Seminary
Efeso 2


Efeso 2

Si Cristo Jesus, ang Pangulong Batong Panulok

Global Visual Library Low-Fidelity Symbol Knockout

Maaaring nadama ng mga Banal na naninirahan sa Efeso na dating mga Gentil bago sila nagbalik-loob na sila ay tila “mga dayuhan at banyaga” (Efeso 2:19) habang sumasamba kasama ng mga Kristiyanong Judio. Ipinaalala ni Pablo sa mga Banal sa Efeso na sila ay nagkakaisa sa pamamagitan ni Jesucristo bilang “mga kapwa mamamayan … ng sambahayan ng Diyos” (Efeso 2:19). Ang simbahang kinabibilangan nila ngayon ay itinatag sa saligan ni Cristo at ng Kanyang mga apostol at propeta, at may kapangyarihan itong pagpalain sila nang magsama-sama sila nang may pananampalataya kay Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na tukuyin at hangarin ang mga pagpapalang matatamo dahil pinamumunuan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan ngayon sa pamamagitan ng mga propeta at apostol.

Pagbibigay-diin sa tungkulin ng mga propeta. Ang pag-unawa sa tungkulin at gawain ng mga propeta ay makatutulong sa mga estudyante na makatugon sa mga hamon o pagsubok sa kanilang pananampalataya. Maghanap ng mga paraan upang mabigyang-diin ang mahalagang tungkuling ginagampanan at mga turo ng mga propeta at ibahagi ang sarili mong patotoo tungkol sa kanilang inspiradong pamumuno.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isipin ang tanong na “Ano kaya ang magiging buhay ko kung wala ang mga propeta at apostol na tinawag ni Jesucristo upang mamuno sa Kanyang Simbahan?”

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pakiramdam na kabilang

  • Bakit maaaring madama ng isang tao na tila hindi siya nababagay bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?

  • Kung tila nadarama ng isang tao na hindi siya kabilang sa Simbahan, anong payo ang ibibigay mo sa kanya?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isadula ang sitwasyon sa naunang tanong.

Isipin kung ano ang nadarama mo tungkol sa Simbahan ng Panginoon. Kailan mo nadama na talagang kabilang ka sa Simbahan? May mga pagkakataon ba na nadama mong tila hindi ka kabilang? Ano sa palagay mo ang mga pagpapalang matatamo bilang miyembro ng Simbahan ni Cristo? Sa pag-aaral mo ng lesson na ito, alamin ang mga katotohanan tungkol sa ginawa ng Panginoon para sa atin na makapagdudulot ng pagkakaisa natin bilang mga miyembro ng Kanyang Simbahan.

Paggiba sa mga harang

Jerusalem model Temple closeup_161

Noong panahon ni Apostol Pablo, maaaring nadama ng mga hindi Judio na nagbalik-loob sa Kristiyanismo (o yaong mga dating Gentil) na hindi sila kabilang sa iba pang miyembro ng Simbahan at maaaring nadama nila na sila ay “mga dayuhan at banyaga” ( Efeso 2:19). Halimbawa, sa templo sa Jerusalem, hindi sila maaaring lumampas sa “pader ng alitang humahati” ( Efeso 2:14) patungo sa mga mas sagradong lugar ng templo kung saan ang mga Judio lamang, kabilang ang mga Kristiyanong Judio, ang makakapunta. Dagdag pa rito, hindi nabigyan noon ang mga Gentil ng mga pagpapala ng ebanghelyo hanggang sa magbigay ng paghahayag ang Ama sa Langit kay Pedro (tingnan sa Mga Gawa 10).

Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Efeso, na marahil ay mga bagong binyag. Basahin ang Efeso 2:12–14, 18–21 , at alamin kung paano pinagpala ng Panginoon ang mga taga Efeso. Maaaring makatulong na malaman na nagsimula ang mga talatang ito sa pag-anyaya ni Pablo sa mga Banal na ito na alalahanin ang kanilang buhay bago sila nagbalik-loob. Ang “sambahayan ng Diyos” ( talata 19) na binanggit ni Pablo ay tumutukoy sa Simbahan ni Jesucristo.

Jerusalem model Temple closeup_161
  • Paano pinagpala ng Panginoon ang mga taga Efeso?

Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, inalis ni Jesucristo ang lahat ng hadlang na naghihiwalay sa mga Judio mula sa mga Gentil at naghiwalay rin sa mga Gentil mula sa Diyos. Hindi na kinailangan ng mga Gentil na maging mga Judio, ipamuhay ang batas ni Moises, o magpatuli para makasapi sa Simbahan. Nang lumapit sila kay Jesucristo at tanggapin nila ang Kanyang ebanghelyo, sila ay naging kabilang sa “sambahayan ng Diyos” ( Efeso 2:19)—bahagi ng mga pinagtipanang tao ng Diyos.

