Seminary
Efeso 2–5


Efeso 2–5

Paghahanap ng mga Walang-Hanggang Katotohanan

Young woman sitting in home reading open scriptures that have been underlined. (horiz)

Gaano kalaki ang kumpiyansa mo sa kakayahan mong hanapin ang katotohanan sa mga banal na kasulatan? Itinuturo ng mga propeta ang mga katotohanang nagmumula sa Ama sa Langit para sa ating kapakinabangan. Halimbawa, itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Efeso ang mga katotohanan tungkol sa pagdaig sa sanlibutan at pagiging higit na katulad ni Jesucristo. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang matutuhan kung paano maghanap ng mga katotohanan mula sa mga banal na kasulatan na tutulong sa iyo sa buhay mo at mas maglalapit sa iyo sa Tagapagligtas.

Pagsasagawa ng mga kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan. Makikinabang ang mga estudyante sa pagsasagawa ng mga kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan, tulad ng paghahalintulad ng mga banal na kasulatan sa kanilang buhay, paggamit ng mga tulong sa pag-aaral, pagtukoy sa mga tema at huwaran, pag-unawa sa mga simbolo, paghahanap ng sources ng pangkalahatang kumperensya, paglalagay ng anotasyon sa mga banal na kasulatan, paggawa ng mga listahan, pagbubuod ng nabasa nila, paghahanap at paggamit ng mga cross-reference, pagbibigay-kahulugan sa mahihirap na salita, at iba pa.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa oras na ito hanggang sa susunod na klase at hanapin ang mga katotohanang itinuturo ng mga banal na kasulatan. Sabihin sa kanila na isipin ang iba’t ibang paraan na matutukoy nila ang mga katotohanang ito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Paghahanap ng halaga

Basahin ang kuwento at pag-isipan ang anumang espirituwal na aral na matututuhan mo mula rito.

3:15
Official portrait of President M. Russell Ballard of the Quorum of the Twelve Apostles, 2004.

Kadalasan katulad tayo ng bata pang mangangalakal mula sa Boston, na noong 1849, ayon sa kuwento, ay nakibahagi sa kainitan ng California gold rush. Ipinagbili niya ang lahat ng kanyang ari-arian upang hanapin ang kanyang kapalaran sa mga ilog ng California, na sinabi sa kanya na puno ng tipak-tipak na gintong napakalalaki para buhatin ng isang tao.

Sa pagdaan ng mga araw, isinasalok ng binatang ito ang kanyang sisidlan sa ilog at wala namang nakukuha. Ang tanging nakuha niya ay santambak na malalaking bato. Dahil nawawalan na ng pag-asa at wala na ring pera, handa na siyang sumuko hanggang sa isang araw sinabi sa kanya ng isang matandang tagasuri na bihasa sa mamahaling bato, “Santambak na ang nakuha mong malalaking bato, iho.”

Sagot ng binata, “Wala hong ginto [r]ito. Uuwi na lang po ako.”

Nilapitan ng matandang tagasuri ang tambak ng mga bato, at sinabing, “Aba, may ginto nga. Dapat mo lang alamin kung saan ito makikita.” Dumampot siya ng dalawang bato at pinagsalpok ang mga ito. Isa sa mga bato ang nabiyak, at nalantad ang ilang butil ng ginto na kumikinang sa sikat ng araw.

Nang mapansin ang maumbok na supot na nakatali sa baywang ng tagasuri, sabi ng binata, “Naghahanap ako ng mga tipak na gaya ng nasa supot ninyo, hindi lang maliliit na butil.”

Iniabot ng matandang tagasuri ang kanyang supot sa binata, na tumingin sa nilalaman nito, umaasang makakita ng ilang malalaking tipak ng ginto. Nagulat siyang makita na puno ng libu-libong butil ng ginto ang supot.

Sabi ng matandang tagasuri, “Iho, tila abalang-abala kang maghanap ng malalaking tipak kaya hindi mo mapuno ng mahahalagang butil ng ginto ang supot mo. Ang matiyagang pagtitipon ng maliliit na butil na ito ang nagpayaman sa akin nang husto.”

(M. Russell Ballard, “Pagkakaroon ng Kagalakan sa Mapagmahal na Paglilingkod,” Liahona, Mayo 2011, 46)

  • Paano nauugnay ang kuwentong ito sa paghahanap ng mga katotohanan sa mga banal na kasulatan?

Basahin ang mga sumusunod na pahayag, at i-rank mula sa isa hanggang lima kung gaano katotoo para sa iyo ang mga ito (isa = hindi totoo para sa akin kailanman; lima = palaging totoo para sa akin)__ May kumpiyansa ako sa kakayahan kong mahanap ang mga walang-hanggang katotohanan sa mga banal na kasulatan sa tulong ng Espiritu Santo.

