I-assess ang Iyong Pagkatuto 2
Mateo 3–7; Lucas 3–6; Marcos 1; Juan 2–4
Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang suriin ang mga mithiing itinakda mo, ang natututuhan mo, at ang personal na pag-unlad na naranasan mo sa pag-aaral mo ng Bagong Tipan sa taong ito.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagsunod kay Jesucristo
Ang natututuhan mo mula sa Bagong Tipan sa seminary ay naglalayong tulungan kang mas lubos na lumapit kay Jesucristo at maging Kanyang disipulo, o Kanyang alagad. Gawin ang isa sa sumusunod na tatlong aktibidad, at alamin ang mga pagpapalang dumarating kapag sinusunod natin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagkilos ayon sa Kanyang mga turo. Pagkatapos ay sagutin ang dalawang tanong na kasunod nito.
-
Kantahin o pakinggan ang awitin sa Primary na “Ang Matalino at ang Hangal” (Aklat ng mga Awit Pambata, 132), at basahin ang Mateo 7:24–27.
-
Sa isang piraso ng papel o sa iyong study journal, gumuhit ng simpleng representasyon ng mga turo ng Tagapagligtas sa Mateo 7:24–27.
-
Gamit ang mga blocks o baso, magtayo ng isang simpleng bahay o istruktura sa matibay na pundasyon, tulad ng sahig o desk o mesa. Pagkatapos ay magtayo ng isa pang simpleng istruktura sa hindi gaanong matibay na pundasyon, tulad ng kama, nakatuping kumot, o unan. Gamitin ang iyong mga kamay upang diinan ang surface sa tabi ng bawat istruktura, at obserbahan kung ano ang mangyayari. Basahin ang Mateo 7:24–27, at alamin ang mga pagkakatulad ng aktibidad na ito at ng talinghaga ng Tagapagligtas.
-
Ano ang natutuhan mo sa aktibidad na ito?
-
Anong mga pagpapala ang matatanggap natin kung kikilos tayo ayon sa mga turo ng Tagapagligtas?
Isipin ang pag-unlad na naranasan mo habang pinag-aaralan at pinagsisikapan mong ipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas mula sa Bagong Tipan sa taong ito. Sagutin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang ilang turo ni Jesucristo na napag-aralan mo na talagang naging makabuluhan para sa iyo?
-
Sa paanong mga paraan ka mas napalapit sa Tagapagligtas nang pag-aralan mo ang Kanyang mga salita?
-
Ano ang ilang turo na napag-aralan mo sa taon na ito na naipamuhay mo? Anong mga pagpapala ang naranasan mo bilang resulta?
Ang lesson na ito ay tutulong sa iyo na masuri ang ilang paraan kung paano mo itinatayo ang iyong buhay sa bato ni Jesucristo upang mapaglabanan mo ang mga hamon na maaaring dumating.
Ipaliwanag ang kahalagahan ng pagsisisi, binyag, at kumpirmasyon
Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa iyo na masuri kung gaano mo nauunawaan at maipapaliwanag ang doktrina ng Tagapagligtas tungkol sa pagsisisi, binyag, at kumpirmasyon. Pag-isipan ang sumusunod na dalawang pahayag, at magsulat ng iyong tugon sa bawat isa sa mga ito na makatutulong sa paglutas ng nakasaad na alalahanin. Gumamit ng kahit isang banal na kasulatan mula sa pinag-aralan mo kamakailan. Maaaring makatulong ang mga reperensyang banal na kasulatan na nasa mga panaklong. Huwag mag-atubiling magsama ng anumang personal na karanasan o patotoo.
-
Matino akong tao. Bakit ko aalalahanin ang pagsisisi kung hindi naman ako gumagawa ng mabibigat na kasalanan? (Tingnan sa Mateo 3:1–8; Lucas 3:7–14.)
-
Naniniwala ako kay Jesucristo, ngunit sa palagay ko ay hindi ko kailangang magpabinyag at magpakumpirma upang makabalik sa piling ng Diyos. (Tingnan sa Marcos 1:1–9; Juan 3:5; 2 Nephi 31:5–12, 17–18.)
