Seminary
Juan 17


Juan 17

Ang Dakilang Panalangin ng Pamamagitan ng Tagapagligtas

Larawan
Jesus has his eyes closed in prayer, the back of the disciples heads are in the foreground. Outtakes include a view of just the disciples in prayer and just Jesus in a green field with his head bowed in prayer.

Inialay ni Jesucristo ang Kanyang dakilang Panalangin ng Pamamagitan (ibig sabihin, nagsumamo Siya sa Ama sa Langit para sa Kanyang mga Apostol at sa lahat ng naniniwala sa Kanya) bago magdusa para sa ating mga kasalanan. Bilang bahagi ng Kanyang panalangin, ipinahayag ni Jesus na ang makilala ang Ama at ang Anak ay ang buhay na walang hanggan (tingnan sa Juan 17:3). Hihikayatin ka ng lesson na ito na makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo nang mas personal sa iyong buhay.

Paggamit ng pisara. Ang epektibong paggamit ng pisara habang isinasagawa ang lesson ay makapaghahanda sa mga estudyante na matuto. Makahihikayat din ito ng makabuluhang partisipasyon, lalo na sa mga estudyanteng natututo kapag may nakikita. Maaari kang gumamit ng pisara upang ibalangkas ang mahahalagang punto o alituntunin ng lesson, gumawa ng diagram para sa isang doktrina o pangyayari, magpakita ng mga mapa, gumuhit ng mga bagay na inilarawan sa mga banal na kasulatan, bumuo ng mga flowchart, o gumawa ng iba pang aktibidad na magpapabilis ng pagkatuto.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 3 Nephi 19:16, 26–33 at pagnilayan kung ano ang pakiramdam na marinig ang Tagapagligtas na manalangin sa Ama sa Langit para sa kanila.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Kilalanin ang Ama sa Langit at si Jesucristo nang personal

Upang makatulong na magkaroon ng higit na pagkakaisa sa klase, maaari mong iakma ang sumusunod na aktibidad. Sa halip na itanong ang unang dalawang tanong tungkol sa isang makasaysayang tao, ipartner ang bawat estudyante sa isang kaklase na maaaring hindi nila gaanong kilala. Sabihin sa kanila na mag-isip ng isa o dalawang bagay na alam nila tungkol sa taong iyon. Pagkatapos ay bigyan sila ng dalawang minuto upang kausapin ang kanilang kapartner nang may mga simpleng tagubilin na “mas kilalanin sila.” Pagkatapos ng dalawang minuto, sabihin sa mga estudyante na talakayin ang pagkakaiba ng pag-alam sa mga bagay tungkol sa isang tao at ng talagang kilalanin siya.

Mag-isip ng isang mahalagang tao sa kasaysayan ng iyong bansa.

  • Ano ang ilang bagay na alam mo tungkol sa taong iyon?

  • Paano mo ilalarawan ang mga pagkakaiba ng iyong nalalaman tungkol sa makasaysayang tao at kung gaano mo kakilala ang isang malapit na kapamilya?

Maglaan ng oras na isulat sa iyong study journal ang nadarama mo tungkol sa iyong nalalaman tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Batay lang ba ito sa mga impormasyong alam mo tungkol sa Kanila, o ito ba ay nagiging higit na personal kaysa roon? Sa iyong palagay, paano mapagpapala ang iyong buhay dahil nakikilala mo Sila nang mas personal?

Nanalangin si Jesus para sa Kanyang mga disipulo

Noong gabi bago ang Kanyang pagdurusa sa Getsemani, pagkakanulo, at Pagpapako sa Krus, nag-alay ang Tagapagligtas ng isang sagradong panalangin na kilala bilang dakilang Panalangin ng Pamamagitan. Nanalangin Siya sa Ama sa Langit upang magsumamo para sa Kanyang mga disipulo, kabilang na ang Kanyang mga tagasunod na nabubuhay sa ating panahon (tingnan sa Juan 17:20). Subukang isipin kung ano ang pakiramdam ng mga Apostol nang marinig nila na ipinagdarasal sila ni Jesus sa sagradong gabing iyon.

Kung sinabi sa mga estudyante na gawin ang paghahanda ng estudyante, maaari mong sabihin sa kanila na ibahagi ang kanilang mga ideya.

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa Kanyang halimbawa ng pagdarasal para sa Kanyang mga disipulo at sa lahat ng sumusunod sa Kanya bago ang Kanyang pagdurusa at pagkadakip sa Getsemani?

Basahin ang John 17:1–3 , at alamin ang mga pagpapalang ipinagdasal ni Jesucristo na matanggap ng Kanyang mga disipulo.

  • Ano ang ninanais ni Jesucristo para sa Kanyang mga disipulo?

