“Training para sa Paggamit at Pag-akma ng Kurikulum ng Seminary,” Training para sa Kurikulum ng Seminary (2025)
Training para sa Paggamit at Pag-akma ng Kurikulum ng Seminary
Maraming epektibong paraan para makapaghanda na ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo. Palaging kasama sa paghahandang ito ang mapanalanging pag-aaral ng salita ng Diyos at paghingi ng patnubay ng Espiritu Santo upang malaman kung paano pinakamainam na matutulungan ang mga tinuturuan mo na mapalalim ang kanilang pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.
Ang kurikulum ng seminary ay isang resource na mapagkakatiwalaan mo na gagabay sa iyong paghahanda ng lesson at tutulong sa iyo na ituro ang totoong doktrina. Sa paggamit mo ng resource na ito, hangaring gamitin muna ang nasa kurikulum, at pagkatapos ay isipin ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante at ang patnubay ng Espiritu Santo para maunawaan kung saan mo maaaring kailanganing iakma ang ilan sa mga ideya sa kurikulum.
Isaalang-alang ang payong ito ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan tungkol sa paggamit ng kurikulum sa paghahanda ng mga lesson sa seminary:
Ginagamit at pinag-aaralan muna natin, pagkatapos ay iniaakma natin. Kung napag-aralan na natin nang lubos ang lesson at pamilyar na tayo rito, masusunod na natin ang Espiritu sa pagtuturo nito. Pero natutukso tayo, kapag pinag-uusapan natin ang tungkol sa flexibility na ito, na magsimulang magturo sa halip na maging pamilyar sa lesson at pag-aralan ito nang husto. Dapat ay balanse. Ito ay hamon na makakaharap natin sa tuwina. Ngunit ang pag-aaral nang husto at pagiging pamilyar sa lesson bago magturo ay mabuting paraan para makatiyak kayo na ang itinuturo ninyo ay nakabatay sa totoong doktrina. (“A Panel Discussion with Elder Dallin H. Oaks” [Seminaries and Institutes of Religion satellite broadcast, Ago. 7, 2012], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)
-
Sa iyong palagay, bakit mahalagang gamitin at pag-aralan muna ang nasa kurikulum bago iakma ang lesson?
Paggamit ng Kurikulum
Nakasaad sa Layunin ng Seminaries and Institutes of Religion na “[tutulungan natin] ang mga kabataan at young adult na mapalalim ang kanilang pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.” Ang layunin ay nagpatuloy sa pagsasabi ng sumusunod tungkol sa pagtulong sa mga estudyante na palalimin ang pagbabalik-loob:
Itinutuon natin ang bawat karanasan sa pagkatuto kay Jesucristo at sa Kanyang halimbawa, mga katangian, at kapangyarihang tumubos. Tinutulungan natin ang mga estudyante na matutuhan ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ayon sa nakasaad sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta. Tinutulungan natin ang mga estudyante na magawa ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral para sa kanilang sarili. Pinagsisikapan nating anyayahan ang Espiritu Santo na gawin ang Kanyang tungkulin sa bawat karanasan sa pagkatuto.
Ang kurikulum ng seminary ay maingat na ginawa at binuo upang matulungan kang magbigay ng ganitong uri ng karanasan sa pagkatuto. Nakasentro ang bawat lesson sa karanasan sa pagkatuto kay Jesucristo (nakatuon kay Cristo), na siyang tumutulong sa mga estudyante na matutuhan ang ebanghelyo mula sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta (batay sa banal na kasulatan), at nagbibigay ng mga pagkakataon sa mga estudyante na gawin ang kanilang resposibilidad sa karanasan sa pagkatuto (nakatuon sa mag-aaral). Sa pagsasama-sama ng tatlong mahahalagang elementong ito ng layunin, inaanyayahan natin ang Espiritu Santo na gawin ang Kanyang tungkulin sa karanasan sa pagkatuto. Binigyang-diin sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas na “Ang Espiritu ang tunay na guro at ang tunay na pinagmumulan ng pagbabalik-loob.” Kapag naroon ang Espiritu ay doon lamang tunay na magaganap ang pagpapalalim ng pagbabalik-loob sa Tagapagligtas.
