Seminary
Mateo 25:1–13


Mateo 25:1–13

Ang Talinghaga tungkol sa Sampung Birhen

Painting depicting the parable of the ten virgins as taught by Jesus Christ. Five of the women are adding oil to their lamps in preparation to meet the bridegroom. The other five women have no oil and are asking the five wise virgins for oil. The wise women are not able to spare the oil for the foolish.

Sa nalalapit na pagwawakas ng Kanyang ministeryo sa mundo, itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo ang kahalagahan ng pagiging handa para sa Ikalawang Pagparito sa pamamagitan ng pagkukuwento ng talinghaga tungkol sa sampung birhen. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan at madama ang kahalagahan ng paghahanda ng iyong sarili sa pagharap sa Panginoon kapag pumarito Siyang muli.

Ihanda ang iyong kapaligiran. Ang pagpapanatili ng isang maayos at payapang lugar sa pag-aaral ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang impluwensya ng Espiritu Santo at magkaroon ng layunin.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na i-rate ang kanilang mga sarili sa scale na 1 hanggang 10 (ang 1 ay nangangahulugang hindi ka sumasang-ayon; ang 10 ay nangangahulugang sumasang-ayon ka) sa sumusunod na pahayag: “Nadarama kong handa ako sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.” Sabihin sa kanila na pag-isipan kung bakit ganoon ang pag-rate nila sa kanilang mga sarili.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Handa ka ba o hindi?

Mag-isip ng pagkakataon kung kailan hindi ka naging handa para sa isang bagay na nangangailangan ng malaking paghahanda.

  • Ano ang nadama mo?

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit natin nakakaligtaang maghanda para sa ilang partikular na bagay?

Ipabahagi sa mga estudyante ang kanilang mga karanasan at nadarama. Maaari ka ring magbahagi ng halimbawa.

Ipagawa nang pribado sa mga estudyante ang sumusunod.

I-rate ang iyong sarili sa scale na 1 hanggang 10 (ang 1 ay nangangahulugang hindi ka sumasang-ayon; ang 10 ay nangangahulugang sumasang-ayon ka) sa sumusunod na pahayag:

Nadarama kong handa ako sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Nakatala sa Mateo 25:1–13 ang talinghaga ni Jesucristo tungkol sa sampung birhen na itinuro Niya upang tulungan ang Kanyang mga tagasunod na maghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Habang nag-aaral ka, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang matulungan kang malaman ang mga paraan na handa ka at mga paraang mas mapagbubuti mo pa. Pagnilayan ang mga tanong na tulad ng “Sino ako sa talinghagang ito?”

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na impormasyon sa mga estudyante at itanong kung bakit sa palagay nila ay inihambing ng Tagapagligtas ang Kanyang Ikalawang Pagparito sa isang pagdiriwang ng kasal.

Bago pag-aralan ang talinghaga, mahalagang maunawaan ang mga kaugalian ng mga Judio sa pagpapakasal sa panahon ng Tagapagligtas. Ayon sa tradisyon, ang lalaking ikakasal, kasama ang kanyang matatalik na kaibigan, ay pupunta sa gabi sa bahay ng kanyang pakakasalan para sa seremonya ng kasal. Pagkatapos ng seremonya, pupunta ang mga panauhin sa kasal sa bahay ng lalaking ikakasal para sa piging. Ang mga panauhing sasama sa prusisyon, kabilang ang mga birhen o abay, ay inaasahang magdala ng sarili nilang mga lampara o ilaw upang ipakita na kasama sila sa mga panauhin sa kasal at magdagdag ng liwanag at kagandahan sa okasyon.

Basahin ang Mateo 25:1–4 , at gumawa ng listahan ng mahahalagang elemento sa talinghaga ng Tagapagligtas tulad ng mga tao o bagay. Sa tabi ng bawat elemento, isulat kung sino o ano sa palagay mo ang kinakatawan nito.

Maaaring ilista sa pisara o ibuod para sa mga estudyante ang sumusunod na impormasyon. Hikayatin ang mga estudyante na isulat sa kanilang banal na kasulatan kung ano ang sinisimbolo ng mga elemento ng talinghaga.

Ang makabagong paghahayag at mga turo ng mga propeta ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang mga simbolikong kahulugan sa talinghaga.

  1. Sinisimbolo ng lalaking ikakasal ang Tagapagligtas, at kinakatawan ng pagdating ng lalaking ikakasal ang Ikalawang Pagparito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 33:17 ; 88:92 ; 133:10).

  2. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan: “Ang sampung dalaga ay hayagang simbolo ng mga miyembro ng Simbahan ni Cristo, dahil lahat ay inanyayahan sa kasalan at alam ng lahat kung ano ang kailangan upang makapasok pagdating ng kasintahang lalaki” (Dallin H. Oaks, “Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 8).