Ang pariralang “buhay na walang hanggan” ( talata 2–3) ay kadalasang hindi nauunawaan at ipinapakahulugan lang na mabubuhay magpakailanman. Ipinagdarasal ng Tagapagligtas na makatatanggap tayo ng higit pa riyan. Ang “buhay na walang hanggan” ay “ang uri ng buhay ng ating Amang Walang Hanggan. … Ang buhay na walang hanggan, o kadakilaan, ay ang mamuhay sa piling ng Diyos at magpatuloy bilang pamilya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4)” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Buhay na Walang Hanggan,” topics.ChurchofJesusChrist.org). Maaari mong isulat ang kahulugang ito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng talata 3 .

  • Ayon sa talata 3 , ano ang isa sa mga bagay na kailangan natin upang matanggap ang buhay na walang hanggan?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa panalangin ng Tagapagligtas ay upang matanggap ang buhay na walang hanggan, dapat nating makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo.

  • Sa iyong palagay, bakit kailangan nating tunay na makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo upang matanggap ang buhay na walang hanggan?

Ipinaliwanag ni Elder Michael John U. Teh ng Pitumpu ang kahalagahan ng makilala ang Tagapagligtas:

Larawan
Official Portrait of Elder Michael John U. Teh. Photographed in 2015. Background replaced in March 2017.

Kailangan nating maunawaan na ang makilala ang Tagapagligtas ang pinakamahalagang hangarin sa ating buhay. Dapat itong mauna kaysa sa anupamang bagay.

(Michael John U. Teh, “Ang Ating Personal na Tagapagligtas,” Liahona, Mayo 2021, 99)

  • Sa iyong palagay, bakit ang makilala ang Tagapagligtas ang pinakamahalagang hangarin sa ating buhay?

  • Ano ang maaaring dahilan kaya nahihirapan na unahin muna ang makilala ang Tagapagligtas kaysa sa iba pang hangarin sa iyong buhay?

Pagnilayan sandali kung paano nabuo ang iyong malapit na ugnayan sa isang kapamilya o kaibigan. Ano ang ginawa mo upang mas makilala siya? Mayroon bang mahahalagang karanasan na nakatulong sa iyo na lubusan siyang makilala? Gaano katagal nabuo ang ugnayan?

  • Paano mo magagawa muli ang mga bagay na iyon na nakatulong sa iyo na magkaroon ng malapit na ugnayan sa isang kapamilya o kaibigan upang makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo?

Para sa mga karagdagang ideya kung paano makikilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo, maaari mong ibahagi ang mga pahayag mula sa bahaging “Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon”.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong sa maliliit na grupo upang mas marami pang estudyante ang makapagbahagi.

  • Ano ang mga naranasan mo na nakatulong sa iyo na makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo? Ano ang natutuhan mo sa mga karanasang ito?

Makilala ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang panalangin

Upang mapag-aralan ng mga estudyante ang buong kabanata sa halip na ang mga scripture verse lang na iminungkahi sa sumusunod na talata, maaari mong i-assign ang mga bahagi ng kabanata sa iba’t ibang estudyante, pagkatapos ay sabihin sa kanila na ibahagi sa klase ang natutuhan nila.

Ang isang paraan upang makilala ang Tagapagligtas ay sa pamamagitan ng Kanyang mga panalangin. Maglaan ng ilang minuto upang matutuhan pa kung sino ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-aaral ng ipinagdasal Niya sa Juan 17 . Ang ilan sa mga talata na maaari mong piliing pagtuunan ay ang Juan 17:4–11, 20–26 .

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa ugnayan ni Jesucristo sa Kanyang Ama mula sa panalanging ito?

  • Anong mga pagpapala ang ninanais ni Jesucristo para sa atin?

  • Sa iyong palagay, bakit Niya ipagdarasal na matanggap mo ang mga partikular na pagpapalang ito?

  • Ano ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo at sa Ama sa Langit na tumutulong sa iyo na naisin pang mas makilala Sila?

Isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng maging napakalapit sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas na ang iyong ugnayan sa Kanila ay mailalarawan na isa ka sa Kanila. Ano ang madarama mo dahil doon? Paano mas mapapabuti ang iyong buhay? Mahal na mahal ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at nais Nilang maging isa ka sa kanila. Nanalangin si Jesucristo sa Ama sa Langit upang tulungan kang magkaroon ng malapit na ugnayan sa Kanila. Isaisip na ang gayong ugnayan ay mangangailangan ng panahon at pagsisikap upang mabuo, sa buong buhay na ito at sa kabilang-buhay.

Isulat sa iyong study journal kung ano ang handa mong gawin upang mas makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Isulat din kung paano mo malalaman na ang iyong ugnayan sa Kanila ay mas tumitibay at kung paano pagpapalain ng ugnayang iyon ang iyong buhay.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Ano ang magagawa natin upang mas makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo?

