Mateo 28; Lucas 24; Juan 20
Mga Saksi ng Nabuhay na Mag-uling Tagapagligtas
Nagpakita si Jesucristo sa maraming tao at grupo pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Ang lesson na ito ay makatutulong na mapalakas ang iyong patotoo na ang Tagapagligtas ay buhay habang pinag-aaralan mo ang mga karanasan ng ilan sa mga saksing ito.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Naniniwala kahit hindi nakikita
Tingnan ang sumusunod na larawan ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas na lumalabas mula sa libingan. Isulat sa iyong study journal kung ano ang maaari mong ibahagi sa isang taong nag-aalinlangan na nangyari ang napakahalagang pangyayaring ito. Anong mga salaysay sa banal na kasulatan tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ang maibabahagi mo sa kanya?
-
Sa iyong palagay, bakit mahalaga sa Panginoon na magkaroon ang bawat isa sa atin ng sarili nating patotoo na Siya ay buhay?
Pagnilayan ang iyong patotoo na si Jesucristo ay buhay at kung paano ka pagpapalain sa pamamagitan ng pagpapalakas ng patotoong ito. Ang pag-aaral ng mga salita ng mga taong nakaaalam na buhay ang Tagapagligtas ay magpapalakas sa ating pananampalataya na totoong Siya ay buhay kahit nagdududa ang iba sa paligid natin. Sa iyong pag-aaral ngayon, isipin ang mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo na nagpapatibay sa katotohanan ng mga salaysay na ito sa iyong puso at isipan.
Mga saksi ng Bagong Tipan
Pag-aralan ang kahit isa sa mga sumusunod na salaysay sa Bagong Tipan tungkol sa mga taong nakakita sa nabuhay na mag-uling Tagapagligtas. Pagkatapos ay isulat ang iyong mga sagot sa dalawang tanong na kasunod nito at ang anumang iba pang mga ideya at impresyon na maaaring dumating sa iyo.
-
Matatapat na kababaihan: Mateo 28:1–10
-
Dalawang disipulo sa daan patungong Emaus: Lucas 24:13–35
-
Maria Magdalena: Juan 20:11–18
-
Tomas: John 20:24–29
-
Ano ang natutuhan mo na magpapalakas sa iyong pananampalataya na si Jesucristo ay buhay?
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas mula sa Kanyang pakikipag-ugnayan sa taong ito o sa mga taong ito?
Iba pang mga saksi sa mga banal na kasulatan
Ang iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas ay lalong mapalalakas sa pamamagitan ng pag-aaral ng tungkol sa mga karagdagang saksi sa iba pang mga banal na kasulatan. Pag-aralan ang kahit isa sa mga sumusunod na scripture passage. Pagkatapos ay isulat ang iyong mga sagot sa dalawang tanong na kasunod nito at ang anumang iba pang mga ideya at impresyon na maaaring dumating sa iyo.
-
Mga tao sa sinaunang Amerika hindi kalaunan pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas: 3 Nephi 11:8–17
-
Joseph Smith at Sidney Rigdon: Doktrina at mga Tipan 76:19–24
-
Paano mapapalakas ng nabasa mo ang iyong paniniwala na buhay si Jesucristo?
-
Anong mga karagdagang ideya tungkol kay Jesucristo ang natamo mo?
Mga makabagong saksi
Ang isa pang mahalagang paraan para mapalakas ang iyong patotoo na buhay si Jesucristo ay sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga patotoo ng makabagong “mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig” ( Doktrina at mga Tipan 107:23), ang inordenang mga Apostol sa ating panahon.
Maaari mong panoorin ang video na “Magsiparito sa Akin” (mula sa time code na 16:18 hanggang 16:47), na makukuha sa SimbahanniJesucristo.org. O basahin ang mga pahayag nina Pangulong Eyring at Elder Holland, dalawang makabagong saksi ni Jesucristo.
Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
Ako ay saksi sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Panginoon na parang naroon ako nang gabing iyon kasama ang dalawang disipulo sa bahay sa nayon ng Emaus. Alam kong Siya ay buhay tulad nang alam ni Joseph Smith nang makita niya ang Ama at ang Anak sa liwanag ng maaliwalas na umaga sa kakahuyan sa Palmyra.
Ito ang totoong Simbahan ni Jesucristo.
