Pambungad sa Bagong Tipan
Tinutulungan Tayo ng Bagong Tipan na Lumapit kay Cristo
Ang Bagong Tipan ay isang tala ng buhay at ministeryo sa lupa ni Jesucristo at ng Kanyang mga Apostol. Ang lesson na ito ay tutulong sa iyo na maghandang lumapit kay Jesucristo at sumunod sa Kanya habang pinag-aaralan mo ang Bagong Tipan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pag-isipan ang mga isasagot mo sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang ginagawa mo kapag nadarama mo na pagod ang iyong katawan o isipan?
-
Ano ang ginagawa mo kapag natatakot ka?
-
Sino ang pinupuntahan mo kapag kailangan mo ng tulong sa isang bagay?
-
Paano nakatutulong sa iyo ang mga aktibidad o taong naisip mo sa mahihirap na sitwasyon?
-
Nagkaroon ka na ba ng pangangailangan na tila walang aktibidad o taong makatutulong sa iyo na harapin ito?
Itinuro ni Pangulong Jean B. Bingham, dating General Relief Society President, kung paano natin matutugunan ang ating pinakamahahalagang pangangailangan.
Ang walang-hanggang kagalakan ay nasa pagtutuon sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo at pamumuhay ayon sa ebanghelyo na tulad ng ipinakita at itinuro Niya. Kapag lalo tayong nag-aral tungkol kay Jesucristo, sumampalataya, at tumulad sa Kanya, mas mauunawaan natin na Siya ang pinagmumulan ng lahat ng paggaling, kapayapaan, at walang-hanggang pag-unlad.
(Jean B. Bingham, “Upang ang Inyong Kagalakan ay Malubos,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 85)
-
Ayon sa pahayag na ito, anong mga pagpapala ang mararanasan natin dahil kay Jesucristo?
-
Alin sa mga pagpapalang ito ang pinakamahalaga sa iyo ngayon? Bakit?
Pag-aaral ng buhay ni Jesucristo sa Bagong Tipan
Sa taon na ito, inaanyayahan tayong pag-aralan ang Bagong Tipan sa tahanan, simbahan, at seminary. Habang sinisikap nating pag-aralan ang Bagong Tipan at matuto sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ang ating pag-unawa at patotoo kung sino si Jesucristo at kung ano ang inihahandog Niya sa atin ay mag-iibayo. Malalaman natin kung ano ang gagawin natin para maranasan ang kagalakan, paggaling, at kapayapaang inihahandog Niya.
-
Ano ang alam mo tungkol sa Bagong Tipan?
-
Ano ang ilan sa mga paborito mong kuwento mula sa Bagong Tipan? Bakit?
-
Sa iyong palagay, bakit makabuluhan na pag-aralan ang Bagong Tipan sa taong ito?
Ang unang apat na aklat ng Bagong Tipan ay naglalaman ng apat na salaysay tungkol sa buhay ng Tagapagligtas. Ang mga ito ay kilala bilang Mga Ebanghelyo. Ang natitirang bahagi ng Bagong Tipan ay naglalaman ng ministeryo at mga turo ng ilan sa Labindalawang Apostol ng Tagapagligtas at iba pang lider ng Simbahan noon.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang “Paano isinaayos ang Bagong Tipan?” sa bahaging“Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon”sa huling bahagi ng lesson.
Sa Bagong Tipan, nagbigay ang Tagapagligtas ng paanyaya na maaari nating tanggapin upang matanggap ang tulong na nais Niyang ibigay sa atin.
Basahin ang Mateo 11:28 , at hanapin ang paanyaya ng Tagapagligtas.
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “lumapit [kay Cristo]”?
-
Sa iyong palagay, anong klaseng kapahingahan ang maibibigay sa atin ng Tagapagligtas kapag lumapit tayo sa Kanya?
-
Anong mga pagpapala ang naranasan mo sa iyong buhay nang lumapit ka kay Jesucristo?
Pagpapatatag ng iyong pagiging disipulo habang pinag-aaralan mo ang Bagong Tipan
Ang iyong karanasan sa pag-aaral ng Bagong Tipan sa taon na ito ay magbibigay sa iyo ng maraming pagkakataon na lumapit kay Jesucristo at maging Kanyang disipulo, o tagasunod.
Sa buong panahon ng iyong pag-aaral, bigyang-pansin hindi lamang ang nababasa at naririnig mo tungkol kay Jesucristo kundi pati na rin ang itinuturo sa iyo ng Espiritu tungkol sa Kanya. Maaari mong ilaan ang ilang pahina sa iyong study journal upang maitala ang natututuhan at nadarama mo tungkol sa Kanya at kung ano ang ginagawa mo para sumunod sa Kanya. Sa buong taon, magdagdag ng mga update sa mga pahinang ito at tingnan ang iyong pag-unlad.
-
Ano ang inaasam mong matutuhan o maranasan habang pinag-aaralan mo ang buhay at mga turo ni Jesucristo sa taon na ito?
-
Ano ang ilang partikular na pag-uugali na inaasam mong mapagbubuti mo pa bilang tagasunod ni Jesucristo?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Paano isinaayos ang Bagong Tipan?
Ang unang apat na aklat ng Bagong Tipan (Mateo, Marcos, Lucas, at Juan) ay kilala bilang Mga Ebanghelyo. Ang Mga Ebanghelyo ay apat na patotoo tungkol sa buhay at ministeryo ni Jesus sa mundo. Sa Griyego, ang ibig sabihin ng salitang ebanghelyo ay “mabuting balita.” Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa apat na Ebanghelyo, tingnan ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Ebanghelyo, Mga ,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.
Ang natitirang bahagi ng Bagong Tipan (ang aklat ng Mga Gawa hanggang sa aklat ng Apocalipsis) ay naglalaman ng mga isinulat at ministeryo ng mahahalagang lider sa Simbahan ng Tagapagligtas. Nakatala sa aklat ng Mga Gawa ang mga gawaing misyonero, ministeryo, at himala ng mga Apostol. Ang mga aklat ng Mga Taga Roma hanggang sa aklat ni Judas ay mga liham, o sulat, na isinulat ni Pablo at ng iba pang mga lider ng Simbahan upang turuan at pasiglahin ang mga Banal. Ang aklat ng Apocalipsis ay naglalaman ng paghahayag na natanggap ni Juan tungkol sa mga huling araw.
Paano mapalalakas ang aking pananampalataya kay Jesucristo habang pinag-aaralan ko ang Bagong Tipan?
Si Pangulong Jean B. Bingham na dating General President ng Relief Society, ay nagbahagi ng ilang paraan kung paano mapalalakas ang ating pananampalataya habang pinag-aaralan natin ang buhay at mga turo ng Tagapagligtas.
Kapag pinag-aralan ninyo ang buhay at mga turo ni Cristo sa maraming paraan, mag-iibayo ang pananampalataya ninyo sa Kanya. Malalaman ninyo na mahal Niya ang bawat isa sa inyo at lubos kayong nauunawaan. Sa Kanyang 33 taon sa mortalidad, Siya ay tinanggihan; inusig; nagutom, nauhaw, at napagod; nalungkot; nilait at sinaktan; at sa huli, namatay sa napakasakit na paraan sa kamay ng mga makasalanan. Sa Halamanan ng Getsemani at sa krus ng Kalbaryo, nadama Niya ang lahat ng ating pasakit, hirap, tukso, karamdaman, at kahinaan.
Anuman ang ipinagdusa natin, Siya ang pinagmumulan ng paggaling. Ang mga taong nakaranas ng anumang uri ng pang-aabuso, nakapanlulumong kawalan, pabalik-balik na sakit o pagkabaldado, mga maling paratang, matinding pang-uusig, o espirituwal na kapahamakan dahil sa kasalanan o di-pagkakaunawaan ay mapapagaling lahat ng Manunubos ng sanlibutan. Gayunman, hindi Siya darating nang walang paanyaya. Dapat tayong lumapit sa Kanya at tulutan Siyang gawin ang Kanyang mga himala.
(Jean B. Bingham, “Upang ang Inyong Kagalakan ay Malubos,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 86)
Nagpatotoo si Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa kahalagahan ng pag-aaral ng Bagong Tipan.
Ang mundo ngayon ay punung-puno ng mga doktrina ng tao kaya madaling [makalimot] at mawalan ng pananampalataya sa napakahalagang salaysay ng buhay at ministeryo ng Tagapagligtas—ang Bagong Tipan. Ang sagradong aklat na ito ang sentro ng kasaysayan ng banal na kasulatan, katulad ng dapat ay Tagapagligtas mismo ang sentro ng ating buhay. Dapat tayong mangako sa ating sarili na pag-aralan at pahalagahan ito!
(L. Tom Perry, “Ang Sabbath at ang Sakramento,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 6)