“Training para sa Mga Lesson sa Paghahanda sa Buhay,” Training para sa Kurikulum ng Seminary (2025)
Training para sa Mga Lesson sa Paghahanda sa Buhay
Buod
Matapos purihin ang mga titser sa kanilang pagsisikap na pagpalain ang mga kabataan, sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan, “Ngunit kailangan [ng ating mga estudyante] ang higit pa. Napakaraming nagtapos sa seminary ang hindi naging karapat-dapat magmisyon. Napakarami sa matapat nating estudyante ang hindi kailanman tumanggap ng mga pagpapala ng mga ordenansa sa templo. Ang bilang ng mga trahedyang iyon sa kanila ay tataas kung hindi tayo magbabago” (“We Must Raise Our Sights” [CES Conference, Ago. 14, 2001], Gospel Library).
Mahigit 20 taon na ang nakalipas mula nang ibigay ni Pangulong Eyring ang pahayag na iyon. Nahaharap ang ating mga kabataan sa mas malalaking hamon at oposisyon—hindi lamang sa kanilang pananampalataya kundi pati na rin sa iba pang mga aspeto ng kanilang buhay. Ang mga lesson sa Paghahanda sa Buhay ay nilayong matugunan ang mga pangangailangan ng kabataan sa henerasyong ito. Ang mga lesson na ito sa Paghahanda sa Buhay ay nagbibigay sa mga estudyante ng mga pagkakataong ipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas na:
-
Harapin ang mahihirap na tanong at mahihirap na sitwasyon sa buhay.
-
Maging self-reliant para matustusan ang sarili at pamilya.
-
Maging mas malusog ang katawan at matatag ang damdamin.
-
Magpaunlad ng mga kasanayan upang magtagumpay sa paaralan.
-
Gumawa ng mga plano upang maghanda para sa pag aaral at trabaho sa hinaharap.
-
Maghanda para sa paglilingkod sa misyon at Simbahan.
-
Maghanda na gumawa at tumupad ng mga tipan sa templo.
Ang mga lesson na ito ay tutulong sa pagtugon sa mga hamong kinakaharap ng kabataan sa paraang nakasentro kay Cristo, nakabatay sa banal na kasulatan, at nakatuon sa estudyante na may patnubay ng Espiritu. Kasama ng mga lesson sa Kurso ng mga Banal na Kasulatan, ang mga lesson sa Paghahanda sa Buhay ay makatutulong sa pagpapalalim ng pagbabalik-loob ng mga estudyante kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.
Mga Lesson sa Paghahanda sa Buhay at ang Layunin
Sa training na ito, magkakaroon ka ng pagkakataong saliksikin kung paano binuo ang mga lesson sa Paghahanda sa Buhay upang maisakatuparan ang layunin ng S&I, gaya ng nasa mga lesson sa Kurso ng mga Banal na Kasulatan. Ang bawat lesson sa Paghahanda sa Buhay ay isinulat ayon sa mga sumusunod na pamantayan sa talatang “Magturo” ng layunin ng S&I:
Itinutuon natin ang bawat karanasan sa pagkatuto kay Jesucristo at sa Kanyang halimbawa, mga katangian, at kapangyarihang tumubos. Tinutulungan natin ang mga estudyante na matutuhan ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ayon sa nakasaad sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta. Tinutulungan natin ang mga estudyante na magawa ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral para sa kanilang sarili. Pinagsisikapan nating anyayahan ang Espiritu Santo na gawin ang Kanyang tungkulin sa bawat karanasan sa pagkatuto.
Ang mga Lesson sa Paghahanda sa Buhay ay Tumutulong sa Pagsasakatuparan ng Layunin ng S&I
Ipaliwanag
Sa paghahanda mo ng mga lesson, kabilang na ang mga lesson sa Paghahanda sa Buhay, makatutulong na hanapin kung paano isinasakatuparan ng lesson ang bawat pangungusap mula sa talatang “Magturo” ng layunin.
