Juan 21:1–17
“Alagaan Mo ang Aking Mga Tupa”
Nagpakita ang nabuhay na mag-uling Panginoon sa Kanyang mga disipulo habang nangingisda sila sa Dagat ng Tiberias (Galilea). Sa dalampasigan, kumain si Jesus kasama nila at sinabi Niya kay Pedro na ipakita ang kanyang pagmamahal sa Kanya sa pamamagitan ng pagpapakain at pag-aalaga sa Kanyang mga tupa. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maipakita ang iyong pagmamahal sa Tagapagligtas habang nagsisikap kang maglingkod sa iba tulad ng ginawa Niya.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
“Minamahal mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” ( Juan 21:15)
Sa isang papel o sa iyong study journal, maglista ng ilang bagay na ginawa mo kahapon mula nang magising ka hanggang sa matulog ka.
Pagkatapos, lagyan ng ekis ang anumang bagay sa iyong listahan na nakatuon lamang sa iyo at sa iyong mga pangangailangan. Bilugan ang anumang aktibidad na nakatuon sa pagtulong sa iba. Maglaan ng ilang minuto upang pagnilayan kung paano mo ginugugol ang iyong oras at kung anong mga pagbabago ang magagawa mo upang makapaglaan ng mas maraming oras sa pagtulong sa iba. Habang pinag-aaralan mo ang Juan 21 , pag-isipan kung paano ka makapaglilingkod sa iba tulad ng ginagawa ng Tagapagligtas.
Nakatala sa Juan 21 ang isang salaysay tungkol kay Pedro at sa anim pang disipulo na nangisda sa Dagat ng Tiberias (Galilea) pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Basahin ang Juan 21:1–13 , at alamin kung paano nagminister ang Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo.
-
Ano ang ginawa ni Jesus upang ipakita ang Kanyang pagmamahal at pagmamalasakit sa mga disipulo?
Basahin ang Juan 21:15–17 , at alamin ang itinanong ng Panginoon kay Pedro.
-
Nang tanungin ni Jesus si Pedro, “Minamahal mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” ano sa palagay mo ang tinutukoy ng mga salitang mga ito?
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga iniutos ng Tagapagligtas sa Juan 21:15–17?
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng Panginoon nang iutos Niya kay Pedro na pakainin at alagaan ang Kanyang mga kordero at tupa?
Muling basahin ang Juan 21:15–17 , at ipalit ang pangalan mo sa pangalan ni Simon Pedro.
-
Kung itatanong din sa iyo ni Jesus ang mga itinanong Niya kay Pedro, ano sa palagay mo ang tutukuyin Niyang “mga ito” sa buhay mo?
-
Ano ang mga dahilan mo upang mahalin si Jesucristo nang higit kaysa anupaman?
Pagpapakain at pag-aalaga sa mga tupa ng Panginoon
-
Ano ang ilang iba’t ibang paraan upang pakainin at alagaan ang mga tupa ng Panginoon at maglingkod sa iba?
Habang ipinagpapatuloy mo ang iyong pag-aaral, pag-isipan kung sino ang nais ng Tagapagligtas na paglingkuran mo. Basahin ang pahayag ni Elder Ulisses Soares sa ibaba.
Nagpakita ng pasensya at pagmamahal si Jesus sa lahat ng lumapit sa Kanya na naghahangad ng ginhawa sa kanilang pisikal, emosyonal, o espirituwal na karamdaman, at nanghihina at nabibigatan.
Para masunod ang halimbawa ng Tagapagligtas, bawat isa sa atin ay dapat tumingin sa paligid at tulungan ang mga tupang nahaharap sa gayong sitwasyon at tulungan sila at hikayating magpatuloy sa landas tungo sa buhay na walang hanggan.
Ang pangangailangang ito ngayon ay singlaki o marahil ay mas malaki kaysa noong namuhay ang Tagapagligtas sa daigdig na ito.
(Ulisses Soares, “Alagaan Mo ang Aking mga Tupa,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 98)
Mag-isip ng pagkakataon kung saan may isang taong tumulong at naglingkod sa iyo tulad ng gagawin ng Tagapagligtas, o nang sinubukan mong maglingkod sa iba tulad ng ginawa Niya.
-
Paano nakaapekto sa iyo ang karanasang ito?
Ang nabuhay na mag-uling Panginoon ay nagbigay ng mga karagdagang tagubilin sa Kanyang mga Apostol. Basahin ang Mateo 28:19–20 at Marcos 16:15 , at alamin ang isa pang paraan na iniutos sa kanila ng Tagapagligtas na maglingkod sa iba.
-
Sa iyong palagay, bakit mahalagang paraan ang pagbabahagi ng ebanghelyo upang pakainin ang mga tupa ng Tagapagligtas?
-
Ano ang nadarama mo tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Hindi ko sinasabing tumayo kayo sa isang kanto na may mikropono at isinisigaw ang mga talata ng Aklat ni Mormon. Ang sinasabi ko ay palagi kayong maghanap ng mga pagkakataon na banggitin ang inyong pananampalataya sa likas at normal na paraan sa mga tao—kapwa personal at online. …
Maraming karaniwan at likas na paraan upang magawa ito, mula sa araw-araw na kabaitan hanggang sa personal na patotoo sa YouTube, Facebook, Instagram, o Twitter hanggang sa simpleng pakikipag-usap sa mga taong nakikilala ninyo. …
Sa anumang paraan na tila likas at karaniwan sa inyo, ibahagi sa mga tao kung bakit mahalaga sa inyo si Jesucristo at ang Kanyang Simbahan.
