Seminary
Filipos 4


Filipos 4

Paghahanap ng Kagalakan at Kapayapaan kay Jesucristo

Larawan
Young woman pondering.

Ano ang nagdudulot sa iyo ng kapayapaan at kapanatagan sa panahon ng pagkabalisa at pagsubok? Sa kanyang liham sa mga taga Filipos, madalas magsalita si Pablo tungkol sa kagalakan at kapayapaan. Sa pagtatapos ng liham na ito, itinuro ni Pablo na si Jesucristo ang pinagmumulan ng kapayapaan at kagalakan at binigyang-diin niya ang magagawa ng mga Banal upang makadama ng kagalakan at “kapayapaan ng Diyos” (Filipos 4:7). Habang nag-aaral ka, sikaping tukuyin ang mga paraan na makatatanggap ka ng dagdag na kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo sa iyong sariling buhay.

Mga writing exercise. Ang pag-anyaya sa mga estudyante na tumugon sa mga tanong na pag-iisipan nang mabuti sa pamamagitan ng pagsusulat ay makatutulong sa kanila na mapalalim at mapalinaw ang kanilang pag-iisip. Kapag sinasagot ng mga estudyante ang mga tanong sa pamamagitan ng pagsulat bago ibahagi sa klase ang kanilang mga ideya, nagkakaroon sila ng oras sila na pag-isipan nang mabuti ang kanilang mga ideya at tumanggap ng mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na itanong sa ilang kaibigan o kapamilya kung paano sila binibigyan ni Jesucristo ng kapayapaan at kagalakan sa kanilang buhay.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Layunin ng sumusunod na aktibidad na tulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga balakid na kinakaharap nila patungo sa kapayapaan at kaligayahan. Makatutulong din ito para malaman nila kung saan sila pupunta upang makahanap ng higit na kapayapaan at kaligayahan. Maaari mong ipakita ang larawang ito o muling likhain ito upang makita ng mga estudyante.

Mga hamon ni Pablo

Suriin ang sumusunod na larawan na kumakatawan kay Apostol Pablo at sa ilan sa kanyang mga hamon at posibleng alalahanin. Isaalang-alang na ang mga ito ay karagdagan sa pagkabilanggo ni Pablo sa bahay habang isinusulat ang kanyang liham sa mga Banal sa Filipos. Isipin kung paano maaaring naging mga balakid ang mga hamong ito sa pagkakaroon ni Pablo ng kapayapaan at kagalakan.

Larawan
New Testament Seminary Teacher Manaul - 2023

Sa iyong study journal, gumawa ng bilog na may stick figure o guhit na linya na kumakatawan sa iyo, tulad ng kay Pablo. Sa labas ng bilog, ilista ang ilan sa sarili mong mga pangamba o alalahanin na kung minsan ay nagpapahirap sa iyo na makadama ng kapayapaan at kagalakan.

Isipin kung alin sa mga sumusunod na tanong ang pinakamainam na talakayin sa klase at alin ang pinakamainam na sagutin ng mga estudyante sa kanilang study journal.

  • Saan naghahanap ang mga tao ng higit na kapayapaan at kagalakan sa buhay na ito? Saan ka naghahanap ng kapayapaan at kagalakan? Nagtagumpay ka na ba sa iyong mga pagsisikap?

Isang mensahe ng kagalakan at kapayapaan

Sa kabila ng pagkabilanggo sa bahay at pagharap sa iba pang hamon, madalas banggitin ni Pablo ang kagalakan at kapayapaan sa kanyang liham sa mga taga Filipos. Bagama’t sinabi ni Pablo sa mga taga Filipos na nakadama siya ng malaking kagalakan sa kanilang kabutihan at pagmamalasakit sa kanya (tingnan sa Filipos 4:1, 10, 14–16), palagi niyang ipinapaalala sa kanila ang pinakadakilang pinagmumulan ng kanyang kagalakan.

Basahin ang Filipos 4:4, 10, 13 , at maaari mong markahan kung sino ang inilarawan ni Pablo na pinagmumulan ng kanyang kagalakan at lakas.

  • Sa iyong palagay, bakit palaging binabanggit ni Pablo si Jesucristo bilang pinagmumulan ng kanyang lakas, kagalakan, at kapayapaan?

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson kung bakit si Jesucristo ang pinagmumulan ng kapayapaan at kagalakan.

Larawan
Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Mahal kong mga kapatid, ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.

Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan ng Diyos … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay. Ang kagalakan ay nagmumula sa at dahil sa Kanya. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng kagalakan. …

Kung paanong nag-aalok ng kapayapaan ang Tagapagligtas na “di masayod ng pagiisip” [ Mga Taga Filipos 4:7 ], gayundin naman na nag-aalok Siya ng matindi, malalim, at malawak na kagalakan na hindi masayod ng isipan ng tao. Halimbawa, tila imposibleng magalak kapag may malubhang karamdaman ang anak mo o nawalan ka ng trabaho o nagtaksil ang asawa mo. Ngunit iyon mismo ang kagalakang iniaalok ng Tagapagligtas. Ang Kanyang kagalakan ay hindi nagbabago, na tinitiyak sa atin na ang ating “mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang” [ Doktrina at mga Tipan 121:7 ] at ilalaan sa ating kapakinabangan [tingnan sa 2 Nephi 2:2 ].

(Russell M. Nelson, “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Liahona, Nob. 2016, 82)

  • Ano ang itinuro ni Pangulong Nelson na pinakamakabuluhan sa iyo? Bakit?

  • Sa iyong palagay, paano makakaapekto sa iyong buhay ang tunay na pag-unawa at pagsasabuhay ng turo ni Pangulong Nelson?

  • Paano ka nabigyan ni Jesucristo ng kapayapaan at kagalakan sa iyong buhay?

Pagtatamo ng kagalakang ibinibigay ni Jesucristo

Ang sumusunod na aktibidad ay maaaring gawin ng mga estudyante nang mag-isa, o maaaring mag-aral nang mag-isa ang mga estudyante at pagkatapos ay sama-samang gumawa ng listahan bilang isang klase.

Kapwa nagbigay ng partikular na payo sina Pangulong Nelson at Apostol Pablo tungkol sa magagawa natin upang matamo ang kapayapaan at kagalakan na ginawang posible ni Jesucristo.

Basahin ang Filipos 4:6–9, 11 at ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Nelson, at alamin kung paano tayo makahahanap ng kapayapaan at kagalakan kay Jesucristo. Maaari mong markahan sa iyong mga banal na kasulatan o ilista sa iyong study journal ang nalaman mo. Tandaang binanggit ni Joseph Smith ang Filipos 4:8 bilang “payo ni Pablo” at isinama niya ito bilang bahagi ng ikalabintatlong saligan ng pananampalataya.

Larawan
Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Kung gayon, paano natin matatamasa ang kagalakang iyon? Masisimulan nating masdan “si Jesus na gumawa at sumakdal ng ating pananampalataya” [ Mga Hebreo 12:2 ] “sa bawat pag-iisip” [ Doktrina at mga Tipan 6:36 ]. Makapagpapasalamat tayo para sa Kanya sa ating mga panalangin at sa pagtupad ng mga tipan na ginawa natin sa Kanya at sa ating Ama sa Langit. Habang nagiging tunay sa atin ang Tagapagligtas at habang isinasamo nating ibigay sa atin ang Kanyang kagalakan, mag-iibayo ang ating kagalakan.

(Russell M. Nelson, “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Liahona, Nob. 2016, 82)

Bago o habang ginagawa ng mga estudyante ang sumusunod na aktibidad sa pag-aaral, maaari mong sabihin sa kanila na pakinggan, awitin, o basahin ang mga salita ng isang himno na nauugnay sa paksa ng kapayapaan. Para sa mga ideya ng mga himnong gagamitin, tingnan sa “Kapayapaan” sa index ng mga paksa ng Mga Himno, na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org.

Suriin ang listahan o mga tala mula sa pag-aaral mo ng Filipos at ng mga salita ni Pangulong Nelson, at isipin kung ano ang pinakamahalaga sa iyo at kung bakit. Tukuyin ang isang alituntunin at isulat ito sa iyong journal kasama ng reperensyang banal na kasulatan na pinagmulan nito. Maaaring ganito ang simula ng iyong katotohanan na nakasulat sa mga bold letter:

Maaari akong magalak at makatanggap ng higit pang kapayapaan ng Diyos kapag ako ay…

Humingi ng inspirasyon mula sa Espiritu upang mapalalim ang iyong pag-unawa sa katotohanang natagpuan mo sa pamamagitan ng karagdagang pag-aaral. Kasama sa ilang paraan na maaari mo itong gawin ay:

  • Paghahanap ng mga cross-reference sa mga nauugnay na banal na kasulatan. Ang mga ito ay maaaring mga doctrinal mastery passage o mga banal na kasulatan na matatagpuan sa mga talababa. Maaari mong isulat ang mga reperensyang banal na kasulatan na ito sa tabi ng talata kung saan mo natukoy ang alituntunin.

  • Pagrerebyu ng Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2011), na nakatuon sa “Pasasalamat,” “Katapatan at Integridad,” o iba pang pamantayan na nauugnay sa alituntuning natukoy mo.