Ipakita
Nasa ibaba ang dalawang seleksyon mula sa mga lesson na Paghahanda sa Buhay para sa taong 2025. Ang una ay isang lesson tungkol sa Pisikal at Emosyonal na Kalusugan na pinamagatang “Pagkakaroon ng Magandang Paraan ng Pag-iisip.” Ang pangalawa ay ang lesson sa Pagtagumpay sa Paaralan na pinamagatang “Pagtuklas ng Iyong mga Lakas at Kakayahan.” Alamin kung paanong ang mga aktibidad na ito sa pagkatuto, na nakatuon sa iba’t ibang paksa, ay binuo upang maisakatuparan ang layunin ng S&I.
Lesson 186: Pagkakaroon ng Magandang Paraan ng Pag-iisip
Nakasentro kay Cristo: Narito ang ilang halimbawa mula sa lesson na ito na tumutulong na isentro kay Jesucristo ang karanasan sa pagkatuto. Pansinin kung paanong sa mga pagkakataong ito, inanyayahan ang mga estudyante na humingi ng tulong sa Tagapagligtas at matuto mula sa Kanyang halimbawa at mga turo.
-
Maaari mong ibahagi sa mga estudyante na isasabuhay nila ang paghingi ng tulong sa Tagapagligtas na iwasto ang mga hindi-tumpak o masasamang kaisipan.
-
Ano sa iyong palagay ang ibig sabihin ng ituon ang ating mga pag-iisip sa Tagapagligtas? (Kabilang sa ilang halimbawa ang sumusunod: pagninilay kung paano maaaring kumilos ang Tagapagligtas sa mga sitwasyong kinakaharap natin, inaalam kung paano maaaring maiakma ang Kanyang mga turo sa sitwasyon, at pag-alaala sa Kanyang pagmamahal.)
Batay sa Banal na Kasulatan: Narito ang ilang halimbawa mula sa lesson na ito na tumutulong sa mga estudyante na matuto mula sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta. Pansinin na ang mga estudyante ay binibigyan ng mga pagkakataong pag-aralan ang mga banal na kasulatan at na ang mga salita ni Pangulong Russell M. Nelson ay maaaring makatulong sa mga estudyante na maunawaan ang talatang ito.
-
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 6:36, at alamin kung ano ang paanyaya ng Panginoon na gawin natin.
-
Patungkol sa banal na kasulatang ito, itinuro ni Pangulong Nelson: “Kailangan tayong magtuon sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Kailangang mag-isip nang husto sa pagsisikap na magtuon sa Kanya sa bawat pag-iisip. Kapag ginawa natin ito, mawawala ang ating mga pagdududa at takot” (Russell M. Nelson, “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2017, 41).
Nakatuon sa mag-aaral: Narito ang ilang halimbawa mula sa lesson na ito na tumutulong sa mga estudyante na gawin ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral para sa kanilang sarili. Pansinin na inaanyayahan ang mga estudyante na tukuyin ang kanilang sariling mga pangangailangan para mahikayat silang makibahagi sa karanasan sa pagkatuto. Inaanyayahan din ang mga estudyante na magbahagi ng kanilang sariling natatanging mga kaisipan at ideya.
-
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung gaano kadalas nilang napapansin ang kanilang sariling mga paraan ng pag-iisip at kung ang mga paraan ba na iyon ay posibleng makatulong o tumpak.
-
Ano ang tumimo sa iyo mula sa pahayag ni Pangulong Nelson?
Pinatnubayan ng Espiritu: Narito ang halimbawa ng paraan kung paano maanyayahan ng lesson ang Espiritu Santo na gampanan ang Kanyang tungkulin sa karanasan sa pagkatuto. Hinihikayat ang mga titser na sadyang anyayahan ang mga estudyante na humingi ng patnubay sa Espiritu Santo. Ang mga paanyayang tulad nito ay makatutulong sa mga estudyante sa kanilang pagsisikap na tumanggap ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo sa kanilang pag-aaral.
