Mateo 6:1–18
Iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Disipulo na Gumawa ng Mabubuting Gawain
Ipinagpatuloy ni Jesus ang Kanyang Sermon sa Bundok, at itinuro Niya na dapat tayong gumawa ng mabubuting gawain upang malugod ang ating Ama sa Langit at hindi upang mapansin ng iba. Sa lesson na ito, magkakaroon ka ng pagkakataong suriin ang iyong mga layunin o motibo sa paggawa ng mabubuting gawain at magpasya kung paano mo gustong magpakabuti pa.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang ating mga motibo
Pag-isipan ang sumusunod na pahayag: Inayos ni Gustavo ang bakod ng kanyang kapitbahay.
-
Ano ang masasabi mo tungkol kay Gustavo?
-
Bakit mahalaga ang ating mga motibo?
Nabasa natin sa Mateo 6 na ipinagpatuloy ng Tagapagligtas ang Kanyang Sermon sa Bundok at nagturo tungkol sa mga motibo sa paggawa ng mabubuting gawain. Para matulungan kang pag-isipan ang mga dahilan kung bakit gumagawa ka ng mabubuting gawain tulad ng ministering, paglilingkod sa iba, pagdarasal, at pagdalo sa seminary, gawin ang sumusunod na aktibidad.
Gumawa ng chart na may tatlong column sa iyong study journal. Punan ang itaas ng chart tulad ng sumusunod:
Anong tatlong mabubuting gawain ang nagawa mo noong nakaraang linggo? (Maglista ng isa kada hanay.) |
Ano ang mga dahilan kung bakit mo ginawa ang mga ito? |
Ano ang naramdaman mo pagkatapos mong gawin ang mabubuting gawaing ito? |
Basahin ang Mateo 6:1–6, 16–18, at alamin kung ano ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa ating mga motibo para sa ating mabubuting gawain. Ang salitang paglilimos ay tumutukoy sa matapat na pagpapakita ng kabutihan, tulad ng pagbibigay sa mahihirap. Ang salitang mapagkunwari ay tumutukoy sa mga taong mapagpanggap.
-
Paano mo ibubuod ang itinuro ng Tagapagligtas?
Mahalagang maunawaan na ang pagdarasal nang nakikita ng mga tao ay hindi mali dahil lang sa hindi ito ginawa “[nang] lihim” (Mateo 6:6). Ang pagdarasal at iba pang mabubuting gawain ay maaaring gawin nang nakikita ng mga tao kung gagawin ito nang tapat, taos-puso, at may hangaring luwalhatiin ang Diyos. Totoo rin ito sa pag-aayuno. Ang mga pariralang “magmukhang mapanglaw,” at “pinasasama nila ang kanilang mga mukha” sa Mateo 6:16 ay tumutukoy sa mga tao noong panahon ni Jesus na hayagang nagpapakita ng kanilang pag-aayuno para mapansin ng iba.
-
Sa iyong palagay, bakit napakahalaga sa Panginoon ang ating mga motibo, kahit gumagawa tayo ng mabubuting gawain?
Balikan ang chart mo at ikumpara ang mga dahilan mo sa paggawa ng mabubuting gawain sa itinuro ng Tagapagligtas na nakatala sa Mateo 6.
-
Sa iyong palagay, bakit ka dapat “magsikap na maglingkod para sa mga dahilang pinakadakila at pinakamabuti”? (Dallin H. Oaks, “Why Do We Serve?” Ensign, Nob. 1984, 13).
-
Kung nahihirapan ang isang tao na gumawa para sa mga tamang dahilan, ano ang imumungkahi mong gawin niya?
Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan, ang tungkol sa mga layunin ng Tagapagligtas sa pagsasagawa ng Kanyang mga gawain. Panoorin ang video na “Sa Pagiging Tapat” mula sa time code na 15:34 hanggang 16:29, o basahin ang sumusunod na teksto.
