“Training para sa Doctrinal Mastery,” Training para sa Kurikulum ng Seminary (2025)
Training para sa Doctrinal Mastery
Pambungad sa Doctrinal Mastery: Isang Huwaran para sa Paghahangad at Paghahanap ng mga Banal na Sagot
Sa Aklat ni Mormon, ikinuwento ni Jacob ang isang karanasan niya sa isang lalaking nagngangalang Serem. Si Serem ay marunong at gumamit ng maraming panghihibok at kapangyarihan ng pananalita upang akayin ang puso ng marami at “malupig ang doktrina ni Cristo” (tingnan sa Jacob 7:2–4). Ipinaliwanag ni Jacob na si Serem ay “naghanap … ng maraming pagkakataon na magharap kami. … At umasa siya na matitinag ako mula sa pananampalataya” (Jacob 7:3, 5). Gayunman, itinala ni Jacob na “hindi ako maaaring matinag” (Jacob 7:5). Dahil sa masigasig na pagsisikap na ginawa ni Jacob sa buong buhay niya, walang tanong o sitwasyon ang makapagpapaalis kay Jacob sa kanyang pundasyon na matibay na naitatag kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.
Sa ating panahon, ang mga kabataan ng Simbahan ay nahaharap sa maraming mahihirap na tanong at sitwasyon na maaaring tuminag sa kanila mula sa kanilang pananampalataya. Ang doctrinal mastery ay isang paraan na mapaghahandaan ng mga estudyante ang mga hamong ito. Habang lalo pang pinaghuhusay ng mga estudyante ang kanilang kaalaman sa doktrina, mas magiging handa sila na hindi kailanman matitinag sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Ibinahagi ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod sa mga titser sa seminaries and institutes tungkol sa doctrinal mastery:
[Ang Doctrinal Mastery] ay magtutuon sa pagpapalago at pagpapalakas ng pananampalataya ng ating mga estudyante kay Jesucristo at pagpapaibayo ng kakayahan nilang mamuhay ayon sa ebanghelyo. …
Ang inisyatibong ito ay inspirado at napapanahon. Maganda ang magiging impluwensya nito sa ating mga kabataan. Gayunman, ang tagumpay ng Doctrinal Mastery, at ng lahat ng iba pang mga programa ng pag-aaral sa CES, ay nakasalalay nang husto sa inyo. (M. Russell Ballard, “Ang mga Oportunidad at Responsibilidad ng mga CES Teacher sa Ika-21 Siglo” [gabi kasama ang isang General Authority, Peb. 26, 2016], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)
Doctrinal Mastery sa Kurikulum
Sa manwal ng titser, ang mga karanasan sa pagkatuto sa doctrinal mastery ay paminsan-minsang isinasama upang matulungan ang mga estudyante na maisakatuparan ang mga resulta ng doctrinal mastery. Ang sumusunod na graphic ay naglalarawan ng mga resulta ng doctrinal mastery. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang Doctrinal Mastery Core Document (2023).
Tinutulungan ng kurikulum ng seminary ang mga estudyante na maisagawa ang mga resulta ng doctrinal mastery sa sumusunod na tatlong paraan:
-
Mga panimulang lesson sa doctrinal mastery at mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman
-
Ang mga doctrinal mastery scripture passage na itinuro sa konteksto kasabay ng iskedyul ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
-
Mga Lesson sa Pagsasanay sa Doctrinal Mastery
Tulad ng isang rock climber na nangangailangan ng mga kagamitan para ligtas na makababa mula sa matarik na gilid ng bangin, ang mga karanasan sa pagkatuto na ito ay tumutulong sa mga estudyante na magkaroon ng mga kasanayan na harapin ang mahihirap na tanong at sitwasyon nang may pananampalataya kay Jesucristo.
Pambungad sa doctrinal mastery at mga lesson sa pagtatamo ng espirituwal na kaalaman
May limang lesson sa doctrinal mastery na ginawa upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang layunin ng doctrinal mastery at malaman ang tungkol sa mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.
