Seminary
Juan 14:15–31; 15:10–14


Juan 14:15–31; 15:10–14

“Kung Ako’y Inyong Minamahal ay Tutuparin Ninyo ang Aking mga Utos”

Jesus teaches about forgiveness to Peter.

Habang ipinagdiriwang ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga Apostol ang Paskuwa sa silid sa itaas, nagturo ang Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol ng mahahalagang katotohanan. Sa Kanyang nalalapit na pagdurusa sa Getsemani at Kalbaryo, tinagubilinan ni Jesus ang mga kalalakihang ito na minamahal Niya, “Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maipakita ang iyong pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanilang mga kautusan.

Magmasid at makahiwatig. Maglaan ng oras na obserbahan ang mga estudyante, at hingin ang tulong ng Espiritu na mahiwatigan ang kanilang mga pangangailangan upang maiangkop ang lesson. Huwag masyadong mag-alala sa pagtalakay sa materyal ng lesson o kung ano ang susunod na sasabihin; magiging dahilan ito para hindi mo madama ang mga pangangailangan ng mga estudyante at ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na panoorin ang “Kung Ako’y Inyong Iniibig, ay Tutuparin Ninyo ang Aking mga Utos,” na mensahe ni Carole M. Stephens, na noon ay kabilang sa Relief Society General Presidency, sa Pangkalahatang Kumperensya noong Oktubre 2015, mula sa time code na 0:00 hanggang 4:31. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang maituturo sa atin ng salaysay na ito tungkol sa dahilan kung bakit tayo binibigyan ng Panginoon ng mga kautusan.

4:2

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga personal na halimbawa ng mga miyembro ng pamilya na nagpapakita ng pagmamahal sa isa’t isa. Bilang alternatibo, sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod na tanong.

Paano ka nagpapakita ng pagmamahal?

  • Paano mo masasabi kung mahal ka ng isang tao? Anong mga salita, kilos, o pag-uugali ang nagpapahiwatig ng kanilang pagmamahal?

  • Paano mo ipinapakita ang iyong pagmamahal sa iba?

  • Paano kung mahal mo ang isang tao, ngunit hindi palaging naipapakita ng iyong pag-uugali o mga kilos ang pagmamahal na iyon? Ano ang maaari mong gawin?

Sa patuloy na pagtuturo ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol sa Huling Hapunan, itinuro Niya ang Kanyang pagmamahal sa atin at kung paano natin maipapakita ang ating pagmamahal sa Kanya.

Depende sa mga pangangailangan at kakayahan ng mga estudyante, maaaring basahin ng bawat estudyante ang lahat ng sumusunod na talata, o maaaring hatiin ang klase sa dalawa at i-assign sa bawat grupo ang isa sa mga scripture passage.

Pag-aralan ang Juan 14:15, 21, 23–24 at Juan 15:10–14 , at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas na magagawa natin upang ipakita ang ating pagmamahal sa Kanya at sa Ama sa Langit.

Pagkatapos magbasa ng mga estudyante, hikayatin silang magtanong o magkomento tungkol sa nabasa nila. Habang ginagawa nila ito, tulungan silang matukoy kung paano natin maipapakita ang ating pagmamahal sa Diyos, at tulungan din silang mapansin ang mga salita o pariralang nagpapakita ng pagmamahal ng Diyos sa atin.

  • Ano ang binigyang-diin ng Tagapagligtas sa mga talatang ito tungkol sa kung paano tayo makapagpapakita ng pagmamahal sa Kanya?

Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod o ang katulad na katotohanan na natukoy ng mga estudyante: Ipinapakita natin ang ating pagmamahal kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan.

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa pagmamahal ng Tagapagligtas sa iyo?

  • Ano ang ilang sitwasyon kung saan makatutulong ang mga katotohanang itinuro ng Tagapagligtas sa mga talatang ito?

