Seminary
Juan 13


Juan 13

“Kayo’y Magmahalan sa Isa’t Isa”

Jesus washing Peter’s feet. Outtakes show similar scenes.

Matapos maghapunan sa pista ng Paskuwa, hinugasan ni Jesus ang mga paa ng Kanyang mga disipulo. Siya ay nagturo sa kanila ng tungkol sa paglilingkod at pagmamahal sa isa’t isa. Mahihikayat ka ng lesson na ito na maghangad ng kaligayahan sa pamamagitan ng paglilingkod at pagmamahal sa kapwa tulad ng ginawa ni Jesus.

Paghihikayat ng maraming sagot sa mga tanong. Iwasan ang pagtanggap ng isang sagot lamang sa isang tanong at pagkatapos ay magpatuloy sa lesson. Sabihin sa iba pang estudyante na sumagot o magkomento sa naunang sagot. Hingin ang patnubay ng Espiritu habang inaanyayahan mo ang mga estudyante na makibahagi sa mga talakayan.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng pagkakataong maglingkod o magpakita ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo para sa ibang tao.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagsisikap na tularan si Jesus

Kantahin o basahin ang mga titik ng “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata,40–41). Habang kumakanta, o nagbabasa ka, mag-isip ng mga dahilan kung bakit gusto mong tularan si Jesus.

3:18

Music Video: I’m Trying to Be Like Jesus – Emily Brown

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga naiisip o nadarama nila habang kinakanta o binabasa nila ang awit. Itanong ang mga sumusunod, at gamitin ang unang tanong upang makahikayat ng personal na pagninilay sa halip na talakayan.

  • Sa anong mga paraan mo pinagsisikapang tularan si Jesus?

  • Anong mga pagkakaiba ang nakita mo sa buhay ng mga tao habang pinagsisikapan nilang tularan si Jesus? Anong pagkakaiba ang nakita mo sa iyong sariling buhay?

Habang nakikibahagi ka sa lesson na ito, bigyang-pansin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo na makahihikayat sa iyo na mas tularan ang halimbawa at sundin ang mga turo ng Tagapagligtas.

“Kayo’y binigyan ko ng halimbawa”

Maaari mong ipakita ang larawan mula sa simula ng lesson na ito upang matulungan ang mga estudyante na maisalarawan ang nangyayari sa salaysay na ito ng banal na kasulatan.

Sa nalalapit na pagwawakas ng buhay ng Tagapagligtas, tinipon Niya ang Kanyang mga Apostol para sa Kanyang huling hapunan ng Paskuwa. Ang mga pangyayari sa gabing ito ay kadalasang tinutukoy na Huling Hapunan.

Basahin ang Juan 13:1–11 , at alamin ang ginawa ni Jesus pagkatapos nilang maghapunan ng Kanyang mga Apostol sa pista ng Paskuwa.

Magkakaroon ng mga pagkakataong talakayin ang iba pang pangyayaring naganap sa hapunan ng Paskuwa sa iba pang mga lesson para sa linggong ito.

Maaaring makatulong na malaman na noong panahon ng Bagong Tipan, karaniwang napakarumi ng mga paa ng mga tao dahil sa pagsusuot ng mga sandalyas at paglalakad sa mga daanang kalimitang maalikabok at hindi patag. Ang paghuhugas ng mga paa ng iba ay karaniwang isinasagawa ng mga pinakamababang tagapaglingkod.

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa katangian ni Jesus mula sa paghuhugas Niya ng mga paa ng mga Apostol?

  • Ano kaya ang madarama o itutugon mo kung ibibigay sa iyo ni Jesus ang ganitong uri ng mapagpakumbabang paglilingkod?

Sa paghuhugas ng mga paa ng Kanyang mga Apostol, hindi lamang gumawa ang Tagapagligtas ng isang magandang paglilingkod, ngunit pinasimulan din Niya ang isang sagradong ordenansa (tingnan sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary [1965], 1:708–9). Ang ordenansang ito ay ipinanumbalik sa ating dispensasyon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:74–75, 137–41 ; Mga Banal, pahina 191). Dahil ito ay isang sagradong ordenansa na bihirang banggitin ng mga propeta at apostol, hindi dapat talakayin ng mga titser kung paano isinasagawa ang ordenansang ito sa ating panahon. Ang mga titser at estudyante ay hindi dapat makibahagi sa anumang aktibidad na may kaugnayan sa paghuhugas ng mga paa ng isa’t isa. Sa halip, bigyang-diin ang dakilang halimbawa ng pagmamahal ng Tagapagligtas sa paglilingkod sa Kanyang mga disipulo sa ganitong paraan.

Basahin ang Juan 13:12–17 , at alamin ang mga aral na matututuhan mo mula sa mga salita ng Tagapagligtas.

  • Ano ang natutuhan mo mula sa mga turo ng Tagapagligtas sa mga talatang ito?

