Seminary
Mateo 7:1–5


Mateo 7:1–5

Itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Disipulo na Humatol nang Matwid

Nakaupo si Jesucristo sa ibabaw ng bato sa dalampasigan ng dagat ng Galilea. Maraming tao ang nakapaligid sa Kanya. Ang mga tao ay nakikinig sa pangangaral ni Cristo. (Marcos 4:1) (Lucas 5:1)

Sa Kanyang Sermon sa Bundok, itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo na humatol nang matwid. Sa lesson na ito, magkakaroon ka ng pagkakataong matuto tungkol sa paghatol nang matwid.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang alam nila tungkol sa mga paghatol na dapat nilang gawin, at ang mga paghatol na dapat nilang iwasang gawin. Hikayatin sila na isipin ang mga tanong na mayroon sila tungkol sa paghatol.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Dapat tayong humatol nang matwid

Basahin ang mga sumusunod na sitwasyon kasama ang buong klase, at sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung anong uri ng mga paghatol ang maaaring gawin ng isang tao sa bawat sitwasyon. Maaari mong baguhin ang mga sitwasyon upang mas maiangkop ang mga ito sa mga estudyante.

  • May nag-aanyaya sa iyo sa isang party kung saan maraming tinedyer ang gagamit ng mga sangkap na labag sa Word of Wisdom.

  • May isang tao na gusto kang maging malapit na kaibigan ngunit ibang-iba ang mga pamantayan niya sa buhay.

  • Ang mga ginagawang aktibidad ng isang miyembro ng iyong ward sa araw ng Sabbath ay naiiba sa ginagawa ng iyong pamilya.

  • Nalaman mo na nakagawian na ng isang kaibigan mo na tumingin sa pornograpiya.

Sa lesson na ito, matututuhan mo kung paano humatol nang matwid. Magkakaroon ka ng pagkakataong balikan ang mga saloobin mo tungkol sa mga sitwasyong ito at magamit ang natutuhan mo.

  • Ano ang mga tanong mo tungkol sa paghatol?

Habang pinag-aaralan mo ang lesson ngayon, pag-isipan kung ano ang nadarama mo tungkol sa paghatol, at pakinggan ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Itala ang mga impresyong nagpapalawak ng iyong pag-unawa tungkol sa mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa paghatol. Basahin ang Mateo 7:1 . Kadalasang nabibigyan ng maling pagpapakahulugan ang talatang ito at sinasabing itinuro ng Tagapagligtas na hindi tayo dapat humatol kailanman. Ngayon, basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng talatang ito (sa Matthew 7:2, sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia).

  • Paano napapalawak ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang iyong pagkaunawa tungkol sa itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa paghatol?

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng humatol nang matwid?

Basahin ang sumusunod na pahayag:

Maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag upang makasabay ang mga estudyante habang may nagbabasa nito nang malakas.

Ang paghatol ay mahalagang paggamit ng ating kalayaang pumili at nangangailangan ng higit na pag-iingat, lalo na kapag hinahatulan natin ang ibang tao. Lahat ng paghatol natin ay dapat ginagabayan ng matwid na mga pamantayan. Tanging ang Diyos lamang, na nakaaalam sa puso ng bawat tao, ang makagagawa ng huling paghatol sa mga indibiduwal.

Kung minsan nadarama ng mga tao na maling hatulan ang iba sa anumang paraan. Bagama’t totoo na hindi natin dapat kundenahin o hatulan ang iba nang di-makatwiran, kakailanganin nating gumawa ng mga paghatol tungkol sa mga ideya, sitwasyon, at tao sa buong buhay natin. …

… Hangga’t kaya natin, dapat nating hatulan ang mga sitwasyon ng mga tao sa halip na ang mga tao mismo. Kung maaari, iwasan nating humatol hanggang sa magkaroon tayo ng sapat na kaalaman sa katotohanan. At dapat tayong maging sensitibo sa Banal na Espiritu, na gagabay sa ating mga desisyon.

(Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Paghatol sa Kapwa,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/manual/gospel-topics/judging-others?lang=tgl)

  • Anong mga salita o parirala sa pahayag na ito ang tumulong sa iyo na maunawaan ang paghatol nang matwid?