-
Sabihin sa mga estudyante na humingi ng patnubay sa pamamagitan ng Espiritu Santo para mas maunawaan ang kanilang sariling mga paraan ng pag-iisip, lalo na kapag humaharap sila sa mahihirap na sitwasyon.
Lesson 193: Pagtuklas ng Iyong mga Lakas at Kakayahan
Nakasentro kay Cristo: Narito ang ilang halimbawa mula sa lesson na ito na tumutulong na isentro kay Jesucristo ang karanasan sa pagkatuto. Pansinin kung paanong ang binigyang-diin na katotohanan ay inuugnay kay Cristo sa lesson na ito at inaanyayahan ang mga estudyante na humingi ng tulong sa Kanya. Ipinapaalala rin sa mga estudyante ang kanilang banal na identidad at ang mga lakas at kakayahan na taglay nila ay mga pagpapakita ng pagmamahal at awa ng Diyos.
-
Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Hindi ang panlabas na anyo ang tinitingnan ng Panginoon kundi ang puso (tingnan sa 1 Samuel 16:7). Magagawa natin ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Jesucristo, na nagbibigay sa atin ng lakas (tingnan sa Filipos 4:13; Alma 26:12). Ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:10).
-
Ipaalala sa mga estudyante na bilang mga anak ng Diyos na nilikha sa Kanyang larawan, bawat isa sa atin ay pinagpala ng iba’t ibang lakas at kakayahan. Maaaring may mga estudyante na nahihirapang matukoy ang mga lakas at kakayahan na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos.
Batay sa Banal na Kasulatan: Narito ang ilang halimbawa mula sa lesson na ito na tumutulong sa mga estudyante na matuto mula sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta. Pansinin na ang mga banal na kasulatan na pag-aaralan ng mga estudyante ay sadyang pinili upang ituon ang mga estudyante kay Jesucristo para sa Kanyang tulong. May pagkakataon ang mga estudyante na pag-aralan ang payo ng isang Apostol tungkol sa kung paano matutuklasan ang ilan sa kanilang mga kaloob na ibinigay ng Diyos.
-
Pag-aralan ang ilan sa sumusunod na mga talata, na inaalam ang mga walang-hanggang katotohanan na makatutulong sa ating makilala ang ating kakayahang makamit ang ating potensyal sa pamamagitan ni Jesucristo. 1 Samuel 16:7; Filipos 4:13; Jacob 4:7; Alma 26:12; Doktrina at mga Tipan 18:10.
-
Ibinahagi ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilan sa mga paraan para matukoy natin ang mga talento, lakas, at kakayahan na ipinagkaloob sa atin ng ating Ama sa Langit: “Ang mga talentong ibinigay sa atin ng Diyos ay unang nakikita sa mga interes na ating hinahangad. Kung gusto ninyong malaman ang inyong mga talento, gumawa ng isang listahan ng mga bagay na gusto ninyong gawin. Isama ang lahat ng aktibidad na gusto ninyo mula sa iba’t ibang aspeto ng inyong buhay—espirituwal, musikal, dramatiko, akademiko, atletiks, at iba pa. Pag-aralan at pagnilayan ang inyong patriarchal blessing para sa mga impormasyon at inspirasyon. Tanungin ang mga kapamilya, pinagkakatiwalaang kaibigan, titser, at lider; kadalasang nakikita ng iba ang hindi natin nakikita sa ating sarili” (Ronald A. Rasband, “Parables of Jesus: The Parable of the Talents,” Ensign, Ago. 2003, 34).
Nakatuon sa mag-aaral: Narito ang ilang halimbawa mula sa lesson na ito na tumutulong sa mga estudyante na gawin ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral para sa kanilang sarili. Pansinin kung paano nakatutulong sa mga estudyante ang mga aktibidad na ito na isipin ang sarili nilang mga karanasan at kalagayan. Layunin ng mga ito na tulungan ang mga estudyante na mahikayat na ituon ang kanilang puso at isipan sa karanasan sa pagkatuto para matugunan ang mga pangangailangan nila ngayon. May pagkakataon din ang mga estudyante na pag-isipan ang mga tunay na hamon na kinakaharap nila at kung paano sila matutulungan ng mga katotohanang matatagpuan sa mga banal na kasulatan.
