Mateo 11:28–30
“Kayo’y Bibigyan Ko ng Kapahingahan”
Sa Kanyang ministeryo, itinuro ng Tagapagligtas ang mas mataas na batas ng ebanghelyo at pinagaling Niya ang maysakit. Bagama’t dumarami ang tumututol sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo, kinundena Niya ang kasamaan at nangako Siya ng kapahingahan sa lahat ng lalapit sa Kanya. Ang lesson na ito ay mas magpapatibay sa iyong tiwala na tutulungan ka ng Panginoon sa iyong mga hamon at pasanin.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang iyong mga pasanin at hamon
Magdrowing ng isang stick figure na kumakatawan sa isang tinedyer. Gumuhit ng backpack sa likod ng stick figure na kumakatawan sa mga pasanin at stress na kinakaharap ng mga tinedyer ngayon. Sumulat ng kahit lima sa mga pasanin o stress na iyon sa loob, sa ibabaw, o sa paligid ng backpack.
-
Sa scale na isa hanggang lima, kung saan ang lima ay napakahusay at ang isa ay hindi mahusay, sa palagay mo, gaano kahusay mong hinaharap ang iyong mga pasanin at ang mga nakaka-stress na pangyayaring nararanasan mo?
Kung hindi mo pa ito nagagawa, isiping maglaan ng ilang sandali ngayon upang maanyayahan ang iyong Ama sa Langit na tulungan ka sa paghahanap ng mga alituntunin na makatutulong sa iyo sa mga partikular na pasaning dinadala mo sa kasalukuyan.Basahin ang Mateo 11:28–30 , at alamin ang mga katotohanang itinuro ng Tagapagligtas na maaaring makatulong sa isang taong nabibigatan sa mga pasanin.
Mateo 11:28–30 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong markahan ang mga doctrinal mastery passage sa paraang madali mo itong mahahanap.
-
Ano ang mga katotohanang nahanap mo?
-
Paano makatutulong ang mga katotohanang ito sa isang taong nahihirapan?
“Pasanin ninyo ang aking pamatok”
Kung minsan, ang mga salita o parirala sa mga banal na kasulatan ay maaaring mahirap maunawaan. Ang matutuhan ang kahulugan ng mga salita at parirala ay makatutulong sa atin na malaman kung ano ang nais ng Tagapagligtas na malaman natin. Magsanay rito gamit ang pariralang “Pasanin ninyo ang aking pamatok” ( Mateo 11:29).
Ang pamatok ay “isang kagamitang inilalagay sa leeg ng mga hayop o tao upang gamitin silang magkasama” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Pamatok ,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/scriptures/gs?lang=tgl). Ang mga hayop sa larawang ito ay nilagyan ng pamatok.
Isinalaysay ni Elder Edward Dube ng Pitumpu ang sumusunod na karanasan:
Noong Disyembre 2015 sa Madziva, Zimbabwe, may nakita kami ni Naume [ang asawa ko] ng isang lalaking nag-aararo sa kanyang bukid kasama ang dalawang baka. Nagulat ako sa nakita ko na ang isang hayop ay isang malaking baka at ang isa naman ay isang maliit na toro. Nagtaka talaga ako. Naibulalas ko, “Bakit mag-aararo ang isang magsasaka gamit ang dalawang hayop na magkaiba ng laki at nilagyan ng pamatok?”
Ang ina ni Naume, na nakatayo sa malapit, ay itinuro ang pamatok. Tiningnan ko nang mabuti at nakakita ako ng panali [lubid o tanikala] sa pamatok na nakatali sa toro. Hinihila ng malaking baka ang lahat ng bigat, at sinasanay at tinuturuang mag-araro ang maliit na toro.
(Edward Dube, “Learn of Me,” Liahona, Okt. 2020, Africa Southeast Local Pages, ChurchofJesusChrist.org)
-
Paano maitutulad ang ating ugnayan sa Tagapagligtas sa malaking baka at maliit na toro?
-
Paano napalalalim ng nalaman mong kahulugan ng pamatok ang iyong pagkaunawa sa nadarama ni Cristo tungkol sa iyo?
Sinabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan, pinapasan natin ang pamatok at nakikiisa tayo sa Panginoong Jesucristo.
