Mateo 26:26–30; Lucas 22:19–20
Ang Sacrament
Sa lugar na kilala bilang silid sa itaas, ang Tagapagligtas ay “umupong kasalo ng labindalawang alagad” (Mateo 26:20) at ipinagdiwang ang pista ng Paskuwa sa huling pagkakataon habang narito sa lupa. Sa huling hapunang ito ng Paskuwa, pinasimulan ni Jesucristo ang ordenansa ng sacrament bilang bagong paraan upang alalahanin Siya ng Kanyang mga disipulo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan at madama ang kahalagahan ng pag-alaala sa Tagapagligtas habang tumatanggap ka ng sakramento.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang kahalagahan ng sacrament
Ano ang isasagot mo kung may magtatanong sa iyo ng sumusunod:
-
Bakit nagsisimba ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw tuwing Linggo?
Ang isang mahalagang dahilan kung bakit tayo dumadalo sa Simbahan ay upang tumanggap ng sakramento. Nagbahagi si Sister Cheryl A. Esplin, na noon ay kabilang sa Primary General Presidency, ng pag-uusap ng isang 96 na taong gulang na lalaki at ng kanyang anak na nagpapakita ng kahalagahan ng pagtanggap ng sakramento bilang bahagi ng pagdalo sa Simbahan.
Kapag mas pinag-iisipan nating mabuti ang kahalagahan ng sakramento, nagiging mas sagrado at makahulugan ito sa atin. Ito ang sinabi ng 96 anyos na ama nang itanong sa kanya ng anak, “Itay, bakit po kayo nagsisimba? Hindi na kayo makakita, hindi na kayo makarinig, nahihirapan na kayong maglakad. Bakit po kayo nagsisimba?” Sumagot ang ama, “Dahil sa sakramento. Nagsisimba ako para makatanggap ng sakramento.”
(Cheryl A. Esplin, “Ang Sakramento—Isang Pagpapanibago ng Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 14)
-
Ano sa palagay mo ang naunawaan at nadama ng lalaking ito tungkol sa sakramento kung kaya’t naging napakahalaga nito sa kanya?
Suriin ang iyong karanasan sa pagsisimba at pakikibahagi sa ordenansa ng sacrament. Gamit ang scale na isa hanggang lima, kung saan ang isa ay mababa at ang lima ay mataas, sagutin ang mga sumusunod na tanong.
-
Gaano mo inuuna ang pagsisimba at pagtanggap ng sakramento?
-
Kapag tumatanggap ka ng sakramento, gaano kalaki ang posibilidad na iisipin mo si Jesucristo at magkakaroon ka ng makabuluhang karanasan?
Pagkatapos mong suriin ang iyong karanasan, pag-isipang mabuti kung bakit ganoon ang ini-rank mo sa iyong sarili. Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, hingin ang tulong ng Panginoon upang malaman mo kung paano mo mapapalalim ang iyong pag-unawa sa kahalagahan ng pag-alaala sa Tagapagligtas habang tumatanggap ka ng sakramento.
Pinasimulan ni Jesucristo ang sacrament
Nakibahagi si Jesucristo sa pista ng Paskuwa bago Siya magdusa sa Getsemani at mamatay sa krus. Ang pangyayaring ito ay nakilala bilang ang Huling Hapunan. Habang kumakain ang Tagapagligtas ng hapunang ito ng Paskuwa kasama ang Kanyang mga Apostol, pinasimulan Niya ang ordenansa ng sacrament.
Basahin ang Mateo 26:26–30 at Lucas 22:19–20 , at alamin ang itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol tungkol sa layunin ng sakramento. Maaari mong salungguhitan ang mahahalagang salita o parirala.
-
Ano ang layunin ng Tagapagligtas sa pagpapasimula ng ordenansa ng sacrament?
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga scripture passage na ito ay pinasimulan ni Jesucristo ang sacrament upang tulungan tayong alalahanin Siya.Bagama’t hindi pa nararanasan ng Tagapagligtas ang pagdurusa at hirap ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, ang ordenansa at mga sagisag na itinuturo Niya sa Kanyang mga Apostol ay naroon upang tulungan silang alalahanin Siya at ang kaloob na Kanyang Pagbabayad-sala.
-
Anong mga banal na kasulatan o personal na karanasan ang nakatulong sa iyo na pagnilayan ang sakripisyong ginawa ng Tagapagligtas para sa iyo?
-
Ano ang nadarama mo para sa Tagapagligtas habang binabasa mo ang mga talatang ito o iniisip mo ang mga karanasang ito?
-
Paano makatutulong sa iyo ang mga simbolo ng sakramento para mas maunawaan ang ginawa at magagawa ng Tagapagligtas para sa iyo?