Kung sinabihan ang mga estudyante na panoorin ang video bilang bahagi ng paghahanda ng estudyante, sabihin sa kanila na talakayin ang natutuhan nila tungkol sa kung bakit binibigyan tayo ng Diyos ng mga kautusan, sa halip na panoorin muli ang video sa klase. O maaaring panoorin ng mga estudyante ang video na “Kung Ako’y Inyong Iniibig, ay Tutuparin Ninyo ang Aking mga Utos” mula sa time code na 0:00 hanggang 4:31, na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org, o basahin ang pahayag sa ibaba.

Itinuro ni Sister Carole M. Stephens, na noon ay kabilang sa Relief Society General Presidency, ang tungkol sa dahilan ng Diyos sa pagbibigay sa atin ng mga kautusan at sa dahilan natin sa pagsunod sa mga ito.

Kung maaari, panoorin ang video na “Kung Ako’y Inyong Iniibig, ay Tutuparin Ninyo ang Aking mga Utos” mula sa time code na 0:00 hanggang 4:31, na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org. Sa video na ito, nagbahagi si Sister Carole M. Stephens, na noon ay kabilang sa Relief Society General Presidency, ng karanasan niya kasama ang kanyang apong si Chloe.

4:2
Official portrait of Carole M. Stephens, sustained at the April 2012 general conference as first counselor in the Relief Society general presidency, October 2012. Released April 2017 General Conference.

Maaaring isipin natin kung minsan na ang mga batas ng Diyos ay pagbabawal sa gusto nating gawin, inaalisan tayo ng kalayaan, at nililimitahan ang ating pag-unlad. Ngunit kapag hinangad nating mas makaunawa, kapag tinulutan natin na turuan tayo ng ating Ama, mauunawaan natin na ang Kanyang batas ay pagpapakita ng pagmamahal Niya sa atin at ang pagsunod sa Kanyang mga batas ay pagpapakita ng pagmamahal natin sa Kanya.

(Carole M. Stephens, “Kung Ako‘y Inyong Iniibig, ay Tutuparin Ninyo ang Aking mga Utos,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 119)

Maaari mong sabihin sa ilang estudyante na tumulong sa paggawa ng sumusunod na listahan sa pamamagitan ng pagsusulat sa pisara ng mga sagot ng kanilang mga kaklase.

Maglista ng ilang batas at kautusan na sa palagay mo ay nagpapakita ng pagmamahal ng Ama sa Langit sa iyo. Para matulungan kang mag-isip ng ilang kautusan, maaari mong rebyuhin ang Sampung Utos (tingnan sa Exodo 20:3–17) o ang Para sa Lakas ng mga Kabataan[buklet, 2011].

  • Paano naging “pagpapakita ng pagmamahal [ng Diyos] sa atin” ang mga kautusan na inilista mo?

  • Paano nagiging “pagpapakita ng pagmamahal [mo] sa Kanya” ang pagsunod mo sa mga kautusang ito?

Pumili ng isa sa mga kautusan sa listahan mo. Maaaring isa ito sa mga pinagsisikapan mong sundin, o isa ito sa mga natukso kang suwayin ngunit pinili mong sundin.

Kilalanin ang mga pagsisikap ng mga estudyante na maging masunurin sa pamamagitan ng pagtukoy sa ilan sa mga kautusan na sinusunod nila, at tulungan silang suriin ang kanilang mga dahilan sa pagsunod sa mga kautusang iyon.

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong at bigyan ang mga estudyante ng sapat na oras upang mapag-isipan nang mabuti at maisulat ang kanilang mga sagot sa kanilang study journal. Tandaang sensitibo ang mga tanong na ito.

Ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa iyong suriin ang iyong mga dahilan sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Habang pinag-iisipan mo ang iyong mga sagot, mahalagang malaman na may iba’t ibang dahilan ka sa pagsunod sa mga kautusan. Anuman ang mga kasalukuyan mong dahilan, patuloy na maging masunurin, at sa paglipas ng panahon, madaragdagan ang hangarin mong sumunod dahil sa pagmamahal.