  • Kailan ka nakaranas ng kaligayahan sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ng paglilingkod ni Jesus?

3:8
3:2

“Kayo’y magmahalan sa isa’t isa”

Pagkatapos hugasan ang mga paa ng Kanyang mga Apostol, ang Tagapagligtas ay nag-ukol ng oras na turuan sila. Basahin ang Juan 13:34–35 upang malaman ang mahalagang doktrinang itinuro Niya.

Tulungan ang mga estudyante na tumukoy ng katotohanang tulad ng sumusunod: upang maging mga tunay na disipulo ni Jesucristo, dapat nating mahalin ang isa’t isa tulad ng pagmamahal Niya sa atin.

Maaaring mahirapan ang ilang estudyante na mahalin ang isang taong nakasakit sa kanila. Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo para malaman kung anong mga pag-aakma ang kailangang gawin upang matulungan ang mga estudyante na madama ang pagmamahal ni Jesucristo para sa kanila at sa iba.

  • Habang binabasa at pinag-iisipan mo ang mga talatang ito, ano ang mga naisip, nadama, o naitanong mo?

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na gawin ang sumusunod na aktibidad nang magkakapartner o sa maliliit na grupo. Maaaring idagdag ng mga estudyante ang kanilang mga halimbawa sa listahan sa pisara.

Mag-isip ng mga salaysay sa banal na kasulatan kung saan nagpakita ang Tagapagligtas ng pagmamahal sa iba.

  • Paano ipinakita ni Jesucristo ang pagmamahal sa iba’t ibang paraan sa iba’t ibang tao?

Maglaan ng oras upang pag-isipan at isulat kung kailan o paano mo nadama ang pagmamahal ni Jesus sa iyo. Maaari kang patuloy na magnilay at hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kang matukoy ang mga pagkakataong ito.

  • Paano nakakaapekto sa hangarin mong magpakita ng pagmamahal sa iba ang pagtukoy at pagdama sa pagmamahal ng Tagapagligtas sa iyo?

Maaaring mahirapan ang ilang estudyante na isipin kung paano ipinapakita ng Tagapagligtas ang pagmamahal sa kanila sa mga personal na paraan. Maaari kang magbahagi ng mga halimbawa kung paano Siya nagpapakita ng pagmamahal, tulad ng pagpapatawad, pagtulong sa kanila na makita ang kanilang kahalagahan, o pagpapabatid sa kanila na nauunawaan Niya ang pinagdaraanan nila. Maaari kang magbahagi ng personal na karanasan upang matulungan ang mga estudyante na makita na patuloy Niyang ipinakikita at ipinadarama ang Kanyang mapagmahal na kabutihan sa atin na siyang ginawa Niya sa mga tao na nakatala sa mga banal na kasulatan.

2:1

Tandaang tututukan sa susunod na lesson na “I-assess ang Iyong Pagkatuto” ang planong ito. Kung gagawa ng mga adjustment dito, tiyaking i-adjust din nang naaayon ang lesson na “I-assess ang Iyong Pagkatuto.”

Gumawa ng plano kung paano mo matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas na mahalin at paglingkuran ang iba, gayundin kung kailan mo ito gustong gawin. Maaaring makatulong na pag-isipan ang mga sumusunod na ideya habang gumagawa ka ng plano.

  • Gumawa ng isang bagay ngayon para sa isang kapamilya, kaibigan, o isang tao sa komunidad.

  • Gumawa ng isang bagay upang magpakita ng pagmamahal at kabutihan sa isang taong naiiba sa iyo o maging sa isang taong nahihirapan kang makasundo noon.

  • Tumukoy ng isang tao na sa palagay mo ay dapat mong pakitaan ng higit na pagmamahal o paggalang.

  • Isipin kung paano mo maaanyayahan ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa iyong mga pagsisikap.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Juan 13:26 . Ano ang tinapay na isinawsaw?

Ang “tinapay [na isinawsaw]” na inilarawan sa Juan 13:26 ay isang maliit na piraso ng tinapay na ipinangkukutsara ng mga kumakain sa sabaw at karne mula sa isang mangkok. Dahil tanda ng mabuting pakikitungo at paggalang ng isang punong-abala na magsawsaw ng tinapay at ibigay ito sa isang panauhin sa hapunan, ang ginawang ito ng Tagapagligtas para kay Judas ay alok ng pakikipagkaibigan, marahil isang huling pagkakataon para sa kanya na talikuran ang kanyang nakaplanong pagtataksil.

Paano natin matutulungan ang iba na madama ang pagmamahal ni Jesucristo sa pamamagitan ng ating paglilingkod sa kanila?

Ibinahagi ni Pangulong Henry B. Eyring ang sumusunod na kuwento:

Official Portrait of President Henry B. Eyring taken March 2018.

