Pambungad sa Doctrinal Mastery
Ang Layunin ng Doctrinal Mastery
Ipababatid sa iyo ng lesson na ito ang doctrinal mastery at kung paano nito mapagpapala ang iyong buhay at matutulungan kang maitayo ang iyong espirituwal na pundasyon kay Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Magtayo ng pundasyon kay Jesucristo
Nagbabala si Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa mga espirituwal na buhawi:
Ang mas nakapag-aalala kaysa mga ipinropesiyang lindol at digmaan [sa mga huling araw] ay ang mga espirituwal na buhawi na maaaring bumunot sa inyo mula sa inyong mga espirituwal na pundasyon at ilapag ang inyong kaluluwa sa mga sitwasyong hindi ninyo sukat-akalain, na kung minsan ay halos hindi ninyo namamalayan na naalis na pala kayo sa inyong pundasyon.
(Neil L. Andersen, “Mga Espirituwal na Buhawi,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 18)
-
Ano ang ilan sa mga espirituwal na buhawi na nagtatangkang bumunot sa atin mula sa ating mga espirituwal na pundasyon?
Mag-isip ng isang espirituwal na buhawi na maaaring kinakaharap mo. Basahin ang Helaman 5:12 at maghanap ng mga paraan upang makayanan ang buhawing ito.
-
Ano ang napansin mo na makatutulong sa iyo na makayanan ang mga espirituwal na buhawi?
-
Sa iyong palagay, ano ang ibig sabihin ng magtayo ng pundasyon kay Jesucristo?
-
Paano personal na nakatutulong sa iyo ang pagtatayo ng matibay na pundasyon kay Jesucristo?
Doctrinal mastery
Matutulungan ka ng seminary na itayo ang iyong pundasyon kay Jesucristo kapag natututuhan mo ang Kanyang doktrina, lumalapit ka sa Kanya, at nagiging Kanyang disipulo (tingnan sa 3 Nephi 11:39). Basahin ang unang dalawang talata sa kabanatang “Pambungad sa Doctrinal Mastery” ng Doctrinal Mastery Core Document (2022), at maghanap ng mga paraan kung paano ka matutulungan ng seminary na maitayo ang iyong pundasyon kay Jesucristo.
-
Ano ang nahanap mo?
May dalawang pangunahing resulta para sa doctrinal mastery na makatutulong sa iyo na maitayo ang iyong pundasyon kay Jesucristo. Basahin ang dalawang resulta para sa doctrinal mastery sa kabanatang “Pambungad sa Doctrinal Mastery” ng Doctrinal Mastery Core Document.
Sa bawat linggo sa seminary, pag-aaralan mo ang doctrinal mastery. Sa karamihan ng mga lesson na ito, pag-aaralan mo ang isa sa 24 na scripture passage mula sa Bagong Tipan na kilala bilang mga doctrinal mastery passage. Ipinapakita ng sumusunod na diagram ang gagawin mo sa mga doctrinal mastery lesson.
Alamin at ipaliwanag ang doktrina
Sa simula ng lesson ay sinuri mo ang iyong sarili kung gaano ka kakomportable sa paggamit ng mga banal na kasulatan upang ipaliwanag ang doktrina ni Jesucristo. Paano mo man sinuri ang iyong sarili, ang pag-aaral ng doctrinal mastery ay magdaragdag sa iyong kaalaman tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang doktrina. Ang iyong kakayahang ipaliwanag ang Kanyang doktrina gamit ang mga banal na kasulatan ay mag-iibayo.
Tingnan ang listahan ng mga doctrinal mastery passage sa Bagong Tipan at ang mahahalagang parirala sa banal na kasulatan ng mga ito. Matatagpuan mo ang listahang ito sa huling bahagi ng Doctrinal Mastery Core Document. Pumili ng isa sa mga scripture passage na interesado kang pag-aralan, na makatutulong sa iyong personal na pangangailangan, o makatutulong sa iyong tanong.
-
Aling scripture passage ang pinili mo?
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng scripture passage na ito tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang doktrina?
-
Paano mapagpapala ang iyong buhay dahil nalalaman mo kung paano ipapaliwanag ang doktrina mula sa scripture passage na ito?
