Seminary
Filipos 3


Filipos 3

“Tiniis Ko ang Kalugihan ng Lahat ng mga Bagay … Upang Makamit Ko si Cristo”

1st illustration: A warm loving image of Christ, eyes looking out towards the reader. 2nd illustration: stars and the galaxy

Ano ang handa mong isakripisyo upang sundin si Jesucristo at maging Kanyang disipulo? Maraming isinakripisyo si Apostol Pablo nang piliin niyang sundin ang Tagapagligtas, kabilang na ang kanyang maimpluwensyang katayuan sa lipunan ng mga Judio bilang isang Fariseo (tingnan sa Filipos 3:5). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang kahalagahan ng pagsasakripisyo upang makilala si Jesucristo.

Hayaan ang katahimikan. Ang magagandang tanong ay nangangailangan ng oras upang masagot. Bigyan ang mga estudyante ng oras upang pag-isipan ang mga tanong. Kung hindi kaagad nakasagot ang mga estudyante sa isang tanong, iwasang wakasan kaagad ang katahimikan sa pamamagitan ng pagsagot sa tanong. Ang oras na ginugugol ng mga estudyante sa pag-iisip sa mga tanong ay maaaring humantong sa inspirasyon at pagpapalalim ng patotoo.

Paghahanda ng estudyante: Kung maaari, sabihin sa mga estudyante na magtipon ng mga kuwento mula sa mga kapamilya o ninuno na nagsakripisyo upang sundin si Jesucristo. Hikayatin sila na maghandang ibahagi sa klase ang mga karanasang ito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ano ang isasakripisyo mo?

Maaari mong gamitin ang sumusunod na salaysay upang simulan ang klase, o gamitin ang mga kuwento na handang ibahagi ng mga estudyante.

Basahin ang sumusunod na salaysay ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan tungkol sa isang binatilyong nagbahagi kay Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ng mga sakripisyong handa niyang gawin upang maging miyembro ng Simbahan.

16:31
Official Portrait of President Dallin H. Oaks taken March 2018.

Maraming taon na ang nakalipas, sa ganitong kumperensya narinig ng mga tao ang kuwento tungkol sa isang binatang natagpuan ang ipinanumbalik na ebanghelyo habang nag-aaral siya sa Estados Unidos. Noong naghahanda nang umuwi ang binatang ito sa kanyang bayang sinilangan, tinanong siya ni Pangulong Gordon B. Hinckley kung ano ang mangyayari kapag umuwi siyang Kristiyano na. “Malulungkot ang pamilya ko,” sagot ng binata. “Maaaring itakwil nila ako at ituring na patay na. Tungkol naman sa hinaharap at trabaho ko, maaaring ipagkait sa akin ang lahat ng oportunidad.”“Handa ka bang magpakasakit para sa ebanghelyo?” tanong ni Pangulong Hinckley.

(Dallin H. Oaks, “Sakripisyo,” Liahona, Mayo 2012, 21)

  • Sa iyong palagay, ano ang isinagot ng binatilyo? Bakit?

Bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante upang sagutin ang susunod na tanong. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan at isulat ang kanilang mga sagot bago ibahagi ang mga ito sa klase.

  • Ano ang maaaring mag-udyok sa isang tao na magsakripisyo nang labis upang sundin si Jesucristo?

Habang pinag-aaralan mo ang Filipos 3 , isipin kung ano ang isinakripisyo mo para sa ebanghelyo ni Jesucristo at kung paano ka napagpala sa paggawa nito. Sa kabilang banda, ang pagsasakripisyo upang mas mapalapit sa Tagapagligtas ay maaaring hindi pamilyar na konsepto sa iyo. Anuman ang iyong sitwasyon, nais ng Tagapagligtas na tulungan kang umunlad. Sa buong lesson, bigyang-pansin ang mga impresyon at damdamin mula sa Espiritu Santo na makatutulong sa iyo na maunawaan ang papel na dapat gampanan ng sakripisyo sa iyong buhay.

Sulit ang bawat sakripisyo sa ebanghelyo ni Jesucristo

Alalahanin na bago ang pagbabalik-loob ni Pablo kay Jesucristo sa daan patungong Damasco (tingnan sa Gawa 9), siya ay isang Fariseo, isang taong mataas ang katayuan sa relihiyon at lipunan sa mga Judio (tingnan sa Filipos 3:5). Dahil pinili niyang sundin si Jesucristo at gugulin ang kanyang buhay sa pangangaral ng ebanghelyo, nakaranas si Pablo ng matinding pag-uusig, paghihirap, pisikal na sakit, at pagkabagabag (tingnan sa 2 Corinto 11:23–28). Nabasa natin sa Filipos 3:7–17 ang nadama ni Pablo tungkol sa pagtalikod sa kanyang dating buhay upang sundin si Jesucristo at ang mga pagpapalang dumating dahil dito.

Maaaring mangailangan ang mga estudyante ng tulong upang maunawaan ang ilan sa mga salita sa scripture block. Maaari mong isulat sa pisara ang mga sumusunod na kahulugan o maging handang tumulong sa mga estudyante habang nag-aaral sila.

