1 Corinto 2
Pag-unawa sa mga Espirituwal na Bagay
Ano ang mga makamundong ideya na nakapaligid sa iyo na kung minsan ay nagpapahirap sa iyo na matukoy ang katotohanan? Nalito ang mga Banal sa Corinto ng mga makamundong ideya, at sinikap ni Apostol Pablo na tulungan sila na makita kung paano sila matututo ng mga walanghanggang espirituwal na katotohanan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maanyayahan ang Espiritu Santo na tulungan kang matuto ng mga espirituwal na bagay.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
“Sabihin mo sa akin kung paano mo nalaman”
Ikinuwento ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod:
Nakaupo ako sa eroplano katabi ang isang atheist na agad iginiit na walang Diyos kaya ibinahagi ko sa kanya ang aking patotoo. “Nagkakamali ka,” sabi ko, “mayroong Diyos. Alam ko na Siya ay buhay!”
Tumutol siya, “Hindi mo alam. Walang nakakaalam niyan! Hindi mo maaaring malaman iyan!” Nang hindi ako makumbinsi, itinanong ng atheist, na isang abugado, ang pinakamahalagang tanong sa paksa [tungkol sa] patotoo. “Sige nga,” ang patuya at mayabang niyang sabi, “sabi mo alam mo. Sabihin mo sa akin kung paano mo nalaman.”
(Boyd K. Packer, “Ang Paghahangad sa Espirituwal na Kaalaman,” Liahona, Ene. 2007, 14)
-
Paano mo nakita ang ganitong uri ng pagtatanong sa mundo ngayon?
-
Ano ang isasagot mo sa tanong ng lalaki?
Sa pag-aaral mo, pagnilayan kung gaano kahusay mong nauunawaan kung paano matuto ng mga espirituwal na katotohanan at maghanap ng mga kaalamang makatutulong sa iyong matuto pa.
Pag-aaral ng mga espirituwal na katotohanan
Naisama ng mga Banal sa Corinto ang mga ideya at gawain ng mundo sa pagpapamuhay ng ebanghelyo. Bilang resulta, marami silang nagawang pagkakamali. Sumulat si Pablo sa kanila upang tulungan silang maunawaan kung paano matuto ng mga espirituwal na bagay.
Basahin ang 1 Corinto 2:9–14 , at hanapin ang mga kaalamang makatutulong sa ating matuto ng mga espirituwal na katotohanan.
Tandaan na ang “taong hindi ayon sa espiritu” sa talata 14 ay “isang tao na pumapayag na mahikayat ng mga silakbo ng damdamin, pagnanasa, gana, at damdamin ng laman kaysa ng mga panghihikayat ng Banal na Espiritu” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Likas na Tao ,” SimbahanniJesucristo).
-
Anong mga talata o parirala ang pinakamahalaga para sa iyo? Ano ang nagustuhan mo sa mga ito?
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang pagmamahal para sa iyo sa talata 9 ?
-
Anong mga katotohanan ang nahanap mo tungkol sa kung paano naghahayag ang Ama sa Langit ng kaalaman sa Kanyang mga anak?
Ang isang katotohanang itinuro sa mga talatang ito ay malalaman at mauunawaan natin ang mga bagay ng Diyos sa pamamagitan lamang ng Kanyang Espiritu.
Bilang isang posibleng halimbawa ng hindi pag-unawa sa kung paano matuto ng espirituwal na katotohanan, basahin kung ano ang nangyari habang sinisikap ni Pangulong Packer na ipaliwanag kung paano niya nalamang totoo ang Diyos sa atheist sa eroplano:
Nang gamitin ko ang mga salitang Espiritu at saksi, tumugon ang atheist, “Hindi ko alam ang pinagsasabi mo.” Ang mga salitang panalangin, pahiwatig, at pananampalataya, ay pawang walang kahulugan sa kanya.