Pagtatamo ng espirituwal na kaalaman
Sa mga doctrinal mastery lesson, magkakaroon ka ng pagkakataong matutuhan pa ang tungkol sa mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at magsanay na gamitin ang mga ito upang matulungan kang sagutin ang mga personal na tanong at mga tanong tungkol sa lipunan pati na rin ang mga tanong tungkol sa doktrina, mga gawain, o kasaysayan ng Simbahan. Ang pag-aaral tungkol sa mga alituntuning ito at paggamit ng mga ito ay makatutulong sa iyo na maitayo ang iyong pundasyon sa Tagapagligtas at lumapit sa Kanya kapag may kinakaharap kang mga tanong. Ang tatlo sa mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman na sasanayin mong gamitin sa seminary ay:
-
Kumilos nang may pananampalataya.
-
Suriin ang mga konsepto at mga tanong nang may walang-hanggang pananaw.
-
Hangarin na mas makaunawa sa pamamagitan ng mga itinalagang tulong o sources na ibinigay ng Diyos.
Kung hindi ka pamilyar sa mga alituntuning ito, maaari mong basahin ang talata 5–12 sa kabanatang “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document.
-
Ano ang alam mo tungkol sa mga alituntuning ito?
-
Ano ang mga naging karanasan mo sa mga alituntuning ito?
-
Sa iyong palagay, paano makatutulong sa iyo ang mga alituntuning ito na maitayo ang iyong pundasyon kay Cristo at makayanan ang mga espirituwal na buhawi?
Mga doctrinal mastery scripture passage
Sa bawat taon sa seminary, hihikayatin kang magsaulo ng isang mahalagang parirala sa banal na kasulatan para sa 24 na doctrinal mastery scripture passage.
Itinuro ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa pagsasaulo ng mga banal na kasulatan.
Malaking tulong ang nagagawa ng pagsasaulo ng mga banal na kasulatan. Ang pagsasaulo ng isang [banal na kasulatan] ay pagbubuo ng [bagong] pagkakaibigan. Ito’y parang pagkakaroon ng bagong kakilala na makatutulong sa oras ng pangangailangan, makapagbibigay ng inspirasyon at kapanatagan, at pagmumulan ng panghihikayat para sa kinakailangang pagbabago.
(Richard G. Scott, “Ang Bisa ng Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 6)
-
Sa iyong palagay, bakit nakatutulong ang pagsasaulo ng iba’t ibang scripture passage?
-
Sa iyong palagay, paano makatutulong sa iyo ang pagsasaulo ng mga banal na kasulatan upang maitayo mo ang iyong pundasyon kay Jesucristo at makayanan ang mga espirituwal na buhawi?
Maglaan ng ilang sandali na rebyuhin ang 24 na doctrinal mastery passage at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa kursong Bagong Tipan. Maaari mong gamitin ang Doctrinal Mastery app o ang Doctrinal Mastery Core Document. Maaari mong simulang isaulo ang reperensya at mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa passage na pinili mo kanina.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Bakit mahalaga ang doctrinal mastery?
Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang [doctrinal mastery] ay magtutuon sa pagpapalago at pagpapalakas ng pananampalataya ng ating mga estudyante kay Jesucristo at pagpapaibayo ng kakayahan nilang mamuhay ayon sa ebanghelyo. Sa paghugot ng lakas mula sa mga banal na kasulatan at salita ng mga propeta, matututo silang kumilos nang may pananampalataya kay Cristo upang magtamo ng espirituwal na kaalaman at pang-unawa sa Kanyang ebanghelyo. At magkakaroon sila ng mga pagkakataong matuto kung paano iangkop ang doktrina ni Cristo at mga alituntunin ng ebanghelyo sa mga tanong at hamong naririnig at nakikita nila araw-araw sa mga kaedad nila at sa social media.
(M. Russell Ballard, “Ang mga Oportunidad at Responsibilidad ng mga CES Teacher sa Ika-21 Siglo” [isang gabi kasama ang General Authority, Peb. 26, 2016], ChurchofJesusChrist.org)