Alamin ang kakayahan mong labanan at daigin ang kasamaan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo
Napag-aralan mo kamakailan ang tungkol sa pagdaig ng Tagapagligtas sa mga tukso at nagkaroon ka ng pagkakataong gumawa ng plano na tularan ang Kanyang halimbawa at magtiwala sa Kanya habang kinakaharap mo ang sarili mong mga tukso. (Maaaring makatulong na rebyuhin ang Mateo 4:1–11 at ang isinulat mo sa iyong study journal para sa lesson na iyon.)
Upang matulungan kang masuri kung paano mo naipamuhay ang natutuhan mo, mag-ukol ng ilang minuto na pagnilayan ang iyong mga pagsisikap na tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas at umasa sa Kanya na mapaglabanan mo ang tukso. (Maaaring kabilang dito ang mga banal na kasulatan na sinikap mong matandaan o maisaulo.) Isipin ang natutuhan mo mula sa iyong karanasan habang pinag-iisipan mo ang sumusunod na sitwasyon:
Isipin kunwari na nahihirapan ang isang kaibigan na mapaglabanan ang tuksong tumingin sa pornograpiya. Sinikap niyang alisin ang tukso sa pamamagitan ng hindi paggamit ng internet kapag nag-iisa siya at hindi pagtatabi ng kanyang telepono sa kanyang silid tuwing gabi. Nakaranas siya ng malaking tagumpay nang ilang araw ngunit nagpatangay ulit siya sa tukso pagkatapos nito. Galit na galit siya sa kanyang sarili kaya naiwasan niya ulit ang pornograpiya nang ilang araw bago siya muling nagpatangay. Kailangan niya ng ilang karagdagang ideya at tulong para makahugot ng lakas sa Tagapagligtas upang mapaglabanan ang tuksong ito.
Sumulat ng maikling mensahe sa iyong kaibigan, nang hindi ibinabahagi ang iyong sariling mga tukso. Isama sa iyong sagot ang dalawa o mahigit pa sa mga sumusunod:
-
isang bagay na ginawa mo upang bumaling sa Panginoon na nakatulong sa iyo na mapaglabanan ang tukso
-
ang nalalaman mo tungkol kay Jesucristo na makatutulong sa iyong kaibigan na madamang minamahal siya at mahikayat na patuloy na paglabanan ang tukso
-
ang iminumungkahi mong gawin ng kaibigan mo upang matularan ang halimbawa ng Tagapagligtas at magtiwala sa Kanya upang mapaglabanan ang tukso
-
ang mga tagumpay at hamon na maaaring maranasan ng iyong kaibigan sa hinaharap at payo kung paano siya makaaasa sa Panginoon habang pinagdaraanan niya ang mga ito
Pag-isipan kung paano ka maaaring personal na matutulungan ng aktibidad na ito. Ano ang gusto mong gawin upang patuloy na mapaglabanan at madaig ang tukso nang may lakas mula kay Jesucristo? Kung ikaw ay pinanghihinaan ng loob o nalilito, maaari mong ipagdasal ang iyong mga alalahanin at nararamdaman. Makatutulong din na makipag-usap sa magulang o bishop. Huwag mawalan ng pag-asa habang pinagsisikapan mong isalig ang iyong buhay sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo.
Pagnilayan ang iyong hangarin na taos-pusong sambahin at sundin ang Diyos
Ang isang huling alituntunin na dapat mong pag-isipan ay ang hangarin mong taos-pusong sambahin ang Diyos at sundin si Jesucristo. Sa isang nakaraang lesson, natutuhan mo na kung gagawa tayo ng mabubuting gawain para malugod ang Ama sa Langit, gagantimpalaan Niya tayo nang hayagan (tingnan sa Mateo 6:1–6; 16–18). Sa pag-aaral mo ng katotohanang ito, maaaring may napunan kang isang chart na tulad nito:
Anong tatlong mabubuting gawain ang nagawa mo noong nakaraang linggo? (Maglista ng isa kada hanay.) |
Ano ang mga dahilan kung bakit mo ginawa ang mga ito? |
Ano ang naramdaman mo pagkatapos mong gawin ang “mabubuting gawain” na ito? |
Maaari kang magdagdag sa chart ng isa o dalawang mabubuting gawain na nagawa mo mula noong lesson na iyon at sagutin ang mga karagdagang tanong sa chart. Pag-isipang mabuti kung mas tapat kang nakapagtuon sa Diyos.
-
Kung nadarama ng isang tao na nahihirapan siyang gumawa ng mabubuting gawain upang malugod ang Diyos, anong payo ang maibibigay mo sa kanya?