Seminary
Doctrinal Mastery: Lucas 22:19–20


Doctrinal Mastery: Lucas 22:19–20

“Gawin Ninyo Ito sa Pag-aalaala sa Akin”

Sacrament trays with bread and water.

Sa iyong pag-aaral ng Mateo 26:26–30, natutuhan mo ang tungkol sa pagpapakilala ng Tagapagligtas sa ordenansa ng sacrament sa Kanyang mga disipulo sa Huling Hapunan. Ang lesson na ito ay magbibigay sa iyo ng pagkakataong madagdagan ang iyong kaalaman sa doktrina ng sacrament. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagsasaulo ng reperensya at mahalagang parirala sa banal na kasulatan para sa doctrinal mastery passage na Lucas 22:19–20, sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng doktrina, at paggamit ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.

Pagtulong sa mga estudyante na rebyuhin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Magbigay ng mga regular na pagkakataon upang marebyu ng mga estudyante ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman: kumilos nang may pananampalataya, suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw, at hangarin na mas makaunawa sa pamamagitan ng mga itinalagang sources na ibinigay ng Diyos (Doctrinal Mastery Core Document [2022], “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman”). Magsasanay ang mga estudyante sa paggamit ng mga alituntuning ito sa bawat pagsasanay para sa pagsasabuhay. Rebyuhin nang mabuti ang mga alituntunin upang maalala at magamit ng mga estudyante ang mga ito sa kanilang buhay.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang nakatutulong sa kanila na alalahanin ang Tagapagligtas habang tumatanggap sila ng sakramento, at maghandang gamitin o ibahagi ang karanasang ito sa lesson na ito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Isaulo at ipaliwanag

Ginawa ang doctrinal mastery passage lesson na ito upang ituro pagkatapos ng lesson na “Mateo 26:26–30; Lucas 22:19–20,” na siyang kontekstuwal na lesson para sa doctrinal mastery passage na Lucas 22:19–20 . Kung kailangang ilipat ang doctrinal mastery passage lesson na ito sa ibang linggo, tiyaking ituro din ang kaukulang kontekstuwal na lesson sa linggong iyon.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isadula ang sumusunod na sitwasyon nang magkakapartner, o sabihin sa dalawang estudyante na ilarawan ang sitwasyon sa buong klase.

Ipagpalagay na magsasama ka ng kaibigan sa simbahan na walang alam tungkol sa organisadong relihiyon o kay Jesucristo. Pagkatapos ng sacrament meeting, itinanong niya, “Ano ang layunin ng pagpapasa ng tinapay at tubig sa lahat?”

  • Paano mo ipaliliwanag ang ordenansa ng sacrament sa iyong kaibigan?

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong isaulo ang reperensya para sa doctrinal mastery scripture passage na Lucas 22:19–20 at ang kasama nitong mahalagang parirala ng banal na kasulatan. Ang sumusunod na aktibidad ay isang paraan upang magawa ito. Maaari mong iangkop ang aktibidad na ito sa pamamagitan ng pagpapartner-partner ng mga estudyante o paghahati ng klase sa maliliit na grupo o ipagawa ito sa buong klase at ipasulat sa pisara ang reperensyang banal na kasulatan at mahalagang parirala.

Sa iyong study journal, gumamit ng lapis para isulat ang sumusunod na reperensyang banal na kasulatan at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan: “ Lucas 22:19–20 : Iniutos ni Jesucristo, tumanggap ng sakramento ‘sa pag-aalaala sa akin.’”

Ulitin nang malakas ang reperensyang banal na kasulatan at ang mahalagang pariralang ito. Pagkatapos ay magbura ng dalawang salita o numero, at magsanay na muling sabihin ang reperensyang banal na kasulatan at parirala. Ulitin ang pattern na ito, magbura ng mga salita o numero at bigkasin ang reperensyang banal na kasulatan at mahalagang parirala, hanggang sa mabura ang lahat ng salita at numero. Pagkatapos ay isulat ang reperensyang banal na kasulatan at ang mahalagang parirala nito hangga’t kaya mo nang walang kopya.

Pagsasanay para sa pagsasabuhay

Kung kinakailangan, tulungan ang mga estudyante na marebyu ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Ang isang paraan upang magawa ito ay ipakumpleto sa mga estudyante ang sumusunod na aktibidad. Ang pagrerebyu na ito ay mahigit tatlo hanggang limang minuto lamang.

Rebyuhin sandali ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman (tingnan sa Doctrinal Mastery Core Document [2022], “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman”). Pumili ng isa sa tatlong alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at magdrowing ng simpleng simbolo o larawan na sa palagay mo ay kumakatawan dito.

Ngayon ay magsanay na gamitin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at ang doktrinang itinuro sa Lucas 22:19–20 sa pamamagitan ng pagbabasa ng sumusunod na sitwasyon at pagsagot sa mga sumusunod na tanong.

Ang sumusunod na sitwasyon ay ginawa upang tulungan ang mga estudyante na hindi lang basta gumawa ng listahan ng gagawin sa oras ng sacrament, kundi pag-isipan din nang mas malalim kung paano gagawing makabuluhang karanasan ang sacrament.

Maaari mong iangkop ang sitwasyon para lubos na makaugnay sa mga estudyante.