Paggawa ng lesson outline
Ipagpalagay na hiniling sa iyo na magturo ka tungkol sa sacrament sa paparating na talakayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa iyong tahanan. Gamit ang mga banal na kasulatan na napag-aralan mo na at ang iba pang reperensyang pinili mo (tulad ng Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Sacrament,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/manual/gospel-topics/sacrament?lang=tgl, o mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan), maghandang tulungan ang iba na maunawaan at madama ang kahalagahan ng sacrament.
Dapat kasama sa iyong lesson outline ang mga sumusunod: (1) isa o mahigit pang banal na kasulatan o pahayag ng lider ng Simbahan tungkol sa sacrament na pag-aaralan at pagninilayan, (2) dalawa o mahigit pang tanong na maaari mong itanong upang mapalalim ang pag-unawa, at (3) paanyaya na ipamuhay ang mga katotohanang tatalakayin mo. Gamitin ang ilan o ang lahat ng sumusunod na tanong upang magabayan ka sa paggawa ng outline mo.
-
Ano ang sacrament?
-
Paano tayo matutulungan ng sacrament na mas maunawaan ang Tagapagligtas at ang Kanyang Pagbabayad-sala?
-
Ano ang nakatulong sa iyo upang magkaroon ka ng mga makabuluhang karanasan habang tumatanggap ng sakramento?
-
Paano kaya mag-iiba ang iyong buhay kung mas madalas mong aalalahanin si Jesucristo?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Ano ang kaugnayan ng Paskuwa sa sacrament?
Bakit tayo gumagamit ng tubig para sa sakramento sa halip na alak?
Nakasaad sa Doktrina at mga Tipan 27:1–2 na hindi mahalaga kung ano ang ginagamit para sa sakramento basta’t ginagawa ito “na ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian [ni Cristo]” ( talata 2). Ngayon, iniuutos sa atin ng mga lider ng Simbahan na gumamit ng tubig kapag tumatanggap tayo ng sakramento.
Ano ang maaari kong gawin upang maging mas makabuluhan ang sacrament?
Itinuro ni President Steven J. Lund, Young Men General President:
Sa tuwing hinahawakan ng isang deacon ang sacrament tray, naipapaalala sa atin ang sagradong kuwento ng Huling Hapunan, ng Getsemani, ng Kalbaryo, at ng libingan sa halamanan. Nang sabihin ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol, “Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin,” [Lucas 22:19], nangungusap din Siya sa lahat ng panahon sa bawat isa sa atin. Nangungusap Siya tungkol sa walang katapusang himala na ilalaan Niya kapag ang magiging mga deacon, teacher, at priest ay magbabasbas at magpapasa ng Kanyang mga sagisag at mag-aanyaya sa Kanyang mga anak na tanggapin ang Kanyang nagbabayad-salang kaloob.
Itinutuon tayo ng lahat ng simbolo ng sacrament sa kaloob na iyon. Pinagninilayan natin ang tinapay na pinagputul-putol Niya noon—at ngayon naman ang tinapay na pinagpuputul-putol ng mga priest sa harapan natin. Iniisip natin ang kahulugan ng likido na binasbasan at ginawang banal, noon at ngayon, habang ang mga salita ng mga panalangin na iyon sa sacrament ay taimtim na binibigkas ng mga batang priest patungo sa ating mga puso at sa kalangitan, pinapanibago ang mga tipan na nag-uugnay sa atin sa mga kapangyarihan ng pagliligtas ni Cristo. Maaari nating isipin kung ano ang kahulugan nito kapag dinadala sa atin ng deacon ang mga sagradong sagisag, tumatayo siya kung saan tatayo si Jesus kung nariyan Siya, upang pagaanin ang ating mga pasanin at pasakit.
(Steven J. Lund, “Paghahanap ng Kagalakan kay Cristo,” Ensign o Liahona, Nob. 2020, 36)
Ibinahagi ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang sumusunod na payo:
Sa sakrament miting—lalo na sa oras ng pagbibigay ng sakramento—kailangang ituon natin ang pansin sa pagsamba at iwasang gumawa pa ng iba lalo na ng mga pagkilos na makagagambala sa pagsamba ng iba. Maging ang isang taong umiidlip ay hindi dapat makagambala sa iba. Ang sakrament miting ay hindi oras ng pagbabasa ng mga libro o magasin. Mga kabataan, hindi ito oras ng pabulong na pakikipag-usap sa cell phone o pagte-text sa mga taong nasa ibang lugar. Kapag tayo ay tumatanggap ng sakramento, gumagawa tayo ng sagradong tipan na palagi nating aalalahanin ang Tagapagligtas. Napakalungkot makita ang mga taong hayagang lumalabag sa tipang iyon sa mismong [pulong kung saan ginagawa] nila [ang] tipang ito.
(Dallin H. Oaks, “Sakrament Miting at ang Sakrament,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 18–19)