-
Isipin ang mga responsibilidad o oportunidad sa trabaho na interesado kang subukan sa hinaharap. Subukan ding tukuyin ang mga kasanayan at kakayahan na kailangan mo pa ring paunlarin na makakatulong sa iyo na maging mas handa para sa hinaharap.
-
Paano tayo matutulungan ng mga katotohanang ito kapag pinanghihinaan tayo ng loob tungkol sa ating mga kakayahan?
Pinatnubayan ng Espiritu: Narito ang halimbawa ng paraan kung paano maanyayahan ng lesson ang Espiritu Santo na gampanan ang Kanyang tungkulin sa karanasan sa pagkatuto. Pansinin na ang mga estudyante ay inaanyayahang humingi ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo upang mas malinaw na makita ang kanilang mga pangangailangan ngayon at ang mga susunod na hakbang upang maging mas handa sa buhay.
-
Sa pag-aaral mo ngayon, hingin ang patnubay ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo para tulungan kang matukoy ang mga lakas at kasanayan na mayroon ka na makapaghahanda sa iyo para sa mga responsibilidad na ito.
Magsanay
Tukuyin ang isang lesson sa Paghahanda sa Buhay na ituturo mo sa lalong madaling panahon, batay sa iyong lokal na pacing guide. Rebyuhin ang lesson na ito habang hinahanap ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:
-
Paano nakasentro kay Jesucristo ang karanasan sa pagkatuto?
-
Paano nakatutulong ang lesson sa mga estudyante na matutuhan ang ebanghelyo ni Jesucristo tulad ng matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta?
-
Paano tinutulungan ng lesson ang mga estudyante na magawa ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral para sa kanilang sarili?
-
Paano nakatutulong ang lesson na anyayahan ang Espiritu Santo na gampanan ang Kanyang tungkulin sa karanasan sa pagkatuto?
Malinaw na Ipabatid ang Iskedyul ng Lesson
Maaaring nakakalito para sa mga estudyante na magkaroon ng lesson sa Kurso ng mga Banal na Kasulatan sa isang araw at pagkatapos ay isang lesson sa Paghahanda sa Buhay sa susunod na araw. Kapag nabigyan ng mas malawak na pananaw ang mga estudyante sa kung ano ang kanilang pag-aaralan sa buong linggo, makatutulong ito sa kanila na maging mas handa sa pag-aaral. Ang sumusunod na mga kasanayan ay ang ilang paraan na maaari mong gawin ito. Kung napansin mo na nalilito ang iyong mga estudyante kapag palipat-lipat ka sa iba’t ibang uri ng lesson, maaari mong subukan ang isa o mahigit pa sa mga mungkahing ito o ang isang bagay na naisip mo. Ang training na ito ay tutulong sa iyo na:
-
Malinaw na ipabatid ang ituturo sa buong linggo at kung bakit ito ituturo.
-
Malinaw na ipabatid sa buong linggo kapag ang lesson o paksa ay lilipat mula sa mga lesson sa Kurso ng mga Banal na Kasulatan patungo sa mga lesson sa Paghahanda sa Buhay.
Malinaw na Ipabatid ang Ituturo sa Buong Linggo at Bakit Ito Ituturo
Ipaliwanag
Sa simula ng bawat linggo, maaari mong ipabatid sa mga estudyante ang mga lesson at paksang pinlano para sa bawat araw ng linggo. Kapag nalalaman ng mga estudyante ang lesson na pag-aaralan para sa buong linggo at ang mga layunin ng lesson, mas magiging handa silang makibahagi sa karanasan sa pagkatuto. Ang isang paraan para maipabatid mo ang ituturo sa buong linggo ay ang pagpapakita ng pamagat ng bawat lesson sa linggong iyon, kasama ang maikling buod ng kung ano ang inaasahan ng mga estudyante na matututuhan sa mga lesson na iyon.