-
Pagpapalakas ng Iyong Espirituwal na Pundasyon: Pambungad sa Doctrinal Mastery. Nagbibigay sa mga estudyante ng pangkalahatang pananaw kung ano ang doctrinal mastery at kung anong mga uri ng karanasan sa pagkatuto ang maaasahan nila upang tulungan silang magkaroon ng doctrinal mastery o kahusayan sa doktrina. Pinakamainam ituro sa simula ng taon ng klase kung maraming estudyante ang bago sa seminary o bilang pagrerebyu sa kalagitnaan ng taon.
-
Paghahangad ng Personal na Paghahayag para sa Aking mga Tanong: Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Bahagi 1. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano sila makatatanggap ng patnubay at paghahayag mula sa Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Pinakamainam ituro sa simula ng taon ng klase.
-
Pagkilos nang May Pananampalataya upang Mahanap ang mga Sagot: Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Bahagi 2. Tumutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano kumilos nang may pananampalataya kay Jesucristo habang naghahanap sila ng mga sagot sa kanilang mga tanong. Pinakamainam ituro sa simula ng taon ng klase.
-
Pagsusuri sa mga Paksa at mga Tanong ng Ebanghelyo nang may Walang-Hanggang Pananaw: Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Bahagi 3. Tinutulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang mga konsepto at tanong tulad ni Jesucristo habang sinusuri ng mga estudyante ang mga ito na may walang-hanggang pananaw. Pinakamainam ituro sa simula ng taon ng klase.
-
Pagbaling sa Sources na Itinalaga ng Diyos para Matulungan sa Paghahanap ng mga Sagot: Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Bahagi 4. Tumutulong sa mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng paghahanap ng katotohanan mula sa sources na buong pagmamahal na ibinigay ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Pinakamainam ituro sa simula ng taon ng klase.
Mga doctrinal mastery passage na itinuturo sa konteksto
Kapag nagtuturo ng lesson mula sa scripture block na may kasamang doctrinal mastery passage, maghanap ng mga paraan na mabigyang-diin ang talata. Ituro ang konteksto ng talata, at magtuon sa doktrinang itinuturo nito. Mapapansin mo ang icon na ito tuwing may doctrinal mastery passage. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang bawat talata upang makita ito ng mga estudyante kalaunan.
Ang Doctrinal Mastery Core Document (2023) ay naglalaman ng listahan ng 24 na doctrinal mastery passage para sa bawat kurso. Marahil ay hindi kasama sa iyong pacing guide ang lahat ng lesson na tumatalakay sa konteksto ng mga doctrinal mastery passage habang patuloy pa ang klase sa seminary, kaya tiyaking maghanap ng mga pagkakataong tulungan ang mga estudyante na rebyuhin ang lahat ng 24 na talata.
Kapag pinag-aralan sa klase ang mga doctrinal mastery passage, tiyaking mag-ukol ng sapat na oras sa pag-aaral ng doktrinang itinuturo sa doctrinal mastery passage upang malaman at maunawaan ito ng mga estudyante. Bawat lesson na may doctrinal mastery passage ay may kasamang mungkahi na tulungan ang mga estudyante na sanayin ang pagsasaulo ng scripture reference at mahahalagang parirala nito bilang bahagi ng lesson at muling magpraktis sa mga susunod na lesson. Kakailanganin ng mga estudyante ng regular na pagsasanay para maisaulo ang mga reperensya at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan. Kasama sa “Mga Ideya sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery” ang mga mungkahi kung paano mo maaaring matulungan ang mga estudyante na sanayin ang pagsasaulo ng scripture reference at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan. Matatagpuan ito sa apendiks ng manwal ng titser sa seminary.
