I-assess ang Iyong Pagkatuto 6
Mateo 26–28; Marcos 14–16; Lucas 22–24; Juan 13–21
Layunin ng lesson na ito na tulungan kang suriin ang mga mithiing itinakda mo at ang pansariling pag-unlad na naranasan mo sa iyong pag-aaral ng Bagong Tipan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ibigin mo ang Diyos ng iyong buong puso
-
Paano ka nahikayat na sikaping lubos pang mahalin ang Ama sa Langit at si Jesucristo dahil sa natutuhan mo tungkol sa Kanilang pagmamahal sa iyo?
-
Paano nakatulong ang pag-unawa mo sa Kanilang pagmamahal sa iyo para mapag-ibayo mo ang iyong pagmamahal sa ibang tao?
Alalahanin na itinuro ng Tagapagligtas na nagpapakita tayo ng pagmamahal sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan (tingnan sa Juan 14:15). Si Jesucristo ay nagpakita ng perpektong halimbawa ng pagmamahal sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng kautusan (tingnan sa Juan 14:31).
Nang pinag-aralan mo ang Juan 14:15 , maaaring isinulat mo sa iyong journal ang iyong mga hangarin na sundin ang mga kautusan at ang iyong mga layunin, o ang iyong mga dahilan, sa paggawa nito. Kung gayon, rebyuhin ang isinulat mo.
-
Ano ang nadarama mo tungkol sa iyong mga kasalukuyang hangarin at layunin na sundin ang mga kautusan upang maipakita ang iyong pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Ihambing ang iyong mga hangarin at layunin ngayon sa mga hangarin at layunin mo noong simula ng taon.
-
Anong mga pagbabago ang napansin mo sa iyong pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo nang pag-aralan mo ang Bagong Tipan? Kung may napansin kang anumang pagbabago, ano sa palagay mo ang naging dahilan ng mga pagbabagong ito?
-
Mayroon bang anumang karagdagang pagbabago na sa palagay mo ay kailangan mong gawin upang maipakita o mapag-ibayo ang iyong pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo: Ano kaya ang mangyayari sa buhay mo kung wala Ito?
Isipin kung ano ang natutuhan mo tungkol sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo mula sa Bagong Tipan. Pag-isipan sandali kung ano ang personal na kahulugan sa iyo ni Jesucristo at ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Isipin kung ano ang mangyayari sa buhay mo kung wala ang mga ito.
Ngayong naglaan ka na ng oras upang magnilay, itala ang ilan sa iyong mga saloobin sa pamamagitan ng pagsagot sa mga sumusunod na tanong. Magsama ng mga makabuluhang detalye sa iyong mga sagot, at magsama ng mga scripture passage tungkol sa sakripisyo ni Jesucristo na nakaapekto sa iyo.
-
Paano mag-iiba ang iyong buhay kung hindi nagdusa ang Tagapagligtas para sa iyo sa Getsemani at hindi Siya namatay para sa iyo sa krus sa Kalbaryo?
-
Paano mag-iiba ang iyong buhay kung hindi nadaig ni Jesucristo ang kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli?
-
Ano ang mangyayari sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit kung wala ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo?
Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Salamat at magiting na isinagawa ni Jesucristo ang sakripisyong ito sa sinaunang Jerusalem. … Si Jesus ay kusang nagdusa nang sa gayon lahat tayo’y magkaroon ng oportunidad na mahugasan at maging malinis—dahil sa ating pananampalataya sa kanya, pagsisisi sa ating mga kasalanan, pagkabinyag sa wastong awtoridad ng priesthood, sa pagtanggap sa nakadadalisay na kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng kumpirmasyon, at pagtanggap sa lahat ng iba pang mahahalagang ordenansa. Kung walang Pagbabayad-sala ng Panginoon, hindi natin matatanggap ang kahit isa sa mga biyayang ito, at hindi tayo magiging karapat-dapat at handang bumalik upang makapiling ang Diyos.
(M. Russell Ballard, “Ang Pagbabayad-sala at ang Kahalagahan ng Isang Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 85)
Pagbabahagi ng mabuting balita tungkol kay Jesucristo
Ngayong napagnilayan mo na ang kahalagahan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson.
Ang ibig sabihin ng katagang ebanghelyo ay “mabuting balita.” Ang mabuting balita ay ang Panginoong Jesucristo at ang Kanyang mensahe ng kaligtasan. Itinulad ni Jesus ang ebanghelyo sa Kanyang misyon at ministeryo sa mortalidad.
(Russell M. Nelson, “Matatandang Misyonero at ang Ebanghelyo,” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 81)
Anong mabuting balita ang gusto mong ibahagi sa iba tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang banal na misyon? Ipagpalagay na naglulunsad ang Simbahan ng isang kampanya sa social media upang ipalaganap ang kamalayan tungkol sa buhay at mga turo ni Jesucristo na nakatala sa apat na Ebanghelyo. Humihiling ang Simbahan ng mga post sa social media para sa kampanya.
Sumulat ng maikling post na nagpapaliwanag sa iyong mabuting balita tungkol kay Jesucristo. Mag-isip ng isang bagay na natutuhan mo mula sa Mga Ebanghelyo (Mateo, Marcos, Lucas, at Juan) na espesyal sa iyo at nakatulong sa iyo na mas mapalapit kay Jesucristo. Halimbawa, maaari kang pumili ng isang bagay na itinuro ni Jesus, isang himalang ginawa Niya, isang talinghaga, isang kuwento kung paano Siya nakisalamuha sa iba, isang katangiang ipinakita Niya, o isang bahagi ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, kamatayan, at Pagkabuhay na Mag-uli. Kung komportable kang gawin, maaari mong i-post ang iyong magandang balita sa social media o ibahagi ito sa ibang tao. Isama ang mga sumusunod na detalye sa iyong post:
-
Gumawa ng headline o pamagat para sa iyong post.
-
Ipaliwanag kung paano naging makabuluhan sa iyo ang mabuting balita ng Tagapagligtas at kung paano ito nakatulong sa iyo na mas mapalapit sa Kanya.
-
Magsama ng isang partikular na scripture passage mula sa Mga Ebanghelyo (Mateo, Marcos, Lucas, o Juan).
-
Isama ang iyong patotoo at kung paano makatutulong sa iba ang mabuting balitang ito.