__ Ang paghahanap ng mga katotohanan sa mga banal na kasulatan ay isang pagpapala sa buhay ko at tumutulong sa akin na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na nakatapos ng aktibidad sa paghahanda ng estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan.

Paghahanap ng mga katotohanan sa mga banal na kasulatan

Ang ilang katotohanan sa mga banal na kasulatan ay mas mahirap hanapin kaysa sa iba. Hangarin ang tulong ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang matulungan kang matukoy ang mga katotohanan sa mensahe ni Pablo sa mga Banal sa Efeso. Tutulungan ka ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa iyo ng mga katotohanang ito (tingnan sa Moroni 10:5 ; Juan 16:13).

Ang bahaging ito ay ginawa upang maging halimbawa na tutulong sa mga estudyante na makita kung paano matutukoy ang mga katotohanan sa mga talata ng banal na kasulatan. Maaari mong gamitin ang iba pang katotohanan mula sa Efeso 2–5 kung lubos na magiging kapaki-pakinabang ang mga ito sa mga estudyante.

Ipabahagi sa mga estudyante kung paano sila tumutukoy ng mga katotohanan sa banal na kasulatan.

2:39

Habang si Pablo ay nakabilanggo sa bahay sa Roma, sumulat siya sa mga taga Efeso upang hikayatin at payuhan sila tungkol sa kung paano patuloy na lumapit kay Jesucristo at kung paano madaraig ang mga espirituwal na pag-atake ng diyablo. Magsanay na tumukoy ng mga katotohanan mula sa ibinahagi ni Pablo sa mga Banal na ito.

Ang sumusunod ay isang paraan na makakapaghanap ka ng mga walang-hanggang katotohanan habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan. Basahin ang Efeso 2:4–10 , at gawin ang mga sumusunod na hakbang:

Maaari mong isulat sa pisara ang mga sumusunod na hakbang upang maging sanggunian ng mga estudyante sa lesson.

  1. Hanapin ang mga salita, parirala, o talata na tila napakahalaga. Maaari mong markahan ang mga ito sa iyong banal na kasulatan.

  2. Ibuod ang pangunahing ideya ng mga salita, parirala, o talatang ito. (Halimbawa, maibubuod mo ba ang sinabi ni Pablo tungkol sa biyaya sa talata 8 ?)

  3. Bumuo ng pahayag ng katotohanan na maipamumuhay mo mula sa natutuhan mo.

  • Ano ang isang katotohanan na nahanap mo? Paano mo matutukoy ang katotohanang iyon?

Magpabahagi sa ilang estudyante. Purihin sila sa kanilang mga pagsisikap. Kabilang sa ilang posibleng katotohanan ang sumusunod: Ang Diyos ay maawain at nagmamahal sa atin (tingnan sa Efeso 2:4); kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo, tayo ay maliligtas sa pamamagitan ng Kanyang biyaya (tingnan sa Efeso 2:5, 8); ang ating mga gawa lamang ay hindi sapat upang iligtas tayo (tingnan sa Efeso 2:8–9). Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maaari kang magtanong ng mga follow-up na katanungan na tulad ng sumusunod:

  • Paano makatutulong sa iyo ang katotohanang ito na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa iyo o paano ito makatutulong sa iyo na maging higit na katulad Nila?

  • Paano mo naipamuhay o paano mo maipamumuhay ang katotohanang ito?

Magsanay na tumukoy ng mga katotohanan

Maaaring makatulong na hayaan ang mga estudyante na mag-aral nang mag-isa upang maghanap ng mga katotohanan. Pagkatapos ay maaari silang maghanap ng isa pang kaklase na kapareho nila ng pinag-aralang scripture passage at paghambingin ang mga katotohanang nahanap nila.

Gamitin ang mga hakbang na inilista kanina. Pumili ng isa o dalawa sa mga sumusunod na hanay ng mga talata, at maghanap ng mga walang-hanggang katotohanan sa mga ito.

  • Efeso 3:13–19

  • Efeso 4:20–32 , kabilang ang Pagsasalin ni Joseph Smith para sa talata 26 na nasa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (Makatutulong na malaman na ang “dating pagkatao” sa mga talatang ito ay sumisimbolo sa dating mga makasalanang pag-uugali at ang “bagong pagkatao” ay sumisimbolo sa pamumuhay nang matwid sa pamamagitan ni Jesucristo.)

Pumili ng isa sa mga katotohanang nahanap mo, at isipin kung paano ito makatutulong sa iyo na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa iyo o paano ito makatutulong sa iyo na maging higit na katulad Nila.

Gamit ang resources na makukuha mo (papel, mga colored pencil, digital tool, at iba pa), gumawa ng poster na maaaring isama sa magasin na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Isama ang sumusunod sa iyong poster:

  • Ang alituntuning natukoy mo at ang talata o mga talata sa banal na kasulatan kung saan mo ito nahanap

  • Isang simpleng larawan o drowing na tumutulong sa mga mambabasa na maunawaan ang katotohanan o naglalarawan kung paano magagamit ng isang tao ang katotohanang ito sa kanyang buhay

O tingnan kung may kasamang poster ang pinakabagong bersiyon ng magasin na Para sa Lakas ng mga Kabataan.