Ang pinakadakila, pinakamahusay, pinakatagumpay na taong nabuhay sa daigdig na ito ang siya ring pinakamapagkumbaba. Isinagawa Niya ang ilan sa Kanyang lubhang kahanga-hangang paglilingkod sa mga pribadong sandali, na iilan lang ang nakamasid, na sinabihan Niyang “huwag sabihin kanino man” ang Kanyang ginawa [tingnan sa Lucas 8:56]. Nang may tumawag sa Kanya na “mabuti,” agad Niyang tinanggihan ang papuri, na iginigiit na Diyos lamang ang tunay na mabuti [tingnan sa Marcos 10:17–18]. Malinaw na walang halaga sa Kanya ang papuri ng mundo; ang tanging layunin Niya ay paglingkuran ang Kanyang Ama at “gawing lagi ang mga bagay na sa kaniya’y nakalulugod” [Juan 8:29]. Makabubuting tularan natin ang halimbawa ng ating Panginoon.
(Dieter F. Uchtdorf, “Sa Pagiging Tapat,” Liahona, Mayo 2015, 83)
Mag-isip ng mga halimbawa na naglalarawan sa mga layunin ng Tagapagligtas sa paggawa ng Kanyang gawain.
-
Ano ang hinangaan mo sa mga halimbawang ito?
-
Paano nadaragdagan ng mga halimbawang ito ang iyong pagkaunawa sa pagmamahal ng Tagapagligtas at kung bakit Siya nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan?
-
Ano ang nadarama mo tungkol sa iyong mga motibo sa paggawa ng mabubuting gawain?
-
Sa paanong mga paraan makaiimpluwensya ang iyong mga motibo sa paggawa ng mabubuting gawain sa iyong ugnayan sa Ama sa Langit?
-
Ano ang isang bagay na magagawa mo upang matularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa paggawa ng mabubuting gawain?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Ano ang mga tamang dahilan para sa paglilingkod natin?
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang tungkol sa mga tamang dahilan sa paglilingkod:
Itinuro ng propetang si Moroni na kung ang ating mga gawain ay kikilalanin para sa kabutihan, dapat gawin ang mga ito para sa mga tamang dahilan. Kung ang isang tao ay “mag-aalay ng handog, o mananalangin sa Diyos, maliban kung ito ay gagawin niya nang may tunay na layunin, ito ay walang kapakinabangan sa kanya.
“Sapagkat masdan, ito ay hindi ibibilang sa kanya para sa kabutihan.” (Moro 7:6–7.) …
… Ang dapat na dahilan ng ating paglilingkod ay para sa pagmamahal natin sa Diyos at sa ating kapwa-tao sa halip na para sa sariling kapakinabangan o anumang iba pang hindi gaanong magandang hangarin.
(Dallin H. Oaks, “Why Do We Serve?” Ensign, Nob. 1984, 12, 14)
Paano tayo mahihikayat ng patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo na gumawa ng mabubuting gawain?
Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa “pinakamabisa at nakagaganyak na puwersa sa ating buhay”:
Iniimpluwensyahan ng ating mga hangarin at [pag-iisip] ang ating mga kilos sa bandang huli. Ang patotoo sa katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ang pinakamabisa at nakagaganyak na puwersa sa ating buhay. Paulit-ulit na binigyang-diin ni Jesus ang kapangyarihan ng mabubuting kaisipan at wastong mga hangarin: “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot” (D&T 6:36).
… Hinihikayat tayo ng ating patotoo na mamuhay nang matwid, at ang matwid na pamumuhay ay lalong magpapalakas sa ating patotoo. …
… Ang patotoo ay naghihikayat sa ating piliin ang tama sa lahat ng oras at sa lahat ng sitwasyon. Hinihikayat tayo nitong lumapit pa sa Diyos, at Siya rin sa atin (tingnan sa Santiago 4:8).
(Dieter F. Uchtdorf, “Ang Bisa ng Personal na Patotoo,” Liahona, Nob. 2006, 37, 39)