Mga Lesson sa Pagsasanay sa Doctrinal Mastery
Ang mga lesson sa Pagsasanay sa Doctrinal Mastery ay naka-iskedyul, mga tuwing apat hanggang anim na linggo. Nagbibigay ito ng mga pagkakataon sa mga estudyante na magsikap na maisakatuparan ang mga resulta ng doctrinal mastery. Ang bawat lesson sa pagsasanay sa doctrinal mastery ay naglalaman ng dalawang bahagi:
-
Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery
-
Pag-aralan at Ipamuhay ang mga Alituntunin ng Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman
Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery
Sa bahaging Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery, magsasanay ang mga estudyante ng pag-unawa at pagpapaliwanag sa doktrina gamit ang mga doctrinal mastery passage, hahanapin ang mga doctrinal mastery scripture passage at isasaulo ang mahahalagang parirala ng banal na kasulatan, at ipamumuhay ang doktrinang itinuturo sa mga talatang ito. Bagama’t mahalaga ang mga pagrerebyung ito at dapat maging regular na bahagi ng mga karanasan sa pagkatuto ng mga estudyante, pangasiwaan nang mahusay ang oras ng klase upang mailaan ang malaking bahagi ng oras sa bahaging Pag-aralan at Ipamuhay ang mga Alituntunin ng Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman.
Pag-aralan at Ipamuhay ang mga Alituntunin ng Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman
Sa bahaging Pag-aralan at Ipamuhay ang mga Alituntunin ng Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, dapat gugulin ang karamihan ng oras sa mga lesson sa Pagsasanay sa Doctrinal Mastery. Ang bahaging ito ay nagbibigay sa mga estudyante ng mga pagkakataong magsanay na ipamuhay ang doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo at gamitin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa mga sitwasyon sa totoong buhay.
Ang bawat pagsasanay ay nagsisimula sa pagkakataon ng mga estudyante na rebyuhin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Tandaan na kahit alam na alam ng isa o dalawang estudyante ang mga alituntunin, maaaring kailangan pa rin ng iba ng mas maraming oras at pagsasanay. Gawin ang lahat ng makakaya mo upang matulungan ang lahat ng estudyante na magkaroon ng kumpiyansa sa paggamit ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Kasama sa “Mga Ideya sa Pagrerebyu ng mga Alituntunin ng Pagtatamo ng mga Espirituwal na Kaalaman” ang mga mungkahi kung paano rebyuhin ang mga alituntuning ito. Matatagpuan ito sa apendiks ng manwal ng titser sa seminary.
Pagkatapos ay ilalahad sa mga estudyante ang isang sitwasyon na naglalarawan ng isang tanong o sitwasyon kung saan makatutulong ang tamang pag-unawa sa totoong doktrina. Para makatugon sa tanong o sitwasyon, maaaring magsanay ang mga estudyante na gamitin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at ang doktrinang itinuturo sa mga doctrinal mastery passage, iba pang mga banal na kasulatan, o mga turo ng mga lider ng Simbahan na kailan lamang ay pinag-aralan ng mga estudyante.
Ang pagbibigay ng maraming pagkakataon sa mga estudyante na magsanay ay kailangan para sa kanilang tagumpay sa doctrinal mastery. Isipin kung paanong ang isang tao sa defensive martial arts ay nangangailangan ng masusi at ekstensibong pagsasanay upang magkaroon ng muscle memory. Inihahanda sila nito na tumugon sa iba’t ibang uri ng mga pag-atake. Gayundin, kailangan ng mga estudyante ng masusi at ekstensibong pagsasanay sa doctrinal mastery. Kapag regular na nagsasanay ang mga estudyante, ang matatapat na tugon sa mga hamon ay magiging natural at likas.
Para makakita ng halimbawa ng pagsasanay, isiping panoorin ang isa o ang lahat ng sumusunod na video, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org. Habang nanonood ka, alamin kung paano tinutulungan ng titser ang mga estudyante na magsanay sa paggamit ng tatlong alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.
Maaari mong iakma ang mga sitwasyon at ang mga iminungkahing tanong o iba pang mga gawain sa pagkatuto kung kinakailangan upang mas matugunan ang mga pangangailangan ng mga estudyante. Maaari mo ring ibahin ang pagkakasunud-sunod kung paano gagamitin ng mga estudyante ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Tiyakin na ang anumang pag-aakma ay nagbibigay pa rin sa mga estudyante ng mga pagkakataon na magamit ang doktrina at mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa totoong sitwasyon. Kung mag-aakma ng mga sitwasyon, sikaping mapanatili ang pangunahing tanong o alalahaning ipinapakita sa sitwasyon. Ang mga tanong o alalahanin sa pinakamahalagang punto ng bawat sitwasyon ay maingat na pinlano para sa buong apat na taon ng seminary.
