Juan 14:1–6, 15:1–11
“Ako ang Daan, at ang Katotohanan, at ang Buhay”
Sa Kanyang huling gabi kasama ang Kanyang mga disipulo, itinuro ni Jesucristo sa kanila ang tungkol sa Kanyang banal na katangian at misyon. Itinuro Niya na Siya ang daan pabalik sa Ama sa Langit, at inihambing Niya ang kaugnayan ng Kanyang mga disipulo sa Kanya sa mga sanga sa puno ng ubas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na pagnilayan ang iyong kaugnayan kay Jesucristo at kung paano mo Siya masusunod at kung paano mo matatanggap ang Kanyang lakas at suporta.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Layunin ng ilan sa mga huling turo ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na tulungan silang maunawaan ang kanilang kaugnayan at pag-asa sa Kanya. Inihambing ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili sa isang daanan, pati na rin sa isang puno ng ubas o punong may mga sanga. Pag-isipan sandali ang mga aspekto sa buhay mo kung saan maaaring kailangan mo ng tulong. Marahil ay nadarama mo na kailangan mo ng tulong habang nagsisikap kang makabalik sa Ama sa Langit. Maaari mong madama na kailangan mo ng higit na lakas upang harapin ang mga hamon sa iyong buhay. Habang pinag-aaralan mo ang mga turo ng Tagapagligtas, alamin kung ano ang natututuhan mo tungkol sa Kanya at kung paano Ka Niya matutulungan.
Si Jesucristo “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” ( Juan 14:6)
Basahin ang Juan 14:1–6 , at alamin kung paano ipinangako ng Tagapagligtas na tutulungan ang mga sumusunod sa Kanya.
-
Anong mga katotohanan ang itinuro ng Tagapagligtas sa mga talatang ito?
-
Ano ang itinawag ng Tagapagligtas sa Kanyang sarili sa talata 6 ?
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng bawat isa sa mga titulong ito tungkol kay Jesucristo at sa iyong kaugnayan sa Kanya?
Kung gumawa ka ng listahan ng iba’t ibang titulo at ginagampanan ni Jesucristo sa nakaraang lesson, maaari mong idagdag dito ang natuklasan mo sa Juan 14 .
Mapapalawak ng Aklat ni Mormon ang iyong pag-unawa sa pinag-aaralan mo sa Bagong Tipan. Basahin ang Mosias 3:17 , at isipin kung paano tayo tinutulungan ng talatang ito na mas maunawaan ang Juan 14:6 .
Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan:
Nais ng Diyos na mahanap ninyo ang daan pabalik sa Kanya, at ang Tagapagligtas ang daan [tingnan sa Juan 14:6 ]. Nais ng Diyos na makilala ninyo ang Kanyang Anak na si Jesucristo, at maranasan ang malaking kapayapaan at kagalakang nagmumula sa pagtahak sa landas ng banal na pagkadisipulo.
(Dieter F. Uchtdorf, “Pagtanggap ng Patotoo sa Liwanag at Katotohanan,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 21)
-
Kailan mo naranasan, o kailan naranasan ng isang taong kilala mo ang ganap na kapayapaan at kagalakang nagmumula sa pagsunod kay Jesucristo?
-
Sa anong mga paraan natin masusundan ang Tagapagligtas pabalik sa Ama sa Langit?
-
Paano natin masasabi kung nasa tamang landas tayo?
Si Jesucristo ang “puno ng ubas” ( Juan 15:5)
Gumamit si Jesucristo ng paghahambing sa pagtuturo sa Kanyang mga disipulo tungkol sa kanilang kaugnayan sa Kanya. Basahin ang Juan 15:1–11 , at alamin ang paghahambing na ito.
Kung gumawa ka ng listahan ng iba’t ibang titulo at ginagampanan ni Jesucristo sa nakaraang lesson, maaari mong idagdag dito ang natuklasan mo sa Juan 15 .
-
Ano sa palagay mo ang itinuturo ni Jesucristo sa paghahambing na ito?
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan mo mula sa paghahambing na ito tungkol sa ating kaugnayan kay Jesucristo?
Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang paanyaya ng Tagapagligtas na manatili sa Kanya ay isang paanyaya sa atin na “manatili … manatili magpakailanman” (“Manatili sa Akin,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 32). Ipinaliwanag ni Elder Holland kung bakit napakahalaga para sa atin na tanggapin ang paanyaya ng Tagapagligtas na manatili sa Kanya.
Sinabi ni Jesus, “Sapagkat kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa” [ Juan 15:5 ]. Ako ay nagpapatotoo na iyan ay katotohanan ng Diyos. [Si Cristo] ang lahat-lahat sa atin at dapat tayong “manatili” sa Kanya nang palagian, matatag, matibay, magpakailanman. Para sumibol at pagpalain ng bunga ng ebanghelyo ang ating buhay, dapat tayong matatag na mabigkis sa Kanya, na Tagapagligtas nating lahat, at dito sa Kanyang Simbahan, na nagtataglay ng Kanyang banal na pangalan. Siya ang punong tunay na pinagmumulan ng ating lakas at tanging pinanggagalingan ng buhay na walang hanggan. Sa Kanya hindi lang tayo makakatiis kundi mananaig tayo at magtatagumpay sa banal na layuning ito na hindi bibigo sa atin.
(Jeffrey R. Holland, “Manatili sa Akin,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 32)
Matutulungan ka ng Aklat ni Mormon na mapalawak ang iyong pag-unawa sa pinag-aaralan mo sa Bagong Tipan. Basahin ang Alma 26:12 at isipin kung paano ito nauugnay sa Juan 15:1–11 .
-
Ano ang ilan sa mga bunga (mga resulta o pagpapala) na nakita mo sa iyong buhay habang sinisikap mong manatili kay Jesucristo?
-
Ano ang ilang bagay na gagawin mo na makatutulong sa iyo na manatili kay Jesucristo?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Ano ang ibig sabihin ng maraming tahanan sa bahay ng Ama sa Langit?
Itinuro ni Propetang Joseph Smith (1805–44):
“[Ang pahayag na] “Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan” [ Juan 14:2 ] … ay dapat gawing—“Sa kaharian ng aking Ama ay maraming kaharian,” upang kayo ay maging mga tagapagmana ng Diyos at mga kasamang tagapagmana ko. … May mga mansiyon para sa mga yaong sumusunod sa batas na selestiyal, at may iba pang mga mansiyon para sa mga yaong lumalabag sa batas, bawat tao sa kanyang sariling kaayusan.
(Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith[2007], 255)