Seminary
Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery 22


Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery 22

Isaulo ang mga Reperensya at Mahahalagang Parirala ng Banal na Kasulatan

Family in New Zealand sitting in the living room reading scriptures together.

Naisip mo na ba kung bakit mahalagang isaulo ang mga banal na kasulatan? Ang pagsasaulo ng mga banal na kasulatan ay makatutulong sa iyo na makatanggap ng inspirasyon, maalala ang Tagapagligtas, at maituro ang ebanghelyo sa iba. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang maisaulo ang ilan sa mga reperensyang banal na kasulatan at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan ng mga doctrinal mastery passage sa Bagong Tipan.

Pagtataguyod ng ligtas na kapaligiran sa pag-aaral na may pagtanggap at paggalang. Kapag alam ng mga estudyante na minamahal at tinatanggap sila ng kanilang titser at ng kanilang mga kaklase, mas malamang na pumasok sila sa klase na handang matuto at mag-ambag sa karanasan sa pag-aaral. Humanap ng mga paraan upang matulungan ang mga estudyante na madamang minamahal sila at tulungan sila na maipahayag nang angkop ang pagmamahal sa isa’t isa.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na kausapin ang isang kapamilya o kaibigan kung paano nagbigay ng inspirasyon ang pagsasaulo ng mga banal na kasulatan sa kapamilya o kaibigan na iyon o paano ito nakatulong sa kanila na mas mapalapit sa Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Bakit kailangang isaulo ang mga banal na kasulatan?

Maaaring kailanganing ituro ang isang doctrinal mastery passage lesson kapalit ng lesson sa pagrerebyu na ito. Tingnan ang iskedyul sa pagtuturo na ibinigay ng area o region director o coordinator upang matiyak na maituturo ang bawat doctrinal mastery passage lesson habang may klase sa seminary.

Ipagpalagay mo na nakikibahagi ka sa isang survey para sa magasin na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Ano ang isasagot mo kung itatanong sa iyo ang sumusunod?

  • Ano ang nangungunang limang dahilan para sa pagsasaulo ng mga banal na kasulatan?

Maaaring isipin ng mga estudyante ang natutuhan nila sa aktibidad sa paghahanda ng estudyante habang sumasagot sila sa tanong.

Maraming magandang dahilan upang isaulo ang mga banal na kasulatan. Ang mga isinaulong banal na kasulatan ay maaaring maging katulad ng mga kaibigan na makapagbibigay sa atin ng inspirasyon, kapanatagan, at motibasyon sa mga oras ng pangangailangan (tingnan sa Richard G. Scott, “Ang Bisa ng Banal na Kasulatan,”Liahona, Nob. 2011, 6). Ang pagsasaulo ng mga banal na kasulatan ay makatutulong sa atin na “isaalang-alang [ang Tagapagligtas] sa bawat pag-iisip” ( Doktrina at mga Tipan 6:36). Ang pagsasaulo ng mga banal na kasulatan ay makatutulong sa atin na “matamo ang salita [ng Diyos]” upang maturuan natin ang iba ( Doktrina at mga Tipan 11:21).

  • Paano makakaapekto ang pagsasaulo ng mga banal na kasulatan sa iyong ugnayan kay Jesucristo?

Pagsasaulo ng mga scripture passage

Maglaan ng ilang minuto na isaulo o alalahanin ang mga reperensyang banal na kasulatan at mahahalagang parirala ng mga sumusunod na doctrinal mastery passage sa Bagong Tipan. Kapag nakatitiyak ka nang alam mo na ang mga reperensya at mahahalagang pariralang ito, pumili ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na aktibidad upang i-test ang iyong memorya.

Color Handouts Icon

Ipakita ang sumusunod na chart, o ibigay ito sa mga estudyante bilang handout.

Doctrinal Mastery

Doctrinal Mastery sa Bagong Tipan: 1 Corinto–Apocalipsis

1 Corinto 6:19–20

“Ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo.”

1 Corinto 11:11

“Sa Panginoon, kailangan ng babae ang lalaki at ang lalaki ay kailangan ng babae.”

1 Corinto 15:20–22

“Sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin kay Cristo ang lahat ay bubuhayin.”

1 Corinto 15:40–42

Sa Pagkabuhay na Mag-uli, may tatlong antas ng kaluwalhatian.

Efeso 1:10

Sa “kaganapan ng panahon, [kanyang] [ti]tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo.”

Efeso 2:19–20

Ang Simbahan ay “itinayo sa saligang inilagay ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus ang batong panulok.”

