Seminary
Mateo 6:19–34


Mateo 6:19–34

“Hanapin Muna Ninyo ang Kaharian ng Diyos”

Itinuro ni Cristo na lahat ng bagay ay idaragdag sa mga yaong naghahanap sa kaharian ng Diyos.

Bilang bahagi ng Sermon sa Bundok, itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo na “[hangarin munang itayo] ang kaharian ng Diyos” (Mateo 6:33). Sa lesson na ito, magkakaroon ka ng pagkakataong pagnilayan at ibahagi ang kahalagahan ng pag-una sa Diyos sa iyong buhay.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila maibabahagi sa iba ang kahalagahan at mga pagpapala ng pag-una sa Diyos sa kanilang buhay.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na “hanapin muna … ang kaharian ng Diyos”

Basahin ang mga sumusunod na sitwasyon sa tunay na buhay:

  • Isang binatilyo sa California,USA, ang mahusay na surfer, ngunit magkasabay ang iskedyul ng seminary sa oras ng pagsasanay niya para sa kanyang high school surf team.

  • Isang dalagita sa Brazil ang espesyal na inanyayahan sa pagdiriwang ng ika-15 kaarawan ng kanyang kaibigan, ngunit kakailanganin niyang magsuot ng damit na hindi ayon sa kanyang mga pamantayan.

  • Isang binatilyo sa New Zealand ang mahusay na manlalaro ng rugby, at nakikinitang makatatanggap siya ng alok na maglaro sa propesyonal na koponan, ngunit nasa edad na siya upang maglingkod sa full-time na misyon.

Ang mga ito ay halimbawa ng mga sitwasyon kung saan maaaring piliin ng mga kabataan na unahin ang Diyos sa kanilang buhay, bagama’t hindi ito magiging madali.

  • Anong mga tanong o alalahanin ang maaaring maisip ng mga kabataan sa mga sitwasyong ito tungkol sa pag-una sa Diyos sa kanilang buhay?

  • Anong mga tanong o alalahanin ang maaaring mayroon kayo ng mga kaibigan mo tungkol sa pag-una sa Diyos sa inyong buhay?

Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, hilingin sa Panginoon na tulungan kang matugunan ang iyong mga alalahanin at madama ang kahalagahan ng pag-una sa Kanya. Pag-aralan ang isa sa mga sumusunod na grupo ng mga talata. Hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo upang matulungan kang mahanap at maunawaan ang mga katotohanang itinuro ng Tagapagligtas na makatutulong sa iyo na unahin ang Diyos sa iyong buhay.

Maaaring piliin ng mga estudyante kung aling hanay ng mga scripture verse ang pag-aaralan nila, o maaari mo silang bigyan ng Opsiyon A o Opsiyon B. Maaaring makatulong na ipakita sa pisara ang mga sumusunod na opsiyon.

Opsiyon A:Mateo 6:19–24. Sa mga talatang ito, ginamit ng Tagapagligtas ang salitang mga kayamanan upang tukuyin ang mga bagay na lubos nating pinahahalagahan, at ang mata bilang simbolo ng ating pananaw o pinagtutuunan sa buhay. Nililinaw ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang itinuro ng Panginoon sa talata 22, “Kung tapat nga ang iyong mata sa kaluwalhatian ng Diyos, ang buong katawan mo ay mapupuspos ng liwanag” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 6:22 [sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia,]; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 88:67).

Opsiyon B: Mateo 6:25–34. Nililinaw ng Pagsasalin ni Joseph Smith sa mga talatang ito na ang Panginoon ay nangungusap sa Kanyang mga Apostol tungkol sa kanilang responsibilidad na “humayo … sa daigdig … turuan ang mga tao” (Joseph Smith Translation, Matthew 6:25–26 [sa Joseph Smith Translation Appendix]). Ang tagubilin ng Panginoon ay partikular sa Labindalawang Apostol sa panahong ito, ngunit naaangkop din sa ating lahat ang alituntuning itinuro Niya. Pansinin ang mga halimbawa ng kung paano pinangangalagaan ng Diyos ang Kanyang mga nilikha, kabilang tayo. Habang nag-aaral ka, pagtuunan ng pansin ang talata 33: ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng talatang ito ay nagsisimula sa, “Kaya nga, huwag hanapin ang mga bagay ng daigdig na ito sa halip inyo munang hangaring itatag ang kaharian ng Diyos” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 6:38 [sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia]).

