Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Pakinggan ang Tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Banal na Kasulatan
Itinuro ni Jesus na ang mga banal na kasulatan ay nagpapatotoo sa Kanya (tingnan sa Juan 5:39). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na lumapit kay Cristo at mas makilala Siya sa pamamagitan ng pag-aaral ng salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagtulong sa iyo na magkaroon ng mga kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at magtakda ng mga mithiin sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Bakit dapat pag-aralan ang mga banal na kasulatan?
Maaari mong ipasadula sa mga estudyante ang sitwasyong ito bilang magkakapartner o bilang isang klase upang mas makibahagi sila.
Kunwari ay sinabi ng isa sa iyong mga kaibigan na, “Wala akong oras para pag-aralan ang mga banal na kasulatan dahil marami pa akong ibang ginagawa. Hindi ko rin nauunawaan ang mga iyon!”
-
Ano ang sasabihin mo sa iyong kaibigan?
-
Ano ang iba pang dahilan kung bakit maaaring hindi pag-aralan ng mga tao ang mga banal na kasulatan araw-araw?
Maaari mong gamitin ang ebalwasyon mula sa aktibidad sa paghahanda ng estudyante upang matulungan ang mga estudyante na suriing muli ang ginagawa nila sa sarili nilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Sagutan ang ebalwasyon sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Gagamitin mo mamaya ang iyong mga sagot sa klase.
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal.
-
Ano ang mabuting nangyayari sa iyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan? Ano ang maaari mo pang pagbutihin?
Ipakita ang sumusunod na pahayag at ang mga sumusunod na tanong. Maaaring makatulong sa mga estudyante ang pagsagot sa mga tanong sa kanilang journal bago sumagot sa harap ng klase. Magbigay ng mga karagdagang tanong sa mga estudyante na nagbabahagi ng mga karanasan upang mahikayat sila na magbahagi pa.
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson, at alamin kung ano ang matututuhan natin tungkol sa dahilan kung bakit mahalagang paglaanan ng oras at pagsisikap ang regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Bilang mga disipulo ni Jesucristo, ang mga pagsisikap natingpakinggan Siyaay kailangang gawin nang mas may hangarin. Kailangan ng kusa at tuluy-tuloy na pagsisikap na punuin ang bawat araw ng ating buhay ng Kanyang mga salita, Kanyang mga turo, Kanyang mga katotohanan. …
…Saantayo maaaringpumunta para pakinggan Siya?
Maaari tayong magbasa ng mga banal na kasulatan. Nagtuturo ito sa atin tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, ang kalawakan ng Kanyang Pagbabayad-sala, at ang dakilang plano ng kaligayahan at kaligtasan ng ating Ama. Ang araw-araw na masigasig na pag-aaral ng salita ng Diyos ay mahalaga para sa espirituwal na kaligtasan lalo na sa tumitinding ligalig sa panahong ito. Kapag nagpapakabusog tayo sa mga salita ni Cristo araw-araw, ang mga salita ni Cristo ay magsasabi sa atin kung paano tumugon sa mga paghihirap na hindi natin inakalang dadanasin natin. …
Ano ang mangyayari kapag mas hahangarin ninyong pakinggan, marinig, at pansinin ang sinabi ng Tagapagligtas at ang sinasabi Niya ngayon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta? Ipinapangako ko na pagpapalain kayong magkaroon ng ibayong kapangyarihan na harapin ang mga tukso, paghihirap, at kahinaan. Ipinapangako ko na magkakaroon ng himala sa relasyon ninyo bilang mag-asawa, bilang pamilya, at sa gawain sa araw-araw. At ipinapangako ko na ang inyong kakayahang magalak ay madaragdagan kahit tumindi ang mga ligalig sa inyong buhay.
Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Ensign o Liahona, Mayo 2020, 89, 90
-
Ano ang natutuhan mo mula sa pahayag na ito tungkol sa kung paano ka mapagpapala ng Tagapagligtas kapag pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan?
-
Ano ang mga pagpapalang naranasan mo nang regular mong pag-aralan ang mga banal na kasulatan?
-
Ano ang nakatulong o makatutulong sa iyo na patuloy na mag-ukol ng oras na pag-aralan ang mga banal na kasulatan?
Maaari kang gumawa ng isang aktibidad kasama ang mga estudyante upang matulungan silang magkaroon ng kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. May ilang ideyang matatagpuan sa mga karagdagang materyal sa huling bahagi ng lesson.
Mga mithiin na maging higit na katulad ni Jesucristo
Isa sa mga pangunahing mithiin ng seminary ay matulungan kang sundin si Jesucristo at maging Kanyang disipulo. Ang patuloy na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay isa sa mga pinakamainam na paraan upang maging mas tapat kang tagasunod ni Jesucristo. Isa rin ito sa mga kinakailangan upang makatanggap ng credit para sa seminary. Maaari kang magtanong sa iyong titser ng impormasyon tungkol sa kung ano ang mga kinakailangan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan kung may mga tanong ka.
