Seminary
I-assess ang Iyong Pagkatuto 8


I-assess ang Iyong Pagkatuto 8

Roma 1–16; 1 Corinto 1–7

Students talking in a seminary class.

Layunin ng lesson na ito na tulungan kang suriin ang mga mithiing itinakda mo at ang personal na pag-unlad na naranasan mo sa iyong pag-aaral ng Bagong Tipan. 

Pag-assess sa pagkatuto ng estudyante. Ang pagtutulot sa mga estudyante na i-assess kung ano ang natututuhan nila ay makatutulong sa kanila na pagnilayan kung paano sila tinutulungan ng Diyos na matuto at umunlad. Tulungan ang mga estudyante na kilalanin ang kanilang mga tagumpay, at pati na rin ang mga paraan na maaari pa silang humusay. Habang pinagninilayan nila ang kanilang pag-unlad at mga hamon, makatatanggap sila ng paghahayag tungkol sa susunod na hakbang na maaari nilang gawin upang maging higit na katulad ni Jesucristo.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang kanilang pag-unlad na may kaugnayan sa kanilang personal na mga espirituwal na mithiin. Anyayahan din silang pag-isipan kung ano ang natutuhan nila o ang mga mithiing itinakda nila habang pinag-aaralan nila ang Roma at 1 Corinto 1–7.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Layunin ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na suriin ang mga mithiing itinakda nila, ang kanilang kakayahang ipaliwanag ang mga turo sa Bagong Tipan, o kung paano nagbabago ang kanilang pag-uugali, hangarin, at kakayahang ipamuhay ang ebanghelyo. Ang pag-aaral ng klase sa Roma 1–16 ; 1 Corinto 1–7 ay maaaring nagbigay-diin sa mga katotohanang wala sa mga sumusunod na aktibidad. Kung gayon, maaaring iangkop ang mga aktibidad upang maisama ang mga katotohanang iyon.

Pagiging disipulo ni Jesucristo

  • Kung makapaglalakbay ka sa bagong lugar, saan mo gustong pumunta?

  • Habang naglalakbay, bakit mahalagang suriin kung nasa tamang direksyon ka pa? Ano ang maaaring mangyari kung wala ka sa tamang direksyon?

Mahalaga ring suriin ang ating espirituwal na paglalakbay. Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng pagsisikap na abutin ang mga espirituwal na mithiin at pagkatapos ay idinagdag niya:

Official portrait of President M. Russell Ballard of the Quorum of the Twelve Apostles, 2004.

Nalaman ko na para manatiling nakatuon … , kailangan kong itanong palagi sa sarili ko, “Kumusta na ako?”

Para itong personal at pribadong pag-interbyu sa sarili ninyo. …

Sa mga darating na linggo, mag-ukol ng oras na repasuhin ang inyong mga mithiin sa buhay at mga plano, at tiyaking nakaayon ang mga ito sa dakilang plano ng ating Ama sa Langit para sa ating kaligayahan. Kung kailangan ninyong magsisi at magbago, isiping gawin ito ngayon. …

Pinatototohanan ko na wala nang mas mataas na mithiin sa buhay na ito kaysa mabuhay nang walang hanggan sa piling ng ating mga Magulang sa Langit at ng ating pinakamamahal na Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo. Ngunit hindi lang atin ang mithiing iyan—ito rin ang Kanilang mithiin. Sakdal ang Kanilang pagmamahal sa atin, na mas makapangyarihan kaysa kaya nating unawain. Lubos, ganap, at walang hanggan ang Kanilang pagtulong sa atin. Tayo ang Kanilang gawain. Ang ating kaluwalhatian ay Kanilang kaluwalhatian. Higit sa anupaman, nais Nila tayong makauwi.

(M. Russell Ballard, “Makabalik at Makatanggap,” Liahona, Mayo 2017, 64–65)

Maglaan ng ilang minuto upang itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod na tanong, na parang iniinterbyu mo nang pribado ang sarili mo. Maaari mong isulat sa iyong study journal ang mga sagot mo.

  • Ano ang nagawa ko kamakailan upang magkaroon ng patotoo sa mga partikular na katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu Santo? Ano ang natututuhan ko tungkol sa pagtanggap ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo? (Maaaring naglaan ka ng oras na pag-isipan ito nang pag-aralan mo ang 1 Corinto 2 .)

  • Anong mga mithiin ang itinakda ko upang mas mapalapit sa Tagapagligtas at maging disipulo Niya? Anong mga tagumpay ang nararanasan ko? Anong mga balakid ang kinakaharap ko? Ano ang kailangan kong gawin upang matanggap ang tulong ng Tagapagligtas at patuloy na umunlad sa aking espirituwal na paglalakbay?

Ipabahagi sa mga estudyante ang kanilang mga saloobin tungkol sa mga tanong na ito. Tandaan na maaaring napakapersonal o napakapribado ng ilang mithiin at karanasan, kaya huwag hilingin na magbahagi ang mga estudyante. Batiin ang mga estudyante sa kanilang mga tagumpay. Kung nahaharap ang mga estudyante sa mga balakid na nahihirapan silang madaig, maaari mong itanong sa iba pa sa klase ang katulad ng sumusunod: Ano ang natutuhan natin ngayong taon sa pag-aaral natin ng Bagong Tipan na maaaring makatulong? Ano ang mga naging karanasan ninyo na maaaring makatulong? Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na pagsikapang abutin ang kanilang mga mithiin, at magpahayag ng tiwala na tutulungan sila ng Ama sa Langit habang nagsisikap sila na maging higit na katulad Niya.