Ang diagram na ito ay naglalarawan ng isang karanasan na nakasentro kay Cristo, batay sa banal na kasulatan, at nakatuon sa mga mag-aaral na nag-aanyaya sa Espiritu Santo na gampanan ang Kanyang tungkulin. Ipinapahiwatig ng dilaw ang antas kung saan mas mahusay na inaanyayahan ng karanasan sa pagkatuto ang Espiritu Santo. Ang sentro ng diagram na ito ay naglalarawan kapag ang Espiritu ang pumapatnubay sa karanasan sa pagkatuto at pinalalalim ng mga estudyante ang kanilang pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Sa paggamit ng kurikulum ng seminary, dinaragdagan natin ang posibilidad na magkaroon ang mga estudyante ng karanasan sa pagkatuto sa seminary na may patunubay ng Espiritu. Ang kurikulum ng seminary ay maingat na nirepaso at pinag-ugnay-ugnay upang matulungan kang:
-
Tiyakin ang katumpakan ng doktrina.
-
Pagnilayan ang layunin ng inspiradong awtor.
-
Panatilihin ang balanseng paraan sa pagpapakita ng mga alituntunin ng pagtuturo na katulad ng kay Cristo na matatagpuan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas.
-
Magbigay ng mga karanasan sa pagkatuto upang maibahagi at maipakita ng mga estudyante ang natututuhan nila.
-
Gumamit ng iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo.
Maraming mahahalagang bagay na dapat tandaan habang naghahanda ng lesson. Ang paggamit ng kurikulum ay makatutulong na magabayan ka sa kung ano ang ituturo at kung paano magturo. Makatutulong din ito sa iyo para manatli ka sa matibay na pundasyon ng doktrina.
Narito ang ilang paraan kung paano mo gagamitin ang kurikulum:
-
Basahing mabuti ang layunin para sa lesson. Matatagpuan ito sa buod ng dokumento at sa huling pangungusap ng pambungad sa bawat lesson. Ang lahat ng nilalaman at aktibidad ay nakaayon sa layuning ito o resulta ng pagkatuto.
-
Basahin ang buong lesson. Isipin kung paanong ang mga napiling talata sa banal na kasulatan na babasahin ng mga estudyante, binigyang-diin na katotohanan, mga sipi, at ang mga aktibidad ay naaayon sa layunin ng lesson at magbibigay ng karanasan na nakasentro kay Cristo, batay sa banal na kasulatan, at karanasang nakatuon sa mag-aaral. Bigyang-pansin nang mabuti ang aktibidad sa pag-aaral bago matapos ang lesson, na nagbibigay ng pagkakataon sa mga estudyante na ipakita ang layunin ng lesson.
-
Isiping sagutin ang mga tanong at gawin ang mga aktibidad na parang ikaw ang estudyante. Makatutulong ito sa iyo na matuto sa pamamagitan ng Espiritu at pumasok sa silid-aralan na napatibay, napasigla, at mas handang magbigay ng gayon ding karanasan sa iyong mga estudyante.
-
Sikaping maunawaan at ituro ang lahat ng uri ng mga lesson na matatagpuan sa kurikulum, kahit na bago sa iyo ang mga ito. (Kabilang sa mga uri ng lesson ang mga lesson para sa Kurso ng mga Banal na Kasulatan, mga lesson para sa Pagsasanay sa Doctrinal Mastery, mga lesson para sa I-assess ang Iyong Pagkatuto, at mga lesson para sa Paghahanda sa Buhay.) Bawat isa sa mga karanasan sa pagkatuto na ito ay natatangi ang mga naiaambag upang mapalalim ang pagbabalik-loob ng mga estudyante kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.
Ang pagpili na gamitin ang nasa kurikulum ay maaaring maging partikular na mahalaga sa mga lesson sa Paghahanda sa Buhay. Ang mga lesson na ito ay nakatuon sa iba’t ibang mahahalagang paksa para sa buhay ng mga estudyante. Ang mga ito ay binuo sa tulong ng iba’t ibang departamento ng Simbahan at ng iba pang mga eksperto sa paksa. Maaaring madama ng ilang titser na hindi sila kwalipikado na magturo ng ilang mga paksa sa Paghahanda sa Buhay ngunit nadarama rin nila na may malawak silang kaalaman tungkol sa iba pang mga paksa sa Paghahanda sa Buhay. Sa alinmang sitwasyon, makabubuting gamitin at pag-aralan muna ng mga titser ang kurikulum bago nila ito subukang iakma. (Tingnan sa ibaba ang mga case study nina Brother Alvarez at Sister Sato.)
