Mateo 26:1–25
“Ako ba, Panginoon?”
Bago ang pista ng Paskuwa, pinahiran ni Maria ng mamahaling pabango ang Tagapagligtas, at nakipagsabwatan si Judas sa mga punong saserdote at eskriba upang patayin si Jesus. Sa hapunan ng Paskuwa, ipinahayag ni Jesus na Siya ay ipagkakanulo. Nagtanong ang mga Apostol kung sino ang magkakanulo sa Tagapagligtas sa pagtatanong ng, “Ako ba, Panginoon?” Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na gamitin ang mga salita ng Tagapagligtas sa mga banal na kasulatan upang masuri ang iyong buhay at malaman kung alin sa mga aspekto ng buhay mo ang kailangan mong pagbutihin pa.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Paano natin tinatrato ang pinahahalagahan natin
Mag-isip ng isang taong napakahalaga sa iyo.
-
Bakit napakahalaga ng taong ito sa iyo?
-
Paano ipinapakita sa mga ginagawa mo kung gaano kahalaga sa iyo ang taong ito?
Sa bahaging ito ng lesson, pag-aaralan mo kung paano ipinakita ng ilang tao sa kanilang mga ginagawa kung gaano nila kamahal at pinahahalagahan ang Tagapagligtas. Habang nag-aaral ka, pag-isipan kung gaano kahalaga sa iyo ang Tagapagligtas at kung ano ang magagawa mo upang maipakita ang iyong pagmamahal para sa Kanya.Ilang araw bago tinipon ni Jesus ang Kanyang mga Apostol para sa Kanyang huling hapunan ng Paskuwa, nagpunta Siya sa Betania upang makasama ang ilan sa Kanyang mga tagasunod (tingnan sa Mateo 26:6 ; Juan 12:1).
Basahin ang Juan 12:3–8 upang malaman ang ginawa ni Maria para sa Tagapagligtas habang Siya ay nasa Betania.
-
Ano ang ipinahiwatig ng mga ginawa ni Maria tungkol sa kanyang pagmamahal at pagpapahalaga sa Tagapagligtas?
-
Ano ang matututuhan mo tungkol sa Tagapagligtas mula sa salaysay na ito?
-
Ano ang mga naisip o nadama mo matapos pagnilayan ang mga katotohanang ito tungkol sa Tagapagligtas?
Sa Mateo 26:3–5 , nalaman natin na ang mga punong saserdote ay sumangguni sa isa’t isa kung paano nila ipapapatay si Jesus. Basahin ang Mateo 26:14–16 , at alamin ang nangyari matapos pahiran ni Maria ng pabango si Jesus sa Betania.
Maaaring makatutulong na malaman na ang pagkakanulo ni Judas kay Jesus para sa tatlumpung pirasong pilak ay katuparan ng propesiya ng propeta sa Lumang Tipan na si Zacarias (tingnan sa Zacarias 11:12). Gayundin, ayon sa batas ni Moises, tatlumpung pirasong pilak ang halagang ipinambabayad sa amo para sa pagkamatay ng isang alipin (tingnan sa Exodo 21:32).
-
Ano ang natutuhan mo sa paghahambing ng mga ginawa ni Maria sa mga ginawa ni Judas?
Maglaan ng oras na suriin ang buong linggo mo.
-
Ano ang mga naging pagkakataon mo upang maipakita ang iyong pagmamahal sa Tagapagligtas?
-
Mayroon bang anumang sandali kung saan hinangad mong mas pinagbuti mo sana ang ginawa mo?
-
Ano ang maaari mong ibahin sa gagawin mo sa hinaharap upang mas lubos na maipakita ang iyong pagmamahal sa Kanya?
Pag-iisip kung paano naaangkop sa atin ang mga salita ni Jesus
Si Jesus ay nakibahagi sa hapunan ng Paskuwa, na kilala rin bilang Huling Hapunan, kasama ang Kanyang mga Apostol ilang araw pagkatapos Siyang pahiran ni Maria ng pabango. Basahin ang Mateo 26:20–21 , at alamin ang pahayag na ginawa ng Tagapagligtas sa hapunang ito.
-
Kung isa ka sa mga Apostol, ano kaya ang maiisip mo sa sandaling ito?
Basahin ang Mateo 26:22 upang malaman kung paano tumugon ang mga Apostol.
Ibinahagi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay miyembro ng Unang Panguluhan, ang isa sa mga aral na matututuhan natin mula sa tugon ng mga Apostol. Maaari mong panoorin ang video na “Ako Baga, Panginoon?” na makukuha sa SimbahanniJesucrsito.org, mula sa time code na 1:09 hanggang 2:30 o basahin ang teksto sa ibaba.
Hindi pinag-alinlanganan ng mga disipulo ang sinabi [ni Jesus]. Ni hindi nila inilibot ang kanilang tingin, itinuro ang iba, at itinanong, “Siya ba?”
Sa halip, sila ay “lubhang nangamanglaw, at nagpasimula ang bawa’t isa na magsabi sa kaniya, Ako baga, Panginoon?” [ Mateo 26:22 ; idinagdag ang pagbibigay-diin].
