Seminary
Lucas 24:1–12, 36–48


Lucas 24:1–12, 36–48

Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo

Larawan
Jesus Christ’s empty tomb - set at Goshen, Utah

Pagkatapos ng libing ng Tagapagligtas, nagdala ang matatapat na disipulo ng mga pabango sa libingan. Sa halip na makita ang patay na katawan ng Tagapagligtas, nakita nila na walang laman ang libingan. Ipinahayag ng mga anghel na nabuhay muli ang Panginoon. Kalaunan nang gabing iyon, nang sama-samang magtipon ang mga disipulo, Siya ay nagpakita sa kanila at ipinakita sa kanila ang Kanyang nabuhay na mag-uling katawan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas at kung paano ito nakakaapekto sa iyong buhay.

Paggamit ng mga larawan. Ang mga larawan ay makatutulong sa mga estudyante na mailarawan sa isipan, masuri, at maunawaan ang mga banal na kasulatan, lalo na kapag ang mga larawan ay ginamit upang maghikayat at magpasigla ng talakayan. Kapag gumagamit ng larawan, tiyaking pinatitibay nito ang layunin ng lesson at hindi lumalayo rito.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan at isiping ilista ang nalalaman nila tungkol sa pagkabuhay na mag-uli at kung bakit personal na mahalaga sa kanila ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo

Suriin ang larawan ng libingan na walang laman ni Jesucristo na matatagpuan sa simula ng lesson na ito, at pag-isipan ang iyong mga sagot sa mga sumusunod na tanong.

  • Ano ang kahulugan sa iyo ng larawang ito?

Pag-isipan ang nalalaman mo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli at ang epekto nito sa iyong buhay sa pamamagitan ng pagsagot sa mga sumusunod na tanong sa iyong study journal. Magkakaroon ka ng pagkakataong rebyuhin ang mga tanong na ito sa pagtatapos ng iyong pag-aaral ngayon.

Maaari mong idispley ang mga sumusunod na tanong para masagot ng mga estudyante. Babalikan ng mga estudyante ang mga tanong ding ito pagkatapos ng kanilang mga naranasan sa lesson na ito para pagnilayan ang mas malalim na naunawaan nila. Dahil dito, maaari nilang sagutin ito sa kanilang study journal.

  • Ano ang alam mo tungkol sa pagkabuhay na mag-uli?

  • Paano ka personal na naiimpluwensyahan ng iyong kaalaman at mga paniniwala tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas?

Kung nakibahagi ang mga estudyante sa paghahanda ng estudyante, sabihin sa kanila na tingnan at ibahagi ang impormasyong iyon sa puntong ito (kung komportable silang gawin).

Matapos kusang ibigay ni Jesucristo ang Kanyang buhay sa krus, ang Kanyang katawan ay kinuha at ibinalot sa malinis na telang lino at inihimlay sa isang libingan. Kasunod ng Sabbath, bumalik nang maaga si Maria Magdalena at ang ilan pang matatapat na kababaihan sa libingan (tingnan sa Lucas 24:10 ; Juan 20:11–18).

Basahin ang Lucas 24:1–12 , at alamin ang nakita at nalaman nila habang nasa libingan ng Tagapagligtas.

  • Ano sa palagay mo ang iniisip at nadarama ng mga disipulo pagkatapos ng kanilang nakita at narinig?

Hindi nagtagal matapos ang karanasang ito, nagpakita si Jesucristo sa dalawang disipulo sa daan patungong Emaus (tingnan sa Lucas 24:13–32). Bumalik sila sa Jerusalem upang ibahagi ang kanilang karanasan sa mga Apostol (tingnan sa Lucas 24:33–35).

Sa isang lesson kalaunan, pag-aaralan ng mga estudyante ang iba pang mga salaysay tungkol sa mga indibiduwal na saksi sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Sa lesson na ito, kung makikinabang ang mga estudyante sa pag-aaral nang mas detalyado ng tungkol sa pagpapakita ni Jesus sa daan patungong Emaus sa Lucas 24:13–35 , maaari mong gamitin ang karagdagang aktibidad sa pag-aaral na “Daan Patungong Emaus” mula sa lesson na “Mateo 28; Lucas 24; Juan 20.”

Basahin ang Lucas 24:36–48 , at alamin ang nangyari nang magtipon ang mga disipulo ni Jesus na pinag-uusapan ang pagpapakita ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas.

  • Ano ang pinakanapansin mo sa mga talatang ito mula sa mga salita ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo?

Maaaring makatulong na magtanong pa ng mga karagdagang tanong na tulad ng sumusunod: Sa iyong palagay, bakit sila inanyayahan ng Tagapagligtas na masdan Siya at hawakan Siya bago Niya ibahagi ang Kanyang mensahe sa kanila? Ano sa palagay mo ang nadarama o natututuhan ng Kanyang mga disipulo mula sa karanasang ito?

  • Sa iyong palagay, bakit ang ilan sa mga unang salitang sinabi ng Tagapagligtas sa kanila ay “Sumainyo ang kapayapaan”? ( Lucas 24:36).

  • Ano ang natutuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa kung sino ang Tagapagligtas at kung ano ang nais Niyang maunawaan ng Kanyang mga disipulo?

Pag-ibayuhin ang iyong nauunawaan tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay si Jesucristo ay may nabuhay na mag-uling katawan na may laman at mga buto.

  • Ano ang ibig sabihin ng mabuhay na mag-uli?

Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa pagbibigay ng kahulugan ng mabuhay na mag-uli, maaaring ibahagi ang kahulugan na nasa ibaba.