Mga case study para sa paggamit ng kurikulum
Brother Alvarez—Isang titser na nadaramang hindi siya kwalipikado na magturo ng isang partikular na lesson sa Paghahanda sa Buhay
Si Brother Alvarez ay nabinyagan sa Simbahan at hindi naglingkod sa isang full-time mission. Pakiramdam niya ay hindi siya kwalipikadong magturo ng tungkol sa paghahanda ng missionary, dahil hindi siya kailanman nagmisyon at inisip niyang laktawan ang bahaging Paghahanda ng Missionary sa mga lesson ng Paghahanda sa Buhay. Gayunman, habang sinisimulan niyang tingnan ang mga lesson, napansin niyang nakatuon ang mga ito kay Cristo bilang perpektong halimbawa ng pagbabahagi ng Kanyang ebanghelyo at hindi nakabatay sa kanyang sariling mga karanasan. Kabilang dito ang nagbibigay-kabatirang mga banal na kasulatan at nakakaengganyong mga aktibidad na makatutulong sa kanyang mga estudyante na maghandang maglingkod bilang mga missionary para sa Panginoon. Natanto niya na ang mga lesson sa kurikulum ay makatutulong sa kanyang mga estudyante na magkaroon ng magandang karanasan sa kabila ng sarili niyang kakulangan ng karanasan sa paghahanda ng missionary.
Sister Sato—Isang titser na may malawak na kaalaman sa isang paksa sa Paghahanda sa Buhay
Naghahanda si Sister Sato na magturo ng lesson sa Paghahanda sa Buhay tungkol sa pamamahala ng pananalapi. Isa siyang propesyonal na financial planner at nasasabik na ibahagi ang kanyang kaalaman at karanasan sa kanyang klase sa seminary. Habang mapanalangin niyang pinag-aaralan ang kurikulum, natukoy niya ang pagiging simple ng materyal at ang pagbibigay-diin kay Jesucristo at sa mga banal na kasulatan. Napagpasiyahan niya na ang pagtuturo ng lesson ayon sa nakabalangkas sa kurikulum ay tutulong sa kanyang mga estudyante na mapalakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at mabigyan sila ng mga pangunahing alituntunin sa pananalapi na angkop sa yugto ng kanilang buhay. Sa halip na maghanda na ituro ang mas mataas na mga alituntunin sa pananalapi, napagpasiyahan ni Sister Sato na sundin nang mabuti ang lesson sa kurikulum.
Pag-akma sa Kurikulum
Bilang titser sa seminary, may pribilehiyo kang tulungan ang iyong mga estudyante na lumapit kay Jesucristo. Sa pamamagitan ng palagian mong pakikipag-ugnayan sa iyong mga estudyante, makikilala at mamahalin mo sila nang mabuti. Ang pagkilala at pagmamahal sa iyong mga estudyante ay magpapalakas sa iyong kakayahan na tumanggap ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo kung kailan at paano gumawa ng mga pag-aakma sa kurikulum. Habang naghahanda ka ng mga lesson gamit ang kurikulum, simulan sa panalangin ang iyong paghahanda. Bibigyang-inspirasyon ka ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa kung anong mga pag-aakma, kung mayroon man, na maaari mong gawin sa nilalaman ng lesson upang mas matugunan ang mga pangangailangan at kakayahan ng iyong mga estudyante.
Kabilang sa mga dahilan kung bakit maaari mong iakma ang isang lesson ay:
-
Upang matulungan ang mga estudyante sa mga napapanahong isyu at tanong. (Tingnan ang case study ni Brother Jones.)
-
Upang gawing mas makabuluhan ang isang bahagi ng lesson batay sa mga pangangailangan, kakayahan, kultura, o mapagkukunang resources ng iyong mga estudyante. (Tingnan ang mga case study nina Sister Dube, Brother Reyes, at Sister Rodriguez.)
-
Upang magamit ang mas bagong mga pahayag, tagubilin, o resources na ibinigay ng mga lider ng Simbahan. (Tingnan ang case study ni Sister Schmidt.)