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:

Larawan
Official Portrait of President Henry B. Eyring taken March 2018.

Kung gusto ninyong manatiling malapit sa isang tao na mahalaga sa inyo, ngunit napahiwalay kayo sa kanya, alam na ninyo ang gagawin. Hahanap kayo ng paraan para makausap siya, makikinig kayo sa kanya, at malalaman ang mga paraan na gagawin para sa isa’t isa. Kapag mas madalas na mangyari iyan, mas magtatagal, mas titibay at lalalim ang pagmamahalan. Kung lumipas ang maraming panahon nang walang pag-uusap, pakikinig, at paggawa, hihina ang pagmamahalan.

Ang Diyos ay perpekto at makapangyarihan, at kayo at ako ay mortal. Ngunit siya ang ating Ama, mahal niya tayo, at binibigyan niya tayo ng gayon ding pagkakataon na mas mapalapit sa kanya tulad ng gagawin ng isang mapagmahal na kaibigan. At gagawin ninyo ito sa gayon ding paraan: pagsasalita, pakikinig, at paggawa.

(Henry B. Eyring, “To Draw Closer to God,” Ensign, Mayo 1991, 66)

Ipinaliwanag ni Elder C. Scott Grow ng Pitumpu:

Larawan
Official Portrait of Elder C. Scott Grow. Photographed March 2017.

Mga batang kaibigan, masisimulan nating makilala ang Diyos sa pamamagitan ng panalangin. …

… Sa pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan araw-araw, nang nag-iisa at kasama ang inyong pamilya, matututuhan ninyong makilala ang tinig ng Espiritu at makikilala ninyo ang Diyos. …

Sa hangarin nating gawin ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng matapat na paglilingkod sa Kanya at sa ating kapwa-tao, nadarama natin ang Kanyang pagsang-ayon at tunay na nakikilala natin Siya.

Sinasabi sa atin ng Tagapagligtas na ang pinakamainam na paraan para makilala ang Diyos ay sa pagiging tulad Niya. Itinuro niya: “Kung gayon, maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko” [ 3 Nephi 27:27 ].

Ang pagiging marapat ay kailangan sa pagiging katulad Niya. …

Kilala kayo ng Diyos at inaanyayahan Niya kayong kilalanin Siya. Manalangin sa Ama, pag-aralan ang mga banal na kasulatan, hangaring gawin ang kalooban ng Diyos, sikaping maging katulad ng Tagapagligtas, at sundin ang mga matuwid na guro. Sa paggawa nito, makikilala ninyo ang Diyos at si Jesucristo, at magmamana kayo ng buhay na walang hanggan.

(C. Scott Grow, “At Ito ang Buhay na Walang Hanggan,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 121–24)

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Aktibidad sa pagguhit—pagiging isa

Maaari mong sabihin sa isang estudyante na ipakita sa pisara ang sumusunod na aktibidad habang ginagawa ito ng iba pang estudyante sa kanilang study journal.

Sabihin sa mga estudyante na gumawa ng diagram sa isang blangkong pahina sa pamamagitan ng pagsusulat ng kanilang pangalan sa kaliwang sulok sa ibaba, pangalan ng isang kaibigan sa ibaba malapit sa gitna, at pangalan ng isang kapamilya sa kanang sulok sa ibaba, at Ama sa Langit at Jesucristo sa itaas malapit sa gitna.

Susunod, sabihin sa mga estudyante na gumuhit ng tuwid na linya mula sa pangalan nila papunta kay Jesucristo, pagkatapos ay mula sa bawat isa ng iba pang mga pangalan papunta kay Jesucristo.

Sabihin sa kanila na ipagpalagay na ang bawat tao sa pahina ay papunta kay Jesucristo sa mga linyang iginuhit ng estudyante. Ano ang nangyayari sa distansya sa pagitan ng mga taong ito habang mas napapalapit ang bawat isa sa Tagapagligtas?

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Juan 17:18–26 , at alamin kung ano ang kusang nangyayari sa ugnayan ng mga disipulo ni Jesucristo kapag ang bawat tao ay nagiging higit na katulad ng Tagapagligtas.

Paggamit ng pangkalahatang kumperensya upang mapalalim ang ating pag-unawa sa mga banal na kasulatan

Bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng mensahe ni Elder David A. Bednar na may pamagat na “Kung Ako’y Nangakilala Ninyo” (Ensign o Liahona, Nob. 2016, 102–5). Bigyan ng oras ang mga estudyante na mag-aral at maghanap ng mga karagdagang dahilan kung bakit kailangan nating makilala ang Tagapagligtas, gayundin ang mga bagay na magagawa natin upang mas makilala Siya.

Print