Seminary
1 Corinto 1–4


1 Corinto 1–4

Jesucristo: Ang Ating Tunay na Saligan

Temple of Apollo, Corinth, built about 600 B.C. This would have been one of the most imposing structures in Corinth in Paul’s day. Temples and shrines housing images of pagan deities were prevalent throughout the Greco-Roman world, and members of the Church in cities like Corinth would have encountered them daily. Paul noted that before the saints in Corinth had converted, they had been carried away unto these dumb [voiceless] idols, even as [they] were led (1 Cor. 12:2).

Isipin ang negatibong epekto ng pagtatalo, kapalaluan, mga maling pagtuturo, at imoralidad sa mundo ngayon. Nahirapan ang mga miyembro ng Simbahan noon na nakatira sa Corinto sa ganito ring mga hamon. Habang nangangaral sa Efeso sa kanyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, sumulat si Apostol Pablo sa mga Banal sa Corinto upang palakasin sila at ipaalala sa kanila na umasa kay Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyong maunawaan kung paano tayo matutulungan ng pagtatayo ng ating buhay kay Jesucristo upang madaig ang mga hamon ng mundo. 

Patotohanan ang tunay na doktrina. Maghanap ng mga pagkakataon upang patotohanan ang tunay na doktrina. Kapag nagpatotoo ka tungkol sa tunay na doktrina, pagtitibayin ng Espiritu ang katotohanan ng doktrina sa puso ng mga tinuturuan mo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na hilingin sa isang kapamilya o kaibigan na ipaliwanag kung paano nakatulong sa kanila ang pagtatayo ng kanilang buhay kay Jesucristo upang madaig ang iba’t ibang hamon sa buhay.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pananatiling tapat sa gitna ng mahihirap na sitwasyon

Ipagpalagay na nagpadala sa iyo ang isang malapit na kaibigan na nakatira sa ibang lungsod ng sumusunod na mensahe:

“Napakahirap talagang mapaligiran ng mga negatibong impluwensya sa lahat ng dako. Napakaraming tao rito ang hindi sumusunod sa mga kautusan, at binabatikos ng ilan sa kanila ang Simbahan. May mga kilala ako na nawala na ang kanilang mga patotoo sa mga katulad na sitwasyon at ayaw kong mangyari iyon sa akin. May maipapayo ka ba?”

  • Ano ang sasabihin mo sa iyong kaibigan?

  • Ano ang ilan sa mga negatibo at mapaminsalang impluwensya na napansin mo sa lugar kung saan ka nakatira?

  • Paano pinapahirap kung minsan ng mga impluwensyang ito ang pananatiling tapat sa iyong pananampalataya?

Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, isipin kung gaano ka katapat kapag nahaharap ka sa mga hamon o negatibong impluwensya ng mundo. Hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo upang malaman kung paano patitibayin ang iyong pagsandig kay Jesucristo, at alamin ang mga katotohanang makatutulong sa iyong madaig ang mga hamon sa iyong buhay.Sa kanyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero, ipinangaral ni Apostol Pablo ang ebanghelyo sa Corinto nang halos dalawang taon (tingnan sa Mga Gawa 18:1–18) at nag-organisa ng isang branch ng Simbahan doon. (Upang mahanap ang lungsod ng Corinto, tingnan sa Mga Mapa at mga Larawan sa Biblia, Mapa 13, “ Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero .”) Ang Corinto ay mayamang sentro ng kalakalan at ang kabisera ng lalawigan ng Achaea sa Roma. Maraming mamamayan ng Corinto ang sumamba sa mga diyus-diyusan at mga imoral. Ang ilan din ay nagdulot ng pagkakabahagi-bahagi at nakikipagtalo. Sa ganitong kapaligiran, naging mahirap para sa maraming miyembro ng Simbahan ang manatiling tapat sa ebanghelyo ng Tagapagligtas. Nang sumulat si Pablo sa mga Banal sa Corinto upang tulungan sila sa kanilang mga hamon at problema, nagsalita siya tungkol sa saligang inilatag niya para sa kanila.

Basahin ang 1 Corinto 2:1–5 at 1 Corinto 3:10–11 , at alamin ang mga pariralang naglalarawan sa saligang ito.

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng itayo ang iyong saligan kay Jesucristo?

Sa Aklat ni Mormon, hinikayat din ni Helaman ang kanyang mga anak na itayo ang kanilang saligan kay Jesucristo. Basahin ang Helaman 5:12 , at alamin ang mga pagpapalang ipinangako ni Helaman.

  • Ano ang maibabahagi mo sa iyong kaibigan mula sa mga talatang ito na maaaring makatulong?

Ang isang katotohanang matututuhan natin mula sa mga banal na kasulatang ito ay kapag isinalig natin ang ating buhay kay Jesucristo, madaraig natin ang impluwensya ni Satanas at ang mga hamon ng mundo.

  • Ano ang nalalaman, nadarama, o pinaniniwalaan mo tungkol sa Tagapagligtas na tumutulong sa iyong naising Siya ang maging saligan mo?

