Mateo 27:24–66; Marcos 15:15–38
Habang nararanasan ng Tagapagligtas ang matinding sakit sa pagkakabayubay sa krus, tinuya Siya ng mga kaaway at sinabi sa Kanya na iligtas Niya ang Kanyang sarili mula sa pagpapahirap. Ngunit matwid Siyang nagtiis, at patuloy na nagdusa para sa atin. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mas maunawaan at mapahalagahan ang pagdurusa at kamatayan sa krus ng Tagapagligtas bilang mahalagang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ibinigay ni Jesucristo ang Kanyang buhay para sa atin
Sa lesson na ito pag-aaralan mo ang tungkol sa kamatayan ni Jesucristo. Pag-isipan sandali ang nalalaman mo tungkol sa kamatayan ng Tagapagligtas at ang nadarama mo tungkol dito. Naniniwala ka ba na namatay Siya para iligtas ka? Kung gayon, paano mo maipapakita ang iyong pagpapahalaga sa Kanyang sakripisyo? Sa iyong pag-aaral, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo para matulungan kang masagot ang mga tanong na ito.
Ang Pagpapako kay Jesucristo sa Krus
Matapos litisin ng mga Judio at pagkatapos ay nina Herodes at Pilato ang Tagapagligtas, Siya ay malupit na hinagupit at dinala sa Golgota (kilala rin bilang Kalbaryo) upang ipako sa krus.
Maaari mong markahan ang pariralang “At nang siya’y maipako nila sa krus” sa Mateo 27:35 . Basahin ang “Pagpapako sa Krus” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan para malaman kung ano pa ang ginagawa rito.
Basahin ang mga sumusunod na talata tungkol sa Pagpapako sa Krus sa Tagapagligtas. Markahan ang mga detalye na sa palagay mo ay mahalaga.
-
Mateo 27:27–31 . Kinutya ng mga kawal na Romano ang Tagapagligtas.
-
Mateo 27:35–44 . Kinutya ang Tagapagligtas habang nakabayubay sa krus.
-
Mateo 27:45–46, 50 . Ang Tagapagligtas ay nagdusa at namatay sa krus. Paalala: Si Jesus ay ipinako sa krus sa oras na ikatlo o “ikasiyam ng umaga” (tingnan sa Marcos 15:25). Ang “oras na ikaanim” ay tumutukoy sa 12:00 ng tanghali; ang “oras na ikasiyam” ay tumutukoy sa alas-3:00 n.h.
Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit itinanong ng Tagapagligtas, “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mateo 27:46).
Basahin ang sumusunod na pahayag.
Taglay ang matibay na pananalig ng aking kaluluwa pinatototohanan ko na … hindi pinabayaan ng perpektong Ama ang Kanyang Anak sa oras na iyon. Tunay nga, ito ang personal kong paniniwala na sa buong ministeryo ni Cristo sa lupa maaaring sa huling sandaling ito ng napakatinding paghihirap naging napakalapit ng Ama sa Kanyang Anak. Gayunpaman, … saglit na binawi ng Ama kay Jesus ang pag-alo ng Kanyang Espiritu, na suporta ng Kanyang presensya. Kailangan iyon; tunay ngang mahalaga iyon sa bisa ng Pagbabayad-sala, na ang perpektong Anak na ito na hindi kailanman nagsalita ng masama, ni gumawa ng mali, o humipo ng maruming bagay, ay kailangang malaman kung ano ang mararamdaman ng sangkatauhan—tayo, nating lahat—kapag nakagawa ng gayong mga kasalanan. Para maging walang katapusan at walang hanggan ang Kanyang Pagbabayad-sala, kinailangan Niyang malaman kung ano ang pakiramdam nang mamatay hindi lamang sa pisikal kundi maging sa espirituwal, ang madama kahit paano ang pakiramdam kapag nawala ang banal na Espiritu, at maiwang kahabag-habag, walang pag-asa, at nag-iisa.
(Jeffrey R. Holland, “Walang Sinuman ang Kasama Niya,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 87–88)
-
Ano ang nauunawaan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa tulong ng paliwanag ni Elder Holland?
-
Ano ang pinakatumimo sa iyo tungkol kay Jesucristo mula sa mga pangyayaring ito? Bakit?
Mga cross-reference
Ang Tagapagligtas ay may kapangyarihang iligtas ang Kanyang sarili mula sa mapang-alipusta at napakasakit na karanasan habang nakabayubay sa krus (tingnan sa Mateo 26:52–54), ngunit hindi Niya ito ginawa.
Basahin ang kahit tatlo sa mga sumusunod na banal na kasulatan para malaman ang dahilan. Maaari kang gumawa ng chart na katulad ng mga sumusunod upang maorganisa ang iyong mga naisip at nadama. Maaari mo ring i-link o i-cross-reference ang mga scripture passage na ito sa Mateo 27:26 o gumawa ng isang tag para sa mga reperensyang ito na may pamagat na ikaw ang pipili.
Bakit hinayaan ng Tagapagligtas na ipako Siya sa krus |
Mga pagpapalang makakamtan natin dahil ginawa Niya ito |
Doktrina at mga Tipan 76:40–42
-
Alin sa mga scripture passage ang pinakamakabuluhan sa iyo? Bakit?
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa dahilan kung bakit handa ang Tagapagligtas na ipako sa krus para sa atin?
-
Alin sa mga pagpapalang nakalista sa mga banal na kasulatang ito ang lubos mong pinasasalamatan? Bakit?
Mahalagang maunawaan na bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala, si Jesucristo ay ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Ang pagdurusang sinimulan ng Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani ay nakumpleto sa krus sa Golgota. Kung hindi namatay ang Tagapagligtas para sa ating mga kasalanan, hindi tayo makababalik sa ating Ama sa Langit.