2 Tesalonica 2:1–3

“Ang araw ng Panginoon … [ay] hindi darating malibang maunang maganap ang pagtalikod.”

2 Timoteo 3:15–17

“Ang mga banal na kasulatan … [ay] makakapagturo sa iyo tungo sa kaligtasan.”

Mga Hebreo 12:9

Ang Ama sa Langit ang “Ama ng mga espiritu.”

Santiago 1:5–6

“Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos.”

Santiago 2:17–18

“Ang pananampalataya … kung ito ay walang mga gawa ay patay.”

1 Pedro 4:6

“Ang ebanghelyo ay ipinangaral maging sa mga patay.”

Apocalipsis 20:12

“At ang mga patay ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa.”

Opsiyon 1: Magdrowing ng isang larawan

Sabihin sa isang estudyante na pumili ng doctrinal mastery scripture passage nang hindi sinasabi sa iba pang estudyante kung ano ito. Pagkatapos, guguhit ang estudyante ng mga clue (nang hindi gumagamit ng mga numero o titik) hanggang sa matukoy ng ibang estudyante ang tamang reperensyang banal na kasulatan at mahalagang parirala. Maaari silang gumawa nang may kapartner, sa maliliit na grupo, o bilang isang klase. Pagkatapos ng aktibidad, maaaring talakayin ng mga estudyante ang sumusunod na tanong bilang isang klase o sa maliliit na grupo.

  • Sa iyong palagay, paano maaaring maging katulad ng isang kaibigan na makapagbibigay sa iyo ng inspirasyon, kapanatagan, at motibasyon sa mga oras ng pangangailangan ang naisaulong banal na kasulatan?

Opsiyon 2: Isulat ito

Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo. Bigyan ng papel ang bawat grupo. Sabihin sa mga miyembro ng grupo na pumili ng isang doctrinal mastery passage. Pagkatapos, maaari silang magsalitan sa pagsulat ng isang salita ng reperensyang banal na kasulatan at mahalagang parirala nito. Matapos magsulat ng isang salita ang isang miyembro ng grupo, ipapasa niya ang papel sa susunod na kagrupo, na magsusulat ng susunod na salita, hanggang sa maisulat nang tama ng grupo ang buong reperensya at parirala ng banal na kasulatan. Maaaring ulitin ng mga grupo ang aktibidad na ito at orasan ang kanilang sarili upang makita kung gaano sila humusay. Pagkatapos ng aktibidad, maaaring talakayin ng mga estudyante ang sumusunod na tanong bilang isang klase o sa maliliit na grupo.

  • Sa iyong palagay, paano makatutulong sa iyo ang pagsasaulo ng mga banal na kasulatan na “isaalang-alang [ang Tagapagligtas] sa bawat pag-iisip”? ( Doktrina at mga Tipan 6:36).

Opsiyon 3: Tukuyin ang reperensyang banal na kasulatan

Hatiin ang klase sa magkakapartner o sa maliliit na grupo. Sabihin sa isang estudyante na ibahagi kung ilang salita mula sa isang mahalagang parirala ng banal na kasulatan ang sa palagay niya ay kailangan nila upang mahulaan ang reperensyang banal na kasulatan. Pagkatapos, pipili ang isa pang estudyante ng mahalagang parirala ng banal na kasulatan at babasahin niya nang malakas ang bilang ng mga salita na iyon mula sa mahalagang parirala ng banal na kasulatan. Pagkatapos, susubukan ng unang estudyante na tukuyin ang reperensyang banal na kasulatan. Maaaring ulitin ng mga estudyante ang aktibidad na ito nang maraming beses hangga’t gusto nila at baguhin ang bilang ng mga salitang babasahin mula sa mahalagang parirala ng banal na kasulatan. Pagkatapos ng aktibidad, maaaring talakayin ng mga estudyante ang sumusunod na tanong bilang isang klase o sa maliliit na grupo.

  • Sa iyong palagay, paano makatutulong sa iyo ang pagsasaulo ng mga banal na kasulatan na maging handang ibahagi ang ebanghelyo sa iba?

Pagnilayan ang iyong karanasan

  • Anong mga aktibidad ang ginagamit mo upang matulungan kang maisaulo ang mga reperensyang banal na kasulatan at ang mahahalagang parirala nito?

  • Kumusta ang pagsasaulo mo ng mga reperensya at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa mga doctrinal mastery passage sa Bagong Tipan? Ano ang plano mo upang maisaulo ang mga hindi mo pa naisasaulo?

  • Sa iyong palagay, paano mapagpapala ng pagsasaulo ng mga banal na kasulatan ang iyong buhay?