Si Judy ay 15 taong gulang, siya ay miyembro ng Simbahan sa buong buhay niya, at palaging dumadalo sa kanyang mga meeting sa simbahan. Kasama niya sa tirahan ang kanyang ina at lola, na mabubuting halimbawa sa kanya. Nitong nakaraang Linggo, naging interesado si Judy lalo na sa mga paksa ng mga tagapagsalita sa sacrament meeting. Nagbahagi ang bawat tagapagsalita ng mga nakaaantig at totoong personal na karanasan tungkol sa pagtanggap ng sakramento at kung paano ito nakatutulong para mapalakas ang impluwensya ng Tagapagligtas sa kanilang buhay. Dahil dito, napaisip siya kung bakit hindi pa siya nagkakaroon ng gayong mga karanasan. Naalala niya na sa oras ng sacrament, madalas na nagagambala siya ng kanyang telepono o ng ginagawa ng iba, o iniisip niya kung paano siya makakauwi agad para matulog.

  • Nadama mo na ba ang ganito?

  • Sa palagay mo, bakit ganito ang nadarama ng mga tao kung minsan?

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong magsanay na gamitin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman upang matulungan si Judy sa sitwasyong ito. Ang sumusunod ay isang paraan upang magawa ito.

Kung kailangan ng mga estudyante ng higit pang tulong sa paggamit ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa sitwasyong ito, maaari mong gamitin ang mga tanong na nakalista sa ilalim ng mga heading na nakasulat sa bold letter upang magsimula ng talakayan.

Sa iyong study journal, gumawa ng heading para sa bawat isa sa tatlong alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman: (1) kumilos nang may pananampalataya, (2) suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw, at (3) hangarin na mas makaunawa sa pamamagitan ng mga itinalagang sources na ibinigay ng Diyos.

Sa ibaba ng bawat heading, magsulat ng mga partikular na paraan kung paano makatutulong kay Judy ang alituntunin na iyon ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Halimbawa, maaari kang magmungkahi ng mga partikular na paraan na maaari siyang kumilos nang may pananampalataya, magbahagi kung paano makatutulong ang pagpapanatili ng walang-hanggang pananaw sa kanyang sitwasyon, at magmungkahi ng ilang sources na itinalaga ng Diyos na magagamit niya bilang gabay at direksyon.

  • Ano ang ipapayo mo na dapat simulang gawin ni Judy upang malutas ang kanyang mga alalahanin?

  • Paano mo magagamit ang bawat isa sa tatlong alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman upang matulungan si Judy?

Tulungan ang mga estudyante na mag-isip ng mga paraan upang makaugnayan at alalahanin si Jesucristo sa oras ng ordenansa ng sacrament. Habang sumasagot ang mga estudyante, maaari mong itanong ang mga sumusunod: Paano ito makatutulong sa iyo na alalahanin ang Tagapagligtas? Paano mo makakaugnayan at maaalala ang Tagapagligtas sa halip na gawin lang ang mga bagay-bagay nang hindi pinag-iisipan?

Kumilos nang may pananampalataya

  • Ano ang maipapayo mo kay Judy na makatutulong sa kanya na magkaroon ng mas magandang karanasan sa pagtanggap ng sakramento?

  • Ano ang maaaring makahadlang sa paggawa niya ng mga pagbabagong ito? Paano niya madaraig ang mga balakid na ito?

Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw

  • Ano ang maaari mong itanong kay Judy upang matulungan siyang makita ang kanyang sitwasyon nang may walang-hanggang pananaw? Bakit ang mga tanong na iyon ang napili mo?

Hangarin na mas makaunawa sa pamamagitan ng mga itinalagang sources na ibinigay ng Diyos

  • Ano ang itinuturo sa Lucas 22 at sa iba pang mga banal na kasulatan o ng mga lider ng Simbahan na maaaring makatulong kay Judy?

  • Saan pa makahihingi ng tulong si Judy upang maging mas makabuluhan ang kanyang karanasan sa pagtanggap ng sakramento?

Pagrerebyu

Dapat gamitin ang sumusunod na aktibidad sa pagrerebyu para sa lesson na ituturo sa susunod.

Bigyan ang bawat estudyante ng isang note card o sticky note. Sabihin sa kanila na isulat ang “ Lucas 22:19–20 : Iniutos ni Jesucristo, tumanggap ng sakramento ‘sa pag-aalaala sa akin’” sa kanilang mga card o sticky note at pagkatapos ay burahin ang ilan sa mga salita at numero sa reperensyang banal na kasulatan at mahalagang pariralang ito. Sabihin sa mga estudyante na magpalitan ng mga card o note at tingnan kung kaya nilang punan ang mga nawawalang salita o numero. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na subukang bigkasin ang reperensya at parirala nang walang kopya.

Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Alternatibong sitwasyon

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng sacrament sa pagsisimba, maaari mong gamitin ang sumusunod na alternatibong sitwasyon:

Nakakuha ng trabaho si Eldon kamakailan kung saan kailangan niyang magtrabaho tuwing Linggo. Hindi niya naisip na magiging malaking kawalan ang hindi pagsisimba nang isa o dalawang Linggo sa isang buwan. Ngunit napagtatanto na ngayon ni Eldon na kahit sa mga Linggo na hindi siya nagtatrabaho, wala siyang ganang magsimba. Nababagot siya sa simbahan at wala siyang nakakaugnayan o nakakausap na sinuman doon.

Pagkatapos ibahagi ang sitwasyon, talakayin kung paano makatutulong ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa sitwasyon ni Eldon. Bilang bahagi ng inyong talakayan, sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung anong mga pagpapala ang maaaring hindi matanggap ni Eldon dahil hindi siya regular na tumatanggap ng sakramento.