Mateo 11:27; Juan 5:19, 30; Juan 8:18–28
“Ihahayag Siya ng Anak”
Nagpatotoo ang Tagapagligtas na mas makikilala natin ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng pag-aaral sa halimbawa ng Kanyang Anak. Lahat ng sinabi at ginawa ni Jesucristo ay pagtulad sa halimbawa ng Kanyang Ama at ang layunin nito ay upang mas ilapit tayo sa Ama. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mas maunawaan kung sino ang Ama sa Langit at kung ano ang nadarama Niya tungkol sa iyo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Alamin ang tungkol sa Ama sa Langit
Isipin ang sumusunod na sitwasyon:
Sa isang mensahe sa sacrament meeting kamakailan, narinig ni Claudio na ipinahayag ng isang miyembro ng kanyang ward, “Alam ko na kilala at mahal ako ng Ama sa Langit. Alam Niya ang aking mga pangangailangan at hinahangad Niyang tulungan ako.” Si Claudio ay nagulat at napaisip kung paano niya nalaman ang lahat ng ito tungkol sa Ama sa Langit. Habang pinagninilayan niya ang personal niyang nalalaman tungkol sa Ama sa Langit, nadama niya na hindi ito ganoon karami. Sinubukan pa niyang tingnan ang mga banal na kasulatan at hindi rin masyadong nagbunga iyon.
-
Sa anong mga paraan kaya natin nararamdaman na kung minsan ay para tayong si Claudio?
-
Paano nagiging mahirap para sa atin ang pakiramdam na parang hindi natin kilala ang Ama sa Langit o wala man lang tayong alam tungkol sa Kanya?
Isipin ang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit at kung paano nakaimpluwensya sa iyo ang kaalamang iyon. Sa isang piraso ng papel o sa iyong study journal, isulat ang mga salitang “Ama sa Langit” sa gitna. Sa paligid ng mga salitang ito, isulat ang nalalaman mo tungkol sa Ama sa Langit.
-
Paano maaaring makaimpluwensya sa buhay ng isang tao ang mas lubos na pagkilala sa Ama sa Langit?
Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, alamin ang mga katotohanan tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na makatutulong sa iyo na mas maunawaan kung sino Sila at kung ano ang nadarama Nila tungkol sa iyo. Maaari mong idagdag sa papel ang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit.Palaging binabanggit ni Jesucristo ang Kanyang Ama at ginagawa Niya ito nang may mahalagang layunin. Basahin ang mga sumusunod na scripture passage, at alamin ang nais ni Jesus na malaman ng Kanyang mga tagasunod tungkol sa Kanyang sarili at sa Ama sa Langit:
Mateo 11:27 , kasama ang pagbabago sa Pagsasalin ni Joseph Smith na ang Ama ay makikita rin ng mga taong pinagpahayagan ng Anak ng Kanyang sarili.
-
Paano mo ibubuod ang itinuro ng Tagapagligtas sa nabasa mo?
Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang mahalagang paraan upang makilala natin ang Ama sa Langit.
Sa dami ng kagila-gilalas na layuning natupad sa buhay at ministeryo ng Panginoong Jesucristo, may malaking aspekto ng Kanyang misyon na madalas hindi kinikilala. Hindi ito ganap na nauunawaan ng Kanyang mga alagad noon, at marami sa mga makabagong Kristiyano ang hindi nakauunawa rito ngayon, ngunit paulit-ulit itong binigyang-diin ng Tagapagligtas mismo. Ito ang dakilang katotohanan na sa lahat ng sinabi at ginawa ni Jesus, kasama lalo na ang Kanyang nagbabayad-salang pagdurusa at sakripisyo, ipinakikita Niya sa atin kung sino at ano ang katangian ng Diyos Amang Walang Hanggan, kung gaano Siya katapat sa Kanyang mga anak sa bawat panahon at bansa. Sa salita at gawa, sinikap ni Jesus na ihayag at ipaalam nang husto sa atin ang likas na katangian ng Kanyang Ama, na ating Ama sa Langit.
(Jeffrey R. Holland, “Ang Kadakilaan ng Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 70)
-
Ano ang natutuhan mo mula sa pahayag ni Elder Holland?
Ang isang alituntunin na matututuhan natin ay ipinapakita ng mga salita at kilos ni Jesucristo ang katangian ng Ama sa Langit.
-
Paano mo nakikitang itinuro ang katotohanang ito sa mga salita ng Tagapagligtas na kakabasa mo lang?
Ipinaliwanag pa ni Elder Holland ang katotohanang ito.
Kaya nga ang pagpapakain sa gutom, pagpapagaling sa maysakit, pagkamuhi sa pagpapaimbabaw, pagsamong manampalataya—ito si Cristo na ipinakikita sa atin ang paraan ng Ama, Siya na “maawain at mapagbigay, di madaling magalit, matiisin at puno ng kabutihan.” Sa buhay Niya at lalo na sa Kanyang kamatayan, inihayag ni Cristo, “Ito ang pagkahabag ng Diyos na ipinamalas ko sa inyo, gayundin din ang sa akin.” Sa pagpapakita ng perpektong Anak ng pagkalinga ng perpektong Ama, sa Kanilang paghihirap at lungkot dahil sa kasalanan at pasakit natin, nakikita natin ang lubos na kahulugan ng pahayag na: “Sapagkat gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan na ibinigay niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang ang sinomang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagka’t hindi sinugo ng Dios ang Anak sa sanglibutan upang hatulan ang sanglibutan; kundi upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya” [ Juan 3:16–17 ].
(Jeffrey R. Holland, “Ang Kadakilaan ng Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 72)
Piliin ang paborito mong salaysay tungkol kay Jesucristo sa mga banal na kasulatan. Isulat ang reperensyang banal na kasulatan at ibuod ang scripture passage. Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit at ano ang nadarama Niya tungkol sa iyo mula sa sinabi o ginawa ni Jesucristo sa salaysay na ito?
-
Paano naaapektuhan ng kaalamang ito tungkol sa Ama sa Langit ang iyong ugnayan sa Kanya?
-
Paano makatutulong sa iyo ang pagkakaroon ng mas mabuting ugnayan sa Ama sa Langit?
Humingi ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo habang gumagawa ka ng maikling plano kung paano mo mapapatibay ang iyong ugnayan sa Ama sa Langit, at isulat ito sa iyong study journal.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Paano makaiimpluwensya sa akin ang pagkilala sa Ama sa Langit?
Itinuro ni Propetang Joseph Smith (1805–44):
Kung ang alam lang ng tao ay kumain, uminom at matulog, at hindi nauunawaan ang alinman sa mga plano ng Diyos, gayon din ang alam ng hayop. Kumakain, umiinom, at natutulog ang hayop, at wala nang iba pang alam tungkol sa Diyos; gayunman ay alam nito ang alam natin, maliban kung makauunawa tayo sa pamamagitan ng inspirasyon ng Makapangyarihang Diyos. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katangian ng Diyos, hindi nila nauunawaan ang kanilang sarili.
(Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 46)