Para sa mga ideya kung paano gumawa ng angkop na mga pag-aakma para sa pagsasanay, isiping panoorin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na video na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.
Mga Kasanayan sa Epektibong Pagtuturo ng Doctrinal Mastery
Ang mga sumusunod na training ay nagtuturo ng mga kasanayan na makatutulong sa mga estudyante na magkaroon ng doctrinal mastery. Maaaring epektibo na isama ang mga kasanayang ito nang paunti-unti.
Kasanayan: Ipaliwanag ang dahilan sa paggawa ng aktibidad sa doctrinal mastery.
Ipaliwanag
Ang pagbabahagi o pagpapabahagi sa mga estudyante ng isang dahilan sa paggawa ng aktibidad sa doctrinal mastery ay makahihikayat sa mga estudyante na makibahagi rito. Magbibigay din ito ng pagkakataon sa Espiritu Santo na maituro sa kanila ang kahalagahan ng aktibidad. Matapos mong ibahagi ang gagawin ng klase, ibahagi ang isa o dalawang dahilan kung bakit mo ginagawa ang aktibidad o hilingin sa mga estudyante na ibahagi kung bakit sa palagay nila ay makatutulong ang aktibidad.
Ipakita
“Class, sa susunod na ilang minuto ipapaliwanag natin ang doktrinang natutuhan natin mula sa Lucas 2:10–12, na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Ang isang dahilan kung bakit ginagawa natin ito ay para matulungan tayong kumpiyansang makasagot kapag may isang taong kilala natin na nagtatanong sa atin kung bakit mahalaga si Jesucristo sa atin.”
Para makakita ng halimbawa kung paano ito gawin, panoorin ang isa o mahigit pa sa sumusunod na mga video na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.
Magsanay
Pumili ng isa sa mga sumusunod na pahiwatig at kumpletuhin ang pangungusap.
“Gawin natin ang isang aktibidad na tutulong sa atin na maisaulo ang doctrinal mastery reference kasama ang mahalagang parirala nito. Ang isang dahilan kung bakit isinasaulo natin ito ay …”
“Sa susunod na ilang minuto, rerebyuhin natin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Ang kaalaman sa mga alituntuning ito ay makatutulong sa atin …”
“Magsasanay tayo gamit ang tatlong alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Ang paggamit ng mga alituntuning ito ay …”
Suriin
-
Ano ang natututuhan mo habang nagsasanay kang ipaliwanag ang mga dahilan kung bakit ginagawa ang aktibidad sa doctrinal mastery?
Isama
Habang inihahanda mo ang bawat aktibidad sa doctrinal mastery, isulat ang kahit isang dahilan kung bakit mahalaga ito sa mga estudyante.
Kasanayan: Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.
Ipaliwanag
Kapag regular mong nirerebyu ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa iyong klase, matutulungan ng Espiritu Santo ang mga estudyante na maalala at magamit ang mga alituntunin sa oras ng pangangailangan. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang mga alituntuning ito bago mo ibahagi ang sitwasyon o habang nilulutas nila ang mga sitwasyon. Kabilang sa mga paanyayang ito ang pagkakataon na marebyu ng mga estudyante ang kahit isang alituntunin, mga tagubilin kung gaano katagal nila dapat rebyuhin ang alituntunin, at pagkakataon para maibahagi nila ang natutuhan nila. Sa paggawa nito, mas magagamit ng mga estudyante ang mga alituntunin bilang bahagi ng pagsasanay. Para sa mga ideya kung paano ito gagawin, tingnan sa “Mga Ideya sa Pagrerebyu ng mga Alituntunin ng Pagtatamo ng mga Espirituwal na Kaalaman sa apendiks ng manwal ng titser sa seminary.)
Ipakita
“Ngayon ay rerebyuhin natin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman mula sa Doctrinal Mastery Core Document (2023). Maggrupo-grupo tayo na may tigtatatlong miyembro. Ang bawat estudyante sa grupo ay magrerebyu ng ibang alituntunin.