Ipakita
Class, excited ako sa mga magiging lesson natin ngayong linggo. [Ipapakita ng titser ang isang graphic na may sumusunod na chart]
Lunes |
Doktrina at mga Tipan 3 |
---|---|
Martes |
Doktrina at mga Tipan 4 |
Miyerkules |
Doktrina at mga Tipan 5 |
Huwebes |
I-assess ang Iyong Pagkatuto |
Biyernes |
Pagtugon sa Stress at Pagkabalisa |
Sa linggong ito mula Lunes hanggang Miyerkules ay pag-aaralan natin ang bahagi 3–5 ng Doktrina at mga Tipan. Ang mga panahong ito ay lubhang nakakabahala para kay Propetang Joseph Smith nang dumanas siya ng napakahirap na mga pagsubok. Mula sa mga bahaging ito, matututuhan natin ang mahahalagang katotohanan na inihayag ng Diyos na makatutulong sa atin na bumaling kay Jesucristo at manatiling matatag sa panahon ng kaguluhan. Sa Huwebes, magkakaroon kayo ng pagkakataong pagnilayan ang inyong natutuhan sa isang lesson sa I-assess ang Iyong Pagkatuto. Sa Biyernes, tatalakayin natin kung paano haharapin ang stress at pagkabalisa sa tulong at lakas ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Magsanay
Tingnan ang iyong pacing guide at buod sa susunod na linggo. Isulat ang maaari mong gawin upang malinaw na maipabatid ang ituturo sa buong linggo.
Malinaw na Ipabatid sa Buong Linggo Kapag ang Lesson o Paksa ay Lilipat sa Mga Lesson sa Paghahanda sa Buhay mula sa Mga Lesson sa Kurso ng mga Banal na Kasulatan
Ipaliwanag
Kapag lumipat sa mga lesson sa Paghahanda sa Buhay mula sa mga lesson sa Kurso ng mga Banal na Kasulatan, maaari mong sabihin sa mga estudyante ang paksa at layunin ng lesson sa araw na iyon. Maaaring makatulong na ibahagi kung paano magkatulad o magkaiba ang lesson at nilalaman mula sa nakaraang klase. Hindi kinakailangang gawin ito sa bawat pagkakataon, ngunit kung minsan ay makatutulong ito para maunawaan ng mga estudyante ang layunin at direksyon.
Ipakita
Sa ibaba ay makikita mo ang isang halimbawa kung saan ang mga layunin ng lesson sa Kurso ng mga Banal na Kasulatan at Paghahanda sa Buhay ay mas magkakatugma at minsan lang hindi.
-
Sa linggong ito, pinag-aaralan natin ang ilang napakabigat na sitwasyong kinaharap ni Propetang Joseph. Naaalala ba ninyo kung ano ang ilan sa mga ito? [Mga sagot ng estudyante] Ngayon ay lilipat tayo mula sa pag-aaral ng tungkol sa mga salaysay na ito sa Doktrina at mga Tipan patungo sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at mga salita ng mga lider ng Simbahan para tulungan kayong makahugot ng lakas mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pagharap sa sarili ninyong mahihirap na sitwasyon.
-
Nang pag-aralan natin ang mga salaysay na ito sa Doktrina at mga Tipan, natutuhan natin kung paano tayo makahuhugot ng lakas mula sa Panginoon para harapin ang mga mahihirap na sitwasyon. Ngayon ay pag-aaralan naman natin kung paano tayo makahuhugot ng lakas mula sa Panginoon upang maging karapat-dapat at manatiling karapat-dapat na pumasok at sumamba sa Kanya sa Kanyang templo.
Magsanay
Tingnan ang kurikulum para sa pacing ng linggong ito. Sumulat ng paraan para malinaw na maipabatid kung ano ang pagtutuunan ng klase sa bawat araw.