(Dieter F. Uchtdorf, “Gawaing Misyonero: Pagbabahagi ng Nasa Puso Mo,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 17)
-
Ano ang ilang likas o natural na paraan na maibabahagi mo ang ebanghelyo?
Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo habang iniisip mo kung alin sa mga tupa ng Tagapagligtas ang mapaglilingkuran mo. Maaari mong isaalang-alang ang mga kapitbahay, kaibigan, taong naka-assign sa iyo sa ministering, kaklase, kakilala sa trabaho, o kapamilya. Isaalang-alang din ang mga taong maaaring makita mong nakaupo nang mag-isa o nangangailangan ng tulong.
-
Sino sa mga anak ng Ama sa Langit ang nangangailangan sa iyo ngayon?
-
Paano ka magagamit ng Tagapagligtas upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan?
-
Paano naipapakita ang iyong pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag pinili mong maglingkod sa iba?
-
Paano nakatutulong sa iyo na maging higit na katulad Nila ang pag-aalaga sa Kanilang mga tupa?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Paano natin tunay na maipapakita sa Tagapagligtas na mahal natin Siya?
Itinuro ng propeta sa Aklat ni Mormon na si Haring Benjamin na kapag pinaglilingkuran natin ang isa’t isa, tayo ay tunay na naglilingkod sa Diyos (tingnan sa Mosias 2:17). Ipinahayag ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018):
Ang totoo, hindi mo maaaring mahalin ang Panginoon kailanman hangga’t hindi mo Siya pinaglilingkuran sa pamamagitan ng paglilingkod sa Kanyang mga tao.
(Thomas S. Monson, “Great Expectations” [Brigham Young University devotional, Ene. 11, 2009], 6, speeches.byu.edu)
Juan 21:15–17 . Ano ang kahalagahan ng paulit-ulit na tagubilin ng Tagapagligtas na pakainin at alagaan ang Kanyang mga kordero at tupa?
Ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga kaalamang ito mula sa sinaunang tekstong Griyego ng Juan 21 :
Sa [ Juan 21:15 ], ang salitang pakanin ay mula sa salitang Griyegong bosko, na ibig sabihin ay “palusugin o ipastol.” Ang salitang kordero ay mula sa diminutibong salitang arnion, na ibig sabihin ay “munting kordero.” …
Sa [ Juan 21:16 ], ang salitang alagaan ay mula sa ibang salita, poimaino, na ibig sabihin ay “magpastol, mag-asikaso, o magmalasakit.” Ang salitang tupa ay mula sa salitang probaton, na ibig sabihin ay “matandang tupa.” …
Sa [ Juan 21:17 ], ang salitang pakanin ay mula ulit sa salitang Griyegong bosko, na tumutukoy sa pagpapakain. Ang salitang tupa ay muling isinalin mula sa salitang Griyegong probaton, na tumutukoy sa matandang tupa.
Ang tatlong talatang ito, na tila magkakatulad sa wikang Ingles, ay naglalaman ng tatlong magkakaibang mensahe sa wikang Griyego:
Ang mga munting kordero ay kailangang pakainin para lumaki;
Ang mga tupa ay kailangang pangalagaan;
Ang mga tupa ay kailangang pakainin.
(Russell M. Nelson, “Shepherds, Lambs, and Home Teachers,” Ensign, Ago. 1994, 16)
Paano ko pakakainin at aalagaan ang Kanyang mga tupa?
Napakaraming paraan upang tulungan at paglingkuran ang iba nang may pagmamahal at kabutihan. Halimbawa, si Sister Michelle D. Craig, Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency, ay nanalangin upang malaman kung ano pa ang magagawa niya upang matulungan ang mga anak ng Diyos. Nakatanggap siya ng impresyon na huwag tumingin sa kanyang cellphone habang naghihintay sa pila. Basahin ang salaysay sa ibaba.
Kinaumagahan, natagpuan ko ang sarili ko na naghihintay sa isang mahabang pila sa tindahan. Inilabas ko ang cellphone ko at saka ko naalala ang impresyong natanggap ko. Itinabi ko ang cellphone ko at tumingin ako sa paligid. Nakita ko ang isang matandang ginoo na nakapila sa unahan ko. Walang laman ang cart niya maliban sa ilang lata ng cat food. Medyo naasiwa ako, pero talagang matalinong sinabi, “May pusa pala kayo.” [Sinabi niya na] may paparating na bagyo, at ayaw niyang [maabutan siya ng bagyo] na wala siyang cat food. Saglit kaming nag-usap, tapos ay bumaling siya sa akin at sinabing, “Alam mo, wala pa akong nasabihan nito, pero kaarawan ko ngayon.” Naantig ang puso ko. Binati ko siya ng happy birthday at tahimik akong nagpasalamat sa panalangin na hindi ko hawak ang cellphone ko at hindi nakalagpas ang pagkakataon na tunay na makita at makausap ang isang taong nangangailangan nito.
(Michelle D. Craig, “Mga Matang Makakakita,” Ensign o Liahona, Nob. 2020, 16)