Tulungan ang mga estudyante na palalimin ang kanilang pag-unawa at madama ang katotohanan at kahalagahan ng alituntuning ito. Ang sumusunod na aktibidad ay isang paraan upang magawa ito. Maaaring gawin ng mga estudyante ang aktibidad bilang isang klase sa pisara, o maaaring ipakita ang mga tagubilin at gawin ng mga estudyante ang aktibidad sa kanilang study journal.

  • Magdrowing ng isang simpleng bahay o gusali na may matibay na saligan o pundasyon. Sa paligid ng bahay, magsulat ng ilang hamon o negatibong impluwensya na kinakaharap mo.

  • Sa loob o paligid ng pundasyon, magsulat ng mga bagay na magagawa mo upang maisalig ang iyong buhay sa Tagapagligtas.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang kanilang mga sagot sa naunang dalawang aktibidad.

  • Sagutin ang sumusunod na tanong: Paano nakatulong sa iyo ang mga gagawin mo, o paano ka matutulungan ng mga ito kapag nahaharap ka sa mga hamon o negatibong impluwensya?

Ang mga sumusunod na aktibidad ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga estudyante na mapag-aralan pa ang mga turo ni Pablo tungkol sa pagkakabaha-bahagi ng mga tao at pagtatalo, pati na rin ng mga panganib ng pagtanggap ng karunungan ng sanlibutan kaysa sa karunungan ng Diyos. Isaalang-alang ang mga pangangailangan ng mga estudyante at kung ilang oras pa ang natitira para makapagpasiya kung gagawin pa ang mga aktibidad na ito sa klase. Maaaring piliin ng mga estudyante ang isa sa mga aktibidad na ito upang gawin nila nang mag-isa o bilang maliit na grupo. Bilang alternatibo, maaaring gawin ng buong klase ang isa sa mga aktibidad.

Sa sulat ni Pablo sa mga taga Corinto, sinagot niya ang ilang isyu at itinuro niya kung paano tinataglay ng Tagapagligtas at ng Kanyang ebanghelyo ang kapangyarihan upang tulungan ang mga taga Corinto na madaig ang kanilang mga hamon (tingnan sa 1 Corinto 1:23–24). Nakatuon ang mga sumusunod na aktibidad sa dalawa sa mga isyung iyon. Basahin ang mga sumusunod na opsiyon at pumili ng isa na magiging pinakamakabuluhan sa iyo na pag-aralan.

Opsiyon A: Mga pagkakabaha-bahagi at pagtatalo

Ang isang hamon kung saan nahirapan ang mga Banal sa Corinto ay ang pagtatalo. Nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi dahil naniwala sila na ang kanilang katayuan sa Simbahan ay batay sa pagiging mahalaga ng taong nagbinyag sa kanila (tingnan sa 1 Corinto 1:12).

Sa tabi ng drowing mong bahay, maaari kang maglista ng mga paraan kung paano ka nahaharap sa mga pagkakabaha-bahagi o pagtatalo sa iyong ward, pamilya, o komunidad.

Maingat na tiyakin na ang mga halimbawang ibibigay ng mga estudyante ay hindi mag-uudyok ng galit o pagtatalo sa karanasan nila sa pag-aaral. Kung magkakaroon ng pagtatalo, hikayatin ang mga estudyante na maging maunawain at mapagmahal upang manatili pa rin ang Espiritu.

  • Ano ang ilang kahihinatnan ng mga pagkakabaha-bahagi at pagtatalo?

Basahin ang 1 Corinto 1:10–13 at 1 Corinto 3:3–9 , at alamin kung paano sinubukan ni Pablo na tulungan ang mga tao na magtayo ng saligan kay Jesucristo.

  • Ano ang nakita mo sa mga talatang ito na makatutulong sa mga tao na madaig ang mga pagkakabaha-bahagi at pagtatalo?

  • Sa palagay mo, bakit nakatutulong sa iyo ang pagtatayo ng iyong buhay kay Jesucristo para makiisa at hindi makipagtalo sa mga tao sa paligid mo?

Opsiyon B: Ang karunungan ng sanlibutan

Pinahalagahan ng maraming taga Corinto ang karunungan ng sanlibutan. Hindi naunawaan ng maraming Judio at Gentil ang mensahe ng ipinakong Mesiyas. Sa mga tao sa Roma, ang parusang pagpapako sa krus ay simbolo ng kahihiyan at pagkatalo. Ang ideyang ang isang tao ay handang magdusa para sa iba ay “kahangalan” para sa mga Griyego ( 1 Corinto 1:23). Para sa mga Judio, ang isang Mesiyas na namatay sa isang krus ay isang “katitisuran” ( 1 Corinto 1:23) dahil inasahan nilang lulupigin ng Mesiyas ang kanilang mga kaaway.

Basahin ang 1 Corinto 1:17–25 , at alamin kung paano tinugon ni Pablo ang ganitong mga pag-uugali.

Saanman sa tabi ng drowing mong bahay, maglista ng mga paraan kung paano maaaring maapektuhan o hamunin ng karunungan ng sanlibutan ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

  • Bakit maaaring hindi maunawaan o mapahalagahan ng ilang tao ngayon si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala?

