanap ng mga pagkakataon upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano kumikilos ang Espiritu Santo sa kanilang personal na buhay. Maaari mong gamitin ang mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan at sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang kanilang sariling mga karanasan.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na talakayin sa isang mahal sa buhay ang mga paraan kung paano nila nahiwatigan na kasama nila ang Espiritu Santo sa kanilang buhay. Sabihin din sa mga estudyante na pumasok sa klase na may nakahandang anumang tanong na mayroon sila tungkol sa Espiritu Santo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagpapalawak ng ating mga kakayahan

Alamin kung gaano ka sumasang-ayon sa sumusunod na pahayag sa scale na isa hanggang pito, at isulat ang iyong sagot sa iyong study journal: Tiwala ako na malalaman ko kapag nadarama ko ang Espiritu Santo sa buhay ko.

Diagram with words Strongly Disagree and Strongly Agree.

Maaaring magandang pagkakataon ito upang sabihin sa mga estudyante na magtanong ng anumang tanong na mayroon sila tungkol sa Espiritu Santo na nagmula sa kanilang paghahanda para sa klase o kaya’y naisip nila.

  • Ano ang mga tanong mo tungkol sa Espiritu Santo?

Sa iyong study journal, isulat ang heading na “Mga paraan kung paano ako matutulungan ng Espiritu Santo.” Maghandang magdagdag ng mga ideya sa listahan habang tinatalakay ang lesson.

Maaari mong isulat ang heading na ito sa pisara at magdagdag ng mga ideya sa ilalim nito habang tinatalakay ang lesson.

Sa pag-aaral mo ngayon, makakakita ka ng mga halimbawa kung paano kumikilos ang Espiritu Santo sa buhay ng mga tao. Isipin kung ano ang matututuhan mo mula sa mga halimbawang ito tungkol sa kung paano maaaring kumilos ang Espiritu Santo sa iyong buhay. Ang isang katotohanan na binibigyang-diin ng mga halimbawang ito ay sa pamamagitan ng Espiritu Santo, tinutulungan tayo ng Ama sa Langit na lumapit kay Jesucristo.

Ang Espiritu Santo ay saganang ipinagkaloob sa araw ng Pentecostes

Bago ang Kanyang kamatayan, itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na isusugo sa kanila ng Ama sa Langit ang Espiritu Santo sa paglisan ni Jesus sa lupa. Nagpatotoo Siya na ang Espiritu Santo ay magbibigay ng kapanatagan, patnubay, at magpapatotoo tungkol sa Kanya (tingnan sa Juan 14:16, 26 ; 15:26).

Ang mga ideya sa pagtuturo na nakalista sa ibaba ay nagpapakita ng isang paraan sa pagtulong sa mga estudyante na pag-aralan at talakayin ang mga talata mula sa Mga Gawa 2 . Ang isang alternatibong paraan ay ang paghati sa mga estudyante sa tatlong grupo at sabihin sa mga grupo na pag-aralan ang mga sumusunod na talata:

Matapos pag-aralan ang mga talata, maaaring talakayin ng mga estudyante ang mga sumusunod na tanong:

  • Sa mga talatang pinag-aralan mo, paano mo napansin na tinutulungan ng Espiritu Santo ang mga tao?

  • Ano ang ipinauunawa sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa mga ninanais ng Ama sa Langit para sa atin?

  • Paano tayo matutulungan ng Espiritu Santo sa mga paraang katulad nito?

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga boluntaryo mula sa iba’t ibang grupo na iulat ang kanilang mga natuklasan at ibahagi ang kanilang mga sagot sa klase.

Ang Pentecostes ay pista-opisyal ng mga Judio na nangyayari 50 araw pagkatapos ng piging ng Paskua. Ang mga Judio mula sa mga karatig na bansa ay maglalakbay patungong Jerusalem para sa pista-opisyal na ito kung saan ipinagdiriwang ang unang araw ng pag-aani (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Pentecostes ,” ChurchofJesusChrist.org). Basahin ang Mga Gawa 2:1–8 , at alamin kung paano natupad ang pangako ng Tagapagligtas tungkol sa pagtanggap ng mga Apostol sa Espiritu Santo sa araw na iyon. (Tandaan na ang “parang mga dilang apoy na nahahati” sa talata3 ay tumutukoy sa nakikitang palatandaan ng presensya ng Espiritu.)