Ang Pagkabuhay na Mag-uli, “ang muling pagsasama ng katawang espiritu at ng katawang may laman at mga buto pagkaraan ng kamatayan,” ay ginawang posible para sa bawat isa sa atin dahil kay Jesucristo (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Pagkabuhay na Mag-uli ,” SimbahanniJesucristo.org). Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli, ginawang posible ng Tagapagligtas para sa bawat isa sa atin na makapiling Siya at maging katulad Niya.

Isipin ang anumang tanong mo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas at ang kahulugan nito sa iyong buhay. Ilan sa maaaring tanong mo tungkol sa doktrina ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ay nakalista sa ibaba. Isiping ilista ang mga tanong na ito sa iyong study journal.

  • Bakit mahalaga na si Jesucristo ay may katawang may laman at buto?

  • Ano ang kahalagahan ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas sa aking buhay?

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng pagkatutong magtanong sa pamamagitan ng pagtatanong ng mga follow-up na tanong tulad ng “Paano makakaapekto sa iyo ang pag-unawa sa sagot na iyon?” “Paano makakaapekto sa iyong pag-aaral ang paglalaan ng oras na magnilay at magsulat ng mga tanong?” at “Paano makakaimpluwensya ang pagtatanong nito sa iyong kaugnayan kay Jesucristo?”

Hikayatin ang mga estudyante na maging malikhain sa pagsagot nila sa mga tanong na ito. Maaaring ang isang paraan ay anyayahan ang mga estudyante na isipin ang pagsulat ng kanilang mga tanong bilang paggawa ng quiz na maaari silang makipagpalitan sa iba para mahanap ang mga sagot.

Ang isang paraan para mahanap ang mga sagot sa ating mga tanong ay sa pagsasaliksik sa itinuro ng mga propeta at apostol ng Panginoon. Makikita sa ibaba ang ilang itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. Habang pinag-aaralan mo ang mga salitang ito, hanapin ang mga sagot sa ilan sa iyong mga tanong. Maaari mo ring saliksikin ang anumang karagdagang mga salita ng mga inorden na tagapaglingkod ng Panginoon na maaaring makatulong sa iyo.

Larawan
Portrait of Elder D. Todd Christofferson. Photographed in March 2020.

Isipin sandali ang kahalagahan ng Pagkabuhay na Mag-uli sa pagpapasiya sa huli ng tunay na pagkatao ni Jesus ng Nazaret at sa mga pilosopikong argumento at mga tanong sa buhay. Kung totoong si Jesus ay literal na nabuhay na mag-uli, kung gayo’y isa Siyang banal na nilalang. Walang mortal ang may kapangyarihang buhayin ang kanyang sarili matapos mamatay. Dahil Siya ay nabuhay na mag-uli, hindi maaaring si Jesus ay naging isa lamang karpintero, guro, rabbi, o propeta. Dahil Siya ay nabuhay na mag-uli, si Jesus ay dapat maging Diyos, maging ang Bugtong na Anak ng Ama.

Samakatwid, ang itinuro Niya ay totoo; ang Diyos ay hindi maaaring magsinungaling.

Samakatwid, Siya ang Lumikha ng daigdig, tulad ng sinabi Niya.

Samakatwid, totoong may langit at impiyerno, tulad ng itinuro Niya.

Samakatwid, may daigdig ng mga espiritu na pinuntahan Niya pagkamatay Niya.

Samakatwid, paparito Siyang muli, tulad ng sabi ng mga anghel, at “maghahari … sa mundo” [ Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10 ].

Samakatwid, may huling Paghuhukom at Pagkabuhay na Mag-uli para sa lahat.

(D. Todd Christofferson, “Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 113)

Kung may oras pa, maaari mong panoorin ang video na “Siya ay Buhay—Ipagdiwang ang Pasko ng Pakabuhay Dahil si Jesucristo ay Buhay” (2:26) habang naghahanda kang sagutin ang mga sumusunod na tanong. Ang video na ito ay mapapanood sa SimbahanniJesucristo.org.

  • Ano ang idaragdag mo sa iyong mga sagot sa mga tanong sa simula ng lesson?

  • Paano mo ipaliliwanag kung ano ang pagkabuhay na mag-uli sa isang tao na hindi pamilyar sa turong ito?

  • Paano nakakaapekto ang pagkaunawa mo sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas sa iyong pagpapahalaga at pagmamahal kay Jesucristo?

Isiping bigyan ng pagkakataon ang mga nais magbahagi ng natutuhan o nadama nila sa kanilang pag-aaral, at magtapos sa pagpapatotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas at sa epekto nito sa ating buhay ngayon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Bakit mahalaga sa akin ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo?

Sa kanyang mensaheng “Ano ang Nagawa ng Ating Tagapagligtas para sa Atin?” Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan kung paano nakakaapekto ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas sa bawat isa sa atin (Liahona, Mayo 2021, 75–77).

Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Ang mga turo ng Aklat ni Mormon

Isiping bigyang-diin ang mahalagang papel na ginagampanan ng Aklat ni Mormon sa pagdaragdag sa nauunawaan natin tungkol sa pagkabuhay na mag-uli. Sabihin sa mga estudyante na saliksikin ang mga reperensyang tulad ng Mosias 15:19–20 ; Mosias 16:7–9 ; Alma 11:40–44 ; at Mormon 9:13 , at alamin ang natutuhan nila tungkol sa pagkabuhay na mag-uli. Isiping ipabahagi sa mga estudyante ang nalaman nila, na binibigyang-diin ang hindi natin sana malalaman tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli kung wala ang kaloob na Aklat ni Mormon.

Print