Matuto sa pamamagitan ng Espiritu
Pag-anyaya sa Espiritu Santo na Turuan Ka
Nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na ihayag ang katotohanan sa atin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Tutulungan ka ng lesson na ito na maunawaan kung paano ka tinutulungan ng Espiritu Santo na matutuhan ang katotohanan at tumanggap ng personal na paghahayag. Matututuhan mo rin kung paano anyayahan ang Espiritu Santo na turuan ka at kung paano makahihiwatig kapag natututo ka sa pamamagitan ng Espiritu.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Isipin na inanyayahan mo ang isang kaibigan na dumalo sa seminary sa unang pagkakataon. Sa isa sa mga unang karanasan ng iyong kaibigan sa seminary, ipinaliwanag ng titser ang kahalagahan ng pag-anyaya sa Espiritu Santo na magturo sa oras ng seminary at sa personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Pinatotohanan ng titser na sa pamamagitan ng Espiritu Santo, makatatanggap ang mga estudyante ng mga personal na mensahe mula sa Ama sa Langit na hindi pa nabanggit nang malakas sa klase. Tinanong ka ng kaibigan mo kung ano ang ibig sabihin ng matuto mula sa Espiritu Santo.
Habang iniisip mo kung ano ang isasagot, pagnilayan ang mga sumusunod na tanong. Isaisip ang mga saloobin at damdamin mo habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito.
-
Sa iyong palagay, paano magbabago ang karanasan ng kaibigan mo sa seminary kung nadama niyang nakikipag-ugnayan sa kanya ang Diyos habang pinag-aaralan niya ang ebanghelyo?
-
Gaano ka kakumpiyansa na mahihiwatigan mo ang impluwensya ng Espiritu Santo sa iyong buhay at maaanyayahan mo Siya na turuan ka?
Ano ang ginagawa ng Espiritu para sa atin?
Habang pinag-aaralan mo ang ebanghelyo, mabibigyan ka ng Espiritu Santo ng personal na paghahayag. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Hindi na ninyo kailangang itanong kung ano ang totoo [tingnan sa Moroni 10:5 ]. Hindi na ninyo kailangang isipin kung sino ang ligtas na mapagkakatiwalaan ninyo. Sa pamamagitan ng personal na paghahayag, magkakaroon kayo ng sariling patotoo na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, na si Joseph Smith ay propeta, at ito ang Simbahan ng Panginoon. Anuman ang sabihin o gawin ng ibang tao, walang makapag-aalis ng patotoo na ikinintal sa inyong puso’t isipan sa kung ano ang totoo.
Hinihimok ko kayong dagdagan pa ang espirituwal na kakayahan ninyong makatanggap ng personal na paghahayag. … Napakarami pang bagay na nais ng Ama sa Langit na malaman ninyo. …
… Ang pinakamahalagang katotohanan na pagtitibayin sa inyo ng Espiritu Santo ay si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos. Siya ay buhay!
(Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 95–96)
-
Ano ang tila pinakamahalaga sa iyo sa pahayag ni Pangulong Nelson?
-
Sa iyong palagay, bakit ang pinakamahalagang katotohanan na mapatototohanan at mapagtitibay ng Espiritu Santo ay na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos?
-
Paano mo ibubuod sa isa hanggang dalawang pangungusap para sa iyong kaibigan ang kahalagahan ng personal na paghahayag sa kanyang pag-aaral ng ebanghelyo?
Paano natin mahihiwatigan ang impluwensya ng Espiritu Santo?
Isipin na nagsimulang magpakita ang kaibigan mo ng tunay na interes sa pagtanggap ng paghahayag mula sa Diyos. Pero sinabi niya sa iyo, “Hindi ako sigurado kung nakatanggap na ako ng paghahayag noon. Paano ko mahihiwatigan ang Espiritu Santo?”
Para matulungan kang sumagot, basahin ang mga sumusunod na scripture passage. Pansinin kung paano inilarawan ang impluwensya ng Espiritu.
-
Alin sa mga paglalarawan na nabasa mo tungkol sa Espiritu Santo ang nais mong ibahagi sa iyong kaibigan? Bakit?
-
Paano mo ilalarawan ang mga paraan kung paano mo naranasan ang impluwensya ng Espiritu Santo habang pinag-aaralan mo ang ebanghelyo?
Paano natin maaanyayahan ang Espiritu Santo na turuan tayo?
Mahal tayo ng ating Ama sa Langit at nais Niyang mangusap sa atin sa pamamagitan ng marahan at banayad na tinig ng Espiritu Santo. Ngunit dapat magpasiya ang bawat isa sa atin kung handa tayong masigasig na hangarin ang paghahayag mula sa Kanya. Bukod pa rito, kapag tayo ay nagtitipon bilang isang pamilya, klase, o ward, ang ating mga hangarin, pag-uugali, at kilos ay maaaring makaapekto sa mga tao sa paligid natin.
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilang mahahalagang paraan kung paano natin maaanyayahan ang Espiritu Santo na turuan tayo.
