Efeso 5:21–33; 6:1–4
Mga Pakikipag-ugnayang Katulad ng Ginawa ni Cristo
Ang mga ugnayan ng pamilya ay ilan sa mga pinakanagbibigay-kasiyahan na mararanasan natin sa buhay na ito. Ang mga ugnayan sa mga magulang, kapatid, at asawa ay makapagdadala ng malaking kagalakan ngunit maaari ding magdulot ng mga hamon. Itinuro ni Pablo na maaari tayong umasa kay Jesucristo bilang huwaran para sa magaganda at masasayang pakikipag-ugnayan sa mga miyembro ng pamilya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas upang mapatatag mo ang iyong ugnayan sa iba.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang iyong pamilya
Isulat ang mga pangalan ng mga miyembro ng iyong pamilya at ang isang bagay na gusto mo tungkol sa bawat isa sa kanila.
Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng isang bagay na gusto nila tungkol sa isa sa mga miyembro ng kanilang pamilya.
Isaalang-alang ang pahayag na ito para sa bawat miyembro ng pamilya: “Pinakikitunguhan ko ang kapamilyang ito sa paraang nais ng Tagapagligtas na pakitunguhan ko siya.” Pagkatapos ay i-rate kung paano mo pinakikitunguhan ang bawat miyembro ng pamilya gamit ang sumusunod na scale.
Habang nag-aaral ka ngayon, pag-isipan ang mga pakikipag-ugnayan mo sa mga miyembro ng iyong pamilya at kung paano mo matutularan ang halimbawa ng pagmamahal at pagtulong sa kanila ng Tagapagligtas.
Si Pablo ay nagbigay ng payo tungkol sa mga ugnayan ng pamilya
Mahalagang tandaan na ang mga salita ni Pablo sa Efeso 5:22–24 ay isinulat sa konteksto ng mga kaugaliang panlipunan sa kanyang panahon. Itinuturo ng mga propeta at apostol ngayon na ang mga lalaki ay hindi nakahihigit sa mga babae at ang mga mag-asawa ay dapat “may pantay na pananagutan” (“ Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo ,” SimbahanniJesucristo.org). Bagama’t iba ang mga kaugalian noong panahon ni Pablo, makakakita ka pa rin ng mga naaangkop na payo sa mga turo ni Pablo. Ang isang katotohanan na binigyang-diin ni Pablo ay matutularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas sa kung paano natin pakikitunguhan ang mga miyembro ng ating pamilya.
Basahin ang Efeso 5:21–27 ; 6:1–4 , at hanapin ang mga katibayan ng katotohanang ito. Habang nag-aaral ka, maaaring makatulong na malaman na ang ibig sabihin ng “pasakop kayo sa isa’t isa” ( Efeso 5:21) ay tumutukoy sa kahandaang magtulungan at magmahalan at magmalasakit sa isa’t isa, at ang “takot kay Cristo” ( Efeso 5:21) ay nangangahulugang pag-ibig at paggalang sa Diyos.
-
Ano ang ilang paraan na ipinakita ng Tagapagligtas ang Kanyang pagmamahal para sa Simbahan at ibinigay ang Kanyang sarili para dito?
-
Dahil nalaman mo kung paano ibinigay ni Cristo ang Kanyang sarili para sa Simbahan, ano ngayon ang nadarama mo sa Kanya?
-
Ano ang dapat madama ng isang lalaki sa kanyang asawa kung tutularan niya ang halimbawa ng kung ano ang nadarama ng Tagapagligtas sa Kanyang Simbahan?
-
Anong payo ang ibinigay ni Pablo na kapwa naaangkop sa mag-asawa? sa iba pang mga miyembro ng pamilya?
-
Ano ang magagawa mo ngayon upang mapaghandaang pakitunguhan ang iyong magiging asawa sa paraan ng pakikitungo sa kanya ng Tagapagligtas?
-
Paano makatutulong sa iyo ang pagsunod at paggalang sa iyong mga magulang upang maging higit na katulad ka ni Jesucristo?
Tingnan ang mga sumusunod na larawan at itugma ang mga ito sa mga salaysay na ito sa banal na kasulatan: Lucas 2:51–52 , Juan 2:1–11 , at Lucas 22:39–42 . Pag-isipan kung paano naging halimbawa ang Tagapagligtas ng pagmamahal, pagsunod, at paggalang sa Kanyang mga magulang sa lupa at sa langit.
-
Sa anong mga paraan minahal, sinunod, at iginalang ng Tagapagligtas ang Kanyang mga magulang? Sa iyong palagay, paano nakaapekto ang Kanyang mga ginawa sa ugnayan Niya sa Kanyang mga magulang?
-
Ano ang ilang paraan na iginagalang at sinusunod mo ang iyong mga magulang?
-
Paano nagpala at nakatulong sa iyo ang pagtulad sa halimbawa ng Tagapagligtas upang mapatatag mo ang ugnayan ng pamilya, o sa palagay mo, paano ka mapagpapala at matutulungan nito?
Magsanay na maging katulad ng Tagapagligtas
Sumulat ng isang karaniwang sitwasyon ng isang tinedyer at ng isang miymebro ng pamilya kung saan maaaring mahirap gawin sa kapamilyang iyon ang katulad ng gagawing pakikitungo sa kanya ng Tagapagligtas. Kapag nakabuo ka na ng isang sitwasyon, isulat kung ano sa palagay mo ang isasagot ng Tagapagligtas at bakit. Alalahanin kung ano ang nadama at ginawang pakikitungo ng Tagapagligtas sa iba.