-
Upang makahanap ng mas magandang paraan na maisakatuparan ang isang bahagi ng lesson. Maaaring kabilang sa mga halimbawa ang pag-adjust sa object lesson sa paraang inihahanda pa rin ang isipan at puso ng mga estudyante na maturuan o anyayahan ang mga estudyante na isadula ang isang salaysay mula sa mga banal na kasulatan sa halip na manood ng video na naglalarawan ng parehong pangyayari. (Tingnan ang case study ni Brother Li.)
Bago iakma ang kurikulum, isiping tanungin ang sarili ng gaya ng sumusunod:
-
Ang pag-aakma bang ginawa ko ay nagbibigay pa rin ng karanasan sa pagkatuto na nakasentro kay Cristo, nakabatay sa banal na kasulatan, at nakatuon sa estudyante?
-
Ang pag-aakma bang ginawa ko ay naaayon sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo at sa mga alituntunin ng pagtuturo na katulad ng kay Cristo na matatagpuan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas?
-
Ang pag-aakma bang ginawa ko ay nagpapakita ng layunin ng inspiradong may-akda?
-
Ang pag-aakma bang ginawa ko ay nakatuon sa mga alituntunin na nagpapabalik-loob?
-
Nauunawaan ko ba kung paano makakaapekto ang pag-aakmang ginagawa ko sa susunod na mga lesson at karanasan sa assessment para sa mga estudyante?
Mga case study para sa pag-akma ng kurikulum
Brother Jones—Pag-akma ng lesson batay sa kasalukuyan at napapanahong mga isyu
Masigasig na naghanda si Brother Jones noong Biyernes bago ang pangkalahatang kumperensya sa katapusan ng linggo para magturo ng lesson sa Kurso ng mga Banal na Kasulatan para sa darating na Lunes. Nagulat siya nang marinig niya na ibinalita ng propeta na magtatayo ng bagong templo sa lugar kung saan siya nagtuturo. Alam niya na papasok sa klase ang mga estudyante na sabik na mag-uusap tungkol sa templo at marami ang magtatanong tungkol dito.
Nadama ni Brother Jones na ipinahiwatig sa kanya ng Espiritu Santo na i-adjust ang kanyang pacing guide para ituro sa Lunes ang isa sa mga lesson sa Paghahanda sa Templo mula sa bahaging Paghahanda sa Buhay ng kurikulum sa halip na ang lesson sa Kurso ng mga Banal na Kasulatan.
Brother Reyes—Pag-akma ng isang aktibidad batay sa mga kakayahan ng mga estudyante
Habang pinag-aaralan ang isang lesson, napansin ni Brother Reyes na nakasalalay nang husto ang lesson sa pormat ng talakayan para sa mga estudyante. Naobserbahan ni Brother Reyes na madalas na napakatahimik at hindi masyadong sumasagot sa mga talakayan ang kanyang mga estudyante. Pero talagang nasisiyahan silang magsulat sa kanilang journal. Sa halip na magpasimula ng talakayan, nagpasiya siya na isulat sa pisara ang dalawang tanong mula sa kurikulum at aanyayahan ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot. Ipinlano niya na ipabahagi sa mga handang estudyante ang isinulat nila.
Sister Rodriguez—Pag-akma ng lesson batay sa lokal na kultura
Naghahanda si Sister Rodriguez na magturo ng lesson na may kasamang mga reperensyang banal na kasulatan tungkol kay Maria, ang Ina ni Jesus. May namamayaning matitinding damdamin at iba’t ibang paniniwala tungkol kay Maria kung saan nakatira si Sister Rodriguez. Sa katunayan ay marami ang sumasamba kay Maria dahil sa kanyang ginagampan bilang ina ni Jesucristo. Habang pinag-aaralan niya ang lesson mula sa kurikulum, naghahanap si Sister Rodriguez ng angkop na aktibidad para matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang itinuro ng mga banal na kasulatan at ng mga lider ng Simbahan tungkol kay Maria. Nagpasiya siyang iakma ang lesson sa pamamagitan ng pagdaragdag ng sumusunod na dalawang tanong na kasama sa kurikulum:
“Ano ang ipinauunawa sa atin ng Alma 7:10 tungkol kay Maria? Bagama’t iginagalang at minamahal natin si Maria at ang iba pang matatapat na disipulo sa mga banal na kasulatan, paano tayo tinutulungan ng Alma 7:11–13 na maunawaan kung bakit ang Ama sa Langit at si Jesucristo lamang ang sinasamba natin?”
