Seminary
Doctrinal Mastery: 1 Corinto 6:19–20


Doctrinal Mastery: 1 Corinto 6:19–20

“Ang Inyong Katawan ay Templo ng Espiritu Santo”

Two youth walk across a bridge. It is fall. The boys seem to be in conversation. The bridge goes over a lake. In the distance you can see fields and playground equipment.

Sa pag-aaral mo ng 1 Corinto 6, natutuhan mo ang tungkol sa pamantayan ng Panginoon sa kadalisayan ng puri at ang kahalagahan ng iyong pisikal na katawan. Tutulungan ka ng lesson na ito na madagdagan ang iyong kaalaman sa mga turong ito sa pamamagitan ng pagbibigay sa iyo ng pagkakataong isaulo ang reperensya at mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa 1 Corinto 6:19–20, ipaliwanag ang doktrina, at ipamuhay ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa isang sitwasyon sa tunay na buhay.

Pagtuturo ng katotohanan nang may pagmamahal. Magsikap na ituro ang ebanghelyo tulad ng ginawa ng Tagapagligtas. Ituro ang katotohanan nang malinaw ngunit palaging may pagmamahal. Ang pagtuturo nang may pagmamahal ay tutulong sa mga estudyante na maaaring nahihirapan sa ilang alituntunin ng ebanghelyo, o maaaring may mga mahal sa buhay na hindi ipinamumuhay ang ebanghelyo, na matutuhan ang katotohanan at mahikayat na ipamuhay ito.

Paghahanda ng estudyante: Ibahagi sa mga estudyante ang sitwasyon sa pagsasanay sa lesson na ito at anyayahan silang simulang pag-isipan kung paano sila tutugon.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang doctrinal mastery passage lesson na ito ay ituturo pagkatapos ng lesson na “1 Corinto 6,” na siyang kontekstuwal na lesson para sa doctrinal mastery passage na 1 Corinto 6:19-20 . Kung kailangang ilipat ang doctrinal mastery passage lesson na ito sa ibang linggo, tiyaking ituro din ang kaukulang kontekstuwal na lesson sa linggong iyon.

Ipaliwanag at isaulo

Ipagpalagay na ikaw ay nasa talakayan sa klase o korum nang magtanong ang isang nakababatang kaklase sa titser, “Ano po ba talaga ang batas ng kalinisang-puri?” Hiniling ng titser sa ibang estudyante, pati sa iyo, na sagutin ito.

Gamit ang mga katotohanang itinuro sa doctrinal mastery passage na 1 Corinto 6:19–20 , planuhin kung ano ang maaari mong ibahagi sa iyong mga kaklase upang tulungan silang maunawaan ang pamantayan ng Panginoon sa kadalisayan ng puri, o kalinisang-puri, at kung bakit ito mahalaga.

  • Gamit ang mga turong nakatala sa 1 Corinto 6:19–20 , paano mo maipapaliwanag sa isang tao kung ano ang batas ng Panginoon sa kalinisang-puri at kung bakit ito mahalaga?

Pakinggang mabuti ang mga sagot ng mga estudyante, at suriin ang kanilang pag-unawa. Kung kinakailangan, rebyuhin ang mga banal na kasulatan at mga alituntunin mula sa lesson sa 1 Corinto 6.

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong isaulo ang reperensya para sa doctrinal mastery passage na 1 Corinto 6:19–20 at ang kasama nitong mahalagang parirala ng banal na kasulatan. Ang sumusunod ay isang halimbawa kung paano ito gagawin.

Upang matulungan kang isaulo ang reperensya para sa doctrinal mastery passage na 1 Corinto 6:19–20 at ang mahalagang parirala nito na, “Ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo,” maaari kang gumawa ng image, meme, o collage ng mga larawan na kakatawan sa scripture passage na ito at sa itinurong doktrina. Ang visual na gagawin mo ay dapat madaling tandaan ngunit dapat ay may pagpipitagan at may respeto rin sa banal na kasulatan at sa doktrinang itinuturo nito. Maaari mong gamitin ang larawang idinrowing mo na isang taong nakatayo sa tabi ng templo sa aktibidad para sa lesson sa 1 Corinto 6. Tiyaking isulat ang reperensyang 1 Corinto 6:19–20 at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan malapit sa ginawa mong larawan.

Habang tinitingnan ang visual representation na ginawa o pinili mo, ulitin ang scripture passage reference at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa iyong isip hanggang sa palagay mo ay nakabisado mo na ang mga ito.

Pagsasanay para sa pagsasabuhay

Tulungan ang mga estudyante na rebyuhin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Ang sumusunod ay isang halimbawa kung paano ito gagawin. Bilang alternatibo, maaari kang mag-anyaya ng tatlong estudyante na maghanda nang maaga upang magbigay ng maikling buod at ituro ang mga alituntuning ito sa kanilang mga kaklase.

