Seminary
Filipos at Colosas


Filipos at Colosas

Pagkakaroon ng Lakas kay Jesucristo

Aktibidad sa Mutual, ang mga kabataang babae ng aming ward ay nagtulungan upang makarating sa tuktok ng isang bundok kung saan tanaw ang Lambak ng Utah.

Anong mga problema o hamon ang nararanasan mo at ng mga nakapaligid sa iyo? Bakit mahirap ang mga hamong ito? Iniisip mo ba kung matatanggap mo ang tulong na kailangan mo para madaig ang iyong mga hamon? Dumanas si Pablo ng maraming mahihirap na hamon sa kanyang buhay, kabilang na ang mga taon na ibinilanggo siya sa isang bahay sa Roma. Habang nasa ganitong mga sitwasyon gumawa siya ng mga sulat para sa mga Banal sa Filipos at Colosas at itinuro sa kanila na humingi ng lakas kay Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan na sa pamamagitan ni Jesucristo magkakaroon ka ng lakas na harapin ang mga hamon mo sa buhay.

Pagtulong sa mga estudyante na magturo. Ang pagbibigay ng mga pagkakataon sa mga estudyante na turuan ang isa’t isa ay makatutulong sa kanila na mas maunawaan at maipamuhay ang mga katotohanang natututuhan nila.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isaulo ang Filipos 4:13.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga hamon at problemang kinakaharap ng mga kabataan

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang kanilang mga sagot sa unang tanong sa ibaba para maging reperensya sa buong lesson.

  • Ano ang ilan sa mga karaniwang problema o hamon na kinakaharap ng mga kabataan sa inyong lugar?

  • Alin sa mga problema o hamong ito ang sa palagay ninyo ay hindi madaraig ng mga kabataan nang mag-isa? Bakit?

Sa iyong study journal, tukuyin ang sarili mong mga hamon at problema at ipaliwanag kung bakit mahirap ang mga ito para sa iyo. Isama ang mga naiisip mo kung bakit kailangan mo ng tulong para makayanan ang mga ito.

Sa lesson na ito magkakaroon ka ng pagkakataong maghanda at magturo ng maikling lesson gamit ang mga sulat ni Pablo sa Filipos at Colosas. Sa pag-aaral mo ng mga sulat na ito, alamin kung paano makatutulong sa iyo at sa iba ang mga salita ni Pablo na umasa at magtiwala kay Jesucristo sa mga oras ng pagsubok.

Maaari mong anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas o ibuod ang sumusunod na talata para matulungan ang klase na maunawaan ang konteksto ng Filipos at Colosas.

Nakaranas si Apostol Pablo ng maraming problema at mga hamon. “Marahil ay isinulat ang Filipos at Colosas habang nakabilanggo si Pablo sa Roma, ngunit kamangha-mangha na sa mahirap na panahong ito ay naisulat ni Pablo ang tungkol sa ‘kapayapaan ng Diyos, na hindi maabot ng pag-iisip’ (Filipos 4:7). Ang dalawang sulat na ito ay positibo at nagpapalakas ng loob, at naglalaman ng ilan sa pinakamalinaw at masigasig na pagtuturo ni Pablo tungkol kay Jesucristo. Itinuro ni Pablo na kung mamumuhay tayo nang may pananampalataya at pasasalamat, maisusulong ng Panginoon ang layunin ng ebanghelyo sa pamamagitan natin—anuman ang sitwasyon natin—at sa pagsalig sa pundasyon ni Jesucristo maiiwasan nating mailigaw ng mga pilosopiya at tradisyon ng mundo” (New Testament Student Manual [2014], 433; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Taga-Filipos, Sulat sa Mga ” at “Taga-Colosas, Sulat sa Mga,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

Kung inanyayahan ang mga estudyante na isaulo ang Filipos 4:13 bilang paghahanda para sa lesson na ito, sabihin sa isa o mahigit pang estudyante na bigkasin ang talata ngayon.