(David A. Bednar, “Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang May Kagaanan,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 88)
-
Sa iyong palagay, paano natin nakakasama ang Tagapagligtas at paano tayo nakikiisa sa Kanya sa paggawa at pagtupad ng mga tipan?
Ipinaliwanag ni Elder Dube:
Kapag nakikiisa tayo kay Jesucristo, pinapasan Niya ang pasanin, at nakikibahagi tayo sa kagalakan sa paggawa. Ang paanyaya ng Panginoon sa bawat isa sa atin na matuto sa Kanya ang tanging tiyak na paraan na magdudulot ng kapayapaan, kagalakan at nagbibigay ng mga sagot sa nababagabag.
(Edward Dube, “Learn of Me,” Liahona, Okt. 2020, Africa Southeast Local Pages, ChurchofJesusChrist.org)
-
Paano nakatulong sa iyo ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo sa taon na ito na makayanan ang iyong pasanin at paano ito nagdulot sa iyo ng kapayapaan at kagalakan?
Paglapit kay Cristo at pagtanggap sa Kanyang kapahingahan
Aktibidad A: “Lumapit kayo sa akin” ( Mateo 11:28). Paano ako makalalapit kay Cristo?
Upang matanggap ang tulong ng Tagapagligtas at ang kapahingahang ibinibigay Niya, kailangan nating lumapit sa Kanya.
-
Kung may nagtanong sa iyo kung ano ang ibig sabihin ng lumapit kay Cristo, ano ang sasabihin mo?
Tinukoy ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilang paraan kung paano tayo makalalapit kay Cristo.
Kapag patuloy tayong nagdarasal sa umaga at sa gabi, nag-aaral ng ating mga banal na kasulatan araw-araw, nagkakaroon ng lingguhang family home evening, at dumadalo sa templo nang regular, tayo ay masigasig na tumutugon sa Kanyang paanyaya na “lumapit sa Kanya.”
(Richard G. Scott, “Unahin Ninyong Manampalataya,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 94)
-
Ano ang ilang bagay na ginawa mo upang mas mapalapit kay Jesucristo? (Maaaring kabilang dito ang mga tipang ginawa at tinupad mo.)
-
Ano sa palagay mo ang maaari mong gawin upang mas lubos na makalapit kay Cristo at matamo ang Kanyang banal na tulong?
Aktibidad B: “Kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan” ( Mateo 11:28). Paano mapagagaan ni Cristo ang aking mga pasanin?
Nakatala sa Aklat ni Mormon ang isang nakaaantig na halimbawa tungkol sa pagpapagaan ng Tagapagligtas sa mga pasanin. Si Alma at ang kanyang mga tao ay binihag, sapilitang pinagtrabaho, at labis na inusig.
Basahin ang Mosias 24:12–16 .
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa mga paraan kung paano ka matutulungan ng Tagapagligtas na batahin ang iyong mga pasanin?
-
Ano ang ginawa ng mga tao ni Alma upang matanggap ang tulong ng Tagapagligtas?
-
Paano makatutulong sa isang taong nahaharap sa mga hamon ang pag-unawa na dapat tayong lumapit sa Tagapagligtas?
Isipin ang sarili mong mga karanasan o ang mga karanasan ng mga taong kilala mo, at isulat ang isang pagkakataon na pinagaan ng Tagapagligtas ang isang pasanin. Tiyaking isama ang ginawa mo o ng isang taong kilala mo upang lumapit sa Tagapagligtas at kung paano Siya tumulong.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Paano tayo tinututulungan ni Jesucristo kapag lumalapit tayo sa Kanya?
Ipinaliwanag ni Elder John A. McCune ng Pitumpu ang ilan sa mga pagpapalang maaaring dumating kapag lumapit tayo kay Jesucristo.
Sa pagtanggap natin sa paanyaya ng Tagapagligtas na “lumapit sa akin,”maglalaan Siya ng suporta, aliw, at kapayapaang kailangan. … Maging sa pinakamabibigat nating pagsubok, madarama natin ang mainit na yakap ng Kanyang pagmamahal kapag nagtiwala tayo sa Kanya at tinanggap natin ang Kanyang kalooban.
(John A. McCune, “Lumapit kay Cristo—Pamumuhay bilang mga Banal sa mga Huling Araw,” Ensign o Liahona, Mayo 2020, 36)