Sa iyong study journal, isulat sandali kung ano ang nalalaman at naaalala mo tungkol sa mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman nang hindi sumasangguni sa iba pang source. Kapag natapos ka na, sumangguni sa Doctrinal Mastery Core Document (2022) para tingnan kung sapat ang kaalaman mo at magdagdag ng anumang mahalagang impormasyon na maaaring nakaligtaan mo.

Isipin ang sumusunod na sitwasyon. Pagkatapos ay sagutin ang mga kasunod na tanong na gumagamit ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at ng doktrinang itinuro sa 1 Corinto 6:19–20 na ang ating mga katawan ay mga templo ng Diyos kung saan maaaring manahan ang Espiritu. Bilang alternatibo, maaari ka ring gumawa ng ibang sitwasyon na mas nauugnay sa iyo o sa mga kabataan sa iyong lugar.

Ang walang hanggang alituntunin ng ating mga katawan bilang mga templo ng Diyos kung saan maaaring manahan ang Espiritu ay maiaangkop din sa iba pang sitwasyon maliban sa kalinisang-puri. Maaari mong baguhin ang sumusunod na sitwasyon para lubos itong makaugnay sa mga estudyante.

Lumaki ang isang tinedyer na nalalaman ang mga pamantayan ng Panginoon sa kalinisang-puri, ngunit matapos pumasok sa isang seryosong relasyon nang kaunting panahon, nakadama siya ng hangaring ipahayag ang kanyang nadarama sa pamamagitan ng pagkakaroon ng seksuwal na relasyon sa kanyang nobya. Mayroon siyang mga kapamilya at kaibigan na nagkaroon ng mga seksuwal na relasyon bago ikasal, at tila masaya silang lahat.

Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananawBinigyang-diin ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang walang-hanggang kahalagahan ng kalinisang-puri ay mauunawaan lamang sa mas malawak na konteksto ng plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak” (“Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 41).

  • Anong mga partikular na aspeto ng plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit ang gusto mong maunawaan at pag-isipan ng isang tao sa sitwasyong ito?

  • Paano nakakaimpluwensya ang mga katotohanan sa 1 Corinto 6:19–20 sa pananaw mo sa batas ng kalinisang-puri at sa iyong ugnayan sa Panguluhang Diyos?

Hangarin na mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng DiyosMaaari kang pumili ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na sources na itinalaga ng Diyos upang maghanap ng mga katotohanang magagamit at makatutulong sa sitwasyong pinili mo.

Sagutin ang sumusunod na tanong:

  • Ano ang nalaman mo na maaaring makatulong sa sitwasyong ito?

Kumilos nang may pananampalataya

  • Ano ang ilang iba’t ibang paraan na maaaring piliin ng isang indibiduwal para makakilos nang may pananampalataya sa sitwasyong ito?

  • Ano ang mga naranasan mo nang patnubayan ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na makatutulong sa iyong pagkatiwalaan Sila at sundin ang Kanilang mga turo?

Ibuod kung paano maiaangkop sa sitwasyon ang bawat isa sa mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Kung gumawa ka ng sarili mong sitwasyon, tiyaking magsama rin ng maikling buod ng sitwasyong iyon.

Pagkatapos magkaroon ng oras ang mga estudyante na pag-isipan at sagutin ang mga naunang tanong, maaari mo silang anyayahang ibahagi ang sitwasyong ginamit nila at talakayin ang kanilang mga sagot. Ang isang paraan upang gawin ito ay maglagay ng bakanteng upuan sa gitna ng silid at anyayahan ang mga estudyante na ipagpalagay na nakaupo sa upuang iyon ang tao sa sitwasyon. Sabihin sa isang estudyante na mag-isip ng isang bagay na maaari niyang ibahagi sa taong iyon. Pagkatapos ay tanungin kung may estudyante pa na gustong magdagdag sa sinabi ng unang estudyante. Magpabahagi sa ilang estudyante ng mga ideya na maaaring makatulong sa tao sa sitwasyong ito. Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang tatlong alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.

Pagrerebyu ng doctrinal mastery

Dapat gamitin ang sumusunod na aktibidad sa pagrerebyu para sa lesson na ituturo sa hinaharap:

Anyayahan ang mga estudyante na alalahanin o ipakita ang larawang ginawa nila para kumatawan sa 1 Corinto 6:19–20 . Sabihin sa kanila na subukan kung maaalala nila ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan na nauugnay sa scripture passage na ito. Kung kinakailangan, magsanay na bigkasin ang reperensyang banal na kasulatan at mahalagang parirala ng doctrinal mastery passage na ito.