Matuto sa pamamagitan ng Pananampalataya kay Jesucristo
Ang Responsibilidad ng Estudyante
Makatutulong sa iyo ang lesson na ito na maunawaan ang kahalagahan ng pagkilos nang may pananampalataya kay Jesucristo habang natututo ka sa seminary. Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, matututuhan mo kung paano ka makikinabang nang husto sa iyong karanasan sa seminary.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Basahin ang sumusunod na sitwasyon:
May dalawang dalagita na nasa iisang seminary class. Naramdaman sa seminary ng isa sa mga dalagita ang impluwensya ng Espiritu Santo at ang pagmamahal ng Panginoon. Nahahanap niya ang mga sagot sa kanyang mga tanong, lumalakas ang kanyang patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan, at umuunlad sa makabuluhang paraan sa kanyang buhay. Subalit ang isa namang dalagita ay kadalasang naiinip sa seminary at nakadarama na wala siyang gaanong natututuhan dito.
-
Ano ang ilang posibleng dahilan kung bakit magkaiba ang karanasan ng dalawang dalagitang ito sa seminary?
-
Ano ang kasalukuyan mong ginagawa para espirituwal na matuto?
-
Pakiramdam mo ba ay nakukuha mo ang mga resultang gusto at kailangan mo?
Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, isipin ang mga paraan kung paano mo gustong matuto at umunlad ngayong taon sa seminary. Kasama sa pag-aaral ang anumang paraan kung paano natin pinagbubuti ang ating mga buhay. Maaari mo ring isipin ang anumang alalahanin o tanong mo. Sa pamamagitan ng taimtim na panalangin, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo para matulungan kang malaman kung paano ipamuhay ang lesson na ito.
Ang isa sa mga pinakanakaiimpluwensyang bagay sa ating pag-aaral ay kung gaano tayo nagtitiwala at sumusunod kay Jesucristo. Ang isang alituntunin na pagtutuunan sa lesson na ito ay kapag sinikap nating masigasig na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, mapagpapala at mapagbubuti natin ang ating sarili.Habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, maghanap ng mga kabatiran tungkol sa ibig sabihin ng matuto sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo.
Habang tinatanaw natin ang hinaharap at inaasahan na lalong magiging nakalilito at magulo ang mundo kung saan tayo maninirahan, naniniwala ako na magiging mahalaga sa ating lahat na pag-ibayuhin ang kakayahan natin na maghangad na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya. … Ang tunay na pananampalataya ay nakatuon sa Panginoong Jesucristo at palaging humahantong sa pagkilos. … Ang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangailangan ng pagsisikap sa espiritu, kaisipan, at katawan at hindi ito basta nangyayari nang walang ginagawa. Sa katapatan at patuloy na paggawa nang may pananampalataya naipapakita natin sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, na tayo ay handang matuto at tumanggap ng tagubilin mula sa Espiritu Santo.
(David A. Bednar, “Seek Learning by Faith,” Ensign o Liahona, Set. 2007, 61, 63–64)
-
Ano ang natutuhan mo mula sa pahayag na ito?
Mapakikinabangan mo nang husto ang iyong espirituwal na pag-aaral kapag masigasig kang nagsisikap na matutuhan at maituon ang iyong mga pagsisikap kay Jesucristo. Ipinapakita ng mga sumusunod na scripture passage ang mga taong lumapit kay Jesucristo at pinagpala Niya. Magbasa ng kahit isang salaysay sa banal na kasulatan, kung maaari. Habang nagbabasa ka, isipin kung paano nauugnay ang mga karanasan ng mga taong ito sa pag-aaral ng ebanghelyo.
-
Bartimeo— Marcos 10:46–52
-
Zaqueo— Lucas 19:1–10
-
Ano ang ginawa ng tao sa mga talata na ito para masigasig na maipakita ang pananampalataya kay Jesucristo? Paano niya ipinakita ang kanyang pananampalataya?
-
Anong mga balakid ang nadaig ng taong iyon?
-
Paano siya pinagpala ng Panginoon?
-
Ano ang matututuhan mo mula sa karanasan ng taong ito na magagamit mo sa sarili mong pag-aaral ng ebanghelyo?
Hatiin ang isang piraso ng papel sa tatlong column, at lagyan ang mga column ng label na Bago Magklase, Sa Oras ng Klase, at Pagkatapos ng Klase. Isipin kung ano ang nagawa o magagawa mo bago magklase, sa oras ng klase, at pagkatapos ng klase para matulungan kang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo. Mapanalanging hingin ang patnubay ng Espiritu Santo habang nag-iisip ka ng mga halimbawa at isinusulat o iginuguhit mo ang iyong mga halimbawa sa bawat column.
-
Ano ang isang bagay na nagawa mo bago, sa oras , o pagkatapos ng klase sa ebanghelyo na nakatulong sa iyo na matuto at mas mapalapit sa Panginoon?