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang poster at ipaliwanag ito. Maaari kang magtanong ng mga follow-up na katanungan na tulad ng mga sumusunod: “Paano mo nahanap ang katotohanang ito?” “Paano ito tumutulong sa iyo na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa iyo?” “Paano ka pinagpala ng Panginoon habang pinagsisikapan mong ipamuhay ang katotohanang ito?”

Pagninilay sa paghahanap ng mga katotohanan

Isipin ang iyong karanasan sa paghahanap ng mga walang-hanggang katotohanan sa mga banal na kasulatan.

  • Sa anong mga paraan mo nadamang nagtagumpay ka?

  • Ano ang mahirap?

  • Paano nakatulong sa iyo ang paghahanap ng mga katotohanan na makita ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa iyo?

  • Paano mo magagamit ang natutuhan mo ngayon sa iyong personal na pag-aaral o pag-aaral ng mga banal na kasulatan kasama ang iyong pamilya?

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Efeso 2:4–9 . Ano ang biyaya at ano ang ginagawa nito para sa akin?

Habang naglilingkod bilang miyembro ng Unang Panguluhan, binigyang-kahulugan ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ang biyaya ng Diyos bilang “banal na pagtulong at pagkakaloob ng lakas na lumago mula sa pagiging mga nilalang na may kapintasan at limitado tungo sa kadakilaan sa ‘katotohanan at liwanag, hanggang sa [tayo] ay maluwalhati sa katotohanan at malaman ang lahat ng bagay’ [ Doktrina at mga Tipan 93:28 ]” (“Ang Kaloob na Biyaya,” Liahona, Mayo 2015, 107). Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa biyaya, maaari mong basahin ang kumpletong mensahe, na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org.

Para sa mga karagdagang kaalaman tungkol sa biyaya ng Tagapagligtas, basahin ang Mosias 2:20–24 at Filipos 2:12–13 .

Efeso 4:22 . Ano ang ibig sabihin ng “alisin … ang dating pagkatao”?

Itinuro ni Pablo na kapag pinili nating tanggapin ang ordenansa ng binyag, nakikipagtipan tayo na wakasan ang mga dati nating gawi (o “alisin … ang dating pagkatao” [ Efeso 4:22 ]) at magsimula ng bagong buhay bilang mga tagasunod ni Jesucristo (tingnan sa Roma 6:1–6 ; Doktrina at mga Tipan 20:37). Kabilang dito ang pag-iwan sa ating mga kasalanan at anumang bagay na hahadlang sa atin na mas mapalapit sa Ama sa Langit. Hindi natin maisasakatuparan ang prosesong ito nang mag-isa. Nangyayari lamang ito dahil kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala at sa nakapagpapabanal na impluwensya ng Espiritu Santo.

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Unawain nang mas malalim ang katotohanan

Matapos tumukoy ang mga estudyante ng katotohanan mula sa Efeso, maaari silang anyayahan na unawain nang mas malalim ang katotohanan. Maaari nilang gamitin ang resources na banal na kasulatan, Mga Paksa ng Ebanghelyo (https://www.churchofjesuschrist.org/study/manual/gospel-topics?lang=tgl), ang Gospel Library app, o iba pang resources na magagamit upang maghanap ng mahahalagang salita. Pagkatapos ay maaaring ipabahagi sa kanila ang natutuhan nila tungkol sa mga katotohanan at kung paano nila maipapamuhay ang mga katotohanan.

Mga kabatiran sa Aklat ni Mormon tungkol sa biyaya ni Jesucristo

Kung makatutulong sa mga estudyante na talakayin ang biyaya ni Jesucristo sa halip na maghanap ng mga alituntunin sa mga banal na kasulatan, sabihin sa kanila na pag-aralan ang Efeso 2:1–12 , at paghambingin ang magiging buhay nila kung wala ang biyaya ni Jesucristo (tingnan sa talata 1–3) at kung ano ang buhay nila nang may biyaya Niya (tingnan sa talata 4–8). Pagkatapos ay maaari nilang pag-aralan ang mga scripture passage mula sa Aklat ni Mormon na nagtuturo tungkol sa biyaya ng Tagapagligtas (tingnan sa 2 Nephi 10:24–25 ; Jacob 4:6–7 ; Helaman 12:24 ; Eter 12:27 ; Moroni 10:32–33), tukuyin ang sarili nilang mga pangangailangan para sa biyaya ng Tagapagligtas, at gumawa ng plano kung paano nila hahangarin nang mas madalas ang Kanyang biyaya.