-
Paano mo ipaliliwanag sa isang tao kung paano naging bahagi ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang Pagpapako sa Kanya sa Krus? Paano mo ipaliliwanag kung bakit makabuluhan ito sa iyo?
Ipinaliwanag ni Bishop Gérald Caussé kung paano naging personal ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas para sa bawat isa sa atin.
Bagama’t walang katapusan at pangkalahatan ang saklaw nito, ang Pagbabayad-sala ng Panginoon ay isang kamangha-manghang personal at magiliw na kaloob, na akma para sa bawat isa sa atin. Tulad noong anyayahan ni Jesus ang bawat isa sa mga disipulong Nephita na damhin ang Kanyang mga sugat, namatay Siya para sa bawat isa sa atin, sa personal na paraan, na para bang ikaw o ako lamang ang tao sa mundo. Ipinaaabot Niya sa atin ang personal na paanyaya na lumapit sa Kanya at humugot sa kagila-gilalas na mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala.
(Gérald Caussé, “Isang Buhay na Saksi ng Buhay na Cristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2020, 40)
-
Sa iyong palagay, bakit mahalagang kilalanin na para sa bawat indibiduwal ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?
Para matulungan kang madama at maalala na para sa bawat indibiduwal ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, sumulat ng isang journal entry. Isama ang mga sumusunod:
-
Mga pagpapalang matatanggap mo dahil sa pagdurusa at pagkamatay sa krus ng Tagapagligtas para sa iyo
-
Ang ibig sabihin sa iyo ng namatay Siya para sa iyo
-
Mga kaisipan at impresyong natanggap mo mula sa Espiritu Santo
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Ano ang mahalaga tungkol sa lugar at panahon ng Pagpapako sa Krus sa Tagapagligtas?
Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Ang pangalawang bahagi ng Kanyang pagbabayad-sala ay naganap sa krus. …
Ibinigay ni Pilato ang Kordero ng Diyos upang ipako sa krus kasabay ng paghahanda sa di-kalayuan ng mga kordero ng Paskua para isakripisyo. (Tingnan sa Juan 19:13–14 .)
Ang Pagpapapako sa Krus ay naganap sa burol na tinatawag na Golgota (Griyego) o Calvario (Latin) na ibig sabihin ay “ang bungo.” Ang bungo ay simbolo ng kamatayan. Sa lugar na tulad nito, ang nagbabayad-salang sakripisyo ay natupad. Sa krus, napagtagumpayan ng Tagapagligtas ng mundo ang kamatayan sa pinakadakila sa lahat ng posibleng kabuluhan—ang realisasyon at realidad ng kapangyarihan ng Panginoon na dumadaig sa kamatayan.
(Russell M. Nelson, “Why This Holy Land?,” Ensign,Dis. 1989, 18–19)
Bakit hindi iniligtas ni Jesucristo ang Kanyang sarili?
Ipinaliwanag ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Bumaba ka sa krus,” panunuya ng mga taong walang pananampalataya sa Kanya sa Kalbaryo [Mateo 27:40]. Maaari sana Niyang isagawa ang gayong himala. Ngunit alam Niya ang katapusan mula sa simula, at nilayon Niyang maging matapat sa plano ng Kanyang Ama. Hindi dapat mawala sa atin ang halimbawang iyan.
(Ronald A. Rasband, “Masdan! Ako ay Diyos ng mga Himala”,” Ensign o Liahona, Mayo 2021, 111)
Ilang tao ang naapektuhan ng pagdurusa at Pagpapako sa Krus ng Tagapagligtas?
Ipinaliwanag ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang Tagapagligtas [ay] [n]agdanas ng hindi maipaliwanag na pasakit sa Getsemani at sa krus upang gawing ganap ang Kanyang Pagbabayad-sala. … Ginawa Niya ito para sa bawat lalaki at babaing nilikha at lilikhain ng Diyos.
(Quentin L. Cook, “Ang Araw-araw na Walang-Hanggan,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 52)
Ano kaya ang naranasan ng Tagapagligtas habang nakabayubay sa krus?
Ipinaliwanag ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Tila bukod pa sa nakatatakot na pagdurusang bahagi ng pagpapako sa krus, naulit ang hirap na dinanas sa Getsemani, na pinatindi nang higit pa sa kayang tiisin ng tao. Sa pinakamasakit na oras na iyon nag-iisa ang naghihingalong Cristo, nag-iisa sa kakila-kilabot na kalagayan. Upang ang pinakadakilang sakripisyo ng Anak ay matupad sa buong kaganapan nito, tila inalis ng Ama ang suporta ng Kanyang agarang Presensya, at ipinaubaya sa Tagapagligtas ng sangkatauhan ang kaluwalhatian ng ganap na tagumpay laban sa mga puwersa ng kasalanan at kamatayan.
(Jesus the Christ [1916], 661)
Gayon din ang itinuro ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Pagkatapos ay nagdilim ang kalangitan. Binalot ng kadiliman ang lupain sa loob ng tatlong oras, gayundin ang lupain ng mga Nephita. Nagkaroon ng malakas na unos, na para bang nagdurusa ang mismong Diyos ng Kalikasan.
At tunay na siya nga ay nagdurusa, sapagkat habang nakabayubay siya sa krus nang tatlong oras pa, mula tanghali hanggang alas-3:00 N.H., lahat ng walang hanggang paghihirap at walang awang pasakit ng Getsemani ay naulit.
(Bruce R. McConkie, “The Purifying Power of Gethsemane,” Ensign, Mayo 1985, 10)