Ang iyong sariling mithiin
Habang nag-aaral ka sa seminary, magkakaroon ka ng mga pagkakataong:
-
Maghanda para sa klase. Ang paghahangad ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo at pagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw ay ilan sa pinakamaiinam na paraan upang makapaghanda. Maaari ka ring anyayahang pagnilayan ang mga tanong bago magklase o pag-aralan ang isang maikling bahagi mula sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin.
-
Manampalataya kay Jesucristo sa oras ng klase. Aanyayahan kang manampalataya kay Jesucristo at aktibong matuto ayon sa Kanyang mga turo, sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, paggawa ng mga aktibidad, pagbabahagi ng iyong mga naiisip o saloobin, at mapanalanging paghahangad ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo na ipamuhay ang mga katotohanang natutuhan mo.
-
Suriin kung ano ang natututuhan mo. Madalas kang magkakaroon ng mga pagkakataong gumawa ng mga sarili mong mithiin at suriin ang sarili mong pagkatuto at pag-unlad. Maaari ka ring magtanong at humingi ng patnubay para sa anumang problema o alalahanin.
-
Magbahagi. Hihikayatin kang ibahagi sa iba ang natututuhan mo, pati sa iyong pamilya.
Sa iyong study journal o sa papel kung saan ka nagsulat o gumuhit ng mga aktibidad na tutulong sa iyo na matuto at mas mapalapit sa Panginoon, isulat kung ano ang gusto mong gawin bago magklase, sa oras ng klase, at pagkatapos ng klase para matuto sa pamamagitan ng pananampalataya. Maaaring kasing simple ito ng pagbilog o pagdrowing ng bituin sa tabi ng mga ideya na sa palagay mo ay nais ng Panginoon na subukan mong gawin. Maaari mong ilagay ang iyong mithiin kung saan mo ito makikita nang madalas at matatandaan.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Paano ako magiging mas responsable para sa sarili kong pagkatuto?
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang bawat miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may personal na responsibilidad na pag-aralan at ipamuhay ang mga turo ng Panginoon. … Hindi natin dapat asahan ang Simbahan bilang isang organisasyon na magtuturo o magsasabi sa atin ng lahat ng bagay na kailangan nating malaman at gawin para maging matatapat na disipulo at magiting na makapagtiis hanggang wakas. Sa halip, ang ating personal na responsibilidad ay matutuhan kung ano ang dapat nating matutuhan, mamuhay sa paraang alam nating nararapat, at maging uri ng tao na nais ng Panginoon na kahinatnan natin.
(David A. Bednar, “Handa na Matamo ang Bawat Kinakailangang Bagay,”EnsignoLiahona, Mayo 2019, 102)
Bakit dapat akong magsikap na aktibong matuto sa seminary?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Kapag mas tinutularan ninyo ang halimbawa ni Jesucristo, mas magtatagumpay kayo.
Ano, kung gayon, ang tutulong sa inyo na maging tapat na disipulo ni Jesucristo? Ang isang sagot ay ang seminary at institute—hindi lamang dumadalo kundi aktibong nakikibahagi sa klase at tapat na ginagawa ang anumang assignment na ibinigay. …
Ang pagtatapos mula sa seminary at institute ay magpapaibayo sa kakayahan ninyong magpakahusay sa pinakamahahalagang bagay na gagawin ninyo sa buhay. Tunay na kagalakan ang mapapasainyo!
(Russell M. Nelson, “A Personal Invitation to Participate in Seminary and Institute,” Peb. 4, 2019)
Itinuro ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa pakikibahagi sa karanasan sa pag-aaral ng ebanghelyo:
Ang desisyon [ng mga estudyante] na makibahagi ay paggamit ng kanilang kalayaan sa pagpili na nagtutulot sa Espiritu Santo na maiparating ang mensaheng angkop sa pangangailangan ng bawat [estudyante]. Ang pakikibahagi at partisipasyon sa klase ay nagdaragdag sa posibilidad na makapagturo ng mas mahahalagang aral ang Espiritu kaysa sa maituturo [ng guro].
Ang pakikibahagi at partisipasyong iyan ay magbibigay sa buhay [ng mga estudyante] ng patnubay ng Espiritu. Kapag … ang mga estudyante … ay nagtataas ng kanilang mga kamay para sumagot sa tanong, bagama’t maaaring hindi nila natatanto, ipinakikita nila sa Espiritu Santo na nais nilang matuto. Ang paggamit ng kalayaang iyan ay magtutulot sa Espiritu na hikayatin sila at patnubayan pa sila sa oras na nagkaklase kayo. Ang pakikibahagi at partisipasyon ay nagtutulot sa bawat isa namaranasanang paggabay ng Espiritu. Natututuhan nilang maunawaan at maramdaman kung ano ang espirituwal na paggabay.
(Richard G. Scott, “To Learn and to Teach More Effectively” [Brigham Young University Education Week devotional, Ago. 21, 2007], 4–5, speeches.byu.edu)