Basahin ang Filipos 3:7–14 , at alamin kung ano ang handang isakripisyo ni Pablo upang makilala at sundin si Jesucristo. Tandaan na ang salitang matulad sa talata 10 ay nangangahulugang sang-ayon, ang pariralang “nagpapatuloy” sa talata 12 ay nangangahulugang sumusulong, at ang salitang inabot sa talata 12 ay nangangahulugang matamo.

Maaari mong pagpartner-partnerin o hatiin sa maliliit na grupo ang mga estudyante upang gawin ang sumusunod na aktibidad. Bigyang-pansin ang mga estudyante na maaaring nangangailangan ng karagdagang tulong sa muling pagsusulat ng mga scripture passage sa sarili nilang mga salita.

Pumili ng dalawang scripture passage o parirala mula sa Filipos 3:7–14 at muling isulat ang mensahe ni Pablo sa sarili mong mga salita. Halimbawa, ang isang paraan upang isaad muli ang mensahe ng Filipos 3:7 ay “Ang mga bagay na mahalaga sa akin noon ay walang kabuluhan sa akin ngayon dahil kay Jesucristo.” Kapag tapos ka na, sagutin ang mga sumusunod na tanong.

  • Ano ang ilan sa mga pagpapalang natanggap ni Pablo dahil nagsakripisyo siya para sa Panginoon?

  • Ano ang ilan sa mga pagpapalang pinagsisikapan pa rin niyang matamo sa pamamagitan ng kanyang mga sakripisyo?

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng sakripisyo ni Pablo?

Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa halimbawa ni Pablo ay kung isasakripisyo natin ang lahat ng maaaring hilingin sa atin upang sundin si Jesucristo at magpatuloy nang may pananampalataya, makikilala natin Siya at matatamo natin ang buhay na walang hanggan. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong mga banal na kasulatan o study journal.

Pagnilayan sandali kung paano maaaring nauugnay sa iyo ang alituntuning ito.

  • Ano ang iyong mga naiisip, tanong, o nadarama?

Sabihin sa mga handang estudyante na sagutin ang naunang tanong. Kung ang mga estudyante ay walang pagkakataon sa simula ng lesson na magbahagi ng mga kuwento tungkol sa pagsasakripisyo ng mga kapamilya o ninuno nila para sa ebanghelyo, maaari mo silang anyayahan na gawin ito ngayon.

Kung makatutulong sa mga estudyante ang pag-aaral tungkol sa mga karagdagang halimbawa ng sakripisyo, maaari mong gamitin ang mga ideya sa ilalim ng “Mga Halimbawa mula sa Aklat ni Mormon” sa bahaging “Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral” ng lesson. Maaari ka ring magbahagi ng personal na karanasan o patotoo.

Personal na sakripisyo

Alalahanin ang tanong na ibinigay ni Pangulong Hinckley sa simula ng lesson hinggil sa kahandaan ng binata na magsakripisyo nang labis para sa ebanghelyo. Basahin ang natitirang bahagi ng salaysay na ibinahagi ni Pangulong Dallin H. Oaks.

Official Portrait of President Dallin H. Oaks taken March 2018.

Lumuluhang sumagot ang binata, “Totoo ang ebanghelyo, di po ba?” Nang iyon ay pinatotohanan, sagot niya, “Kung gayon, may iba pa bang mas mahalaga?” Iyan ang diwa ng pagsasakripisyo ng marami sa ating mga bagong miyembro.

(Dallin H. Oaks, “Sakripisyo,” Liahona, Mayo 2012, 21)

  • Ano ang hinahangaan mo tungkol sa binatilyong ito?

  • Paano naging pinakadakilang halimbawa ng sakripisyo ang buhay, ministeryo, at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?

  • Ano ang mga naiisip o nadarama mo habang pinagninilayan mo ang handang isakripisyo ni Jesucristo para sa iyo?

Bago gawin ng mga estudyante ang sumusunod na aktibidad, makatutulong sa kanila na isipin ang mga posibleng sakripisyong maaaring ipagawa sa kanila sa nalalapit na panahon at magbahagi ng mga halimbawa sa isa’t isa. Maaari ding ilista ng mga estudyante sa pisara ang iba’t ibang sakripisyong ginagawa ng mga kabataan upang sundin si Jesucristo.

Isipin ang susunod na limang taon ng buhay mo at sumulat ng liham sa iyong sarili sa hinaharap. Isama sa iyong liham ang sumusunod na impormasyon:

  1. Mga bagay na maaaring kailangan mong isakripisyo sa susunod na limang taon upang mas makilala ang Panginoon at maghanda para sa buhay na walang hanggan.

  2. Mga balakid na maaari mong makaharap habang ikaw ay nagsasakripisyo at “nagpapatuloy … sa gantimpala” ( Filipos 3:14).

  3. Ang natutuhan mo tungkol sa kahalagahan ng sakripisyo at ang mga pagpapalang maaaring dumating dahil dito.

  4. Paano makatutulong sa iyo ang sakripisyo na maging higit na katulad ng Tagapagligtas.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Filipos 3:14 . Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niyang, “nagpapatuloy ako tungo sa mithiin”?