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong ibahagi ang natutuhan nila. Magtanong ng mga follow-up na tanong na makatutulong sa kanila na maipamuhay ang natutuhan nila, tulad ng mga sumusunod:

  • Paano makatutulong sa inyo ang pagsasabuhay ng alituntuning ito upang makahanap ng kagalakan at kapayapaan? Ano ang gagawin ninyo para makatanggap ng tulong at lakas ng Tagapagligtas upang magawa ito?

  • Sa paanong paraan maaaring magbago ang buhay ninyo kapag nakadama kayo ng dagdag na pag-asa at “kapayapaan ng Diyos”?

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Ano ang magagawa ko kapag mahirap makahanap ng kapayapaan at pag-asa?

Paano ako makakahanap ng kapayapaan kay Jesucristo?

Itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Ulisses Soares, Quorum of the Twelve Apostles official portrait.

Sa pagsasaliksik kay Cristo sa bawat pag-iisip at pagsunod sa Kanya nang buo nating puso, kailangan nating iayon sa Kanya ang ating isipan at mga hangarin. Ang pag-aayon na ito ay tinutukoy sa mga banal na kasulatan bilang “[pagpapakatibay] sa Panginoon” [ Filipos 4:1 ]. Ang planong ito na kumilos ay nagpapahiwatig na patuloy tayong namumuhay nang naaayon sa ebanghelyo ni Cristo at araw-araw tayong nakatuon sa lahat ng bagay na mabuti. Saka lang natin matatamo “ang kapayapaan ng Diyos, na hindi maabot ng pag-iisip” at na “mag-iingat ng [ating] mga puso at mga pag-iisip kay Cristo Jesus” [ Filipos 4:7 ].

(Ulisses Soares, “Saliksikin si Cristo sa Bawat Pag-iisip,” Liahona, Nob. 2020, 82–83)

Itinuro ni Sister Jean B. Bingham, Relief Society General President:

Larawan
Official Portrait of Sister Jean B. Bingham. Photographed in 2017.

Si Jesucristo ay pinagmumulan din ng kapayapaan. Inaanyayahan Niya tayong “sumandig sa [Kanyang] malakas na bisig” [“Lean on My Ample Arm,” Hymns, blg. 120] at nangangako ng “kapayapaan … na di masayod ng pagiisip” [ Mga Taga Filipos 4:7 ], na nadarama kapag ang Kanyang Espiritu ay “[bumubulong] ng kapayapaan sa [ating] mga kaluluwa” [ Alma 58:11 ] anuman ang ating mga pagsubok. Mga personal na alalahanin man ito, problema sa pamilya, o krisis sa komunidad, darating ang kapayapaan kapag nagtiwala tayo na may kapangyarihan ang Bugtong na Anak ng Diyos na aliwin ang ating nasaktang kaluluwa.

(Jean B. Bingham, “Upang ang Inyong Kagalakan ay Malubos,” Liahona, Nob. 2017, 86)

Anong mga pagpapala ang darating kapag hinangad ko ang kapayapaan kay Jesucristo?

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

Larawan
Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Ngayon, mga minamahal kong kapatid, binabasbasan ko kayo na mapuno kayo ng kapayapaan ng Panginoong Jesucristo. Ang Kanyang kapayapaan ay higit pa sa kaya nating maintindihan. Binabasbasan ko kayo ng higit na paghangad at kakayahan na sundin ang mga batas ng Diyos. Ipinapangako ko na sa paggawa nito, makatatanggap kayo ng maraming biyaya, at ng dagdag na katapangan at personal na paghahayag, higit na pagkakaisa sa inyong mga tahanan, at kaligayahan, sa kabila ng kawalang-katiyakan.

(Russell M. Nelson, “Isang Bagong Normal,” Liahona, Nob. 2020, 119)

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Filipos 4:8 at Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13

Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na makita ang mga pagkakatulad ng Filipos 4:8 at Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13 . Pagkatapos ay maaaring gumawa ang mga estudyante ng pahayag na “kung/sa gayon” batay sa mga turong ito at sa pangako ni Pablo sa Filipos 4:9 . Bilang alternatibo, maaaring gawin ng mga estudyante ang isang bagay tulad ng aktibidad sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 sa heading na “Maaari kong ‘isipin’ ang mga bagay na totoo, tapat, at dalisay.”

Gumawa ng poster

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na gumawa ng poster na tulad ng mga matatagpuan sa magasin na Para sa Lakas ng mga Kabataan batay sa isa sa mga turo ni Pablo sa Filipos 4 . Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang ginawa nila at kung bakit nila pinili ang ginawa nila.

Print