  • Sa anong mga paraan giniba ng Tagapagligtas ang mga harang sa pagitan natin at ng ibang mga tao?

  • Ano ang nadarama mo dahil “makakalapit … sa Ama” ang lahat ( talata 18) sa pamamagitan ng “dugo ni Cristo” ( talata 13)?

  • Paano mo ibubuod ang mga pagpapala sa talata 19–21 sa isang taong nadaramang hindi siya nabibilang sa Simbahan ng Panginoon?

  • Sa iyong palagay, bakit inihambing ni Pablo ang Simbahan sa isang sambahayan o pamilya?

Ang pangulong batong panulok

Maaari mong ipadrowing sa isang estudyante ang mga sumusunod sa pisara. Bilang alternatibo, maaaring bumuo ang mga estudyante ng representasyon gamit ang mga bloke, baso, o aklat bilang isang klase o sa maliliit na grupo.

Noong panahon ni Pablo, ang pangulong batong panulok ay isang malaking bato na nakalagay sa sulok ng pundasyon. Sinusuportahan ng bawat batong panulok ang halos lahat ng bigat ng istruktura at pinagdudugtong ng mga ito ang mga pader. Ang anggulo at paglalagay ng lahat ng iba pang bato ay sinukat mula sa pangulong batong panulok.

Photo of the cornerstone of a temple

Magdrowing ng representasyon ng inilarawan sa Efeso 2:19–21 . Maaari mong lagyan ng label ang idinrowing mo gamit ang mga kataga mula sa scripture passage.

Anyayahan ang isang estudyante o ilang estudyante na ipakita ang kanilang idinrowing, o ang itinayo nila, at ipaliwanag kung ano ang kinakatawan nito.

  • Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa paraan kung paano itinatag ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan?

Maaaring gumamit ang mga estudyante ng iba’t ibang salita ngunit malamang ay makatutukoy sila ng katotohanan na tulad ng sumusunod: Ang Simbahan ng Panginoon ay itinatag sa saligan ng mga apostol at propeta, na si Jesucristo ang pangulong batong panulok.

  • Ano ang nalalaman mo tungkol kay Jesucristo na angkop sa paghahambing sa Kanya sa isang pangulong batong panulok?

  • Sa anong mga paraan natin maitatayo ang ating buhay sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga apostol at propeta?

  • Paano nakatutulong sa atin ang pagsasalig ng ating buhay kay Jesucristo at sa Kanyang mga propeta at apostol upang makahanap tayo ng lugar at layunin sa Simbahan?

Ang iyong saligan

Isipin kung alin sa mga sumusunod na aktibidad ang pinakamainam na makatutugon sa mga pangangailangan ng mga estudyante. Maaaring makinabang ang mga estudyante sa pagpili ng dalawa sa mga opsiyon na gagawin nang mag-isa, o maaaring italaga ang mga aktibidad sa maliliit na grupo.

Habang ginagawa mo ang ilan sa mga sumusunod na aktibidad, isipin ang mga tanong na ito:

  • Ano ang ginagawa ko upang maitayo ang aking buhay sa saligan ng mga propeta at apostol, na si Jesucristo ang pangulong batong panulok? Anong mga pagpapala ang naranasan ko?

  • Sa anong mga paraan nanaisin ng Panginoon na lubos kong maitayo ang aking buhay sa saligang ito?

Maglaan ng ilang sandali upang pagnilayan kung ano ang magiging buhay mo kung wala ngayon ang mga propeta at apostol ng Panginoon sa mundo. Isipin ang buhay kung wala ang kanilang awtoridad mula sa Panginoon, at ang kanilang mga inspiradong turo, patnubay, at halimbawa na katulad ng kay Cristo. Isulat sa iyong study journal kung paano mag-iiba ang buhay at kung ano ang mawawala sa iyo.

B. Kalaunan sa kanyang sulat, binanggit ni Pablo ang mga karagdagang pagpapalang dumarating sa pamamagitan ng mga propeta, apostol, at iba pang lider ng Simbahan. Basahin ang Efeso 4:11–14 at isiping markahan ang mga pagpapalang ito. Maaaring makatulong na malaman na ang evangelist ay isang patriarch, at ang pastor ay tumutukoy sa isang lider ng kongregasyon, tulad ng stake o district president, bishop o branch president. Sumulat ng isa o dalawang paraan na naranasan mo ang mga pagpapalang ito.

C. Pumili ng isa o dalawang paksa sa Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2011). Isulat ang mga partikular na paraan na nakatulong sa iyo ang gabay na ito mula sa mga apostol at propeta ng Panginoon.