Basahin ang Filipos 4:13, na inaalam ang ibinahagi ni Pablo tungkol sa kahalagahan ni Jesucristo sa kanyang buhay.

  • Sa iyong palagay, bakit mahalagang malaman ang turong ito?

1:17

Matutulungan tayo ni Jesucristo sa mga hamon sa buhay

Isipin ang mga problema at hamon na kinakaharap ng mga kabataan sa inyong lugar, gayundin ang sarili mong mga hamon. Gamitin ang mga step A, B, at C sa ibaba para maghanda ng limang-minutong lesson. Magtuon sa maaari mong ituro tungkol kay Jesucristo na makatutulong sa iyo at sa iba na makayanan ang mga hamon.

Ipakita ang sumusunod na lesson outline at mga tagubilin upang matulungan ang mga estudyante sa paghahanda ng kanilang mga lesson. Habang gumagawa ang mga estudyante, lumibot sa silid at tulungan sila kung kinakailangan. Bigyan sila ng sapat na oras na makapaghanda ng kanilang mga lesson.

Maaaring maghanda ng lesson nang mag-isa ang mga estudyante o kumpletuhin ang aktibidad nang may kapartner. Maaaring pag-aralan ng bawat estudyante sa magkakapartner ang mga scripture passage nang mag-isa, pagkatapos ay talakayin ang kanilang mga scripture passage sa kanilang kapartner. Pagkatapos ay maaaring magkasamang ihanda at ituro ng magkapartner ang lesson.

A. Pag-aralan ang mga sumusunod na scripture passage, at alamin ang mga katotohanan na sa palagay mo ay makatutulong sa iyo at sa iba:

Filipos 2:5–8; 3:20–21; 4:6–7

Colosas 1:12–18; 3:1–2, 12–17, 23–24

B. Pumili ng isang talata o grupo ng mga talata at tukuyin ang katotohanang maituturo mo tungkol sa ebanghelyo ng Tagapagligtas. Halimbawa, ang isang katotohanang matatagpuan sa Colosas 1:12–14 ay na isinugo ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak upang maligtas tayo mula sa kadiliman at mapatawad sa kasalanan.

C. Isama sa iyong lesson ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na elemento:

  • Magbahagi ng isang karanasan na naranasan mo o ng isang tao na naglalarawan ng katotohanan. Anyayahan ang mga tinuturuan mo na magbahagi rin ng mga karanasan nila. Maaari ka ring magbahagi ng mga halimbawa o karanasan mula sa mga banal na kasulatan o mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Halimbawa, ang mga karanasang may kaugnayan sa katotohanan na nakasulat sa mga bold letter sa itaas ay maaaring magtuon sa pagpapatawad ng Tagapagligtas sa isang tao o pagliligtas sa kanila mula sa kadiliman.

  • Maghanap ng mga makatutulong na cross-reference. Halimbawa, para sa katotohanan na nakasulat sa mga bold letter sa itaas, maaari mong ibahagi ang Mosias 16:9 o 2 Pedro 2:9. Anyayahan ang mga tinuturuan mo na maghanap ng mga karagdagang cross-reference gamit ang resources na tulad ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan o ang Topical Guide.

  • Maghanap ng isang makatutulong na pahayag mula sa isang lider ng Simbahan. Halimbawa, ang katotohanan na nakasulat sa mga bold letter ay inilarawan ng sumusunod na pahayag ni Sister Reyna I. Aburto ng Relief Society General Presidency:

Opisyal na Larawan ni Sister Reyna Aburto. Kinunan noong 2017.

Kung kayo ay palaging napapalibutan ng “abu-abo ng kadiliman” [1 Nephi 8:23 ], bumaling sa Ama sa Langit. Wala kayong anumang naranasan na makakapagpabago sa walang-hanggang katotohanan na kayo ay Kanyang anak at mahal Niya kayo. Tandaan na si Cristo ang inyong Tagapagligtas at Manunubos, at ang Diyos ang inyong Ama. Nakauunawa Sila. Isipin ninyo na malapit Sila sa inyo, nakikinig at nagbibigay ng suporta. “Aaluin [Nila kayo] sa inyong mga paghihirap” [Jacob 3:1]. Gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya, at magtiwala sa nagbabayad-salang biyaya ng Panginoon.