  • Ano ang naghihikayat sa iyong sundin ang kautusang ito?

  • Ano ang nadarama mo tungkol sa iyong mga dahilan sa pagsunod sa mga kautusan kumpara sa halimbawa ng Panginoon sa pagsunod dahil sa pagmamahal?

  • Bakit kaya mahalaga ang mga dahilan (motibo) ng iyong pagsunod?

  • Anong payo ang ibibigay mo sa isang tao na nagnanais sundin ang mga kautusan ng Diyos dahil sa pagmamahal?

Ang halimbawa ng pagmamahal ng ating Tagapagligtas

Binigyan tayo ni Jesucristo ng perpektong halimbawa kung paano susundin ang mga batas at kautusan ng Diyos dahil sa dalisay na pag-ibig. Pagkatapos ng Huling Hapunan, sinabi Niya, “Subalit ginagawa ko ang ayon sa iniutos sa akin ng Ama, upang malaman ng sanlibutan na minamahal ko ang Ama” ( Juan 14:31). Pagkatapos ay nagdusa si Jesus para sa ating mga kasalanan at sa ating “mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso” ( Alma 7:11) sa Halamanan ng Getsemani, at muli sa krus.

Inanyayahan tayo ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol na pag-isipan nang mabuti kung ano ang magagawa natin dahil sa pagmamahal ni Jesucristo. Maaari mong panoorin ang video na “Magsipanahan sa Aking Pag-ibig,” na matatagpuan sa SimbahanniJesucrsito.org, mula sa timecode na 14:27 hanggang 14:50, o basahin ang sumusunod na pahayag:

15:8
Official portrait of Carole M. Stephens, sustained at the April 2012 general conference as first counselor in the Relief Society general presidency, October 2012. Released April 2017 General Conference.

Hindi ba ninyo Siya iibigin na unang umibig sa inyo? [tingnan sa 1 Juan 4:19 ]. Kung gayon sundin ang Kanyang mga utos [tingnan sa Juan 14:15 ]. Kakaibiganin ba ninyo Siya na nagbuwis ng Kanyang buhay para sa Kanyang mga kaibigan? [tingnan sa Juan 15:13 ]. Kung gayon sundin ang Kanyang mga utos [tingnan sa Juan 15:14 ]. Mananahan ba kayo sa Kanyang pag-ibig at tatanggapin ang lahat ng ibinibigay Niya sa inyo? Kung gayon sundin ang Kanyang mga utos [tingnan sa Juan 15:10 ].

(D. Todd Christofferson, “Magsipanahan sa Aking Pag-ibig,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 51)

  • Paano makaiimpluwensya sa iyong ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ang iyong pangakong maging mas masunurin dahil pagmamahal ang naghihikayat sa iyo? (Tingnan sa Mosias 5:13 .)

Habang nagsisikap kang sundin ang mga kautusan dahil mahal mo ang Ama sa Langit at si Jesucristo, mas madarama mo ang pagmamahal Nila sa iyong buhay (tingnan sa Juan 14:21). Kung nahihirapan kang maging masunurin, o magkaroon ng hangaring maging masunurin, matutulungan ka ng Ama sa Langit kung mapagpakumbaba kang hihiling sa Kanya ng pagbabago ng puso. Tandaan din na ang isa sa mga kautusan ay magsisi, at masusunod natin ang kautusang ito habang nagsisikap tayong madaig ang ating mga kahinaan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Bakit iniuutos ng Diyos na sundin natin ang Kanyang mga kautusan?

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:

Official Portrait of President Dallin H. Oaks taken March 2018.

Iniuutos ng Diyos na sundin natin ang Kanyang mga utos dahil tanging sa pamamagitan ng pagsunod na iyon, pati sa pagsisisi, tayo makababalik upang mamuhay sa Kanyang piling at maging ganap na katulad Niya.

(Dallin H. Oaks, “Dalawang Dakilang Utos,” Ensign o Liahona, Nob. 2019, 74)

Mahalaga ba ang mga dahilan sa pagsunod ko sa mga kautusan?