(Boyd K. Packer, “Ang Paghahangad sa Espirituwal na Kaalaman,” Liahona, Ene. 2007, 14)
Pag-aaral sa pamamagitan ng Espiritu
Sa iyong study journal, maglista ng ilang espirituwal na katotohanang natutuhan mo sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Maglista rin ng ilang katotohanan na nais mong makatanggap ng pagpapatibay tungkol dito. Maaaring kabilang sa ilang halimbawa ang sumusunod: Ang Ama sa Langit ay totoo at buhay at minamahal ako, si Jesucristo ang aking Tagapagligtas, at si Joseph Smith ay propeta ng Diyos.
Pumili ng isa sa mga katotohanang natukoy mo at sagutin ang sumusunod:
-
Paano sasabihin sa iyo ng mundo na tuklasin ang katotohanan tungkol sa paksang ito?
-
Ano ang ginawa mo, o magagawa mo, upang malaman ang katotohanang ito sa pamamagitan ng Espiritu Santo?
Kung gusto mong matutuhan pa ang tungkol sa pag-aaral ng katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu Santo, maaari mong pag-aralan ang ilan sa sumusunod na resources:
-
Galacia 5:22–23 ; Doktrina at mga Tipan 8:2–3 ; 9:7–8 ; 11:12–14, 21–22 ; at 138:1–4, 11
-
mga entry tulad ng “ Espiritu Santo ” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan , o sa Mga Paksa ng Ebanghelyo na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org
Pagtulong sa ibang matuto sa pamamagitan ng Espiritu
Basahin ang sumusunod para matapos ang kuwento ni Pangulong Packer. Nang hindi tanggapin ng lalaki sa eroplano ang mga paliwanag ni Pangulong Packer, nakadama ng inspirasyon si Pangulong Packer na ipalarawan sa lalaki ang lasa ng asin:
Pagkaraan ng ilang pagtatangka, siyempre pa, hindi niya ito magawa. Hindi niya maipaliwanag, [gamit lamang] ang mga salita, ang napakakaraniwang karanasan tulad ng lasa ng asin. Muli akong nagpatotoo sa kanya at sabi ko, “Alam kong mayroong Diyos. Pinagtawanan mo ang patotoong iyan at sinabi mo [na] kung talagang alam ko, masasabi ko sa iyo kung paano ko ito nalaman. Kaibigan, kung espirituwal ang pag-uusapan, nalasahan ko na ang asin. Hindi ko kayang ipaliwanag sa iyo sa mga salita kung paano ko nalaman ito gaya ng pagsasabi mo sa akin kung ano ang lasa ng asin. Pero uulitin ko sa iyo, mayroong Diyos! Talagang buhay Siya! At dahil lang sa hindi mo alam, huwag mong tangkaing sabihin sa akin na hindi ko rin alam, dahil alam ko!” …
Mula nang maranasan ko iyon, hinding-hindi na ako napahiya o nahiya na hindi ko maipaliwanag sa mga salita lamang ang lahat ng alam kong espirituwal.
(Boyd K. Packer, “Ang Paghahangad sa Espirituwal na Kaalaman,” Liahona, Ene. 2007, 14–15)
-
Bakit mas mainam na pagmumulan ng kaalaman ang Espiritu Santo kaysa sa karunungan at pangangatwiran ng mundo?
-
Ano ang magagawa mo upang makahingi ng kaalaman sa Ama sa Langit?
Maaari mong isulat sa iyong study journal ang gusto mong gawin upang patuloy na matuto ng katotohanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Ano ang magagawa ko upang matutuhan ang mga espirituwal na bagay?
Ipinahayag ni Elder Paul V. Johnson ng Pitumpu:
Ang mga sagot sa mga tanong na espirituwal ay ibinibigay sa mga taong hindi nagmamatigas ng kanilang puso; na nagtatanong nang may pananampalataya, naniniwala na sila ay tatanggap; at masigasig na sumusunod sa mga kautusan.
(Paul V. Johnson, “A Pattern for Learning Spiritual Things” [Seminaries and Institutes of Religion satellite broadcast, ika-7 ng Ago. 7, 2012], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)
Magagamit ba ang mga bagay tulad ng siyentipikong paraan at lohika lamang upang maunawaan ang mga katotohanan ng ebanghelyo?
Ipinahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:
Kapag naghahanap tayo ng katotohanan tungkol sa relihiyon, dapat tayong gumamit ng espirituwal na mga paraan na angkop para sa paghahanap na iyon: panalangin, ang pagpapatotoo ng Espiritu Santo, at pag-aaral ng mga banal na kasulatan at mga salita ng mga makabagong propeta. Nalulungkot ako kapag nakaririnig ako tungkol sa isang tao na nawawalan ng pananampalataya sa relihiyon dahil sa mga sekular na turo. Ang mga taong dating nagkaroon ng espirituwal na pananaw ay maaaring magdusa sa espirituwal na pagkabulag na ang sarili niya mismo ang may gawa. Tulad ng sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring, “Ang problema nila ay wala sa inaakala nilang nakikita nila; ito ay nasa hindi pa nila nakikita” [Henry B. Eyring, To Draw Closer to God: A Collection of Discourses (1997), 143].
Inaakay tayo ng pamamaraan ng agham sa tinatawag nating katotohanan ng agham. Ngunit ang “katotohanan ng agham” ay hindi ang kabuuan ng buhay. Ang mga hindi natututo “sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” ( Doktrina at mga Tipan 88:118) ay nililimitahan ang pag-intindi nila sa katotohanan sa mga bagay na napapatunayan sa pamamagitan ng mga siyentipikong paraan. Ito ay naglalagay ng artipisyal na limitasyon sa paghahanap nila ng katotohanan.
(Dallin H. Oaks, “Katotohanan at ang Plano,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 25)
Kapag naghahanap tayo ng katotohanan tungkol sa relihiyon, dapat tayong gumamit ng espirituwal na mga paraan na angkop para sa paghahanap na iyon: panalangin, ang pagpapatotoo ng Espiritu Santo, at pag-aaral ng mga banal na kasulatan at mga salita ng mga makabagong propeta. Nalulungkot ako kapag nakaririnig ako tungkol sa isang tao na nawawalan ng pananampalataya sa relihiyon dahil sa mga sekular na turo. Ang mga taong dating nagkaroon ng espirituwal na pananaw ay maaaring magdusa sa espirituwal na pagkabulag na ang sarili niya mismo ang may gawa. Tulad ng sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring, “Ang problema nila ay wala sa inaakala nilang nakikita nila; ito ay nasa hindi pa nila nakikita” [Henry B. Eyring, To Draw Closer to God: A Collection of Discourses (1997), 143].
Inaakay tayo ng pamamaraan ng agham sa tinatawag nating katotohanan ng agham. Ngunit ang “katotohanan ng agham” ay hindi ang kabuuan ng buhay. Ang mga hindi natututo “sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118) ay nililimitahan ang pag-intindi nila sa katotohanan sa mga bagay na napapatunayan sa pamamagitan ng mga siyentipikong paraan. Ito ay naglalagay ng artipisyal na limitasyon sa paghahanap nila ng katotohanan.
(Dallin H. Oaks, “Katotohanan at ang Plano,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 25)
Paano maipapaalam sa akin ng Espiritu Santo ang katotohanan?
Ipinahayag ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Matututuhan ninyo ang napakahahalagang bagay sa inyong naririnig at nakikita at, higit pa riyan, sa inyong nadarama, na ipinahihiwatig ng Espiritu Santo. Maraming indibiduwal ang nililimitahan ang kanilang pagkatuto sa kung ano ang kanilang naririnig o nababasa. Maging matalino. Magkaroon ng kasanayan na matuto rin sa pamamagitan ng nakikita mo at lalo na sa pamamagitan ng ipinadarama sa iyo ng Espiritu Santo. Kusa at patuloy na sikaping matuto sa pamamagitan ng nadarama mo. Madaragdagan ang kakayahan mong gawin ito sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagsasanay. Kinakailangan ng malaking pananampalataya at pagsisikap upang matuto sa pamamagitan ng nadarama mo mula sa Espiritu. Humingi nang may pananampalataya para sa ganoong tulong. Mamuhay nang karapat-dapat sa patnubay na iyon.
(Richard G. Scott, “How to Learn by the Spirit,” New Era, Set. 2014, 48)