Mga Pag-iingat
Ang mga lesson sa Paghahanda sa Buhay ay nagbibigay ng mga pagkakataon sa mga estudyante sa seminary na malaman kung paano sila matutulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na malagpasan ang mga hamon ng mortalidad. Sa pagtuturo mo ng mga lesson na ito, dapat na alam mo ang sumusunod na mga pag-iingat na gagawin:
Ang Bawat Karanasan sa Pagkatuto ay Dapat Nakasentro kay Cristo, Nakabatay sa Banal na Kasulatan, at Nakatuon sa Mag-aaral
Ang bawat karanasan sa pagkatuto sa seminary ay dapat makatulong sa pagsasakatuparan ng Layunin ng Seminaries and Institutes of Religion. Ito ay nangangahulugan na ang mga ito ay magiging laging nakasentro kay Cristo, nakatuon sa mag-aaral, nakabatay sa banal na kasulatan, at ginagabayan ng Espiritu. Ang mga lesson sa Paghahanda sa Buhay ay madaling maging hindi balanse. Halimbawa, ang isang titser ay maaaring magkaroon ng maraming karanasan sa isa sa mga paksa at maaaring magpasiyang ituon nang lubos sa mag-aaral ang karanasan, na nagbibigay-diin sa maraming mga kasanayan at estratehiya kung paano matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante. Gayunman, sa prosesong ito, madaling makakaligtaan ng titser ang pangangailangang iugnay ang mga estudyante kay Cristo at turuan sila mula sa mga salita ng mga banal na kasulatan at mga propeta.
Case study: Si Sister Jones ay may malawak na karanasan sa pagpaplano ng pananalapi. Nagpasiya si Sister Jones na turuan ang kanyang mga estudyante ng maraming kasanayan tungkol sa pagpaplano ng pananalapi sa paraang nakatuon sa estudyante.
Ano ang ilan sa mga maaaring kahinatnan kapag itinuro ni Sister Jones ang lesson sa ganitong paraan?
Balansehin ang Bilang ng mga Lesson sa Paghahanda sa Buhay Ayon sa Nakabalangkas sa Kurikulum
Maaaring may ilang uri ng lesson o paksa na nais ng ilang titser na dagdagan pa o bawasan ng oras sa klase kaysa sa iba. Tandaan na maraming tao, kabilang na ang mga taga-ibang departamento ng Simbahan, ang nagsasanggunian upang matukoy ang bilang ng mga lesson sa bawat kategorya. Kahit ang isang paksa na tila hindi gaanong kawili-wili para sa isang titser ay maaari namang napakahalaga para sa ilang estudyante. Ang paggugol ng mas maraming oras sa klase sa ilang lesson kaysa sa nakabalangkas sa kurikulum ay maaaring humantong sa hindi gaanong pagbibigay-diin sa iba pang mahahalagang resulta ng pagkatuto. Inirerekomenda ng “Training para sa Paggawa ng Pacing Guide” na karaniwang dapat magkaroon ng mas maraming lesson sa Kurso ng mga Banal na Kasulatan kaysa sa mga lesson sa Paghahanda sa Buhay sa iyong pacing guide. Ang bilang ng mga lesson para sa bawat kategorya ng Paghahanda sa Buhay ay nagpapahiwatig din ng iminungkahing balanse. Sundin ang mga gabay na ito na may napakakaunting eksepsyon.
Case Study: Tuwang-tuwa si Brother Hendricks na sa wakas ay may mga pagsisikap na sadyang ginagawa para sa seminary upang ihanda ang mga kabataan sa misyon. Sa halip na magturo lamang ng limang lesson sa paghahanda sa misyon, gumugugol siya ng dalawang linggo sa pagtuturo ng mga lesson na ito pati na rin sa ilang lesson na sariling gawa niya.
Ano ang ilan sa mga posibleng kahihinatnan ng pamamaraan ni Brother Hendricks sa pagtuturo ng mga lesson sa paghahanda ng missionary?