Ang pagtanggap sa Espiritu Santo ay nagsisimula sa ating taimtim at tapat na hangarin sa patnubay Niya sa ating buhay. …
Ang ating mga paanyaya sa patnubay ng Espiritu Santo ay nagaganap sa maraming paraan: sa paggawa at pagtupad ng mga tipan; sa taimtim na pagdarasal nang sarilinan o sa pamilya; sa masigasig na pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan; sa pagpapalakas ng mga angkop na ugnayan sa mga kapamilya at kaibigan; sa pagkakaroon ng mabubuting kaisipan, kilos, at pananalita; at sa pagsamba sa ating tahanan, sa banal na templo, at sa simbahan.
(David A. Bednar, “Tanggapin ang Espiritu Santo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 96)
-
Alin sa mga pag-uugali o gawain na binanggit ni Elder Bednar ang nakatulong sa iyo na maanyayahan ang Espiritu sa iyong buhay?
-
Paanong ang pag-uugali o pagpili ng isang tao ay mas nagpapadali (o mas nagpapahirap) para sa isang tao sa pamilya o klase na maturuan ng Espiritu?
-
Paano naimpluwensyahan ng pinag-aralan mo ngayon ang hangarin o kakayahan mong matuto sa pamamagitan ng Espiritu?
-
Ano ang gusto mong matutuhan pa tungkol sa personal na paghahayag at pagkatuto sa pamamagitan ng Espiritu?
-
Ano ang gagawin mo sa tahanan at sa seminary para maanyayahan ang Espiritu na mapasaiyo habang pinag-aaralan mo ang Bagong Tipan?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Talaga bang nais ng Panginoon na maghayag ng mga bagay-bagay sa akin?
Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Isa sa mga bagay na paulit-ulit na ikinikintal ng Espiritu sa aking isipan … ay ang kahandaan ng Panginoon na ihayag ang Kanyang isipan at kalooban. Ang pribilehiyong makatanggap ng paghahayag ay isa sa mga pinakadakilang kaloob ng Diyos sa Kanyang mga anak.
(Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 94)
Paano ko maaanyayahan ang Espiritu Santo na turuan ako?
Si Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol ay tumulong sa pagsagot sa tanong na ito.
Nangangailangan ito ng pagtawag sa Diyos at pagkatuto kung paano gawing sentro ng ating buhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Kung gagawin natin ito, nangangako ako na ihahatid ng impluwensya ng Espiritu Santo ang katotohanan sa ating puso’t isipan at patototohanan ito, na itinuturo ang lahat ng bagay.
(Ulisses Soares, “Paano Ako Makauunawa?,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 7)
Ano ang maaaring makahadlang sa akin sa pagtanggap ng paghahayag na nais ng Panginoon na ibigay sa akin?
Ibinahagi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kabatirang ito:
Kung may iniisip, nakikita, naririnig, o ginagawa tayong naglalayo sa atin sa Espiritu Santo, dapat tayong tumigil sa pag-iisip, pagtingin, pakikinig, o paggawa sa bagay na iyon. Kung ang layon ng isang bagay ay makalibang, halimbawa, [ngunit] naglalayo sa atin sa Espiritu Santo, walang dudang hindi para sa atin ang libangang iyon. Dahil hindi nananatili ang Espiritu sa bagay na malaswa, lapastangan, o mahalay, malinaw na hindi para sa atin ang mga bagay na yaon.
(David A. Bednar, “Nang sa Tuwina ay Mapasaatin ang Kanyang Espiritu,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 30)
Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Napakaraming tao ang halos nakadepende ang buhay sa Internet sa kanilang mga smart device—mga screen na nag-iilaw sa kanilang mukha gabi’t araw at mga earplug sa kanilang tainga na humahadlang sa marahan at banayad na tinig ng Espiritu. Kung hindi tayo magbibigay ng panahon na iwaksi ang mga electronic device, baka tayo lagpasan ng mga pagkakataong marinig ang tinig Niya na nagsabing, “Magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios” [Mga Awit 46:10].
(M. Russell Ballard, “Mga Natatanging Kaloob mula sa Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 10)
Paano ko matutukoy ang paghahayag na dumarating sa aking isipan?
Itinuro ni Propetang Joseph Smith:
Maaaring makinabang ang isang tao sa pagpansin sa unang pahiwatig ng espiritu ng paghahayag; halimbawa, kapag nadarama ninyo ang pagdaloy ng dalisay na talino sa inyo, maaaring may bigla kayong maisip.
(Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 153)
Ibinahagi ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kabatirang ito:
Ang isang impresyon sa isipan ay napakapartikular. Ang mga detalyadong salita ay maaaring marinig o madama at maisulat na parang idinidikta ang mga tagubilin.
(Richard G. Scott, “Helping Others to Be Spiritually Led” [mensaheng ibinigay sa mga tagapagturo ng relihiyon sa isang symposium tungkol sa Doktrina at mga Tipan at kasaysayan ng Simbahan, Brigham Young University, Ago. 11, 1998]; tingnan din sa Teaching Seminary: Preservice Readings [2004], 55)
Paano ko malalaman ang kaibhan ng mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo at ng sarili kong saloobin?
Si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol at ang kanyang asawa na si Sister Susan Bednar ay tumulong sa pagsagot sa tanong na ito sa video na “Elder and Sister Bednar—Recognizing the Spirit” (time code na 0:00 hanggang 5:13), matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.