Itinuro ni Elder Edward Dube ng Pitumpu ang sumusunod.

Official Portrait of Elder Edward Dube. Photographed March 2017.

Ang pagpapatuloy tungo sa mithiin ay tapat na pagsulong sa “makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan” [ 2 Nephi 31:18 ] kapiling ang ating Tagapagligtas at ang ating Ama sa Langit. Itinuring ni Pablo ang kanyang mga pagdurusa na “hindi karapat-dapat maihambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin” [ Roma 8:18 ; tingnan din sa 2 Corinto 1:3–7 ]. Ang liham ni Pablo sa mga taga-Filipos na isinulat niya noong nakakulong siya sa bilangguan ay isang liham ng nag-uumapaw na kagalakan at kasiyahan at panghihikayat sa ating lahat, lalo na sa mahirap na panahong ito ng walang katiyakan. …

Nakawiwiling isipin na hinihikayat tayo ni Pablo na magpatuloy sa pagsulong habang nananawagang kalimutan natin ang mga bagay na nakaraan na—ang dati nating mga takot, dating mga pinagtuunan ng pansin, pinagdaanang mga kabiguan, at nakalipas na mga kalungkutan.

(Edward Dube, “Pagpapatuloy tungo sa Mithiin,” Liahona, Mayo 2021, 90, 91)

Paano ko malalaman kung anong mga sakripisyo ang kailangan kong gawin upang mas mapalapit kay Jesucristo?

Itinuro ni Elder Larry R. Lawrence ng Pitumpu na ang magandang panahon upang mapitagang pag-isipan kung anong mga sakripisyo ang magagawa natin para sa Panginoon ay sa oras ng ordenansa ng sakramento.

Official Portrait of Elder Larry R. Lawrence. Photographed March 2017.

Sa mapitagang kapaligiran na ito, habang ang ating isipan ay nakatuon sa langit, marahang masasabi sa atin ng Panginoon ang susunod nating gagawin. Tulad ninyo, nakatanggap ako ng maraming mensahe mula sa Espiritu sa paglipas ng mga taon na nagpapakita sa akin kung paano ko pa mapagbubuti ang sarili ko. …

Marahil sasabihin ng Espiritu na kailangan mong patawarin ang isang tao. O makakatanggap ka ng mensahe na maging mas mapili tungkol sa pelikulang pinanonood mo o sa musikang pinakikinggan mo. Maaaring maramdaman mo na dapat kang maging mas tapat sa pakikitungo mo sa negosyo o magbigay ng mas malaki sa iyong handog-ayuno. Maraming posibleng gawin.

(Larry R. Lawrence, “Ano Pa ang Kulang sa Akin?Liahona, Nob. 2015, 34–35)

Ano ang ilang sakripisyo na ginagawa ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw upang sundin ang Tagapagligtas?

Naglista si Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ng maraming sakripisyong ginagawa ng mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon. Maaari mong basahin ang kanyang mensahe na “Sakripisyo,” Liahona, Mayo 2012, 19–22, na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org.

16:31

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Filipos 2:6–11

Matapos sagutin ng mga estudyante ang tanong tungkol sa kung paanong ang buhay, ministeryo, at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang pinakadakilang halimbawa ng sakripisyo, maaari mong pag-aralang mabuti ang Filipos 2:6–11 at sabihin sa mga estudyante na alamin kung ano ang isinakripisyo ng Tagapagligtas at kung ano ang ipinagkaloob sa Kanya ng Ama sa Langit dahil dito.

Mga Halimbawa mula sa Aklat ni Mormon

Ang isang halimbawa mula sa Aklat ni Mormon na naglalarawan sa alituntunin ng sakripisyo ay ang paglalakbay ng pamilya ni Lehi patungo sa lupang ipinangako. Alalahanin na sina Laman at Lemuel ay bumulung-bulong at nagkulang ng pananampalataya sa tagubilin ng Panginoon na lisanin ang lupaing kanilang mana (tingnan sa 1 Nephi 2:11–13). Maaaring pinagdudahan din ni Nephi ang utos na lisanin ang Jerusalem, ngunit patuloy siyang nagsakripisyo sa pamamagitan ng “[pagsu]sumamo sa Panginoon” (tingnan sa 1 Nephi 2:16).

Basahin ang 1 Nephi 2:16–20 at ilista o markahan ang mga pagpapalang natanggap ni Nephi dahil sa kanyang pagsunod at sakripisyo.

Maaari ding makatulong sa mga estudyante ang pag-aaral tungkol sa ama ni Haring Lamoni at sa kanyang kahandaang talikuran ang lahat ng kanyang kasalanan upang makilala ang Panginoon (tingnan sa Alma 22:15–23).

Talakayin sa mga estudyante ang sakripisyong ginawa ng binatilyo at ang mga pagpapalang natanggap niya dahil dito. Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng iba pang makabagong halimbawa ng sakripisyo na nasaksihan nila. 

5:38