  3. Ang mga ilawan o lampara ay maaaring maging simbolo ng ating mga patotoo (tingnan sa David A. Bednar, “Nagbalik-loob sa Panginoon,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 109). Pansinin na may ilawan o lampara ang lahat ng sampung birhen.

  4. Ang langis ay maaaring maging simbolo ng ating pagbabalik-loob sa Panginoong Jesucristo (tingnan sa David A. Bednar, “Nagbalik-loob sa Panginoon,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 109). Kabilang dito ang ating mga pagsisikap na sundin ang patnubay ng Espiritu Santo at mamuhay nang masunurin sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:56–58 .

  • Alin sa mga simbolikong kahulugang ito ang pinakamahalaga sa iyo, at bakit?

  • Paano mo ipapaliwanag sa sarili mong mga salita ang mga pagkakaiba ng mga hangal na birhen at ng matatalinong birhen?

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga bagay na magagawa natin upang makapaglagay ng simbolikong langis sa ating mga lampara?

Magpasiya kung ano ang magbibigay ng pinakamagandang karanasan sa pag-aaral para sa mga estudyante habang pinagninilayan nila ang kanilang mga naiisip at nadarama. Halimbawa, maaaring basahin, panoorin, o pakinggan ng mga estudyante ang talinghaga.

Basahin ang natitirang bahagi ng talinghaga sa Mateo 25:5–13 . Habang ginagawa mo ito, isipin kunwari na isa ka sa mga birhen. Maaari kang makinig sa pagsasalaysay ng banal na kasulatan sa ChurchofJesusChrist.org o sa Gospel Library app.

1:40
8:44

Sa Mateo 25:12 , pansinin ang tugon ng lalaking ikakasal sa mga hangal na birheng nagtangkang pumasok sa piging ng kasalan nang nahuli at wala nang kinakailangang langis. Nililinaw sa Joseph Smith Translation, Matthew 25:11 na sinabi ng lalaking ikakasal, “Hindi ko kayo nakikilala.”

  • Habang inaalala kung ano ang sinisimbolo ng langis, bakit kinakailangan ang langis upang tunay na makilala ang Tagapagligtas at maging handang harapin Siya?

  • Bakit hindi na lamang ibigay ng matatalinong birhen ang langis sa mga hangal na birhen?

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder David A. Bednar, Quorum of the Twelve Apostles official portrait. 2020.

Ang isang dakilang layunin ng buhay sa mundo ay hindi lamang ang matutuhan ang tungkol sa Bugtong na Anak ng Ama, kundi pagsikapang makilala Siya. … Nakikilala natin ang Tagapagligtas kapag ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya para pumunta kung saan Niya nais tayong pumunta, kapag nagsisikap tayong sabihin ang nais Niyang sabihin natin, at kapag tayo ay nagiging tulad ng nais Niyang kahinatnan natin.

(David A. Bednar, “Kung Ako’y Nangakilala Ninyo,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 103, 104)

Maaari mong itala ang sumusunod na katotohanan: Makikilala ko ang Tagapagligtas at makakapaghanda ako para sa Kanyang Pagparito sa pamamagitan ng pagsisikap na tularan ang Kanyang halimbawa ng matwid na pamumuhay.Maglaan ng ilang minuto upang sumulat ng makabagong bersiyon ng talinghagang ito. Paano mamumuhay ngayon ang matatalinong birhen? Paano mo masasabing kilala nila ang Panginoon at sila’y nagbalik-loob sa Kanya? Paano mamumuhay ang mga hangal na birhen? Ano ang ilang dahilan kung bakit sila maghihintay na makilala ang Panginoon?

Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga makabagong talinghaga at anumang ideya na sa palagay nila ay makatutulong. Maaaring makatulong sa mga estudyante na maging mas komportableng magbahagi sa harap ng klase kung magbabahagi muna sila sa maliit na grupo.

Maaari mong itanong ang mga sumusunod upang matulungan silang madama ang kahalagahan na makilala nila si Jesucristo.

  • Sa iyong opinyon, bakit mahalaga ang pagsisikap na makilala ang Tagapagligtas at maging handang harapin Siya sa Kanyang muling pagparito?

  • Paano makatutulong sa atin ang pagsisikap na mamuhay na katulad ng Tagapagligtas upang mas makilala Natin Siya?

  • Anong mga karanasan at mabubuting pag-uugali ang pinakanakatulong sa iyo na makilala si Jesucristo?

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magnilay para sa susunod na aktibidad.

Simple drawing of an ancient oil lamp.