“Mag-ukol ng tatlo hanggang apat na minuto para magbasa at maghandang ibahagi kasama ng inyong grupo ang isang paraan na matutulungan ng inyong alituntunin ang isang taong nahaharap sa isang mahirap na tanong o sitwasyon.”
Para sa halimbawa ng paraan na matutulungan ang mga estudyante na rebyuhin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman, panoorin ang “Provide students opportunities to review all three principles of acquiring spiritual knowledge [Bigyan ng mga pagkakataon ang mga estudyante na rebyuhin ang tatlong alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman],” na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.
Magsanay
Magsulat ng isa pang plano kung paano mo maaaring anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.
Suriin
-
Ano ang natututuhan mo tungkol sa pag-anyaya sa mga estudyante na rebyuhin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman?
Isama
Habang naghahanda ka sa susunod mong lesson sa Pagsasanay sa Doctrinal Mastery, planuhin kung paano mo aanyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.
Kasanayan: Magbigay ng mga tanong na tutulong sa mga estudyante na ipahayag kung paano makatutulong ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa mga sitwasyon sa totoong buhay.
Ipaliwanag
Matapos rebyuhin ng mga estudyante ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman, ibahagi sa kanila ang sitwasyon at anyayahan silang magtalakayan sa kanilang grupo at kalaunan kasama ng klase kung aling mga alituntunin ang sa palagay nila ay makatutulong sa sitwasyong iyon. Ang paggawa nito ay makatutulong sa mga estudyante na magkaroon ng kumpiyansa na gamitin sa sarili nilang buhay ang mga alituntuning ito.
Ipakita
Matapos rebyuhin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at pagpapabatid ng sitwasyon, maaari kang magtanong ng tulad ng sumusunod:
-
“Aling mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman ang sa palagay ninyo ay makatutulong sa inyo sa sitwasyong ito, at bakit?”
-
“Paano makatutulong sa inyo ang mga alituntuning iyon kapag naharap kayo sa isang tanong na tulad ng nasa sitwasyong ito?”
Para sa halimbawa, panoorin ang isa o ang lahat ng sumusunod na video na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.
Magsanay
Isulat ang ilang tanong na maaari mong itanong na maaaring makatulong sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano makatutulong sa kanila ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa pagtugon sa kanilang kaibigan sa sumusunod na sitwasyon.
Isa sa mga kaibigan mo na hindi relihiyoso ang nakakita kamakailan ng isang magkompanyon na missionary na nakikipag-usap sa ilang tao sa parke. Tinanong ka ng kaibigan mo, “Bakit naglilibot at nangangaral tungkol kay Jesus ang mga missionary mula sa simbahan ninyo? Mukhang gusto ninyong ipilit ang inyong mga paniniwala sa ibang tao. Bakit hindi na lang ninyo sila hayaan kung saan sila masaya?”
Suriin
-
Sa palagay mo, bakit mahalagang sabihin ng mga estudyante kung paano nila magagamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman?
-
Sa palagay mo, paano maaaring makaimpluwensya sa buhay ng mga estudyante ang paggamit ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman?
Isama
-
Ano ang magagawa mo upang matulungan ang mga estudyante na maipahayag kung paano makatutulong sa kanila at sa iba ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman kapag naharap sila sa isang mahirap na tanong o sitwasyon?
Katapusan
Isipin kung paano matutugunan ng iyong mga estudyante ang mga tanong o alalahanin matapos patuloy na magsikap para matamo ang mga resulta ng doctrinal mastery sa seminary. Sa simula, kakailanganin ng mga estudyante ang karagdagang tulong at suporta mula sa iyo bilang titser upang magamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at ang doktrina sa mga sitwasyon sa totoong buhay. Kailangan ng mahabang panahon para maging mahusay ang mga estudyante sa doktrina at maging kumpiyansa sa paggamit ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Gayunpaman, habang patuloy mong binibigyan ang mga estudyante ng regular na mga pagkakataon na magsanay, ito ay magiging isang bagay na magagawa na nila nang natural. Ito ang isang paraan para matulungan mo ang iyong mga estudyante na maitayo nang matatag ang kanilang pundasyon sa bato ni Jesucristo at mapalalim ang kanilang pagbabalik-loob sa Kanya at sa Kanyang doktrina.