(Reyna I. Aburto, “Sa Dilim at Liwanag, Aking Panginoon, Manatili!Liahona, Nob. 2019, 58–59)

Anyayahan ang mga estudyante na handang magturo sa klase. Bilang alternatibo, sabihin sa maliliit na grupo ng mga estudyante na halinhinang turuan ang isa’t isa ng kanilang mga lesson.

Hikayatin ang mga estudyante na maging tapat at gawin ang lahat ng kanilang makakaya habang nagtuturo at tinuturuan sila. Anyayahan sila na humingi ng tulong para sa sarili nilang mga hamon habang sila ay nakikinig nang mabuti sa mga lesson ng kanilang mga kaklase.

Habang nagtuturo at natututo tayo sa pamamagitan ng Espiritu, tayo ay napapalakas (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 50:22–23). Sa iyong study journal, isulat ang natutuhan at nadama mo na makatutulong sa iyo na makatanggap ng lakas mula kay Jesucristo habang hinaharap ang mga hamon mo sa buhay. Hingin ang tulong ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo para malaman kung ano ang nais Niyang ipagawa sa iyo para matanggap ang lakas ng Tagapagligtas. Sundin ang mga pahiwatig na natatanggap mo.

Hikayatin ang mga estudyante na ituro ang kanilang mga lesson sa kanilang pamilya sa bahay. Makatutulong na magpadala ng mensahe sa mga magulang para malaman nila ang lesson na ito upang mahikayat nila ang mga estudyante na ituro ang kanilang mga lesson sa bahay.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Filipos 2:12–13. Itinuro ba ni Pablo na kailangan nating matamo ang ating sariling kaligtasan?

Bagama’t mahalaga ang mga kilos na nagpapakita ng pananampalataya kay Jesucristo, mahalagang malaman na hindi posible para sa atin na “magtamo” ng kaligtasan (tingnan sa 2 Nephi 2:8; Mosias 2:24; Alma 22:14). Ipinaliwanag sa Filipos 2:13 na kumikilos ang Diyos sa atin upang tulungan tayong gawin ang mga bagay na hindi natin magagawa sa ating sarili (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan Biyaya,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/scriptures/gs/grace?lang=tgl). Ang tulong at lakas na ito ay kadalasang tinatawag na biyaya ng Tagapagligtas at siyang kapangyarihang nagliligtas sa atin (tingnan sa Efeso 2:8).

Panoorin si Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol sa video na “Mananagana sa Pagpapala” mula sa time code 0:00 hanggang 5:39.

2:3
19:10

Filipos 4:13. Ano ang ibig sabihin ng “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan [ni Cristo]”?

Ipinaliwanag ni Sister Michelle D. Craig ng Young Women General Presidency:

Ang opisyal na larawan ni Michelle D. Craig.

Siyempre, lahat tayo ay hindi sapat na makakaabot sa ating banal na potensyal, at may bahid ng katotohanan ang pagkatanto na hindi tayo sapat kapag tayo’y nag-iisa. Ngunit ang mabuting balita ng ebanghelyo ay nasa biyaya ng Diyos, tayo ay sapat na. Sa tulong ni Cristo, magagawa natin ang lahat ng bagay [Filipos 4:13]. Ipinangako sa banal na kasulatan na tayo ay “mangaka[su]sumpong ng biyaya upang tumulong sa atin sa panahon ng pangangailangan” [Mga Hebreo 4:16].

(Michelle D. Craig, ““Hindi Pagiging Kuntento sa Ating Espirituwalidad,” Liahona, Nob. 2018, 54)

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks:

Opisyal na Larawan ni Pangulong Dallin H. Oaks na kuha noong Marso 2018.