Iniisip ko ang gagawin ng bawat isa sa atin … Titingin kaya tayo sa mga nasa paligid natin at sasabihin sa puso natin, “Baka si Brother Johnson ang tinutukoy niya. Noon pa ako duda sa kanya,” o “Mabuti’t narito si Brother Brown. Kailangan niya talagang marinig ang mensaheng ito”? O susuriin kaya natin ang ating sarili, tulad ng mga disipulo noong araw, at itatanong ang matalim na tanong na: “Ako baga?”
Sa mga simpleng salitang, “Ako baga, Panginoon?” nagsisimula ang karunungan at ang daan tungo sa sariling pagbabalik-loob at patuloy na pagbabago.
(Dieter F. Uchtdorf, “Ako Baga, Panginoon?,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 56)
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa pahayag na ito at sa halimbawa ng mga Apostol ay ang pagkatutong suriin ang sarili nating buhay ayon sa mga salita ng Tagapagligtas ay tumutulong sa atin sa landas tungo sa sariling pagbabalik-loob at patuloy na pagbabago.
-
Bakit mahalagang itanong natin sa ating sarili kung paano naaangkop sa atin ang mga salita ng Panginoon sa halip na ipagpalagay na para sa iba ang Kanyang mga salita?
-
Ano ang ilang sitwasyon sa buhay mo kung saan maaari mong itanong ang, “Ako ba, Panginoon?”
-
Ano ang nalalaman mo tungkol kay Jesucristo na makahihikayat sa iyo na magtanong ng, “Ako ba, Panginoon?”
Nagbahagi si Pangulong Uchtdorf ng dalawang halimbawa ng sources na magagamit natin upang matulungan tayong suriin ang ating sarili sa espirituwal na paraan:
Nais kong sabihin sa inyo na ang mga banal na kasulatan at ang mga mensaheng ibinibigay sa pangkalahatang kumperensya ay napakalinaw na salamin para makita nating mabuti ang ating sarili.
Habang pinapakinggan o binabasa ninyo ang mga salita ng propeta noon at ngayon, iwasang isipin kung paano naaangkop ang mga salitang iyon sa ibang tao at itanong natin ito: “Ako baga, Panginoon”
(Dieter F. Uchtdorf, “Ako Baga, Panginoon?,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 58)
Pag-isipan sandali kung gaano kadalas mong sinisikap na ipamuhay ang mga banal na kasulatan o ang mga turo mula sa pangkalahatang kumperensya. Isipin ang mga pagpapalang naranasan mo dulot ng mga pagsisikap mong ipamuhay ang mga salita ng Panginoon.
Magsanay na ipamuhay ang mga salita ng Panginoon
Pag-aralan ang kahit tatlo sa mga sumusunod na doctrinal mastery passage. Habang nag-aaral ka, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang malaman kung paano naaangkop sa iyo ang mga salita ng Panginoon sa mga scripture passage na ito. Maaari mo ring pag-aralan ang isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan bilang bahagi ng aktibidad na ito.
-
Anong mga turo ang nalaman mong maaaring naaangkop sa mga kasalukuyan mong sitwasyon sa buhay?
-
Sa palagay mo, anong mga pagpapala ang matatanggap mo kapag ipinamuhay mo ang mga turong ito?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Bakit pinahiran ni Maria ng pabango si Jesus?
Sinabi ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang pagpapahid ng pangkaraniwang pabango sa ulo ng isang panauhin ay pagpapakita ng paggalang sa kanya; ang pagpapahid ng pabango sa kanyang mga paa ay pagpapakita rin ng pambihira at malaking paggalang; ngunit ang pagpapahid ng purong nardo sa ulo at mga paa, at nang gayon karami, ay pagpapakita ng malaking pagpipitagan at paggalang na bibihirang ipagkaloob maging sa mga hari. Ang ginawa ni Maria ay pagpapakita ng pagsamba; iyon ay magiliw na pagbuhos ng puso na puspos ng pagsamba at pagmamahal.
(James E. Talmage, Jesus the Christ[1916], 512)
Paano natin maiiwasang maging labis na mapamuna sa ating sarili habang kinikilala pa rin ang pangangailangan nating paunlarin ang ating sarili?
Ibinahagi ni Sister Michelle D. Craig, Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency, ang sumusunod na kaalaman:
Dapat nating tanggapin ang pakiramdam na hindi tayo kuntento sa ating espirituwalidad na naghihikayat sa atin na piliin ang mas mataas na landas, habang inaalam at iniiwasan natin ang panlilinlang ni Satanas—ang nakapaparalisang panghihina ng loob. Ito ay isang pagkakataong gustung-gustong samantalahin ni Satanas. Maaari nating piliing lumakad sa mas mataas na landas na umaakay sa atin na hanapin ang Diyos at ang Kanyang kapayapaan at biyaya, o maaari tayong makinig kay Satanas, na walang tigil sa pagsasabi sa atin na kailanma’y hindi tayo magiging sapat: sa yaman, sa talino, sa ganda, o sa anupaman. Ang hindi natin pagiging kuntento ay maaaring [magpalakas]—o [magpahina sa atin].
(Michelle D. Craig, “Hindi Pagiging Kuntento sa Ating Espirituwalidad,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 53)