Magdrowing ng simpleng lampara sa iyong study journal. Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo para maalala ang mga halimbawa ng nagawa mo upang makilala ang Tagapagligtas at ang mga paraan kung paano ka makakapaghanda sa Kanyang pagparito. Maaari mong isulat ang mga ito sa loob ng lampara upang maging simbolo ng iyong langis. Humingi rin ng inspirasyon upang malaman kung ano ang maaaring nais ng Panginoon na gawin mo ngayon upang mas makilala Siya at maging mas handa sa Kanyang pagparito. Isulat ang isa o dalawa sa mga ito sa labas ng lampara, na sumisimbolo sa langis na kailangan mo pa ring makuha.

Hingin ang tulong ng Panginoon habang pinagsisikapan mong mas makilala Siya at maghandang harapin Siya.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mateo 25:6 . Ano ang kahalagahan ng pagdating ng lalaking ikakasal nang hatinggabi?

Nagaganap sa gabi ang karamihan sa mga seremonya ng kasal ng mga Judio. Ang ilang scripture passage ay tumutukoy sa muling pagparito ng Tagapagligtas tulad ng isang magnanakaw sa gabi (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 12:44 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]; I Tesalonica 5:2 ; 2 Pedro 3:10 ; Doktrina at mga Tipan 45:19 ; 106:4). Ang pagdating ng lalaking ikakasal sa hatinggabi ay nagpapahiwatig ng hindi inaasahang oras ng pagbabalik ng Tagapagligtas. Ipinaliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985):

Portrait painting of President Spencer W. Kimball.

Hindi tutol ang mga hangal na birhen na bumili ng langis. Alam nilang dapat na sila’y may langis. Ipinagpaliban lang nila ang pagbili dahil hindi nila alam kung kailan darating ang lalaking ikakasal. … Ang hatinggabi ay huli na para sa mga taong nagpaliban.

(Spencer W. Kimball, Faith Precedes the Miracle [1972], 256)

Paano kung bukas na pala ang pagdating Niya?

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang sumusunod:

Portrait painting of President Spencer W. Kimball.

Kung alam nating haharap tayo sa Panginoon bukas—sa maagang pagkamatay natin o sa di-inaasahang pagdating Niya—ano ang gagawin natin ngayon? Ano ang mga ipagtatapat natin? Anong mga gawi ang ititigil natin? Anong mga pagkukulang ang pagbabayaran natin? Ano ang mga patatawarin natin? Anong mga patotoo ang ibibigay natin?

Kung gagawin natin ang mga bagay na ito sa hinaharap, bakit hindi pa ngayon? Bakit hindi pa hangarin ang kapayapaan hangga’t maaari pa itong matamo? Kung kinulang ang langis sa ating ilawan ng paghahanda, agad natin itong simulang palitan.

(Dallin H. Oaks, “Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 9)

Bakit ayaw ibahagi ng matatalinong birhen ang kanilang langis?

Tungkol sa matatalinong birheng hindi nagbahagi ng kanilang langis sa mga hangal na birhen, itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985):

Portrait painting of President Spencer W. Kimball.

Hindi ito pagdadamot o kawalan ng kabutihan. Ang uri ng langis na kinakailangan upang paliwanagin ang daan at pawiin ang dilim ay hindi maibabahagi. Paano maipahihiram ng isang tao ang pagiging masunurin sa alituntunin ng ikapu … ? … Paano maipahihiram ng isang tao ang mga pag-uugali o kalinisang-puri, o ang karanasan sa misyon? Paano maipahihiram ng isang tao ang mga pribilehiyo sa templo? Kailangang kamtin ng bawat isa ang gayong uri ng langis para sa kanyang sarili. …

Sa ating mga buhay, ang langis ng kahandaan ay unti-unting naiipon sa bawat patak sa matwid na pamumuhay. … Ang bawat gawain ng katapatan at pagiging masunurin ay isang patak na naidaragdag sa ating imbakan.

&#160

Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Mga sitwasyon ng pagsasabuhay

Sa katapusan ng lesson, maaaring maging epektibo na sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano dapat ipamuhay ng iba’t ibang tao ang mga aral na natutuhan nila mula sa talinghaga tungkol sa sampung birhen. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na sagutin ang isa sa mga sumusunod na tanong:

  • Kung may isang taong ipinagpaliban ang paglapit sa Panginoon at ang pamumuhay nang matwid, ano ang gusto mong madama niya sa lesson na ito? Ano ang unang hakbang na sasabihin mong gawin niya?

  • Kung ang isang tao ay masigasig na nagsisikap na lumapit sa Panginoon ngunit kinakabahan at natatakot siya tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, ano ang gusto mong malaman at madama niya pagkatapos pag-aralan ang lesson na ito?

  • Kung may isang taong walang pakialam tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon, ano ang gusto mong madama at gawin niya pagkatapos pag-aralan ang lesson na ito?