Tungkol sa ilan sa kanyang sariling mga hamon sa buhay, isinulat ni Apostol Pablo, “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan [ni Cristo] na nagpapalakas sa akin” (Filipos 4:13).

Kaya nga nakikita natin na dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, may kapangyarihan ang Tagapagligtas na sumaklolo—tumulong—sa lahat ng pasakit at paghihirap ng tao. Kung minsa’y pinagagaling ng Kanyang kapangyarihan ang isang kahinaan, ngunit natutuhan natin sa mga banal na kasulatan at sa ating mga karanasan na kung minsa’y sumasaklolo o tumutulong Siya sa pagbibigay sa atin ng lakas o tiyagang tiisin ang ating mga kahinaan.

Dallin H. Oaks, “Pinalakas ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Nob. 2015, 62)

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Filipos 2:12–13. Mga gawa, biyaya, at kaligtasan

Ang Filipos 2:12–13 ay maaaring isang mahirap na talata. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan itong mabuti at tukuyin ang itinuturo ni Pablo. Maaari mo silang anyayahang pag-aralan ang impormasyon sa bahaging “Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon” sa Filipos 2:12–13 at ang entry para sa scripture passage na ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023. Sabihin sa kanila na ipaliwanag ang nalaman nila na nakatulong sa kanila na mas maunawaan ang mahalagang doktrina ng mga gawa, biyaya, at kaligtasan. Anyayahan silang ibahagi kung paano pinalalakas ng kaalamang ito ang kanilang pananampalataya at pagmamahal kay Jesucristo.

Colosas 1:9–18. Mga Tungkuling Ginagampanan ni Jesucristo

Sabihin sa mga estudyante na saliksikin ang mga talatang ito para sa mga pangalan, titulo, at tungkulin ni Jesucristo. Maaaring anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan, sa sarili nilang buhay, o sa buhay ng mga taong kilala nila na pinakitaan ng Tagapagligtas ng mga pangalan, tungkulin, o titulong ito. Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng isang tungkulin na pinakamakabuluhan sa kanila at kung paano nito naiimpluwensyahan ang kanilang damdamin kay Jesucristo.

Colosas 2:6. Lumakad kay Cristo

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng “lumakad … [kay Cristo]” (Colosas 2:6). Sabihin sa kanila na pag-aralan ang mga sumusunod na talata, na inaalam ang ibig sabihin ng lumakad kay Cristo: Colosas 1:9–18; Colosas 2:6; Colosas 3:1–11. Maaari din nilang pag-aralan ang pahayag na ito ni Pangulong Henry B. Eyring:

Ang opisyal na larawan ni Henry B. Eyring.

At ano ang ibig sabihin ng lumakad kasama ng Panginoon? Ibig sabihin nito ay gawin ang ginawa Niya, maglingkod tulad sa paraan ng Kanyang paglilingkod. Isinakripisyo Niya ang sarili Niyang kaginhawahan para pagpalain ang mga nangangailangan, at iyan ang pinagsisikapan nating gawin. Tila partikular Niyang pinagtuunan ng pansin ang mga taong nakaligtaan at itinakwil ng lipunan, at iyan din ang dapat pagsikapan nating gawin. Nagpatotoo Siya nang buong tapang subalit nang may pagmamahal tungkol sa totoong doktrinang natanggap Niya mula sa Kanyang Ama, bagama’t hindi ito gusto ng maraming tao, at dapat ganyan din ang gawin natin. Sinabi Niya sa lahat, “Magsiparito sa akin” ( Mateo 11:28), at sinasabi natin sa lahat, “Magsilapit sa Kanya.”

(Henry B. Eyring, “Lumakad Kang Kasama Ko,” Liahona, Mayo 2017, 84)

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila at hingin ang tulong ng Ama sa Langit sa paggawa ng plano kung paano sila mas lubos na makakalakad kasama si Cristo.