  • Habang binabasa mo ang mga salita ng Tagapagligtas at inaanyayahan ang patnubay ng Espiritu Santo, ano ang nalaman mo na naging makabuluhan sa iyo? Bakit ito makabuluhan?

Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaari mong isulat sa pisara ang anumang alituntuning babanggitin nila. Kung nahihiyang magbahagi ng mga alituntunin ang mga estudyante, maaari mong itanong ang, “Paano ninyo ibubuod ang isa sa mga katotohanang itinuro ng Tagapagligtas?”

Nagturo ang Tagapagligtas ng mga totoong alituntunin sa mga talatang ito, kabilang na ang hindi natin sabay na mapaglilingkuran ang Diyos at ang mga kayamanan (o kamunduhan) at kung hahangarin muna nating itayo ang kaharian ng Diyos, ibibigay Niya sa atin ang alam Niyang kailangan natin.

  • Ano ang alam mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na makapaghihikayat sa iyo na unahin Sila sa iyong buhay?

Mga kabataang inuuna ang Diyos

5:38
3:50
3:31
  • Kailan mo inuna ang Diyos sa iyong buhay?

  • Anong mga pagpapala ang nakita mo bilang resulta ng iyong desisyon?

Hikayatin ang iba na unahin ang Diyos

Maglaan ng ilang sandali upang pag-isipan kung paano naaangkop sa iyo ang mga turo ng Tagapagligtas na unahin ang Diyos sa iyong buhay. Patuloy na humingi ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo habang kinukumpleto mo ang lesson na ito.

Ipagpalagay na inanyayahan ng iyong stake o district presidency ang iyong korum o klase na gumawa ng video upang matulungan ang mga kabataan sa inyong lugar na mahikayat na unahin ang Diyos sa kanilang buhay. Pinaplano ng panguluhan na ipapanood ang video sa isang youth event.

Maaaring planuhin ng mga estudyante ang video nang mag-isa o sa maliliit na grupo. Kung hindi magiging angkop ang pagpaplano ng isang video para sa iyong mga estudyante, maaari silang magplano na lang ng isang mensahe o lesson tungkol sa pag-una sa Diyos sa kanilang mga buhay.

Gumawa ng detalyadong outline para sa iyong video. (Hindi mo kailangang mag-record ng video; kailangan mo lang gumawa ng plano.) Isama ang mga sumusunod sa iyong outline:

  • Kahit isang katotohanan na itinuro ng Tagapagligtas sa Mateo 6 at isang paliwanag kung paano nito matutulungan ang mga kabataan na unahin ang Diyos sa kanilang mga buhay.

  • Isang halimbawa sa panahong ito ng isang taong inuuna ang Diyos sa kanyang buhay. Ang halimbawang ito ay maaaring personal na karanasan o karanasan ng isang taong kilala mo. Sumulat ng isang simpleng buod ng halimbawa.

Isama rin sa iyong outline ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod:

  • Isang pahayag mula sa isang lider ng Simbahan

  • Mga larawan o visual na maaari mong isama at kung kailan mo isasama ang mga ito

  • Ang iyong personal na patotoo

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa klase kung ano ang gusto nilang isama sa kanilang video. Habang nagbabahagi sila, maaari kang magtanong ng mga follow-up na tanong tulad ng mga sumusunod: “Bakit mo piniling pagtuunan ang parirala o katotohanang iyan?” “Bakit iyan ang kuwento o karanasang ginamit mo?” “Sa iyong palagay, bakit makatutulong iyan sa mga kabataan ngayon?”

Maaari mong balikan ang mga alalahanin o tanong na ipinahayag ng mga estudyante sa simula ng lesson. Itanong sa mga estudyante, “Paano makatutulong ang natutuhan ninyo sa pagtugon sa mga alalahaning ito?”

Maaari mong ibahagi ang iyong plano para sa isang video sa mga kapamilya at kaibigan mo. Magandang gawin ito kapag tinalakay ninyo ng pamilya mo ang paksang ito sa inyong pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin.

Kung kaya mo, maaari mong gawin ang iyong video at ibahagi ito sa iba.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Anong mga pagpapala ang natatanggap natin kapag inuuna natin ang Diyos sa ating buhay?