Sister Dube—Pag-akma ng lesson batay sa magagamit na resources
Habang naghahanda ng lesson si Sister Dube, napansin niya na isa sa mga paanyaya ay maghahanap ang mga estudyante ng kanilang mga ninuno sa FamilySearch.org. Alam niya na karamihan sa kanyang mga estudyante ay walang internet. Matalino niyang iniakma ang paanyaya na papunan sa mga estudyante ang mga family group sheet at ipakausap sa kanila ang kanilang ward temple at family history consultant para malaman kung paano nila masasaliksik ang iba pang mga pangalan ng kanilang mga kapamilya.
Sister Schmidt—Pag-akma ng lesson para magamit ang mas bagong mga pahayag mula sa mga lider ng Simbahan
Sa paghahanda niya ng lesson, binabasa nang mabuti ni Sister Schmidt ang isang lesson na ituturo niya kinabukasan. Habang binabasa sa lesson ang pahayag ng isang lider ng Simbahan, naalala niya ang isang mas bagong pahayag na maaaring maisakatuparan ang gayon ding layunin. Kamakailan lamang ay pinag-aralan niya ang mensahe sa kanyang personal na pag-aaral, at malinaw pa rin ito sa kanyang isipan. Nagpasiya siyang gamitin ang mas bagong pahayag sa kanyang lesson sa halip na ang nakasaad sa kurikulum.
Brother Li—Pag-akma ng aktibidad sa pag-aaral para mas maisakatuparan ang layunin
Habang naghahanda si Brother Li na magturo ng lesson mula sa kurikulum, nabasa niya ang isang mungkahi na magdala sa klase ng bola ng soccer. Napansin niya na ang layunin ng object lesson ay tulungan ang mga estudyante na makita na ang kahalagahan ng isang bola ng soccer ay maaaring maimpluwensyahan ng karagdagang kaalaman tungkol sa kasaysayan nito.
Sa hangaring maisakatuparan ang layuning ito sa pinakaepektibong paraan para sa kanyang mga estudyante, pinag-isipan niya sandali kung anong bagay ang madadala niya sa klase na pinakamainam na maiuugnay ng kanyang mga estudyante. Nagpasiya siyang iakma ang lesson sa pamamagitan ng pagdadala ng simpleng kuwintas sa klase. Matapos ibahagi ng mga estudyante kung ano sa palagay nila ang halaga ng kuwintas, ibabahagi niya kung sino ang gumawa ng kuwintas at kung bakit higit na naging mahalaga ito sa kanya dahil nalaman niya ang kasaysayan nito kaysa sa maaaring isipin tungkol dito.
Mga Mungkahi sa Paggamit at Pag-akma
Bagama’t maaaring iakma ang alinman sa mga materyal sa kurikulum, inilalarawan ng sumusunod na diagram ang isang hanay kung paano maaaring maging mas angkop na iakma ang iba’t ibang bahagi ng isang lesson kaysa sa iba.
Halimbawa, ang layunin ng lesson, ang konteksto ng isang scripture block, o ang binigyang-diin na katotohanan ay maaaring hindi gaanong angkop na iakma kaysa sa kung paano nagsisimula ang isang lesson o kung anong mga halimbawa ang maaaring ibahagi ng titser tungkol sa isang binigyang-diin na katotohanan. Ang mga bagay na mas malapit sa kaliwang bahagi ay maaaring mas madalas gamitin, samantalang ang mga bagay sa kanang bahagi ay maaaring mas madalas na iakma. Tandaan na ang mga ito ay mga mungkahi. Ang mga titser ay hindi inaasahang iakma ang lahat ng nasa kanang bahagi, tulad ng hindi sila inaasahan na gamitin ang lahat ng nasa kaliwang bahagi.
Katapusan
Gagabayan ka ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo kapag mapanalangin mong pinag-aralan ang Kanyang salita at pinaghandaan ang mga lesson para pagpalain ang Kanyang mga anak. Matutulungan ka Niya na maunawaan kung paano gamitin ang nakasaad sa kurikulum at kung kailan dapat gumawa ng mga pag-aakma para mas matulungan ang iyong mga estudyante.