Sa mga talata 4–8 , nararanasan ng mga Apostol ang kaloob na mga wika, “isang kaloob ng Espiritu Santo na nagpapahintulot sa taong nabigyan-inspirasyon upang magsalita, umunawa, o magpaliwanag ng mga di kilalang wika” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Wika, Kaloob na mga ,” ChurchofJesusChrist.org).

  • Paano pinagpala ng Espiritu Santo ang mga disipulo at ang mga nakikinig sa kanila?

  • Sa iyong palagay, paano napag-ibayo ng kaloob na mga wika ang kakayahan ng mga Apostol na tulungan ang iba na lumapit kay Cristo?

  • Paano natin mararanasan ang kaloob na ito ngayon?

Maaari kang magdagdag ng mga kaalaman mula sa mga talatang napag-aralan mo na sa listahang ginawa mo sa iyong study journal.

Nagpatotoo si Pedro tungkol kay Jesucristo

Makakakita tayo ng isa pang paraan kung paano tayo matutulungan ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagtingin sa katapangang ipinakita ni Pedro nang magturo at magpatotoo siya.

Nang isinasaisip na ang mga pangyayaring inilarawan sa Mga Gawa 2 ay naganap hindi pa natatagalan pagkatapos maipako sa krus si Jesus, basahin ang Mga Gawa 2:22–24, 32–33, 36 at alamin kung paano tinulungan ng Espiritu Santo si Pedro sa sitwasyong ito na mangaral nang buong tapang at walang takot tungkol kay Jesucristo. (Tingnan din sa Mga Gawa 3:12–20 .)

  • Ano ang nakita mo?

  • Ano ang natutuhan mo sa salaysay na ito tungkol sa kung paano ka matutulungan ng Espiritu Santo? (Tingnan din sa Mga Gawa 1:8 ; 4:31 .)

Idagdag ang iyong mga natutuhan sa iyong listahan sa iyong study journal.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na mag-isip at magbahagi ng mga karanasan kung saan tinulungan sila ng Espiritu Santo na magturo sa iba tungkol kay Jesucristo o magpatotoo nang walang takot. Maaari ka ring magbahagi ng personal na halimbawa.

Ang epekto ng mga turo ni Pedro sa iba

Ang Espiritu Santo ay may epekto sa mga taong nakarinig sa mga turo ni Pedro tungkol kay Jesucristo. Basahin ang Mga Gawa 2:37–38, 41 , at alamin kung paano tinulungan ng Espiritu Santo ang mga taong ito. Ang salitang nasaktan sa talata 37 ay nangangahulugang nagdulot ng pighati o pagsisisi at nagpapahiwatig na hinangad ng mga tao na magbago.

  • Ano ang mahalaga para sa iyo sa mga talatang ito?

  • Dahil “nasaktan ang kanilang puso,” paano ito nakatulong sa mga taong ito upang mas lumapit sila kay Jesucristo? ( talata 37).

Ihambing ang nangyari sa mga taong tinuruan ni Pedro sa pangakong ginawa ng Diyos sa Kanyang mga tagapaglingkod sa Doktrina at mga Tipan 100:5–8 .

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga pagbabagong magagawa natin sa tulong ng panghihikayat ng Espiritu Santo na makatutulong sa atin na mas lumapit kay Jesucristo?

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip at magbahagi ng mga karanasan kung saan nahikayat sila ng Espiritu Santo na gumawa ng mga pagbabago na mas naglapit sa kanila kay Jesucristo. Hikayatin silang magbahagi ng mga halimbawa na hindi masyadong personal. Maaari ka ring magbahagi ng personal na halimbawa.

Kung posible, maaari ding makatulong na anyayahan ang isang bagong binyag na dumalo sa klase at hilingin sa kanya na maglaan ng ilang minuto upang ibahagi ang kanyang mga karanasan kung paano siya tinulungan ng Espiritu Santo na mas mapalapit kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan. Tandaan na humingi ng pahintulot mula sa lokal na S&I coordinator pati sa lokal na priesthood leader ng taong iyon bago ito gawin.

Maaari mong idagdag ang iyong mga nalaman mula sa Mga Gawa 2:37–38, 41 sa listahan sa iyong study journal.

Pagninilay sa napag-aralan mo

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang listahan na ginawa nila sa kanilang study journal. Ang mga sumusunod na tanong ay maaaring makatulong sa mga estudyante na talakayin at isapuso ang natutuhan nila. Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay sa lesson na ito.

  • Aling pagpapala mula sa Espiritu Santo ang lubos na nakapagpahanga sa iyo?

  • Bakit mahalaga ang Espiritu Santo upang matulungan tayong lumapit kay Jesucristo at madala ang iba sa Kanya?

  • Anong mga hakbang ang magagawa mo upang mas lubos na matamasa ang mga pagpapala ng Espiritu Santo?

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Paano nakatutulong sa atin ang Espiritu Santo na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:

Official Portrait of President Dallin H. Oaks taken March 2018.

Ang misyon ng Espiritu Santo ay sumaksi sa Ama at sa Anak (tingnan sa Juan 15:26 ; 2 Nephi 31:18 ; 3 Nephi 28:11), gabayan tayo sa katotohanan (tingnan sa Juan 14:26 ; 16:13), at ipakita sa atin ang lahat ng bagay na dapat nating gawin (tingnan sa 2 Nephi 32:5). Ang personal na linyang ito ng pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu ang pinagmumulan ng ating patotoo sa katotohanan, ng ating kaalaman, at personal na patnubay ng isang mapagmahal na Ama sa Langit. Ito ay mahalagang bahagi ng Kanyang kagila-gilalas na plano ng ebanghelyo, na nagpapahintulot sa bawat isa sa Kanyang mga anak na tumanggap ng personal na patotoo sa katotohanan nito.

(Dallin H. Oaks, “Dalawang Linya ng Pakikipag-ugnayan,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 83)

Pinatotohanan ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Official portrait of President M. Russell Ballard of the Quorum of the Twelve Apostles, 2004.

Kapag nadama ng mga tao … ang pag-antig ng Espiritu sa kanila, o kapag nakita nila ang katibayan ng pagmamahal at awa ng Panginoon sa kanilang buhay, sila ay espirituwal na mapapasigla at mapapalakas at mas titibay ang kanilang pananampalataya sa Kanya.

(M. Russell Ballard, “Now Is the Time,” Ensign, Nob. 2000, 75)

Ano ang madarama kapag nariyan ang Espiritu Santo, at paano mo ito maaanyayahan?

3:17
2:56

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Alternatibong paraan upang simulan ang lesson

Sa kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2017, si Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagkuwento tungkol sa isang pagkakataon kung saan nakibahagi siya sa home evening ng isang pamilya. Ipapanood ang video na “Paano Kayo Tinutulungan ng Espiritu Santo?” mula sa time code na 0:00 hanggang 1:15. Ang video na ito ay matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.

Matapos panoorin ang video, sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila sasagutin ang tanong ng batang lalaki.

15:25

Paglalaan ng panahon para sa Espiritu Santo

Sa pagiging abala sa buhay, maaaring mahirap maglaan ng oras para sa Espiritu Santo na pagkalooban tayo ng inspirasyon.

3:28

Matutulungan ako ng doktrina ni Cristo na matanggap ang Espiritu Santo at lumapit kay Cristo

Maaaring sabihin sa mga estudyante na basahin ang Mga Gawa 2:38 , at alamin ang isinagot ni Pedro sa mga taong nagtanong ng, “Anong dapat naming gawin?” ( Mga Gawa 2:37). Maaari mong itanong ang sumusunod:

  • Anong mga hakbang ang inilahad ni Pedro sa talata 38 ?

  • Paano naaangkop ang mga hakbang na iyon sa isang taong nabinyagan na?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang sagot sa pangalawang tanong, maaari mong gamitin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Maaari tayong maging sakdal kung paulit-ulit at palagi tayong … nananampalataya [kay Cristo], nagsisisi, nakikibahagi ng sakramento para panibaguhin ang ating mga tipan at pagpapala ng binyag, at tumatanggap ng Espiritu Santo upang makasama natin nang mas palagian. Kapag ginawa natin ito, higit tayong nagiging katulad ni Cristo at nakakatiis hanggang wakas” (“Patuloy na Nagsisikap ang mga Banal sa mga Huling Araw,”,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 56).