Hindi natin dapat pagtuunan ang mga kasalanan ng iba

Kamay na may hawak na binhi ng mustasa.
Isang troso na pinutol mula sa matandang oak na kinunan ng retrato na may puting background. (vert)

Basahin ang Mateo 7:2–5, at alamin ang iba pang turo tungkol sa paghatol. Sa talata 3, tinukoy ng Tagapagligtas ang napakaliit na piraso ng kahoy bilang puwing at ang malaking piraso ng kahoy bilang troso.

Maaari mong ipakita sa mga estudyante ang mga kasamang larawan ng puwing at troso.

Bilang alternatibo, magdala ng maliit na piraso ng kahoy (o iba pang maliit na bagay) at isang malaking piraso ng kahoy (o iba pang malaking bagay). Mag-anyaya ng dalawang estudyante upang maipakita ang talinghagang ito sa pamamagitan ng maingat na pagpapahawak sa kanila ng bawat isa sa mga bagay na ito sa harap ng kanilang mga mata.

  • Bakit magiging mahirap para sa isang taong may troso sa harap ng kanyang mata na alisin ang puwing sa mata ng iba?

  • Ano sa palagay mo ang itinuturo ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng analohiya ng troso at puwing?

Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilan sa mga sumusunod na alituntunin:

Ang paraan ng paghatol natin sa iba ay nakaaapekto sa paraan ng paghatol sa atin ng Tagapagligtas.

Kung pagtutuunan natin ang pagtingin at pagsisisi sa ating mga sariling kasalanan at kahinaan, mas malamang na hindi natin hahatulan ang iba nang hindi matwid.

Pagkatapos nating magsisi sa sarili nating mga kasalanan, matutulungan natin nang mas mabuti ang iba.

Kapag binanggit ng mga estudyante ang mga ito o ang iba pang mga alituntunin, isulat ang mga ito sa pisara ayon sa pagkakasabi ng mga estudyante.

  • Bakit mahalagang maisaisip natin ang mga turong ito?

  • Ano ang matututuhan mo tungkol kay Jesucristo mula sa mga turong ito?

  • Bakit kung minsan ay mahirap mamuhay ayon sa mga turo ni Cristo tungkol sa paghatol?

  • Paano mo hihingin ang tulong ng iyong Ama sa Langit, sa pamamagitan ni Jesucristo, upang maipamuhay mo ang mga alituntuning ito?

Magsanay na ipamuhay ang mga alituntunin ng matwid na paghatol

Pumili ng isa sa mga sitwasyon mula sa simula ng lesson, o mag-isip ng katulad na sitwasyon.

Maaari mong pagpartnerin o hatiin sa maliliit na grupo ang mga estudyante para sa aktibidad na ito. Puntahan nang ilang sandali ang mga grupo, at makisali sa talakayan nila kung naaangkop.

  • Aling sitwasyon ang pinili ninyo?

  • Anong mga matwid na paghatol ang dapat ninyong gawin tungkol sa sitwasyong ito?

  • Anong mga paghatol ang dapat ninyong iwasang gawin?

  • Ayon sa mga turo ng Tagapagligtas, paano kayo magiging patas at maawain sa mga paghatol na gagawin ninyo?

  • Paano makatutulong ang pag-alala sa sarili ninyong mga kasalanan at kahinaan sa ganitong uri ng sitwasyon?

Anyayahan ang mga nagboluntaryo na magbahagi ng kanilang mga komento. Pakinggang mabuti ang mga sagot ng mga estudyante upang masuri kung gaano sila kahusay na natuto.

Kung minsan, inaakala ng mga tao na ang ibig sabihin ng mga turo ng Tagapagligtas sa Mateo 7:1–5 ay hindi tayo dapat humatol kailanman. Nilinaw ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan na may ilang uri ng paghatol na hinihikayat tayong gawin:

Opisyal na Larawan ni Pangulong Dallin H. Oaks na kuha noong Marso 2018.

May dalawang uri ng paghatol: kaagad na paghatol na ipinagbabawal sa ating gawin, at mga paghatol sa nararapat gawin na ipinagagawa sa atin, ngunit ayon sa matwid na mga alituntunin. …

… Isipin natin ang ilang alituntunin o aspekto na humahantong sa “matwid na paghatol.”