  • Anong mga pagbabago ang maaaring mangyari kapag nalaman o nadama ng isang tao na may tunay na kapangyarihan ang Tagapagligtas sa kanyang buhay? (tingnan sa 1 Corinto 1:24).

  • Paano makatutulong sa iyo ang pagtatayo ng iyong buhay kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo kapag nahaharap ka sa mga mapanghamong ideya ng mundo?

Pagsalig ng ating buhay kay Jesucristo

Suriin nang ilang minuto ang sarili mong buhay. Paano mo naitayo ang iyong saligan kay Jesucristo? Sa anong mga paraan mo gustong magpakabuti? Paano makatutulong sa iyo ang lalo pang pagsandig ng iyong buhay sa Tagapagligtas na si Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo upang maharap ang mga hamon at negatibong impluwensya sa iyong buhay? Maaari mong isulat ang iyong mga naisip at mithiin sa iyong study journal.

Maaari mong ipabahagi sa mga estudyante ang kanilang mga naisip upang tapusin ang klase. Magdagdag din ng sariling pananaw at patotoo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Bakit ko dapat itayo ang aking saligan kay Jesucristo?

Ipinahayag ni Elder Chi Hong (Sam) Wong ng Pitumpu:

Official Portrait of Elder Chi Hong (Sam) Wong. Photographed in March 2017.

Kung itatayo natin ang ating saligan kay Jesucristo, hindi tayo babagsak! Kapag nagtiis tayo hanggang wakas nang buong tapat, tutulungan tayo ng Diyos na itayo ang ating buhay sa Kanyang bato, “at ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig sa [atin]” ( Doktrina at mga Tipan 10:69). Maaaring hindi natin mababago ang lahat ng mangyayari sa hinaharap, ngunit mapipili natin kung paano maghanda para sa mga mangyayaring iyon.

(Chi Hong [Sam] Wong, “Hindi Sila Mananaig; Hindi Tayo Babagsak,” Liahona, Mayo 2021, 98)

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

“Saligang Kaytibay”

Maaari mong kantahin ang “Saligang Kaytibay” (Mga Himno, blg. 47) kasama ang mga estudyante bago simulan ang lesson. Anyayahan ang mga estudyanteng pagnilayan ang kahalagahan ng matibay na saligan habang pinag-aaralan nila ang lesson na ito.

Opsiyon C: Paghatol at pagmamataas

Ang sumusunod ay karagdagang opsiyon sa pag-aaral para sa huling aktibidad ng lesson.

Sa 1 Corinto 4:1–3 , tila may ilang miyembro ng Simbahan sa Corinto ang humatol o bumatikos sa mga ginawa ni Pablo bilang misyonero at lider ng Simbahan. Maaaring kinuwestiyon nila ang kanyang mga desisyon o inisip na may iba pang mas mahusay sa kanya.

Sa tabi ng drowing mong bahay, maglista ng anumang paraan na maaari kang matuksong hatulan o husgahan ang iyong mga lider.

Basahin ang 1 Corinto 4:1–7 , at ilista ang mga salita o pariralang maaaring makatulong sa iyo o sa iba na nahihirapang labanan ang pagiging mapagmataas at ang maling paghatol sa iba.

Anong mga salita o parirala ang lubos na nakatulong sa iyo?

Bakit mahalagang alalahanin na alam ng Panginoon ang mga saloobin at layunin ng ating mga puso? (tingnan sa 1 Corinto 4:5).

Paano makatutulong sa iyo ang pagtatayo ng iyong saligan kay Jesucristo kapag ikaw o ang ibang tao ay nagiging mapagmataas o hinahatulan nang mali ang iba??

Pagpapatibay ng pagkakaisa sa pamamagitan ni Jesucristo

Maaaring gamitin ang sumusunod na video upang ilarawan kung paano, kahit na may malaking pagkakaiba-iba sa mga lahi at kultura, maaari tayong magkaisa bilang mga disipulo ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya. Maaaring makatulong sa mga estudyante na sagutin ang sumusunod na tanong: Paano makatutulong sa iyo ang pagsalig ng iyong buhay kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo na mas makiisa sa mga tao sa paligid mo?

2:3

Ang mga bagay na mahihina sa sanlibutan

Maaari mong basahin ang 1 Corinto 1:26–27 kasama ng mga estudyante at itanong ang tulad ng mga sumusunod:

  • Sa palagay mo, bakit pinipili ng Diyos ang mga yaong itinuturing ng mundo na kahangalan at mahina upang ipangaral ang Kanyang ebanghelyo?

  • Paano ka maihahanda ng pagtatayo ng matibay na saligan kay Jesucristo upang maibahagi ang ebanghelyo sa iba?

Magpabahagi sa mga estudyante ng mga personal na karanasan bilang misyonero o ng mga karanasan mula sa mga kapamilyang nagmisyon kung saan kumilos ang Panginoon sa pamamagitan nila upang tulungan ang ibang tao na lumapit kay Cristo.