Dapat tanungin ng bawat isa sa atin ang ating sarili kung bakit natin sinusunod ang mga utos ng Diyos. Dahil ba natatakot tayong maparusahan? Dahil ba nais natin ang mga gantimpala ng mabuting pamumuhay? Dahil ba mahal natin ang Diyos at si Jesucristo at nais nating paglingkuran Sila?

Mas makabubuting sundin ang mga utos dahil natatakot tayong maparusahan kaysa hindi sundin ang mga iyon. Ngunit mas magiging maligaya tayo kung susundin natin ang Diyos dahil mahal natin Siya at gusto natin Siyang sundin. Kapag sinusunod natin Siya nang maluwag sa ating kalooban, maluwag sa loob Niya tayong babasbasan. Sabi Niya, “Ako, ang Panginoon, … [ay] nagagalak na parangalan yaong mga naglilingkod sa akin sa kabutihan at sa katotohanan hanggang sa katapusan” [ Doktrina at mga Tipan 76:5 ]. Ang pagsunod ay tumutulong din sa atin upang umunlad at maging higit na katulad ng ating Ama sa Langit. Ngunit ang mga walang ginagawa hangga’t hindi sila inuutusan at pagkatapos ay mabigat sa kalooban ang pagsunod sa mga kautusan ay nawawalan ng kanilang gantimpala [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:26–29 ].

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Juan 15:18–25 . “Kung kayo’y kinapopootan ng sanlibutan”

Kung nahihirapan ang mga estudyante na sumunod sa mga kautusan dahil sa mga impluwensya o pag-uusig ng mundo, maaaring makatulong sa kanila ang mga talatang ito na magkaroon ng lakas ng loob o pananaw.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano kaya tatanggapin si Jesucristo kung naganap sa ating panahon ang Kanyang ministeryo sa mundo.

Maaaring pag-aralan ng mga estudyante ang Juan 15:18–25 , at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas tungkol sa sanlibutan, at ang mga dahilan kung bakit palaging dumaranas ang Kanyang mga tao ng pagtutol at pag-uusig sa sanlibutan. Anong kapanatagan at lakas upang sumunod ang makikita natin sa Kanyang mensahe?

Masusunod natin ang mga kautusan kahit hindi natin nauunawaan kung bakit ibinigay ang mga ito

Sinabi ni Propetang Joseph Smith (1805–44), “Ginawa ko itong panuntunan: Kapag inutos ng Panginoon, gawin ito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2011], 187). Ang mga banal na kasulatan at kasaysayan ng Simbahan ay kinapapalooban ng maraming kuwento tungkol sa mga taong pinili ang sumunod kahit hindi nila lubos na nauunawaan kung bakit ibinigay ang kautusan o payo. Ang mga sumusunod na scripture passage ay kinapapalooban ng mga halimbawa ng pagsunod na puno ng pananampalataya at ng ilan sa mga pagpapalang natanggap ng mga taong ito dahil naging masunurin sila:

Adan at Eva: Moises 5:5–12

Simon Pedro at ang kanyang mga kasama: Lucas 5:4–11

Nephi: 1 Nephi 9:5–6

Maaaring sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga tanong na ito: Ano ang ilang kautusan na hindi mo lubos na nauunawaan? Paano makatutulong sa iyo ang pagmamahal mo sa Diyos na maging tapat at masunurin hanggang sa magkaroon ka ng higit pang pag-unawa?

Balikan ang iyong mga pangako

Sabihin sa mga estudyante na balikan ang anumang plano o pangakong ginawa nila kamakailan upang maging mas masunurin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaaring nagawa na nila ito sa nakaraang lesson sa seminary o bilang bahagi ng kanilang mga mithiin para sa programang Mga Bata at Kabataan. Kung wala pa silang mithiin o plano na maging mas masunurin, maaari nilang pag-isipan ang isa sa mga kautusan na inilista nila sa lesson na ito.