Una, ang matwid na paghatol, ayon sa kahulugan nito, ay dapat pumapagitna. Hindi ito magsasabing tiyak na ang kadakilaan ng isang tao o siya ay tiyak na mapupunta sa impiyerno. …

Ikalawa, ang matwid na paghatol ay ginagabayan ng Espiritu ng Panginoon, hindi ng galit, paghihiganti, pagkainggit, o pansariling interes. …

Ikatlo, upang maging matwid, ang isang pumapagitnang paghatol ay dapat na sakop ng ating pangangasiwa. Hindi tayo dapat manghimasok at magpatupad ng mga paghatol na nasa labas ng ating mga personal na responsibilidad. …

Ikaapat, hangga’t maaari, iwasang humatol hanggang sa magkaroon kayo ng sapat na kaalaman sa katotohanan. …

Ang ikalimang alituntunin ng matwid na pumapagitnang paghatol ay hangga’t maaari, iiwas tayo sa paghatol ng mga tao, at hahatulan lamang ang mga sitwasyon.

(Dallin H. Oaks, “‘Judge Not’ and Judging,” Ensign, Ago. 1999, 7, 9–11)

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang kanilang mga sagot sa unang tanong. Maaaring talakayin ang iba pang susunod na tanong ng buong klase, o maaaring sagutin ng mga estudyante ang mga tanong na ito sa study journal.

  • Aling mga paghatol ang dapat kong gawin, at alin ang dapat kong iwasang gawin?

  • Ano ang natutuhan mo sa lesson na ito tungkol sa matwid na paghatol? Paano makatutulong sa iyo ang natutuhan mo na mas makita ang iba at ang iyong sarili tulad ng ginagawa ng Tagapagligtas?

  • Paano nasagot ang iyong mga tanong tungkol sa paghatol? Kung may mga tanong kang hindi pa nasasagot, ipagpatuloy ang iyong pag-aaral at maghanap ng mga sagot mula sa Espiritu Santo.

  • Ano ang makatutulong sa iyo upang hindi ka maging masyadong mapanghusga sa ibang tao sa iyong buhay?

Maaari kang magpatotoo tungkol sa paghatol nang matwid.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Paano tinitingnan ng Diyos ang Kanyang mga anak?

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na pantay-pantay tayong lahat sa paningin ng ating Ama sa Langit:

Opisyal na larawan ni Pangulong Russell M. Nelson na kuha noong Enero 2018

Bawat isa sa atin ay may banal na potensiyal dahil bawat isa ay anak ng Diyos. Lahat ay pantay-pantay sa Kanyang paningin. Malawak ang implikasyon ng katotohanang ito. Mga kapatid, sana’y makinig kayong mabuti sa sasabihin ko. Pantay-pantay ang pagmamahal ng Diyos sa lahat ng lahi. Malinaw ang Kanyang doktrina ukol sa bagay na ito. Inaanyayahan Niya ang lahat na lumapit sa Kanya, “maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae” [2 Nephi 26:33].

(Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 94)

Paano makakaapekto ang pagkakaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo sa paraan ng paghatol ninyo?

Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa pagiging katulad ni Cristo, na makatutulong sa atin na humatol nang matwid.

Opisyal na larawan ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol, Enero 2016.

Upang maging katulad ni Cristo, ang isang tao ay dapat umibig sa kaawaan. Ang mga taong umiibig sa kaawaan ay hindi mapanghusga; sila ay nagpapakita ng pagkahabag sa kapwa, lalo na sa mga taong kapus-palad; sila ay mapagmahal, mabait, at marangal. Pinakikitunguhan ng mga indibiduwal na ito ang lahat nang may pag-ibig at pag-unawa, anuman ang mga katangian nila tulad ng lahi, kasarian, relihiyon, oryentasyong seksuwal, estado sa lipunan, at mga pagkakaiba sa lipi, angkan, o nasyonalidad. Ang mga ito ay napangingibabawan ng pag-ibig na tulad ng kay Cristo.

Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay nasa Unang Panguluhan, “Pagdating sa pagkapoot, tsismis, pagbabalewala, pangungutya, paghihinanakit, o pagnanais na magpahamak, sundin sana ninyo ang sumusunod: Itigil ito!”

3:18

Sinabi ni Elder J. Devn Cornish ng Pitumpu, “Hinuhusgahan natin ang ating sarili batay sa mga bagay na ginagawa natin o sa mga bagay na wala tayo at sa mga opinyon ng iba.

3:31