Pagpapaliwanag ng biyaya ni Jesucristo

Upang matulungan ka na ma-assess ang pagkaunawa mo sa isang mahalagang katotohanan ng ebanghelyo na pinag-aralan mo kamakailan, gawin ang sumusunod na aktibidad:

Ipagpalagay na kinontak ka ng mga missionary. Tinuturuan nila ang isang kaedad mo na nahihirapang maunawaan ang biyaya ni Jesucristo. Hiniling sa iyo ng mga missionary na samahan sila sa kanilang susunod na appointment sa pagtuturo upang maibahagi mo ang nalalaman mo tungkol sa biyaya ng Tagapagligtas at kung paano napagpala ang buhay mo sa pagsunod kay Jesucristo.

Saliksikin sandali ang mga banal na kasulatan upang maghanap ng mga talata at katotohanang maaaring makatulong. Maaaring makatulong ang pagbabasa ng ilan sa mga sumusunod na talata:

Roma 3:10–12, 20–28

Roma 4:16 (kabilang ang Pagsasalin ni Joseph Smith sa Roma 4:16)

Roma 5:1–2, 21

  1. Isulat kung paano mo ipaliliwanag ang biyaya ng Tagapagligtas sa sarili mong mga salita.

  2. Gamit ang isang banal na kasulatan mula sa Roma, magbahagi ng isang katotohanan tungkol sa biyaya ng Tagapagligtas at kung paano natin ito matatanggap sa ating buhay. Maaari mong isama kung paano ka napalapit sa Tagapagligtas dahil nalaman mo ang mga katotohanang ito.

Tiyaking bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante na makapaghanda. Kapag tapos na ang mga estudyante, maaari silang makipagtulungan sa isang kaklase at magsalitan sa pagtuturo sa isa’t isa na tila ibinabahagi nila ang mga bagay na ito sa isang taong tinuturuan ng mga missionary.

Pagpapalakas ng iyong hangaring makiisa kay Cristo

Ang pagkakaisa ay isa pang mahalagang konsepto sa mga sulat ni Pablo sa mga taga Roma at Corinto.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pumili ng isa o dalawang talata kung saan nagturo si Pablo tungkol sa pagkakaisa (halimbawa, Roma 14:19 o Roma 15:1). Pagkatapos ay gawin ang isa sa mga sumusunod na aktibidad:

  1. Bigkasin ang talata o mga talata ng banal na kasulatan nang sabay-sabay bilang isang klase.

  2. Hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at ipabigkas sa kanila nang malakas ang talata o mga talata sa pamamagitan ng pagsasalitan kung sino ang bibigkas ng bawat linya ng banal na kasulatan. Kung gusto ng mga estudyante ng karagdagang gawain, maaari silang magsalitan kung sino ang bibigkas ng bawat salita.

  3. Bigkasin ang talata o mga talata ng banal na kasulatan bilang isang klase nang paisa-isang salita, at nang may iba’t ibang estudyante na bumibigkas ng bawat salita.

Sabihin sa mga estudyante na suriin kung gaano sila nagtulungan nang mabuti at ibahagi ang anumang natutuhan nila tungkol sa pagkakaisa sa pamamagitan ng aktibidad na ito. Ipabuod sa mga estudyante ang itinuro ni Pablo sa talata o mga talata ng banal na kasulatan.

a. Maghanap ng isang talata na pinag-aralan mo sa Roma o 1 Corinto na nagturo sa iyo ng makabuluhang katotohanan tungkol sa pakikiisa sa iba kay Cristo. Maaaring matagpuan ang ilang halimbawa sa Roma 12:10–21 ; 14:10–13, 19 ; 15:1–7 at sa 1 Corinto 1:10–13 ; 3:3–9 . Anong katotohanan ang itinuturo ng banal na kasulatan na pinili mo?

b. Mag-isip ng isang pangyayari kung saan naranasan mo ang itinuro ni Pablo sa banal na kasulatan na pinili mo. Sa iyong palagay, ano ang nakatulong nang malaki sa mga pagsisikap mong makiisa kay Cristo?

c. Sagutin ang dalawa sa mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang pagkakaiba ng simpleng mabuting pagtutulungan at ng pagkakaisa sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo?

  • Bakit mahalaga sa iyo ang katotohanang pinili mo sa item a?

  • Sa nakalipas na buwan, paano mo mas naunawaan ang pagkakaisa at ang iyong hangaring makiisa sa iba?

  • Ano ang ginawa mo para mas maging kaisa ka ng iba kay Cristo?

  • Anong mga hamon ang nararanasan mo habang nagsisikap kang mas makiisa sa iba?

Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang matulungan kang malaman ang mga paraan na nanaisin ng Panginoon na mas maging kaisa ka ng iba kay Cristo. Humingi rin ng paghahayag tungkol sa kung paano madaraig ang anumang hamong maaari mong kaharapin.

Magpatuloy sa iyong espirituwal na paglalakbay, at mas lumapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Tandaan na mahal ka Nila at handa Sila na tulungan ka sa mga pagsisikap mo.

Magpatotoo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa Kanilang hangaring tumulong.