Ako ay naatasang bumisita sa isang care center sacrament meeting. Hinilingan ako na magpasa ng sakramento. Sa halip na isipin ang tungkol sa proseso o katumpakan sa paraan ng pagpapasa ko ng sakramento, tiningnan ko ang mukha ng bawat matanda. Nakita ko ang marami sa kanilang umiiyak. Isang babae ang hinawakan ako sa manggas, tumingala, at malakas na sinabi, “O, salamat, salamat.”

Pinagpala ng Panginoon ang aking paglilingkod, na ibinigay sa Kanyang pangalan. Noong araw na iyon, ipinagdasal ko na dumating ang gayong himala sa halip na ipanalangin ang tungkol sa kahusayan ko sa paggawa ng aking tungkulin. Ipinagdasal ko na madama ng mga tao ang pagmamahal ng Panginoon sa pamamagitan ng aking magiliw na paglilingkod. Nalaman ko na ito ang pinakamahalagang aspekto sa paglilingkod at pagbabasbas sa iba sa Kanyang pangalan.

(Henry B. Eyring, “Magbasbas sa Kanyang Pangalan,” Liahona, Mayo 2021, 68–69)

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Alternatibong paraan upang simulan ang lesson

Ipakita sa pisara ang sumusunod na diagram:

A line with arrows marked with the words “How Happy am I?”

Basahin nang malakas ang mga sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang kanilang mga sagot (ipaliwanag na hindi nila kailangang sabihin ang kanilang sagot):

Saan mo ilalagay ang iyong sarili sa continuum na ito?

Gusto mo bang maging mas masaya kaysa ngayon?

Sino ang gusto mong tulungang maging mas masaya?

Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang Juan 13 , sabihin sa kanila na alamin ang mga alituntunin na makatutulong sa kanila na malaman kung ano ang magagawa nila upang maging mas masaya.

Paano mo maipapakita na ikaw ay isang Kristiyano?

Sa simula ng bahaging “Kayo’y magmahalan sa isa’t isa,” ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na muling makibahagi sa lesson:

Itanong sa mga estudyante kung may nagparatang sa kanila na hindi sila mga Kristiyano, o mga tunay na disipulo ni Jesucristo, dahil mga miyembro sila ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kung naranasan ito ng sinumang estudyante, itanong kung paano sila tumugon sa sitwasyong iyon. Sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod na tanong:

Paano ka tutugon kung may nagsabi sa iyong hindi ka Kristiyano?

Ano ang ilang paraan upang maipakita mo na ikaw ay isang tagasunod ni Jesucristo?

Juan 13:35 . “Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad”

Maaari mong bigyang-diin ang katotohanan sa Juan 13:34 na kapag minamahal natin ang isa’t isa tulad na pagmamahal ni Jesucristo sa atin, malalaman ng iba na tayo ay mga disipulo Niya.

Upang maisalarawan ang katotohanang ito, ibahagi ang sumusunod na kuwento, na isinalaysay ni Elder Paul E. Koelliker habang naglilingkod siya bilang miyembro ng Pitumpu:

Final official portrait of Elder Paul E. Koelliker of the First Quorum of the Seventy, 2005. Granted emeritus status at the October 2013 general conference.

Dalawang batang misyonero ang kumatok sa isang pinto, na umaasang makahanap ng isang taong tatanggap sa kanilang mensahe. Bumukas ang pinto, at isang malaking lalaki ang bumati sa kanila nang padabog: “Di ba sabi ko huwag na kayong kakatok ulit sa pinto ko. Binalaan ko na kayo na kung bumalik pa kayo, may mangyayaring hindi ninyo magugustuhan. Kaya lubayan na ninyo ako.” Mabilis nitong isinara ang pinto.

Habang papalayo ang mga elder, inakbayan ng nakatatanda at mas bihasang misyonero ang nakababatang misyonero para aluin at palakasin ang loob nito. Hindi nila alam na nakamasid sa kanila ang lalaki sa bintana upang matiyak na naunawaan nila ang sinabi niya. Lubos niyang inasahan na makikita niya silang magtatawanan at magbibiruan tungkol sa walang-galang niyang tugon sa tangka nilang pagdalaw. Gayunman, nang makita niya ang kabaitan ng dalawang misyonero sa isa’t isa, biglang lumambot ang puso niya. Muli niyang binuksan ang pinto at pinabalik ang mga misyonero at ipinabahagi ang kanilang mensahe sa kanya.

… Ang alituntuning ito ng pagmamahal sa isa’t isa at pagkakaroon ng kakayahang magtuon kay Cristo sa ating pag-iisip, pagsasalita, at pagkilos ay mahalaga sa pagiging mga disipulo ni Cristo at mga tagapagturo ng Kanyang ebanghelyo.

(Paul E. Koelliker, “Talagang Mahal Niya Tayo,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 17)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung bakit nagkaroon ng gayong epekto sa lalaki ang ikinilos na ito ng mga misyonero.