(Henry B. Eyring, “Magsiparito sa Akin,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 25)
Pinatotohanan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang [literal at] buhay na Anak ng ating tunay na Diyos. … Nagpapatotoo ako na Siya ay talagang nabuhay na mag-uli mula sa libingan, at matapos umakyat sa Kanyang Ama upang makumpleto ang proseso ng Pagkabuhay na Mag-uli na iyon, ay nagpakita Siya, nang paulit-ulit, sa daan-daang disipulo sa Lumang Daigdig at sa Bago. Alam ko na Siya ang Banal ng Israel, ang Mesiyas na balang-araw ay paparitong muli sa kaluwalhatian, upang maghari sa lupa bilang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari.
(Jeffrey R. Holland, “Ang Iisang Dios na Tunay, at Siyang Kanyang Sinugo, Sa Makatuwid Baga’y si Jesucristo,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 42)
-
Sa iyong palagay, bakit tayo binigyan ng Tagapagligtas ng mga makabagong saksi bilang karagdagan sa Kanyang mga sinaunang saksi?
Ang iyong patotoo
Basahin ang Juan 20:29 , at hanapin ang mga katotohanang itinuro ni Jesucristo kay Tomas tungkol sa pagkakaroon ng patotoo.
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng banal na kasulatang ito tungkol sa pagkakaroon mo ng patotoo tungkol kay Jesucristo?
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga turo ng Tagapagligtas sa talatang ito ay pinagpapala tayo sa pagpiling maniwala na si Jesucristo ay buhay kahit hindi natin Siya nakikita.
Idagdag ang iyong personal na patotoo tungkol sa Tagapagligtas sa mga pinag-aralan ninyo ngayon. Bilang isang paraan ng paggawa nito, maaari mong isulat ang mga sagot sa mga tanong na tulad ng mga sumusunod sa iyong study journal.
-
Anong katibayan ang nakita mo sa iyong buhay at sa buhay ng iba na si Jesucristo ay buhay?
-
Kailan mo nadama ang Espiritu Santo na nagpapatotoo sa iyo na buhay si Jesucristo?
-
Ano ang maipapayo mo sa isang taong hindi pa nakatitiyak kung naniniwala siya na buhay ang Tagapagligtas?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Bakit may mga sugat mula sa Pagpapako sa Krus sa nabuhay na mag-uling katawan ni Jesus?
Isinulat ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Bagama’t sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagkabuhay na Mag-uli na magagawa—at walang dudang magaganap balang araw—na lubusang mapagaling at mapawi ang mga sugat na likha ng pagpapako sa krus, gayon pa man, pinili ni Cristo na panatilihin ang mga sugat na ito dahil sa isang layunin, kabilang na ang pagparito niya sa mga huling araw kung kailan ipakikita niya ang mga markang iyon at ipahahayag na siya ay sinugatan “sa bahay ng [kanyang] mga kaibigan” [ Zacarias 13:6 ; D at T 45:52 ].
Ang mga sugat sa kanyang mga kamay, paa, at tagiliran ay mga tanda na may masasakit na pangyayari sa buhay na ito kahit pa sa mga dalisay at perpekto, mga tanda na ang kapighatian ay hindi katibayan na hindi tayo mahal ng Diyos. Ito ay katotohanang mahalaga at puno ng pag-asa na ang sugatang si Cristo ang sasagip sa atin.
(Jeffrey R. Holland, Christ and the New Covenant [1997], 258–59)
Juan 20:17 . Ano ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang sabihin niya kay Maria Magdalena na “huwag [Siyang] hawakan”?
Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Binangit sa King James Version na sinabi ni Jesus na “Huwag mo akong hipuin.” Sinabi naman sa Joseph Smith Translation na “Huwag mo akong hawakan.” Mababasa sa iba’t ibang pagsasalin ng scripture passage mula sa Griyego ang “Huwag kang kumapit sa akin” o “Huwag mo akong hawakan.” Ang ilang kahulugan ay nagsasabing “Huwag kang kumapit sa akin kailanman” o “Huwag mo akong hawakan kailanman.” Ang iba ay nagsasabing itigil na ang paghawak o pagkapit sa kanya, na nagpapahiwatig na nakahawak na sa kanya si Maria. May matibay na dahilan para isiping ganito ang sinabi ng Nabuhay na Muling Panginoon kay Maria: “Hindi mo na ako maaaring hawakan, dahil ako ay aakyat na sa aking Ama.”
(Bruce R. McConkie, The Mortal Messiah: From Bethlehem to Calvary [1981], 4:264)