Gamitin ang Kurikulum Anuman ang Iyong Antas ng Karanasan
Katulad ng bilang ng mga lesson, ang layunin ng bawat lesson ay tulung-tulong na pinagpasiyahan din ng maraming tao, kabilang na ang mga miyembro ng iba pang mga departamento ng Simbahan. Ang mga departamentong ito ay kadalasang umaasa sa pananaliksik na nakumpleto ng Correlation Research Division ng Simbahan para sa input na ibinigay nila. Gaya ng lahat ng mga lesson sa kurikulum ng S&I, masusing nirepaso ng Correlation Department ng Simbahan ang mga lesson sa Paghahanda sa Buhay para sa katumpakan at kaangkupan sa doktrina. Ginawa ang mga lesson sa paraang maituturo nang simple ang mga paksang tinatalakay nito, hindi isang komprehensibong kurso tungkol sa paksa. Kung alam na alam mo ang paksa, maaaring maramdaman mo na may mahahalagang ideya na hindi natalakay. Maging napakaingat sa pagdaragdag ng isang bagay na hindi pa naisasama. Gaano man karami o kakaunti ang iyong kaalaman at karanasan sa isang ibinigay na paksa, gamitin ang kurikulum bilang saligan para sa karanasan sa pagkatuto na ibibigay mo. Magsimula sa pamamagitan ng paggamit ng lesson bago gumawa ng mga desisyon tungkol sa kung ano ang iaakma. Para sa karagdagang impormasyon tungkol dito, tingnan ang “Training para sa Paggamit at Pag-akma ng Kurikulum ng Seminary” na matatagpuan sa Training para sa Kurikulum ng Seminary.
Case Study: Si Sister Benson ay isang lisensiyadong clinical social worker. Kasalukuyan siyang nagtatagumpay sa paggamit ng isang bagong pamamaraan sa pagtulong sa kanyang mga kliyente na may adiksyon. Nagpasiya siyang turuan ang kanyang mga estudyante ng mga kasanayang nauugnay sa bagong pamamaraang ito sa halip na ituro ang isa sa mga lesson sa emosyonal na kalusugan.
Ano ang ilan sa mga posibleng resulta ng pamamaraan ni Sister Benson sa mga lesson sa emosyonal na kalusugan?
Alalahanin Mo ang Tungkulin Mo Bilang Titser
Habang nagtuturo ka ng mga lesson sa Paghahanda sa Buhay, tandaan ang iyong tungkulin bilang titser sa seminary. Maaaring ibahagi sa iyo ng mga estudyante ang mga mahirap na sitwasyong kinakaharap nila. Ang tungkulin mo ay ilapit sila sa kanilang mga magulang at mga lider ng priesthood, na makagagabay sa kanila sa tulong na kailangan nila. Para sa tulong sa mga sitwasyon na maaaring may kinalaman sa pang-aabuso, mangyaring tingnan ang “Pang-aabuso” sa Seminaries and Institutes Emergency Response Guide.
Case Study: Nalaman ni Sister Benson na matapos niyang ituro ang kanyang mga lesson, maraming estudyante ang nananatili pagkatapos ng klase. Gusto nilang ibahagi sa kanya ang ilang personal na detalye tungkol sa kanilang buhay. Nakikipagkita siya sa kanila nang isa-isa sa kanyang opisina pagkatapos ng kanilang klase at pagkatapos ng pasok sa eskwela.
Ano ang ilan sa mga maaaring maging resulta ng pakikipag-ugnayan ni Sister Benson sa kanyang mga estudyante?
Katapusan
Sa loob ng apat na taon sa seminary, maraming pagkakataon na matututuhan ng mga estudyante kung paano ipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas sa iba’t ibang kalagayan at sitwasyon. Ang mga karanasan sa pagkatuto na idinagdag ng mga lesson sa Paghahanda sa Buhay sa mga lesson sa Kurso ng mga Banal na Kasulatan ay mas maihahanda ang isang buong henerasyon na harapin ang mga hamon sa buhay sa pamamagitan ng paghugot sa lakas, mga turo, at ebanghelyo ng Tagapagligtas. Mas magiging handa silang ihanda ang kanilang sarili, kanilang pamilya, at iba pa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit.