Seminary
Mga Hebreo 2–4


Mga Hebreo 2–4

Matutulungan Tayo ng Tagapagligtas sa mga Oras ng Ating Pangangailangan

Naisip mo na ba kung may ibang tao na talagang nakauunawa sa pinagdaraanan mo sa buhay? Itinuturo sa aklat ng Mga Hebreo na si Jesucristo ay bumaba mula sa Kanyang luklukan sa langit upang mabuhay bilang mortal na tao sa lupa at isakatuparan ang walang-hanggang Pagbabayad-sala para sa atin. Dahil dito, kilalang-kilala Niya tayo at lubos na nalalaman kung paano tayo tutulungan. Ang lesson na ito ay makadaragdag sa iyong tiwala na matutulungan ka ni Jesucristo sa mga oras ng pangangailangan.

Paggamit ng musika upang maanyayahan ang Espiritu. Ang musika, lalo na ang mga himno ng Simbahan, ay may mahalagang papel na ginagampanan para tulungan ang mga estudyante na madama ang impluwensya ng Espiritu Santo sa kanilang pag-aaral ng ebanghelyo. Ang pagkanta ng isa o mahigit pang talata ng himno na direktang nauugnay sa lesson ay makatutulong sa mga estudyante na maghandang pag-aralan ang mga alituntunin ng ebanghelyo o rebyuhin ang mga alituntuning natutuhan nila.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang doctrinal mastery passage na Alma 7:11–13 at pumasok sa klase na handang ibahagi kung bakit sa palagay nila ay mahalagang maunawaan ang scripture passage na ito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang Tagapagligtas ay nakauunawa

Maaari mong kantahin ang isang himno na tumatalakay sa kakayahan ng Tagapagligtas na bigyan tayo ng kapanatagan at kapayapaan para masimulan ang klase. Maaaring hilingin sa mga estudyante na pakinggan ang mga matututuhan nila tungkol kay Jesucristo habang sama-sama silang kumakanta.

Basahin, awitin, o pakinggan ang himnong “Saan Naroon ang Aking Kapayapaan?” (Mga Himno, blg. 74).

Maaari mo ring panoorin ang video na “Saan Naroon ang Aking Kapayapaan? [Saan Naroon ang Aking Kapayapaan?]” (4:03) sa ChurchofJesusChrist.org.

4:3
  • Paano mo ipapaliwanag ang mensahe ng himnong ito sa sarili mong mga salita?

Sa iyong study journal, isulat ang isang bagay kung saan talagang kailangan mo ng tulong sa iyong buhay.

Sa kanyang liham sa mga Hebreo, itinuro ni Pablo sa mga Banal ang tungkol kay Jesucristo at kung paano Niya mabibigyan sila ng lakas sa mga sitwasyong kinakaharap nila (tingnan sa Mga Hebreo 4:16). Habang nag-aaral ka, alamin kung paano ka matutulungan ni Jesucristo.

Maaari mong gawin sa pisara ang mga iminumungkahing column sa ibaba. Habang naghahanap ng mga sagot ang mga estudyante sa mga banal na kasulatan, sabihin sa kanila na isulat sa mga angkop na column ang kanilang mga natuklasan.

Sa iyong study journal, gumawa ng chart na katulad ng sumusunod:

Bakit nauunawaan ako ni Jesucristo?

Anong mga pagpapala ang maibibigay sa akin ni Jesucristo dahil nauunawaan Niya ako?

Basahin ang Mga Hebreo 2:9–10, 13–18 , at 4:12–16 , at alamin ang mga sagot sa mga tanong sa chart. Isulat ang mga sagot sa ilalim ng mga angkop na heading. Tandaan na ang Mga Hebreo 2:9 at 16 ay tumutukoy sa pag-alis ni Jesucristo sa Kanyang luklukan sa langit upang mabuhay bilang isang mortal na tao sa lupa.

  • Ano ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo na sa iyong palagay ay makatutulong sa iyo o sa iba?

Makinig nang mabuti at magmasid habang nagbabahagi ang mga estudyante sa klase. Humingi ng patnubay mula sa Espiritu Santo upang malaman ang mga pangangailangan ng mga estudyante. Itanong ang mga sumusunod o iba pang tanong, kung kinakailangan, upang talakayin nang mas detalyado ang mga parirala mula sa mga banal na kasulatan.

  • Bakit maaaring nakapapanatag na malaman na batid ni Jesucristo ang “mga pag-iisip at mga hangarin ng puso”? ( Mga Hebreo 4:12).

  • Ano ang nauunawaan mo sa pariralang “siya’y makasasaklolo sa mga tinutukso”? ( Mga Hebreo 2:18). Tandaan na ang salitang isinalin bilang “tinutukso” ay maaari ding isalin bilang “sinusubok” o “dumaranas ng pagsubok.” Ang salitang saklolo ay nangangahulugang pagtulong sa isang tao.

Ang isang katotohanan na maaaring natuklasan mo ay dahil nagdusa at tinukso si Jesucristo sa lahat ng bagay, nauunawaan Niya tayo at matutulungan sa mga oras ng pangangailangan. Itinuro din ng propetang si Alma sa Aklat ni Mormon ang katotohanang ito. Maaari mong i-cross reference ang doctrinal mastery passage na Alma 7:11–13 sa Mga Hebreo 2:18 .

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga natutuhan mula sa paghahanda ng estudyante.

Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano mas mauunawaan ang kakayahan ng Tagapagligtas na maunawaan at matulungan ka. Maaari mong panoorin ang video na “Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang May Kagaanan” (16:23), na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org, mula sa time code na 12:15 hanggang 13:21 o basahin ang sumusunod na pahayag.

16:23
Elder David A. Bednar, Quorum of the Twelve Apostles official portrait. 2020.

Walang sakit ng katawan, walang espirituwal na sugat, walang paghihirap ng kaluluwa o sakit ng kalooban, walang karamdaman o kahinaan na nararanasan natin sa buhay na ito na hindi muna naranasan ng Tagapagligtas. Sa sandali ng kahinaan, maaari nating [masabi], “Walang nakakaalam ng pinagdaraanan ko. Walang nakakaunawa.” Ngunit lubos itong nalalaman at nauunawaan ng Anak ng Diyos, dahil naranasan at pinasan na Niya ang mga pasanin ng bawat isa sa atin. At dahil sa Kanyang walang-katapusan at walang-hanggang sakripisyo (tingnan sa Alma 34:14), ganap ang Kanyang pagdamay at maiuunat Niya sa atin ang Kanyang bisig ng awa. Maaabot, maaantig, matutulungan, mapapagaling, at mapapalakas Niya tayo nang higit kaysa makakaya natin at matutulungan Niya tayong gawin ang hinding-hindi natin makakayang gawing mag-isa.

(David A. Bednar, “Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang May Kagaanan,” Liahona, Mayo 2014, 90)

  • Paano nakatutulong sa iyo ang Alma 7:11–13 o ang pahayag ni Elder Bednar na mas maunawaan ang kakayahan ng Tagapagligtas na tulungan ka?

Mag-isip ng isang halimbawa—mula sa iyong buhay, sa buhay ng iba, o sa mga banal na kasulatan—na naglalarawan ng ganap na pag-unawa ng Tagapagligtas sa ating mga karanasan at mga pangangailangan. Kung kailangan mo ng tulong sa pag-iisip ng halimbawa, maaari mong pag-aralan ang Juan 11:21–27, 32–36 ; Mosias 24:11–15 ; o Doktrina at mga Tipan 122:5–9 .

  • Paano ka matutulungan ng halimbawang ito na magtiwala kay Jesucristo?

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga halimbawang natukoy nila. Kung nag-aalangang magbahagi ang mga estudyante, maaari kang magbahagi ng personal na karanasan o tumalakay ng isa sa mga iminumungkahing scripture passage.

Lumapit nang may katapangan sa trono ng biyaya

Basahin ang Mga Hebreo 4:16 , at alamin ang ipinagagawa sa atin ni Pablo upang matanggap ang tulong na kailangan natin. Maaari mong markahan ang mahahanap mo.

3:54
  • Sa iyong palagay, ano ang ibig sabihin ng “lumapit [nang] may katapangan sa trono ng biyaya”?

Maaaring makatulong na ipaliwanag na kapag lumalapit tayo sa Diyos, dapat itong gawin nang may mapagpakumbabang pagpipitagan, pagsamba, at pagsusumamo. Maaari tayong magkaroon ng kumpiyansa hindi dahil sa sarili nating kabutihan o mga kakayahan kundi dahil sa mga kabutihan ni Jesucristo, kaya nakalapit tayo sa Diyos (tingnan sa 2 Nephi 2:8).

  • Ano ang nagbibigay ng kumpiyansa sa atin kapag lumalapit tayo sa Diyos?

  • Ano kaya ang pakiramdam ng “lumapit [nang] may katapangan sa trono ng biyaya”?

Maaari kang magbahagi ng personal na patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Sabihin sa mga estudyante na lumapit nang may katapangan sa trono ng biyaya upang makahanap ng lakas at tulong sa mga oras ng kanilang pangangailangan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Ano ang pagpapakababa ni Jesucristo?

Itinuro ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Official portrait of Elder Quentin L. Cook. Called to the Quorum of the Twelve Apostles on 6 October 2007.

Ang halimbawa ng kababaang-loob ng Tagapagligtas at sakripisyo para sa sangkatauhan ang pinakamatinding pangyayari sa kasaysayan. Ang Tagapagligtas, kahit bilang miyembro ng Panguluhang Diyos, ay handa noong pumarito sa lupa bilang munting sanggol at simulan ang pamumuhay na may kasamang pagtuturo at pagpapagaling sa Kanyang mga kapatid at matinding pagdanas ng hindi maipaliwanag na pasakit sa Getsemani at sa krus upang gawing ganap ang Kanyang Pagbabayad-sala. Ang gawaing ito ng pag-ibig at pagpapakumbaba sa panig ni Cristo ay kilala bilang Kanyang pagpapakababa. Ginawa Niya ito para sa bawat lalaki at babaing nilikha at lilikhain ng Diyos.

(Quentin L. Cook, “Ang Araw-araw na Walang-Hanggan,” Liahona, Nob. 2017, 52)

Mga Hebreo 4:15. Talaga bang si Jesus ay “tinukso … gaya rin naman natin”?

Itinuro ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95) ang sumusunod:

Howard W. Hunter

Mahalagang alalahanin na si Jesus ay maaaring magkasala, na maaari sana siyang sumuko, na maaari sanang ang plano ng buhay at kaligtasan ay nabigo, ngunit siya ay nanatiling tapat. Kung walang posibilidad na maaari siyang matukso ni Satanas, wala sanang magiging tunay na pagsubok, wala sanang tunay na tagumpay bilang resulta nito. Kung siya ay inalisan ng posibilidad na magkasala, maaaring inalisan na rin sana siya ng kalayaang pumili. Siya yaong nanindigan para protektahan at tiyakin ang kalayaan ng tao. Hindi niya tinulutan na alisan siya ng posibilidad na magkasala bagkus kanyang dinaig ito. Tulad ng isinulat ni Pablo, “Bagama’t siya’y isang Anak, siya’y natuto ng pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang tiniis” ( Mga Hebreo 5:8); at siya ay “tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin, gayunma’y walang kasalanan” ( Mga Hebreo 4:15). Siya ay perpekto at walang kasalanan, hindi dahil kailangang maging gayon siya, kundi dahil malinaw na gusto niyang maging gayon at determinado siyang maging gayon.

(Howard W. Hunter, “The Temptations of Christ,” Ensign, Nob. 1976, 19)

Sa Mga Hebreo 4:16. Ano ang kahalagahan ng “trono ng biyaya”?

“Sa maraming sinaunang kultura, ang lumapit sa trono ng isang hari nang hindi inaanyayahan ay pagsasapanganib sa buhay ng isang tao, ngunit sa paanyaya ng hari, tiyak na makalalapit at makapagsasalita ang isang tao. Ang ibig sabihin ng lumapit sa Diyos nang ‘may katapangan’ ay may kumpiyansa tayo na nais ng Diyos na lumapit tayo sa Kanyang luklukan at tatanggap tayo ng Kanyang tulong” (New Testament Student Manual [2018], 477).

Patungkol sa awang ibinibigay sa atin ng Diyos, itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Official Portrait of Elder Jeffrey R. Holland. Photographed January 2018.

Ang bagay na lubhang ikinatutuwa ng Diyos sa pagiging Diyos ay ang pagiging maawain, lalo na sa mga taong hindi ito inaasahan at kadalasan ay nadarama na hindi sila karapat-dapat dito.

(Jeffrey R. Holland, “Ang mga Manggagawa sa Ubasan,” Liahona, Mayo 2012, 33)

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Matutulungan ako ng aking mga pagsubok na maunawaan at matulungan ang iba

Matapos talakayin ang kakayahan ng Tagapagligtas na maunawaan tayo, ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Last official portrait of Elder Joseph B. Wirthlin of the Quorum of the Twelve Apostles, 2004. Died December 1, 2008.

Dahil labis na nagdusa si Jesucristo, nauunawaan Niya ang ating pagdurusa. Nauunawaan Niya ang ating pighati. Nararanasan natin ang mahihirap na bagay [upang] mapag-ibayo rin natin ang pagkahabag at pag-unawa sa iba.

(Joseph B. Wirthlin, “Anuman ang Mangyari, Gustuhin Ito,” Liahona, Nob. 2008, 27)

Upang matulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang pahayag na ito, magtanong tulad ng “Kailan ka nadamayan ng isang tao na nagkaroon ng karanasan na kapareho ng sa iyo?” “Paano mo mas naunawaan ang iba dahil sa mga pagsubok na naranasan mo?”

3:37