Maaaring mahirap maghanap ng oras para personal na pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Ito ang ipinayo ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Dahil sa mabilis na takbo ng ating buhay, hindi sapat ang mabubuting layunin at basta “umasa” na magkakaoras para sa makabuluhang pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Batay sa karanasan ko ang partikular at takdang oras na inilalaan araw-araw sa isang partikular na lugar, hangga’t maaari, para sa pag-aaral ay lubhang nagdaragdag ng pagkaepektibo ng ating pagsasaliksik at pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
(David A. Bednar, “Dahil Nasa Harapan Natin ang mga Ito,” Liahona, Abr. 2006, 20)
Isipin ang natutuhan at naramdaman mo ngayon, at balikan ang iyong mga sagot sa ebalwasyon sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Sa iyong study journal, gumawa ng isang mithiin sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaari mo itong gawing espirituwal na mithiin para sa programa na Mga Bata at Kabataan o maaari kang gumawa ng hiwalay na mithiin. Isipin ang mga sumusunod na tanong habang itinatakda mo ang iyong mithiin:
-
Ano ang nalalaman o pinaniniwalaan mo tungkol sa mga banal na kasulatan? Paano napapatindi ng nalalaman o pinaniniwalaan mo tungkol sa mga ito ang iyong hangaring pag-aralan ang mga ito?
-
Anong mga hamon ang naranasan mo sa iyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan? Paano mo malalampasan ang mga ito?
-
Gaano karami ang pag-aaralan mo? Saan at kailan mo ito gagawin?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Ano ang ilan sa mga pagpapala na maaaring magmula sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan?
Si Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagpatotoo tungkol sa mga pagpapala na maaaring magmula sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Paano ko epektibong mapag-aaralan ang mga banal na kasulatan?
Ibinahagi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kabatirang ito:
Kapag sinabi kong “pag-aralan,” higit pa ito sa pagbabasa. Kung minsa’y magandang basahin ang isang aklat sa banal na kasulatan sa takdang haba ng panahon para maunawaan ang buong mensahe nito, ngunit sa pagbabalik-loob, mas mahalaga dapat ang oras ninyo sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan kaysa sa dami ng nabasa ninyo sa oras na iyon. Kung minsa’y nawawari kong nagbabasa kayo ng ilang talata, tumitigil sandali para pag-isipan ito, at muling binabasa ang talata, at habang pinag-iisipan ang kahulugan nito, ay nagdarasal kayong maunawaan ito, nag-iisip ng mga tanong, naghihintay ng espirituwal na mga paramdam, at isinusulat ang damdamin at kabatirang dumarating para mas matandaan ito at matuto pa kayo. Sa ganitong pag-aaral, maaaring ilang kabanata o talata lang ang mabasa ninyo sa kalahating oras, pero bibigyan ninyo ng puwang sa inyong puso ang salita ng Diyos, at kakausapin Niya kayo.
(D. Todd Christofferson, “Kapag Ikaw ay Nagbalik-loob,”EnsignoLiahona, Mayo 2004, 11)
Kabilang sa ilang tool at resource na makatutulong sa iyo na mas epektibong mapag-aralan ang mga banal na kasulatan ay:
-
Ang mga pambungad na materyal sa manwal na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya.
-
Ang New Testament Student Manual ng institute, na naglalaman ng makatutulong na mga larawan, komentaryo, at paliwanag.
Ang mga sumusunod na tool ay matatagpuan sa bahaging “Mga Tulong sa Pag-aaral” ng iyong Gospel Library app o sa indeks ng iyong triple combination.
-
Ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan , na makatutulong sa iyo sa pag-aaral ayon sa paksa o sa paghahanap ng mga cross-reference, kahulugan, at paliwanag ayon sa konteksto.
-
Mga Mapa sa Biblia , na makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang konteksto ayon sa heograpiya ng mga salaysay sa banal na kasulatan.
-
Ang tool na Mga Larawan sa Biblia , na may mga larawan ng mga lugar sa Banal na Lupain na makatutulong sa iyo na mas mailarawan sa isipan ang mga kuwento sa Biblia.
-
Ang Pagkakatugma ng mga Ebanghelyo , na isang indeks kung saan matatagpuan ang iba’t ibang kuwento sa bawat isa sa mga salaysay ng Ebanghelyo, na tutulong sa iyo na mas maunawaan ang mga pangyayaring iyon.
Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral
Pagtutugma ng mga salaysay ng ebanghelyo
Maaaring may matutuhan ang mga estudyante mula sa pag-aaral ng parehong salaysay sa Bagong Tipan mula sa pananaw ng maraming manunulat. Makatutulong ito sa mga estudyante na magkaroon ng karagdagang kaalaman tungkol sa Tagapagligtas. Ang isang salaysay na maaaring pag-aralan ay ang tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani, na matatagpuan sa Mateo 26:36–46 ; Marcos 14:32–42 ; Lucas 22:40–46. Matapos pag-aralan ng mga estudyante ang mga salaysay na ito, maaari silang magbahagi ng mga kaalamang natanggap nila sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa ganitong paraan.