Maaaring kabilang sa mga halimbawa ang:
-
Pinupuna ng isang magulang ang kanyang anak dahil sa paraan ng paggugol nito ng kanyang libreng oras.
-
Kinuha ng isang kapatid ang gamit na pag-aari ng kanyang kapatid nang hindi nagpapaalam at nagsinungaling siya tungkol dito.
Tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas
Pagnilayan ang iyong mga pakikipag-ugnayan sa mga miyembro ng iyong pamilya. Isipin ang mga pagkakataong tinularan mo ang halimbawa ng Tagapagligtas at pinakitunguhan mo ang iba sa mga paraang katulad ng ginawang pakikitungo ni Cristo. Gayundin, tulutan ang Espiritu Santo na tulungan kang malaman kung ano ang magagawa mo upang matularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagmamahal sa iba.
Isulat kung ano sa palagay mo ang magagawa mo upang matularan ang Tagapagligtas sa mga pakikipag-ugnayan mo sa iyong pamilya. Maaari mong ibahagi ang isinulat mo sa iyong titser o magulang upang matulungan kang gawin ang nadarama mong dapat mong gawin.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Efeso 5:22–24 . Ano ang dapat nating maunawaan tungkol sa mga turo ni Pablo sa mga talatang ito?
Itinuro ni Pablo na lahat ng miyembro ng Simbahan ay dapat magpasakop sa isa’t isa, o sa madaling salita, unahin ang iba kaysa sa kanyang sarili (tingnan sa Efeso 5:21). Pagkatapos ay ipinaliwanag niya kung paano maiiangkop ang alituntunin ng pagpapasakop ng sarili sa mga ugnayan sa pamilya at tahanan. Ang talata 22–24 ay madaling mabigyan ng maling pagpapakahulugan at pag-aangkop sa panahon natin. Malinaw na itinuro ng mga propeta sa mga huling araw na dapat gampanan ng mag-asawa at ina at ama ang kanilang mga sagradong tungkulin bilang “magkasama na may pantay na pananagutan” (“ Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo ,” SimbahanniJesucristo.org). Kung ang mag-asawa ay talagang nagkakaisa, kung gayon ang anumang sakripisyo na ginawa ng isang lalaki o babae para sa kanyang asawa ay magdadala rin ng mga pagpapala para sa lalaki o babaeng iyon; kaya, “ang umiibig sa kanyang sariling asawa ay umiibig sa kanyang sarili” ( Efeso 5:28).
Paano maaaring pakitunguhan ng isang lalaki o babae ang kanyang asawa na katulad ng gagawing pakikitungo ng Tagapagligtas?
Ipinahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008):
Ang kaligayahan sa pag-aasawa ay hindi lang tungkol sa pag-iibigan kundi sa matinding malasakit sa ikagiginhawa at ikabubuti ng asawa. Ang sinumang lalaki na uunahin ang kapanatagan ng kanyang asawa ay patuloy na mamahalin ito sa buong buhay nila at sa darating pa na kawalang-hanggan. (Anchorage, Alaska, panrehiyong kumperensya, Hunyo 18, 1995)
(“Speaking Today: Excerpts from Recent Addresses of President Gordon B. Hinckley,” Ensign, Abr. 1996, 72)
Ipinahayag ni Elder L. Whitney Clayton ng Korum ng Pitumpu:
Una, naobserbahan ko na sa pinakamasayang pamilya, itinuturing ng mag-asawa ang kanilang relasyon na isang napakahalagang perlas na walang katumbas, isang kayamanan na walang hanggan ang kahalagahan. Kapwa nila nililisan ang kanilang mga ama at mga ina, at nagsasama upang bumuo ng pamilya na uunlad tungo sa kawalang-hanggan. Nauunawaan nila na lumalakad sila sa isang banal at inorden na landas. Alam nila na wala nang iba pang uri ng ugnayan ang makapagdudulot ng malaking kagalakan, magpapaibayo ng higit na kabutihan, o higit na kadalisayan ng sarili. Magmasid at matuto: para sa pinakamahusay na mag-asawa ang kanilang kasal ang pinakamahalaga.
(L. Whitney Clayton, “Pagsasama ng Mag-asawa: Magmasid at Matuto,” Liahona, Mayo 2013, 83)
Ano ang magagawa ko para mapalakas ang mga ugnayan ng aking pamilya?
“Igalang ang inyong mga magulang sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagmamahal at respeto sa kanila. Sundin sila sa pag-akay nila sa inyo sa kabutihan. Kusang-loob na tumulong sa inyong tahanan. Makilahok sa makabuluhang mga aktibidad at tradisyon ng pamilya. Makiisa sa inyong pamilya sa pagdarasal, pag-aaral ng banal na kasulatan, at pagdaraos ng mga family home evening. Ang pagsunod sa mga kautusang ito ay nagpapalakas at nagbubuklod sa mga pamilya” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 14–15).
Maaari mong basahin ang sumusunod na artikulo, na nagmumungkahi ng mga paraan para mapatatag at mapalakas ang mga ugnayan: “Mga Alituntunin ng Paglilingkod: Pagbubuo ng mga Makabuluhang Relasyon,” Liahona, Ago. 2018, 6–9.