Photo of the cornerstone of a temple

Photo of the cornerstone of a temple

Pagkatapos ng sapat na oras, ipabahagi sa maraming estudyante ang mga pagpapalang naranasan nila mula sa Panginoon sa pamamagitan ng mga propeta at apostol. Bigyang-diin kung gaano kahalaga at mahalagang marinig ang mga saloobin at karanasan ng mga estudyante. Maaari kang magdagdag ng sarili mong mga saloobin at patotoo.

Ano ang natutuhan mo?

Upang tapusin ang lesson na ito, pag-isipan ang natutuhan mo. Isipin kung paano ka naging kabilang sa “sambahayan ng Diyos” ( Efeso 2:19) sa pagtatayo mo ng iyong buhay sa saligan ng mga propeta at apostol, na si Jesucristo ang pangulong batong panulok. Isipin kung paano mo pa lubos na itatayo ang iyong buhay sa saligan ng mga propeta at apostol, na ang Tagapagligtas ang pangulong batong panulok.

Kung may oras pa, maaari mong ipabahagi sa mga estudyante ang natutuhan nila o kung ano ang gagawin nila upang maitayo ang kanilang buhay kay Jesucristo at sa Kanyang mga propeta at apostol.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Efeso 2:14 . Ano ang “gitnang pader ng alitang humahati” na binanggit ni Pablo?

Ang templo sa Jerusalem ay naglalaman ng ilang hukuman o lugar, at may ilang partikular na uri lamang ng mga tao ang maaaring makapasok sa bawat hukuman. Ang mga Gentil ay pinayagang umakyat sa bundok ng templo at makapasok sa panlabas na hukuman, na tinatawag na Hukuman ng mga Gentil. Gayunman, ang pinakaloob na bahagi ng templo ay hindi pwedeng pasukin ng mga Gentil dahil nahaharangan ito ng isang pader na mga isang metro ang taas. Kapag lumampas ang isang Gentil sa pader na ito, maaari siyang ipapatay. Natuklasan ng mga arkeologo ang dalawa sa mga marmol na bloke na bumubuo sa harang na pader na ito, at mababasa sa mga ito ang inskripsyon sa wikang Griyego at Latin: “Walang dayuhan ang lalampas sa mga harang na nakapalibot sa santuwaryo. Ang sinumang mahuhuling gumawa nito ay sisisihin ang kanyang sarili para sa kanyang kamatayan na susunod” (Richard Neitzel Holzapfel, Eric D. Huntsman, Thomas A. Wayment, Jesus Christ and the World of the New Testament [2006], 160).

Kasunod ng ikatlong paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, pinaratangan si Pablo ng ilang Judio sa Jerusalem ng pagdadala ng mga Gentil nang lampas sa harang, na humantong sa kaguluhan at kalaunan sa pagdakip kay Pablo (tingnan sa Mga Bilang 1:51 ; Mga Gawa 21:27–29).

Efeso 2:20 . Bakit nakasalig ang Simbahan ni Jesucristo sa mga apostol at propeta, na si Cristo ang pangulong batong panulok?

Pinatotohanan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa saligan ng Simbahan ni Cristo:

Official Portrait of Elder Jeffrey R. Holland. Photographed January 2018.

Sa panahon ng Bagong Tipan, sa panahon ng Aklat ni Mormon, at sa makabagong panahon ang mga opisyal na ito ang bumubuo ng saligang bato ng totoong Simbahan, na nakapaligid at tumatanggap ng lakas mula sa pangulong bato sa panulok, na “bato ng ating Manunubos, na si [Jesu]cristo, ang Anak ng Diyos” [ Helaman 5:12 ]. … Ang gayong pagsalig kay Cristo ay mananatiling proteksyon sa mga panahon na “kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo.”

(Jeffrey R. Holland, “Mga Propeta, Tagakita, at Tagapaghayag,” Liahona, Nob. 2004, 7)

Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Efeso 4:11–14 . Mga pagpapala mula sa pagsunod sa mga propeta at apostol

Kung makikinabang ang mga estudyante sa mas malalim na talakayan tungkol sa Efeso 4:11–14 , anyayahan silang basahin ang mga talatang ito, at alamin kung bakit ibinigay ng Panginoon sa Simbahan ang mga apostol, propeta, at iba pang mga lider. Ang isang alituntunin na maaari nilang matukoy ay ito: Ang Panginoon ay tumawag ng mga apostol, propeta, at iba pang mga lider ng Simbahan upang makatulong na gawing perpekto ang mga Banal at maprotektahan sila laban sa maling doktrina.

Magpakita o magdrowing ng larawan ng isang bangka sa gitna ng maalong tubig. Talakayin kung ano ang maaaring mangyari sa isang bangkang tinatangay-tangay ng mga alon sa matitinding unos, at kung paano ito maiuugnay sa atin. Talakayin din kung paano tayo tinutulungan ni Jesucristo na malakbay ang mga maalong tubig na ito sa paraan ng pag-organisa Niya ng Kanyang Simbahan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.