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):

Larawan ni Pangulong Ezra Taft Benson. Nakaupo siya sa isang upuang yari sa katad sa harap ng isang fireplace. Magkadaop ang kanyang mga palad at nakasuot siya ng malaking singsing na turquoise sa isang daliri. Opisyal na larawan. 1986

Dapat nating unahin ang Diyos sa lahat ng iba pang bagay sa ating buhay. …

Kapag inuna natin ang Diyos, lahat ng iba pang bagay ay nalalagay sa tamang lugar o naglalaho sa ating buhay. Ang pagmamahal natin sa Panginoon ang magiging batayan ng mga bagay na ating kinagigiliwan, ng ating panahon, ng mga hangaring ating inaasam, at ng pagkakasunud-sunod ng ating mga priyoridad.

(Ezra Taft Benson, “The Great Commandment—Love the Lord,” Ensign, Mayo 1988, 4)

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

Opisyal na larawan ni Pangulong Russell M. Nelson na kuha noong Enero 2018

Handa ka bang hayaan ang Diyos na maging pinakamahalagang impluwensya sa buhay mo? …

Isipin kung gaano kayo mapagpapala ng gayong kahandaan. …

Kung tapat ang mga tanong ninyo tungkol sa ebanghelyo o sa Simbahan, kapag pinili ninyong manaig ang Diyos, kayo ay aakayin para mahanap at maunawaan ang tiyak at walang-hanggang mga katotohanan na gagabay sa inyong buhay at tutulong sa inyo na manatiling matatag sa landas ng tipan.

Kapag nahaharap kayo sa tukso—dumating man ang tukso sa oras na kayo ay pagod o sa mga panahong dama ninyo na kayo ay nalulungkot o di-nauunawaan—isipin ang maiipon ninyong lakas ng loob sa pagpiling hayaang manaig ang Diyos sa inyong buhay at sa pagsamo ninyo sa Kanya na palakasin kayo. …

… Kapag pinili ninyong manaig ang Diyos sa inyong buhay, mararanasan ninyo para sa inyong sarili na ang ating Diyos ay “isang Diyos ng mga himala” [Mormon 9:11].

(Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 94, 95)

Ano ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang sabihin Niyang, “Huwag kayong mabalisa sa inyong buhay,” at “Huwag ninyong alalahanin ang bukas”? (Mateo 6:25, 34)

Ano ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang sabihin Niyang, “Sapat na para ngayon ang kabalisahan sa araw na ito”? (Mateo 6:34)

Ang ibig sabihin ng pariralang ito ay “Huwag problemahin ang bukas—sapat na ang iyong hinaharap sa ngayon” (New Testament Student Manual, 29).

Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Mag-ingat sa mga bulaang propeta

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa ng mga ideya na karaniwang tinatanggap ng mundo ngunit salungat sa plano ng Ama sa Langit. Ipaliwanag na ang mga bulaang propeta ay mga indibiduwal o grupo na nagsusulong ng mga ideya na salungat sa plano ng Ama sa Langit at nagtatangkang wasakin ang pananampalataya at mga patotoo kay Jesucristo. Basahin ang Mateo 7:15–20 at talakayin ang mga turo ng Tagapagligtas sa pagtukoy sa mga bulaang propeta at kung bakit mahalaga ang mga turong ito sa ating panahon. Maaaring makatulong ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:

Opisyal na Larawan ni Pangulong Dallin H. Oaks na kuha noong Marso 2018.

“Matindi ang hangarin ni Satanas na lituhin ang isip natin o iligaw tayo tungkol sa mahahalagang bagay. … Ang Tagapagligtas ay … ibinigay sa atin ang pagsubok na ito para tulungan tayo na piliin ang katotohanan mula sa iba’t ibang turo na maaaring makalito sa atin: “Makikilala ninyo sila sa pamamagitan ng kanilang mga bunga,” ang turo Niya (3 Nephi 14:16). … Kung gayon, dapat nating tingnan ang mga resulta—“ang mga bunga”—ng mga alituntuning itinuturo at ang mga taong nagtuturo ng mga ito. Iyan ang pinakamainam na sagot sa maraming pagtutol na naririnig natin laban sa Simbahan at sa mga doktrina at pamamalakad at pamumuno nito. Sundin ang itinuro ng Tagapagligtas. Tumingin sa mga bunga—sa mga resulta.

(Dallin H. Oaks, “Ang Melchizedek Priesthood at ang mga Susi,” Liahona, Mayo 2020, 71).